Beginning
IKAAPAT NA AKLAT
Panalangin ni Moises, ang tao ng Diyos.
90 Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako
sa lahat ng salinlahi.
2 Bago nilikha ang mga bundok,
o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan,
ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.
3 Iyong ibinabalik ang tao sa alabok,
at iyong sinasabi, “Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!”
4 Sapagkat(A) ang isang libong taon sa iyong paningin,
ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas,
o gaya ng isang gabing pagbabantay.
5 Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog,
kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
6 sa umaga ito'y nananariwa at lumalago,
sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.
7 Sapagkat ang iyong galit ang sa amin ay tumupok,
at sa pamamagitan ng iyong galit kami ay nabagabag.
8 Inilagay mo ang aming kasamaan sa iyong harapan,
sa liwanag ng iyong mukha ang lihim naming kasalanan.
9 Sapagkat sa ilalim ng iyong poot, lahat ng aming araw ay lumilipas,
na gaya ng buntong-hininga, ang aming mga taon ay nagwawakas.
10 Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon,
o kung malakas kami ay walumpung taon,
ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang,
ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala.
11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng galit mo,
at ng iyong galit ayon sa pagkatakot na marapat sa iyo?
12 Kaya't turuan mo kami na bilangin ang aming mga araw,
upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan.
13 Manumbalik ka, O Panginoon! Hanggang kailan pa?
Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka!
14 Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal,
upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw.
15 Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin,
at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin.
16 Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod,
at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos,
at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay;
oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay.
Ang Diyos ang Ating Tagapag-ingat
91 Siyang naninirahan sa tirahan ng Kataas-taasan,
ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan,
2 sasabihin ko sa Panginoon, “Aking muog at aking kanlungan,
aking Diyos na siya kong pinagtitiwalaan.”
3 Sapagkat ililigtas ka niya sa bitag ng maninilo,
at sa nakakamatay na salot.
4 Kanyang tatakpan ka ng mga bagwis niya,
at sa ilalim ng kanyang mga pakpak ay manganganlong ka;
ang kanyang katapatan ay baluti at panangga.
5 Ang mga nakakakilabot sa gabi ay di mo katatakutan,
ni ang pana na nagliliparan kapag araw;
6 ni ang salot na lihim na bumubuntot sa kadiliman,
ni ang pagkawasak na sumisira sa katanghalian.
7 Mabubuwal sa iyong tabi ang isang libo,
sa iyong kanan ay sampung libo,
ngunit ito'y hindi lalapit sa iyo.
8 Mamamasdan mo lamang sa pamamagitan ng iyong mga mata,
at iyong makikita ang parusa sa masama.
9 Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay aking kanlungan!
Ang Kataas-taasan bilang iyong tahanan;
10 walang kasamaang darating sa iyo,
walang parusang lalapit sa tolda mo.
11 Sapagkat(B) siya'y magbibilin sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,
upang sa lahat ng iyong mga lakad ay ingatan ka.
12 Sa(C) kanilang mga kamay ay dadalhin ka nila,
baka sa isang bato'y matisod ang iyong paa.
13 Iyong(D) tatapakan ang leon at ang ulupong,
tatapakan mo ng iyong paa ang ahas at batang leon.
14 Sapagkat siya'y kumapit sa akin na may pag-ibig, ililigtas ko siya,
iingatan ko siya sapagkat ang aking pangalan ay nalalaman niya.
15 Siya'y tatawag sa akin at sasagutin ko siya;
ako'y magiging kasama niya sa kabalisahan,
sasagipin ko siya at pararangalan ko siya.
16 Aking bubusugin siya ng mahabang buhay,
at ipapakita sa kanya ang aking pagliligtas.
Isang Awit para sa Sabbath.
92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
2 ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
at sa gabi ng katapatan mo,
3 sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
at sa matunog na himig ng lira.
4 Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.
5 Kay dakila ng iyong mga gawa, O Panginoon!
Ang iyong kaisipan ay napakalalim!
6 Ang taong mapurol ay hindi makakaalam;
hindi ito mauunawaan ng hangal:
7 bagaman parang damo na ang masama ay lumilitaw,
at umuunlad ang mga gumagawa ng kasamaan,
sila'y nakatalaga sa pagkawasak magpakailanman,
8 ngunit ikaw, O Panginoon, ay mataas magpakailanman.
9 Sapagkat, O Panginoon, ang mga kaaway mo,
sapagkat malilipol ang mga kaaway mo;
lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mangangalat.
10 Ngunit itinaas mo ang sungay ko, na gaya ng sa mailap na toro,
ng sariwang langis ako'y binuhusan mo.
11 Nakita ng aking mata ang pagbagsak ng aking mga kaaway,
narinig ng aking mga tainga ang kapahamakan ng tumitindig laban sa akin.
12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.
Ang Diyos na Hari
93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
2 Ang trono mo'y natatag noong una;
ikaw ay mula sa walang pasimula.
3 Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
4 Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!
5 Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
O Panginoon, magpakailanman.
Ang Diyos na Hukom ng Lahat
94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
2 Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
3 O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
hanggang kailan magsasaya ang masama?
4 Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
5 O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
at ang iyong mana ay sinaktan.
6 Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
ang ulila ay kanilang pinatay.
7 At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
9 Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(E) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.
16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.
95 O halikayo, tayo'y umawit sa Panginoon;
tayo'y sumigaw na may kagalakan sa malaking bato ng ating kaligtasan!
2 Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat;
tayo'y sumigaw na may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri!
3 Sapagkat ang Panginoon ay dakilang Diyos,
at dakilang Hari sa lahat ng mga diyos.
4 Nasa kanyang kamay ang mga kalaliman ng lupa,
ang mga kataasan ng mga bundok ay kanya rin.
5 Ang dagat ay kanya, sapagkat ito'y kanyang ginawa,
ang kanyang mga kamay ang lumikha ng tuyong lupa.
6 O parito kayo, tayo'y sumamba at yumukod;
tayo'y lumuhod sa harapan ng Panginoon, ang ating Manlilikha!
7 Sapagkat(F)(G) siya'y ating Diyos,
at tayo'y bayan ng kanyang pastulan,
at mga tupa ng kanyang kamay.
Ngayon kung inyong papakinggan ang kanyang tinig,
8 huwag(H) ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba,
gaya ng araw sa ilang sa Massah,
9 nang tuksuhin ako ng mga magulang ninyo,
at ako'y subukin, bagaman nakita na nila ang gawa ko.
10 Apatnapung taong kinamuhian ko ang lahing iyon,
at aking sinabi, “Bayan na nagkakamali sa kanilang puso,
at hindi nila nalalaman ang aking mga daan.”
11 Kaya't(I) sa aking galit ako ay sumumpa,
na “Sila'y hindi dapat pumasok sa aking kapahingahan.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001