Beginning
Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama
21 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
at ito'y maging kaaliwan ninyo.
3 Pagtiisan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita,
at pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay saka kayo manuya.
4 Sa ganang akin, ang sumbong ko ba ay laban sa tao?
Bakit hindi ako dapat mainip?
5 Tingnan ninyo ako, at manghilakbot kayo,
at ilagay ninyo ang inyong kamay sa bibig ninyo.
6 Kapag ito'y aking naaalala ay nanlulumo ako,
at nanginginig ang laman ko.
7 Bakit nabubuhay ang masama,
tumatanda, at nagiging malakas sa kapangyarihan?
8 Ang kanilang mga anak ay matatag sa kanilang paningin,
at nasa harapan ng kanilang mga mata ang kanilang supling.
9 Ligtas sa takot ang mga bahay nila,
ang pamalo ng Diyos ay wala sa kanila.
10 Ang kanilang baka ay naglilihi nang walang humpay,
ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kanyang guya.
11 Kanilang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan,
at ang kanilang mga anak ay nagsasayawan.
12 Sila'y nag-aawitan sa saliw ng tamburin at lira,
at nagkakatuwaan sa tunog ng plauta.
13 Ang kanilang mga araw sa kaginhawahan ay ginugugol,
at sila'y payapang bumababa sa Sheol.
14 At sinasabi nila sa Diyos, ‘Lumayo ka sa amin!
Hindi namin ninanasa na ang inyong mga lakad ay aming alamin.
15 Ano ang Makapangyarihan sa lahat, upang siya'y paglingkuran namin?
At anong pakinabang ang makukuha namin, kung kami sa kanya ay manalangin?’
16 Narito, hindi ba ang kanilang kaginhawahan ay nasa kanilang kamay?
Ang payo ng masama ay malayo sa akin.
17 “Gaano kadalas pinapatay ang ilaw ng masama?
Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating sa kanila?
Na ipinamamahagi ng Diyos ang sakit sa kanyang galit?
18 Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin,
at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?
19 Inyong sinasabi, ‘Iniipon ng Diyos ang kanilang kasamaan para sa kanyang mga anak.’
Iganti nawa niya sa kanilang sarili, upang ito'y malaman nila.
20 Makita nawa ng kanilang mga mata ang kanilang pagkagiba,
at painumin nawa sila ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.
21 Sapagkat anong pinapahalagahan nila para sa kanilang bahay pagkamatay nila,
kapag ang bilang ng kanilang mga buwan ay natapos na?
22 May makakapagturo ba sa Diyos ng kaalaman?
Gayong ang nasa itaas ay kanyang hinahatulan?
23 Ang isa'y namamatay sa kanyang lubos na kasaganaan,
ganap na matatag at may katiwasayan.
24 Ang kanyang katawan ay punô ng taba,
at ang utak ng kanyang mga buto ay basa.
25 At ang isa pa'y namatay sa paghihirap ng kaluluwa,
at kailanman ay hindi nakatikim ng mabuti.
26 Sila'y nakahigang magkasama sa alabok,
at tinatakpan sila ng uod.
27 “Tingnan mo, aking nalalaman ang inyong haka,
at ang inyong mga balak na gawan ako ng masama.
28 Sapagkat inyong sinasabi, ‘Saan naroon ang bahay ng pinuno?
At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?’
29 Sa mga naglalakbay sa lansangan ay di ba itinanong ninyo?
At hindi ba ninyo tinatanggap ang kanilang mga patotoo?
30 Na ang masamang tao ay kaaawaan sa araw ng kapahamakan?
Na siya'y ililigtas sa araw ng kapootan?
31 Sinong magpapahayag ng kanyang lakad sa kanyang mukha?
At sinong maniningil sa kanya sa kanyang ginawa?
32 Kapag siya'y dinala sa libingan,
ay binabantayan ang kanyang himlayan.
33 Ang mga kimpal ng lupa ng libis ay mabuti sa kanya;
lahat ng tao ay susunod sa kanya,
at hindi mabilang ang mga nauna sa kanya.
34 Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan?
Walang naiiwan sa inyong mga sagot kundi kabulaanan.”
Ang Paratang ni Elifaz kay Job
22 Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,
2 “Mapapakinabangan(A) ba ng Diyos ang isang tao?
Tunay na kapaki-pakinabang sa kanyang sarili ang matalino.
3 May kasiyahan ba sa Makapangyarihan sa lahat kung matuwid ka?
O kapag pinasasakdal mo ang iyong mga lakad ay may pakinabang ba siya?
4 Dahil ba sa iyong takot sa kanya na ikaw ay sinasaway niya,
at pumapasok siya sa paghuhukom na kasama ka?
5 Hindi ba malaki ang iyong kasamaan?
Mga kasamaan mo'y walang hangganan.
6 Sapagkat kumuha ka ng sangla sa iyong kapatid kapalit ng wala,
ang hubad ay hinubaran mo ng kasuotan nila.
7 Hindi ka nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom,
at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom.
8 Ang makapangyarihang tao ang nagmay-ari ng lupa;
at tumahan doon ang taong pinagpala.
9 Ang mga babaing balo ay pinaalis mong walang dala,
at nadurog ang mga kamay ng mga ulila.
