Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 5-8

Ang Awit tungkol sa Ubasan

Paawitin(A) ninyo ako sa aking pinakamamahal,
    ng awit ng aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan:
Ang aking pinakamamahal ay may ubasan
    sa matabang burol.
Kanyang binungkal iyon at inalisan ng mga bato,
    at tinamnan ng piling puno ng ubas,
nagtayo siya ng isang toreng bantayan sa gitna niyon,
    at humukay doon ng isang pisaan ng ubas;
at kanyang hinintay na magbunga ng ubas,
    ngunit nagbunga ito ng ligaw na ubas.

At ngayon, O mga mamamayan ng Jerusalem
    at mga kalalakihan ng Juda,
hatulan ninyo, hinihiling ko sa inyo,
    ako at ang aking ubasan.
Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan
    na hindi ko nagawa? Sino ang nakakaalam?
Bakit, nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas,
    ito'y nagbunga ng ubas na ligaw?

Ngayo'y aking sasabihin sa inyo
    ang gagawin ko sa aking ubasan.
Aking aalisin ang halamang-bakod niyon,
    at ito ay susunugin,
aking ibabagsak ang pader niyon
    at ito'y magiging lupang yapakan.
Aking pababayaang sira;
    hindi aalisan ng sanga o bubungkalin man;
    magsisitubo ang mga dawag at mga tinik;
akin ding iuutos sa mga ulap,
    na huwag nila itong paulanan ng ulan.

Sapagkat ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo
    ay ang sambahayan ng Israel,
at ang mga tao ng Juda
    ay ang kanyang maligayang pananim;
at siya'y naghintay ng katarungan,
    ngunit narito, pagdanak ng dugo;
ng katuwiran,
    ngunit narito, pagdaing!

Ang Kasamaan ng Tao

Kahabag-habag sila na nagdudugtong ng bahay sa bahay,
    na nagdaragdag ng bukid sa bukid
hanggang sa mawalan na ng pagitan,
    at kayo'y patirahing nag-iisa
    sa gitna ng lupain!
Sa aking pandinig ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa:
“Tiyak na maraming bahay ang magigiba,
    malalaki at magagandang bahay, na walang naninirahan.
10 Sapagkat ang walong ektarya[a] ng ubasan ay magbubunga lamang ng limang galon,[b]
    at sampung omer[c] ng binhi ay magbubunga lamang ng isang efa.”[d]

11 Kahabag-habag sila na bumabangong maaga sa umaga,
    upang sila'y makasunod sa nakalalasing na inumin;
na nagpupuyat hanggang sa kalaliman ng gabi,
    hanggang sa mag-alab ang alak sa kanila!
12 Sila'y may lira at alpa,
    pandereta at plauta, at alak sa kanilang mga kapistahan;
ngunit hindi nila pinahalagahan ang mga gawa ng Panginoon,
    o minasdan man nila ang gawa ng kanyang mga kamay.
13 Kaya't ang aking bayan ay pupunta sa pagkabihag dahil sa kawalan ng kaalaman;
ang kanilang mararangal na tao ay namamatay sa gutom,
    at ang napakarami nilang tao ay nalulugmok sa uhaw.

14 Kaya't pinalaki ng Sheol ang kanyang panlasa,
    at ibinuka nito ang kanyang bibig na hindi masukat,
at ang kaluwalhatian ng Jerusalem,[e] at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan,
    at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon.
15 Ang tao ay pinayuyukod, at ang tao ay pinapagpapakumbaba,
    at ang mga mata ng nagmamataas ay pinapagpapakumbaba.
16 Ngunit ang Panginoon ng mga hukbo ay itinaas sa katarungan,
    at ang Diyos na Banal ay napatunayang banal sa katuwiran.
17 Kung magkagayo'y manginginain ang mga kordero na gaya sa kanilang pastulan,
    at ang mga patabain sa mga wasak na lugar ay kakainin ng mga dayuhan.

18 Kahabag-habag sila na nagsisihila ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng pagkukunwari,
    at ng kasalanan na tila lubid ng kariton,
19 na nagsasabi, “Pagmadaliin siya,
    madaliin niya ang kanyang gawain
    upang iyon ay aming makita;
at dumating nawa ang layunin ng Banal ng Israel
    upang iyon ay aming malaman!”
20 Kahabag-habag sila na tinatawag na mabuti ang masama,
    at ang masama ay mabuti;
na inaaring dilim ang liwanag,
    at liwanag ang dilim;
na inaaring mapait ang matamis,
    at matamis ang mapait!
21 Kahabag-habag sila na pantas sa kanilang sariling mga mata,
    at marunong sa kanilang sariling paningin!
22 Kahabag-habag sila na mga malakas sa pag-inom ng alak,
    at mga taong matatapang sa paghahalo ng matapang na inumin,
23 na pinawawalang-sala ang masama dahil sa suhol,
    at ang katuwiran ng matuwid ay inaalis sa kanya!

