Beginning
Awit ni David. Isang Maskil.
32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
na ang kasalanan ay tinakpan.
2 Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.
3 Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
4 Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)
6 Kaya't ang bawat isang banal
ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
siya'y hindi nila aabutan.
7 Ikaw ay aking dakong kublihan;
iniingatan mo ako sa kaguluhan;
pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
9 Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.
10 Marami ang paghihirap ng masasama;
ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!
Awit ng Papuri.
33 Magalak kayo sa Panginoon, O kayong matutuwid.
Ang pagpupuri ay nababagay sa matuwid.
2 Purihin ninyo ang Panginoon sa pamamagitan ng lira,
gumawa kayo ng himig sa kanya sa may sampung kuwerdas na alpa!
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit;
tumugtog na may kahusayan sa mga kuwerdas, na may sigaw na malalakas.
4 Sapagkat ang salita ng Panginoon ay makatuwiran,
at lahat niyang mga gawa ay ginawa sa katapatan.
5 Ang katuwiran at katarungan ay kanyang iniibig,
punô ng tapat na pag-ibig ng Panginoon ang daigdig.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay ginawa ang mga langit;
at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig.
7 Kanyang tinipon ang mga tubig ng dagat na gaya sa isang bunton;
inilagay niya ang mga kalaliman sa mga imbakan.
8 Matakot nawa sa Panginoon ang sandaigdigan,
magsitayo nawang may paggalang sa kanya ang lahat ng naninirahan sa sanlibutan!
9 Sapagkat siya'y nagsalita at iyon ay naganap,
siya'y nag-utos, at iyon ay tumayong matatag.
10 Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa;
kanyang binibigo ang mga panukala ng mga bayan.
11 Ang payo ng Panginoon kailanman ay nananatili,
ang mga iniisip ng kanyang puso sa lahat ng salinlahi.
12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!
13 Mula sa langit ang Panginoon ay nakatanaw,
lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan.
14 Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya
sa lahat ng naninirahan sa lupa,
15 siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis,
at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid.
16 Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal;
ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas.
17 Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay,
at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas.
18 Tunay na ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa kanya,
sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya,
19 upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan,
at sa taggutom ay panatilihin silang buháy.
20 Naghihintay sa Panginoon ang aming kaluluwa;
siya ang aming saklolo at panangga.
21 Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya,
sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya.
22 Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon,
kung paanong kami ay umaasa sa iyo.
Awit(B) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
2 Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
3 O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!
4 Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
5 Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
6 Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
8 O(C) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
9 O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.
11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(D) tao ang nagnanasa ng buhay,
at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.
19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(E) nitong mga buto ay iniingatan niya,
sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.
Panalangin para sa Saklolo
35 Makipagtunggali ka, O Panginoon, sa kanila na nakikipagtunggali sa akin;
lumaban ka sa kanila na lumalaban sa akin.
2 Humawak ka ng kalasag at ng panangga,
at sa pagtulong sa akin ay tumindig ka!
3 Ihagis mo ang sibat at diyabelin
laban sa mga nagsisihabol sa akin!
Sabihin mo sa aking kaluluwa,
“Ako'y iyong kaligtasan!”
4 Mapahiya nawa at mawalan ng dangal
sila na umuusig sa aking buhay!
Nawa'y mapaurong at malito sila
na laban sa akin at nagbabalak ng masama!
5 Maging gaya nawa sila ng ipa sa harapan ng hangin,
na ang anghel ng Panginoon ang nagtataboy sa kanila!
6 Nawa'y maging madilim at madulas ang daan nila,
na ang anghel ng Panginoon ang humahabol sa kanila!
7 Sapagkat walang kadahilanang ikinubli nila ang kanilang bitag na sa akin ay laan,
walang kadahilanang naghukay sila para sa aking buhay.
8 Dumating nawa sa kanila nang di namamalayan ang kapahamakan!
At ang patibong na ikinubli nila ang sa kanila'y bumitag;
mahulog nawa sila doon upang mapahamak!
9 Kung gayo'y sa Panginoon magagalak ang aking kaluluwa,
na sa kanyang pagliligtas ay nagpapasaya.
10 Lahat ng aking mga buto ay magsasabi,
“ Panginoon, sino ang iyong kagaya?
Ikaw na nagliligtas ng mahina
mula sa kanya na totoong malakas kaysa kanya,
ang mahina at nangangailangan mula sa nanamsam sa kanya?
11 Mga saksing may masamang hangarin ay nagtatayuan;
tinatanong nila ako ng mga bagay na di ko nalalaman.
12 Sa aking kabutihan, iginanti ay kasamaan,
ang aking kaluluwa ay namamanglaw.
13 Ngunit ako, nang sila'y may sakit,
ay nagsuot ako ng damit-sako;
dinalamhati ko ang aking sarili ng pag-aayuno,
Sa dibdib ko'y nanalanging nakayuko ang ulo,
14 ako'y lumakad na tila baga iyon ay aking kaibigan o kapatid,
ako'y humayong gaya ng tumatangis sa kanyang ina
na nakayukong nagluluksa.
15 Ngunit sa aking pagkatisod, sila'y nagtipon na natutuwa,
sila'y nagtipun-tipon laban sa akin,
mga mambubugbog na hindi ko kilala
ang walang hintong nanlait sa akin.
16 Gaya ng mga walang diyos na nanunuya sa pista,
kanilang pinagngangalit sa akin ang mga ngipin nila.
17 Hanggang kailan ka titingin, O Panginoon?
Iligtas mo ang aking kaluluwa sa kanilang mga pagpinsala,
ang aking buhay mula sa mga leon!
18 At ako'y magpapasalamat sa iyo sa dakilang kapulungan;
sa gitna ng napakaraming tao kita'y papupurihan.
19 Huwag(F) nawang magalak sa akin yaong sinungaling kong mga kaaway;
at huwag nawang ikindat ang mata ng mga napopoot sa akin nang walang kadahilanan.
20 Sapagkat sila'y hindi nagsasalita ng kapayapaan,
kundi laban doon sa mga tahimik sa lupain
ay kumakatha sila ng mga salita ng kabulaanan.
21 Kanilang ibinubuka nang maluwang ang bibig nila laban sa akin;
kanilang sinasabi: “Aha, aha,
nakita iyon ng mga mata namin!”
22 Iyong nakita ito, O Panginoon; huwag kang tumahimik,
O Panginoon, huwag kang lumayo sa akin!
23 Kumilos ka, at gumising ka para sa aking karapatan,
Diyos ko at Panginoon ko, para sa aking ipinaglalaban!
24 Ipagtanggol mo ako, O Panginoon, aking Diyos,
ayon sa iyong katuwiran;
at dahil sa akin huwag mo silang hayaang magkatuwaan!
25 Huwag mo silang hayaang magsabi sa sarili nila,
“Aha, iyan ang aming kagustuhan!”
Huwag silang hayaang magsabi, “Aming nalulon na siya.”
26 Mapahiya nawa sila at malitong magkakasama
silang nagagalak sa aking kapahamakan!
Madamitan nawa sila ng kahihiyan at kawalang-dangal
silang laban sa akin ay nagyayabang!
27 Silang nagnanais na ako'y mapawalang-sala
ay sumigaw sa kagalakan at magsaya,
at sa tuwina'y sabihin,
“Dakila ang Panginoon,
na nalulugod sa kapakanan ng kanyang lingkod!”
28 Kung gayo'y isasaysay ng aking dila ang iyong katuwiran
at ang iyong kapurihan sa buong araw.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001