Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 46-50

Ang Diyos ay Kasama Natin

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.

46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
    isang handang saklolo sa kabagabagan.
Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
    bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
    bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)

May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
    ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
    tutulungan siyang maaga ng Diyos.
Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
    binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
    kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
    kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
    kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
    Ako'y mamumuno sa mga bansa,
    ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Kataas-taasang Pinuno

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

47 Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan!
    Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan!
Sapagkat ang Panginoon, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot;
    isang dakilang hari sa buong lupa.
Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya,
    at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
Kanyang pinili ang pamanang para sa atin,
    ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah)

Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw,
    ang Panginoon na may tunog ng trumpeta.
Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
    Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri!
Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa;
    magsiawit kayo ng mga papuri na may awit!

Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa;
    ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono.
Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon
    bilang bayan ng Diyos ni Abraham;
sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos;
    siya'y napakadakila.

Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.

48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
    sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
    ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
    ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.

Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
    sila'y dumating na magkakasama.
Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
    sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
Sila'y nanginig,
    nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
Sa pamamagitan ng hanging silangan
    ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
    sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
    na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)

Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
    sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
    ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11     Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
    dahil sa iyong mga paghatol!

12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
    inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
    inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14     na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
    Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

49 Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan!
    Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig,
maging mababa at mataas,
    mayaman at dukha na magkakasama!
Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan;
    ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa.
Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan,
    ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan.

Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan,
    kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan,
mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan,
    at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan?
Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid,
    ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay.
Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal,
    at dapat siyang huminto magpakailanman,
na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman,
    na siya'y huwag makakita ng kabulukan.

10 Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay,
    ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay
    at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan.
11 Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman,
    kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi;
    tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan.
12 Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan,
    siya'y gaya ng mga hayop na namamatay.

13 Ito ang daan noong mga hangal,
    at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah)

14 Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga,
    ang kamatayan ay magiging pastol nila,
at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw,
    at ang kanilang anyo ay maaagnas;
    ang Sheol ang kanilang magiging tahanan.
15 Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol,
    sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah)

16 Huwag kang matakot kapag may yumaman,
    kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago.
17 Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala,
    ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya.
18 Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili,
    at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili,
19 siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang;
    na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman.
20 Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa,
    ay gaya ng mga hayop na namamatay.

Ang Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
    ay nagsalita at tinatawag ang lupa
    mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
    nagliliwanag ang Diyos.

Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
    nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
    at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
    at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
“Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
    yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
    sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)

“Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
    O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
    Ako'y Diyos, Diyos mo.
Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
    laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
    ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
    ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
    at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.

12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
    sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
    o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
    at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
    ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”

16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
    “Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
    o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
    at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
    at sumasama ka sa mga mangangalunya.

19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
    at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
    iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
    iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.

22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
    baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
    sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
    ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001