24 Kaya't kung paanong ang dila ng apoy ay tumutupok sa dayami,
    at ang tuyong damo ay natutupok sa liyab,
magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat,
    at ang kanilang bulaklak ay papailanglang na gaya ng alabok;
sapagkat kanilang itinakuwil ang tagubilin ng Panginoon ng mga hukbo,
    at hinamak ang salita ng Banal ng Israel.

25 Kaya't nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
    at iniunat niya ang kanyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila,
    at ang mga bundok ay nayanig;
at ang kanilang mga bangkay ay naging gaya ng dumi
    sa gitna ng mga lansangan.
Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kanyang galit,
    kundi laging nakaunat ang kanyang kamay.

26 Siya'y magtataas ng hudyat sa mga bansa mula sa malayo,
    at sisipulan sila mula sa mga dulo ng lupa;
at, narito, ito'y dumarating na napakatulin!
27 Walang napapagod o natitisod man,
    walang umiidlip o natutulog man;
walang pamigkis na maluwag,
    o napatid man ang mga panali ng mga sandalyas;
28 ang kanilang mga palaso ay matalas,
    at lahat nilang pana ay nakahanda
ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay parang batong hasaan,
    at ang kanilang mga gulong ay parang ipu-ipo.
29 Ang kanilang ungal ay gaya ng sa leon,
    sila'y nagsisiungal na gaya ng mga batang leon;
sila'y nagsisiungal, at nanghuhuli ng biktima,
    at kanilang tinatangay, at walang makapagliligtas.
30 Ang mga iyon ay uungal laban sa kanila sa araw na iyon
    na gaya ng ugong ng dagat.
Kung may tumingin sa lupain,
    narito, kadiliman at kahirapan,
at ang liwanag ay pinadilim ng mga ulap niyon.

Ang Pagkatawag kay Isaias

Noong(B) taong mamatay si Haring Uzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang tronong matayog at mataas; at napuno ang templo ng laylayan ng kanyang damit.

Sa itaas niya ay nakatayo ang mga serafin; bawat isa'y may anim na pakpak; may dalawang nakatakip sa kanyang mukha, may dalawa na nakatakip sa kanyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kanya.

At(C) tinawag ng isa ang isa at sinabi:

“Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo;
ang buong lupa ay punô ng kanyang kaluwalhatian.”

At(D) ang mga pundasyon ng mga pintuan ay nayanig sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.

Nang magkagayo'y sinabi ko: “Kahabag-habag ako! Ako'y napahamak sapagkat ako'y lalaking may maruruming labi, at ako'y naninirahan sa gitna ng bayan na may maruruming labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo!”

Nang magkagayo'y lumipad papalapit sa akin ang isa sa mga serafin na may baga sa kanyang kamay na kanyang kinuha ng mga sipit mula sa dambana.

Inilapat niya ito sa aking bibig, at nagsabi, “Ngayong lumapat ito sa iyong mga labi, ang iyong kasamaan ay naalis na, at ang iyong kasalanan ay pinatawad na.”

At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, “Sinong susuguin ko, at sinong hahayo para sa atin?” Nang magkagayo'y sinabi ko, “Narito ako; suguin mo ako!”

At(E) sinabi niya, “Ikaw ay humayo, at sabihin mo sa bayang ito:

‘Patuloy kayong makinig, ngunit huwag ninyong unawain;
patuloy ninyong tingnan, ngunit huwag ninyong alamin!’
10 Patabain mo ang puso ng bayang ito,
    at iyong pabigatin ang kanilang mga pandinig,
    at iyong ipikit ang kanilang mga mata;
baka sila'y makakita ng kanilang mga mata,
    at makarinig ng kanilang mga tainga,
at makaunawa ng kanilang puso,
    at magbalik-loob, at magsigaling.”
11 Nang magkagayo'y sinabi ko, “O Panginoon, hanggang kailan?”
At siya'y sumagot:
“Hanggang sa ang mga lunsod ay magiba
    na walang naninirahan,
at ang mga bahay ay mawalan ng tao,
    at ang lupain ay maging lubos na mawasak,
12 at ilayo ng Panginoon ang mga tao,
    at ang mga pinabayaang dako ay marami sa gitna ng lupain.
13 At bagaman magkaroon ng ikasampung bahagi roon,
    muli itong susunugin,
gaya ng isang roble o isang ensina,
    na ang tuod ay nananatiling nakatayo kapag ito ay pinuputol.”
Ang banal na binhi ang siyang tuod niyon.

