Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Job 38-39

Ang Tugon ng Diyos kay Job

38 At mula sa ipu-ipo'y sumagot ang Panginoon kay Job:

“Sino ba itong nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salitang walang kaalaman?
Bigkisan mo tulad sa lalaki ang iyong baywang,
    tatanungin kita at ikaw sa akin ay magsasaysay.

“Nasaan ka nang ilagay ko ang mga pundasyon ng lupa?
    Sabihin mo, kung mayroon kang pang-unawa.
Sinong nagpasiya ng mga sukat niyon—tiyak na alam mo!
    O sinong nag-unat ng panukat sa ibabaw nito?
Sa ano nakabaon ang kanyang mga pundasyon?
    O sinong naglagay ng batong panulok niyon;
nang sama-samang umawit ang mga tala sa umaga,
    at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa?

“O(A) sinong nagsara ng mga pinto sa karagatan,
    nang ito'y magpumiglas mula sa sinapupunan;
nang gawin ko ang mga ulap na bihisan niyon,
    at ang malalim na kadiliman na pinakabalot niyon,
10 at nagtakda para doon ng mga hangganan,
    at naglagay ng mga halang at mga pintuan,
11 at aking sinabi, ‘Hanggang doon ka makakarating, at hindi ka na lalayo,
    at dito'y titigil ang iyong mga along palalo?’

12 “Nautusan mo na ba ang umaga buhat nang magsimula ang iyong mga araw,
    at naipaalam mo ba sa bukang-liwayway ang kanyang kalalagyan;
13 upang mahawakan nito ang mga laylayan ng daigdig,
    at ang masasama mula roon ay maliglig?
14 Parang luwad sa ilalim ng tatak ito'y nababago,
    at ito'y kinukulayan na gaya ng isang baro.
15 Mula sa masama ay pinipigil ang kanilang ilaw,
    at nabalian ang kanilang nakataas na kamay.

16 “Nakapasok ka na ba sa mga bukal ng karagatan?
    O nakalakad ka ba sa mga landas ng kalaliman?
17 Ipinahayag na ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan?
    O nakita mo na ba ang mga pinto ng malalim na kadiliman?
18 Nabatid mo na ba ang kaluwangan ng daigdig?
    Ipahayag mo, kung lahat ng ito'y iyong batid.

19 “Nasaan ang daan patungo sa tahanan ng tanglaw,
    at saan naroon ang dako ng kadiliman,
20 upang ito'y iyong madala sa nasasakupan niyon,
    at upang malaman mo ang mga landas patungo sa bahay niyon?
21 Nalalaman mo, sapagkat noon ikaw ay isinilang,
    at marami ang bilang ng iyong mga araw!

22 “Nakapasok ka na ba sa mga tipunan ng niyebe,
    o nakita mo na ba ang mga imbakan ng yelo,
23 na aking inilalaan sa panahon ng kaguluhan,
    para sa araw ng labanan at ng digmaan?
24 Ano ang daan patungo sa dakong ipinamamahagi ang ilaw?
    O ang lugar na ikinakalat sa ibabaw ng lupa ang hanging silangan?

25 “Sinong humukay ng daluyan para sa mga agos ng ulan,
    at para sa kislap ng kidlat ay gumawa ng daanan,
26 upang magpaulan sa lupang hindi tinatahanan ng tao,
    sa disyerto na kung saan ay walang tao;
27 upang busugin ang giba at sirang lupa,
    at upang sibulan ng damo ang lupa?

28 “Mayroon bang ama ang ulan?
    O sa mga patak ng hamog ay sino ang nagsilang?
29 Sa kaninong bahay-bata ang yelo ay nagmula?
    At sino ang sa namuong hamog sa langit ang nagsilang kaya?
30 Ang tubig ay nagiging sintigas ng bato,
    at ang ibabaw ng kalaliman ay nabubuo.

31 “Ang(B) mga tanikala ng Pleyades ay iyo bang matatalian,
    o ang mga tali ng Orion ay iyo bang makakalagan?
32 Maaakay mo ba ang pangkat ng mga bituin sa kanilang kapanahunan,
    o ang Oso na kasama ng kanyang mga anak ay iyo bang mapapatnubayan?
33 Alam mo ba ang mga tuntunin ng langit?
    Maitatatag mo ba ang kanilang kapangyarihan sa daigdig?

34 “Mailalakas mo ba hanggang sa mga ulap ang iyong tinig,
    upang matakpan ka ng saganang tubig?
35 Makakapagsugo ka ba ng mga kidlat, upang sila'y humayo,
    at magsabi sa iyo, ‘Kami'y naririto’?
36 Sinong naglagay sa mga ulap ng karunungan?
    O sinong nagbigay sa mga ambon ng kaalaman?
37 Sinong makakabilang ng mga ulap sa pamamagitan ng karunungan?
    O sinong makapagtatagilid ng mga sisidlang-tubig ng kalangitan,
38 kapag ang alabok ay nagkakabit-kabit,
    at ang tigkal na lupa ay mabilis na naninikit?

