Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 74-77

Maskil ni Asaf.

74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
    Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
    na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
    At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
    winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!

Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
    itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
    sa kagubatan ng mga punungkahoy.
At lahat ng mga kahoy na nililok
    ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
    hanggang sa lupa,
    nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
    kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
    wala nang propeta pa;
    at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
    Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
    Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!

12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
    na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
    binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
    ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
    iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
    iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
    iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.

18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
    at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
    huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
    sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
    purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
    alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
    ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Puksain. Salmo ni Asaf. Isang Awit.

75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos;
    kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan.
Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan.

At sa aking piniling takdang panahon,
    may katarungan akong hahatol.
Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito,
    ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah)
Aking sinabi sa hambog, “Huwag kang magyabang,”
    at sa masama, “Huwag mong itaas ang iyong sungay;
huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas,
    huwag kang magsalita nang may matigas na ulo.”

Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran,
    ni mula man sa ilang ang pagkataas;
kundi ang Diyos ang hukom,
    ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman.
Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang kopa,
    may alak na bumubula, hinalong totoo;
at kanyang ibubuhos ang laman nito,
    tunay na ang masasama sa lupa
    ay ibubuhos at iinumin ang latak nito.
Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman,
    ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin,
    ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas.

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Salmo ni Asaf. Isang Awit.

76 Sa Juda ang Diyos ay kilala,
    ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila.
Natatag sa Salem ang kanyang tahanan,
    sa Zion ang kanyang dakong tirahan.
Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso,
    ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah)

Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal,
    kaysa mga bundok na walang hanggan.
Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam,
    sila'y lumubog sa pagkakatulog,
at wala sa mga mandirigma
    ang makagamit ng kanilang mga kamay.
Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob,
    ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.

Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot!
    Sinong makakatayo sa iyong harapan,
    kapag minsang ang galit ay napukaw?
Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig,
    ang lupa ay natakot, at tumahimik,
nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol,
    upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah)

10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao;
    ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 Mamanata ka sa Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon,
    magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot,
    sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot,
12 siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno,
    na kinatatakutan ng mga hari sa mundo.

Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Salmo ni Asaf.

77 Ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
    at ako'y dadaing ng malakas;
ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
    at papakinggan niya ako.
Hinahanap ko ang Panginoon sa araw ng aking kaguluhan;
    sa gabi'y nakaunat ang aking kamay, at hindi nangangalay;
    ang kaluluwa ko'y tumatangging mabigyang kaaliwan.
Naaalala ko ang Diyos, at ako'y nababalisa;
    nang ako'y nagdaramdam, ang diwa ko'y nanlulupaypay. (Selah)

Pinigilan mong magsara ang talukap ng aking mga mata,
    ako'y totoong naguguluhan at hindi ako makapagsalita.
Ginugunita ko ang mga unang araw,
    ang mga taóng nagdaan.
Sa gabi'y nakikipag-usap ako sa aking puso;
    ako'y magbubulay-bulay sa aking puso at ang aking diwa ay magsisiyasat.
“Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailanman?
    At hindi na ba muling masisiyahan?
Ang kanya bang tapat na pag-ibig ay huminto na magpakailanman?
    Ang kanya bang mga pangako sa lahat ng panahon ay nawakasan?
Nakalimot na ba ang Diyos na maging mapagbiyaya?
    Sa kanya bang galit ay isinara niya ang kanyang awa? (Selah)
10 At aking sinabi, “Ipinaghihinagpis ko
    na ang kanang kamay ng Kataas-taasan ay nagbago.”

11 Aking gugunitain ang mga gawa ng Panginoon;
    oo, aking aalalahanin ang mga kahanga-hangang gawa mo noong unang panahon.
12 Ako'y magbubulay-bulay sa lahat mong mga gawa,
    at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.
13 Ang iyong daan, O Diyos, ay banal.
    Sinong diyos ang dakila na gaya ng aming Diyos?
14 Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan,
    na nagpahayag ng iyong kalakasan sa gitna ng mga bayan.
15 Tinubos mo ng iyong kamay ang iyong bayan,
    ang mga anak ni Jacob at ni Jose. (Selah)

16 Nang makita ka ng tubig, O Diyos;
    nang makita ka ng tubig, sila'y natakot:
    oo, ang kalaliman ay nanginig.
17 Ang alapaap ay nagbuhos ng tubig;
    nagpakulog ang himpapawid,
    ang mga palaso mo ay humagibis sa bawat panig.
18 Ang tunog ng iyong kulog ay nasa ipu-ipo;
    pinagliwanag ng mga kidlat ang daigdig;
    ang lupa ay nanginig at nayanig.
19 Ang daan mo'y nasa dagat,
    ang landas mo'y nasa malalaking tubig;
    gayunman ang bakas mo'y hindi nakita.
20 Iyong pinatnubayan ang iyong bayan na parang kawan
    sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001