Unang Babala kay Ahaz

Nang(F) mga araw ni Ahaz na anak ni Jotam, anak ni Uzias, na hari ng Juda, si Rezin na hari ng Siria, at si Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, ay umahon sa Jerusalem upang makipagdigma laban doon, ngunit hindi nila ito magapi.

Nang sabihin sa sambahayan ni David, “Ang Siria ay nakipagkasundo sa Efraim,” ang puso niya at ang puso ng kanyang bayan ay nanginig na gaya ng mga punungkahoy sa gubat na niyanig ng hangin.

Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Isaias, “Lumabas ka at iyong salubungin si Ahaz, ikaw, at si Sear-jasub na iyong anak, sa dulo ng padaluyan ng tipunan ng tubig sa itaas, sa lansangan ng parang ng Bilaran ng Tela,

at sabihin mo sa kanya, ‘Ikaw ay makinig, tumahimik ka, huwag kang matakot, o manghina man ang iyong puso ng dahil sa dalawang buntot na apoy na ito na umuusok, ng dahil sa mabangis na galit ng Rezin at Siria, at ng anak ni Remalias.

Dahil sa ang Siria, ang Efraim, at ang mga anak ni Remalias, ay nagbalak ng masama laban sa iyo, na nagsasabi,

“Magsiahon tayo laban sa Juda, at ating takutin, at ating sakupin para sa ating sarili, at ating ilagay na hari sa gitna niyon ang anak ni Tabeel.”

Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

“Hindi ito matatatag o mangyayari man.
Sapagkat ang ulo ng Siria ay ang Damasco,
    at ang ulo ng Damasco ay ang Rezin.

Sa loob ng animnapu't limang taon ay magkakawatak-watak ang Efraim anupa't hindi na ito magiging isang bayan.

At ang ulo ng Efraim ay ang Samaria,
    at ang ulo ng Samaria ay ang anak ni Remalias.
Kung kayo'y hindi maniniwala,
    tunay na hindi kayo matatatag.’”

Pangalawang Babala kay Ahaz—Palatandaan ng Emmanuel

10 At ang Panginoon ay muling nagsalita kay Ahaz, na sinasabi,

11 “Humingi ka ng tanda mula sa Panginoon mong Diyos; gawin mo itong kasinlalim ng Sheol o kasintaas ng langit.”

12 Ngunit sinabi ni Ahaz, “Hindi ako hihingi, ni susubukin ko man ang Panginoon.”

13 At kanyang sinabi, “Dinggin ninyo ngayon, O sambahayan ni David! Maliit na bagay ba sa inyo ang pagurin ang mga tao, na inyong papagurin rin ang aking Diyos?

14 Kaya't(G) ang Panginoon mismo ang magbibigay sa inyo ng tanda. Narito, isang birhen ang maglilihi, at manganganak ng isang lalaki, at kanyang tatawagin ang kanyang pangalan na Emmanuel.[f]

15 Siya'y kakain ng keso at pulot, kapag siya'y natutong tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti.

16 Sapagkat bago malaman ng bata na tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti, iiwan ang lupain ng dalawang haring iyong kinatatakutan.

17 Ang Panginoon ay magpapasapit sa iyo, sa iyong bayan, at sa sambahayan ng iyong ninuno ng mga araw na hindi pa nangyari mula nang araw na humiwalay ang Efraim sa Juda, ang hari ng Asiria.”

18 Sa araw na iyon, susutsutan ng Panginoon ang langaw na nasa kahuli-hulihang bahagi ng mga ilog ng Ehipto, at ang pukyutan na nasa lupain ng Asiria.

19 At sila'y dadating, at silang lahat ay magpapahinga sa matatarik na bangin, sa mga bitak ng malalaking bato, sa lahat ng mga tinikan, at sa lahat ng mga sukal.

20 Sa araw na iyon ay aahitan ng Panginoon ng pang-ahit na inupahan sa kabila ng Ilog,—kasama ang hari ng Asiria—ang ulo at ang balahibo ng mga paa, gayundin ang balbas.

21 Sa araw na iyon, ang isang tao ay mag-aalaga ng guyang baka at ng dalawang tupa;

22 at dahil sa saganang gatas na kanilang ibibigay ay kakain siya ng keso; sapagkat ang bawat isa na naiwan sa gitna ng lupain ay kakain ng keso at pulot.