10 Kaya't ang mga silo ay nasa palibot mo,
at biglang takot ang sumasaklot sa iyo,
11 dumilim ang iyong ilaw, anupa't hindi ka makakita,
at tinatabunan ka ng tubig-baha.
12 “Hindi ba ang Diyos ay nasa itaas ng kalangitan?
Masdan mo ang pinakamataas na mga bituin, sila'y napakaringal!
13 At iyong sinasabi, ‘Ano bang nalalaman ng Diyos?
Makakahatol ba siya sa kadilimang lubos?
14 Makakapal na ulap ang bumabalot sa kanya, kaya't hindi siya nakakakita;
sa balantok ng langit ay lumalakad siya!’
15 Mananatili ka ba sa dating daan,
na ang masasamang tao'y ito ang nilakaran?
16 Sila'y inagaw bago dumating ang kapanahunan nila;
ang kanilang patibayan ay nadala ng baha.
17 Sinabi nila sa Diyos, ‘Lumayo ka sa amin;’
at, ‘Anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?’
18 Gayunma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mabubuting bagay—
ngunit ang payo ng masama ay malayo sa akin.
19 Nakikita ito ng matutuwid at sila'y natutuwa;
at tinatawanan sila ng walang sala na may pangungutya,
20 na nagsasabi, ‘Tiyak na malilipol ang ating mga kalaban,
at tinupok ng apoy ang sa kanila'y naiwan.’
21 “Sumang-ayon ka sa Diyos, at ikaw ay mapapayapa;
at ang mabuti ay darating sa iyo.
22 Iyong tanggapin ang turo mula sa kanyang bibig,
at ilagak mo ang kanyang mga salita sa iyong puso.
23 Kapag ikaw ay manunumbalik sa Makapangyarihan sa lahat, at magpapakumbaba ka,
kung iyong ilalayo ang kasamaan mula sa iyong mga tolda,
24 kapag inilagay mo ang ginto sa alabok,
at ang ginto ng Ofir sa gitna ng mga bato ng mga batis,
25 at kung ang iyong ginto ay ang Makapangyarihan sa lahat,
at siyang iyong mahalagang pilak,
26 kung gayo'y magagalak ka sa Makapangyarihan sa lahat,
at ang iyong mukha sa Diyos ay iyong itataas.
27 Ikaw ay dadalangin sa kanya, at kanyang diringgin ka;
at iyong tutuparin ang iyong mga panata.
28 Ikaw ay magpapasiya ng isang bagay, at iyon ay matatatag para sa iyo;
at ang liwanag ay sisilang sa iyong mga daan.
29 Sapagkat ibinababa ng Diyos ang mapagmataas,[a]
ngunit ang mapagpakumbaba ay kanyang inililigtas.
30 Kanyang ililigtas ang taong walang kasalanan;
maliligtas ka sa pamamagitan ng kalinisan ng iyong mga kamay.”
Nais ni Job na Iharap sa Diyos ang Kanyang Kalagayan
23 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Ang aking sumbong ngayo'y mapait[b] din,
ang kamay niya'y mabigat sa kabila ng aking pagdaing.
3 O kung alam ko lamang kung saan ko siya matatagpuan,
upang ako'y makalapit maging sa kanyang upuan!
4 Ilalagay ko ang aking usapin sa kanyang harapan,
at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran.
5 Malalaman ko kung ano ang kanyang isasagot sa akin,
at mauunawaan ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin.
6 Makikipagtalo ba siya sa akin sa laki ng kanyang kapangyarihan?
Hindi; kundi ako'y kanyang papakinggan.
7 Makakapangatuwiran sa kanya ang matuwid doon;
at ako'y pawawalang-sala magpakailanman ng aking hukom.
8 “Ako'y lumalakad pasulong ngunit wala siya roon;
at pabalik, ngunit hindi ko siya maunawaan;
9 sa kaliwa ay hinahanap ko siya, ngunit hindi ko siya namataan,
bumaling ako sa kanan, ngunit hindi ko siya mamasdan.
10 Ngunit nalalaman niya ang daang nilalakaran ko;
kapag ako'y kanyang nasubok, ay lalabas akong parang ginto.
11 Lubos na sumunod sa kanyang mga hakbang ang mga paa ko,
ang kanyang landas ay aking iningatan, at hindi ako lumiko.
12 Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kanyang mga labi;
pinagyaman ko ang mga salita ng kanyang bibig sa aking dibdib.
13 Ngunit siya'y hindi nagbabago, at sinong makakahimok sa kanya?
Kung ano ang kanyang ninanasa, iyon ang kanyang ginagawa.
14 Sapagkat kanyang lulubusin ang itinakda niya para sa akin;
at maraming gayong mga bagay ang nasa kanyang isipan.
15 Kaya't sa kanyang harapan ako'y nanghihilakbot;
kapag aking binubulay, sa kanya ako'y natatakot.
16 Pinapanlupaypay ng Diyos ang aking puso,
tinakot ako ng Makapangyarihan sa lahat;
17 gayunma'y hindi ako inihiwalay sa kadiliman,
at takpan ng makapal na kadiliman ang mukha ko!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001