39 “Maihuhuli mo ba ng biktima ang leon?
    O mabubusog mo ba ang panlasa ng mga batang leon,
40 kapag sila'y yumuyuko sa kanilang mga lungga,
    at nagtatago sa guwang upang mag-abang ng masisila?
41 Sinong nagbibigay sa uwak ng kanyang pagkain,
    kapag ang kanyang mga inakay sa Diyos ay dumaraing,
    at nagsisigala dahil sa walang pagkain?

39 “Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing sa kabundukan?
    Ang pagsilang ng mga usa ay iyo bang napagmasdan?
Mabibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang kagampanan,
    o alam mo ba kung kailan ang kanilang pagsisilang,
kapag sila'y yumuko, ang kanilang mga anak ay iniluluwal,
    at ang kanilang sanggol ay isinisilang?
Ang kanilang mga anak ay nagiging malakas, sa kaparangan sila'y lumalaki,
    sila'y humahayo at sa kanila'y hindi na bumabalik muli.

“Sinong nagpakawala sa asnong mabangis?
    Sinong nagkalag ng mga tali ng asnong mabilis?
Na ginawa kong bahay niya ang ilang,
    at ang lupang maasin na kanyang tahanan?
Nililibak nito ang ingay ng bayan,
    ang sigaw ng nagpapatakbo ay di nito napapakinggan.
Nililibot niya ang mga bundok bilang kanyang pastulan,
    at naghahanap siya ng bawat luntiang bagay.

“Payag ba ang torong mailap na ikaw ay paglingkuran?
    Magpapalipas ba siya ng gabi sa iyong sabsaban?
10 Matatalian mo ba siya ng lubid sa tudling,
    ang mga libis sa likuran mo ay kanya bang bubungkalin?
11 Aasa ka ba sa kanya, dahil siya'y lubhang malakas?
    At ang iyong gawain sa kanya ba'y iaatas?
12 May tiwala ka ba sa kanya na siya'y babalik,
    at dadalhin ang mga butil sa iyong lugar ng paggiik?

13 “Ang pakpak ng avestruz ay may pagmamalaking kumakampay,
    ngunit ang mga iyon ba'y mga pakpak at balahibo ng pagmamahal?
14 Sapagkat iniiwan niya sa lupa ang kanyang mga itlog,
    at pinaiinit ang mga iyon sa alabok,
15 na kinalilimutang baka mapisa ang mga iyon ng paa,
    o ang mailap na hayop ay yumurak sa kanila.
16 Malupit siya sa kanyang mga sisiw, na parang sila ay hindi kanya;
    bagaman ang kanyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi siya nangangamba;
17 sapagkat ipinalimot sa kanya ng Diyos ang karunungan,
    at hindi siya binahaginan ng kaunawaan.
18 Kapag siya'y tumatayo upang tumakbo,
    tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.

19 “Binibigyan mo ba ang kabayo ng kanyang kapangyarihan?
    Binibihisan mo ba ang kanyang leeg ng kalakasan?
20 Pinalulukso mo ba siya na parang balang?
    Ang maharlika niyang pagbahin ay kagimbal-gimbal.
21 Siya'y kumakahig sa libis, at nagagalak sa lakas niya,
    siya'y lumalabas upang harapin ang mga sandata.
22 Tinatawanan niya ang pagkatakot at hindi siya nanlulupaypay;
    ang tabak ay hindi niya tinatalikuran.
23 Tumutunog sa kanya ang suksukan ng pana,
    ang makintab na sibat at ang sibat na mahaba.
24 May bangis at galit na sinasakmal niya ang lupa,
    hindi siya makatayong tahimik sa tunog ng trumpeta.
25 Kapag tumutunog ang trumpeta, ay sinasabi niya, ‘Aha!’
    At kanyang naaamoy ang labanan mula sa kalayuan,
    ang ingay ng mga kapitan at ang sigawan.

26 “Lumilipad ba ang uwak sa pamamagitan ng iyong karunungan,
    at ibinubuka ang kanyang mga pakpak sa dakong timugan?
27 Sa pamamagitan ba ng iyong utos pumapailanglang ang agila,
    at siya'y gumagawa sa itaas ng pugad niya?
28 Siya'y naninirahan sa malaking bato, at ginagawa itong tahanan,
    sa tuktok ng burol na batuhan.
29 Mula roo'y nag-aabang siya ng mabibiktima,
    mula sa malayo'y nakikita ito ng kanyang mga mata.
30 Sumisipsip(C) ng dugo ang mumunting mga anak niya;
    at kung saan naroon ang pinatay, ay naroroon siya.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001