23 Sa araw na iyon, ang bawat dakong kinaroroonan ng libong puno ng ubas na nagkakahalaga ng isang libong siklong pilak, ay magiging dawagan at tinikan.

24 Paroroon doon ang mga tao na may mga pana at may busog; sapagkat ang buong lupain ay magiging mga dawag at mga tinikan.

25 At ang tungkol sa lahat ng burol na inaasarol ng asarol ay hindi mo paroroonan dahil sa takot sa mga dawag at sa mga tinikan; ngunit ang mga iyon ay magiging dako na doon ay pinakakawalan ang mga baka at ang mga tupa ay naglalakad.

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Kumuha ka ng malapad na tabla, at sulatan mo ng pangkaraniwang titik, ‘Kay Maher-shalalhash-baz.’”

Mayroon akong mga tapat na saksi upang sumaksi sa akin, si Urias na pari at si Zacarias na anak ni Jeberekias.

At ako'y naparoon sa propetisa; at siya'y naglihi, at nanganak ng isang lalaki. At sinabi ng Panginoon sa akin, “Tawagin mo ang kanyang pangalan na Maher-shalalhash-baz.

Sapagkat bago ang bata ay matutong magsalita ng, ‘Ama ko,’ o ‘Ina ko,’ ang kayamanan ng Damasco at ang samsam sa Samaria ay kukunin sa harapan ng hari ng Asiria.”

At nagsalitang muli ang Panginoon sa akin:

“Yamang tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloa na umaagos na marahan, at magalak sa harapan ni Rezin at sa anak ni Remalias;

kaya't narito, iniaahon ng Panginoon sa kanila ang tubig ng Ilog, malakas at marami, ang hari ng Asiria at ang lahat niyang kaluwalhatian. Siya'y aahon sa lahat niyang daluyan, at aapaw sa lahat niyang baybayin.

Ito'y aagos hanggang sa Juda, aapaw at aabot hanggang sa leeg; at ang nakabuka niyang mga pakpak ang siyang magpupuno ng lawak ng iyong lupain, O Emmanuel.”

Kayo'y magsama-sama, mga bayan, at mabalisa,
    kayo'y makinig, kayong lahat na malayong lupain;
magbigkis kayo, at kayo'y mabagabag,
    kayo'y magbigkis, at kayo'y mabagabag.
10 Magsanggunian kayo, ngunit iyon ay mauuwi sa wala;
    magsalita kayo ng salita ngunit iyon ay hindi mananatili,
    sapagkat ang Diyos ay kasama namin.

11 Sapagkat ang Panginoon ay nagsalitang ganito sa akin na may malakas na kamay, at binalaan ako na huwag lumakad sa lakad ng bayang ito, na sinasabi,

12 “Huwag(H) ninyong tawaging pagsasabwatan ang lahat na tinatawag na pagsasabwatan ng bayang ito, at huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan, o mangilabot man.

13 Ngunit ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang inyong ituturing na banal; siya ang inyong katakutan, at sa kanya kayo mangilabot.

14 At(I) siya'y magiging santuwaryo ninyo, isang batong katitisuran at malaking batong kabubuwalan ng dalawang sambahayan ng Israel, isang bitag at silo sa mga mamamayan ng Jerusalem.

15 At marami ang matitisod doon; sila'y mabubuwal at mababalian. Sila'y masisilo at mahuhuli.”

16 Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang turo sa gitna ng aking mga alagad.

17 Aking(J) hihintayin ang Panginoon na nagkukubli ng kanyang mukha sa sambahayan ni Jacob, at ako'y aasa sa kanya.

18 Ako(K) at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Panginoon ay mga tanda at kababalaghan sa Israel mula sa Panginoon ng mga hukbo, na naninirahan sa Bundok ng Zion.

19 At kapag kanilang sinabi sa inyo, “Sumangguni kayo sa mga multo at masasamang espiritu na humuhuni at bumubulong.” Hindi ba dapat sumangguni ang bayan sa kanilang Diyos, ang mga patay para sa mga buháy?

20 Sa kautusan at sa patotoo! Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang wala silang umaga.

Panahon ng Kaguluhan

21 At sila'y daraan sa lupain na nahihirapang lubha at gutom, at kapag sila'y nagugutom, sila'y magagalit, at susumpain ang kanilang hari at ang kanilang Diyos, at ititingala ang kanilang mga mukha.

22 Sila'y titingin sa lupa ngunit ang makikita lamang ay kahirapan at kadiliman, ulap ng hapis, at itataboy sila sa makapal na kadiliman.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001