Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Kawikaan 22-23

22 Ang mabuting pangalan ay dapat piliin, kaysa malaking kayamanan,
    at mabuti kaysa pilak at ginto ang magandang kalooban.
Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapwa;
    ang Panginoon ang sa kanilang lahat ay gumawa.
Ang matalinong tao ay nakakakita ng panganib at nagkukubli siya,
    ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa.
Ang gantimpala sa pagpapakumbaba at takot sa Panginoon
    ay kayamanan, karangalan, at buhay.
Nasa daan ng mandaraya ang mga tinik at silo,
    ang nag-iingat ng kanyang sarili, sa mga iyon ay lalayo.
Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran,
    at kapag tumanda na siya ay hindi niya ito tatalikuran.
Ang namumuno sa dukha ay ang mayaman,
    at ang nanghihiram ay alipin ng nagpapahiram.
Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan;
    at ang pamalo ng kanyang poot ay di magtatagumpay.
Ang may mga matang mapagbigay ay pinagpapala,
    sapagkat nagbibigay siya ng kanyang tinapay sa mga dukha.
10 Itaboy mo ang manlilibak, at ang pagtatalo ay aalis;
    ang pag-aaway at pang-aapi ay matitigil.
11 Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, at mabiyaya ang pananalita,
    ang hari ay magiging kaibigan niya.
12 Ang mga mata ng Panginoon ay nagbabantay sa kaalaman,
    ngunit ang mga salita ng taksil ay kanyang ibinubuwal.
13 Sinasabi ng tamad, “May leon sa labas!
    Mapapatay ako sa mga lansangan!”
14 Ang bibig ng masamang babae ay isang malalim na hukay;
    siyang kinapopootan ng Panginoon doon ay mabubuwal.
15 Nakabalot sa puso ng bata ang kahangalan,
    ngunit inilalayo ito sa kanya ng pamalo ng pagsaway.
16 Ang umaapi sa dukha upang magpalago ng kanyang kayamanan,
    at nagbibigay sa mayaman, ay hahantong lamang sa kasalatan.
17 Ito ang mga salita ng pantas:
Ikiling mo ang iyong pandinig, at dinggin mo ang aking mga salita,
    at gamitin mo ang iyong isip sa aking kaalaman.
18 Sapagkat magiging kaaya-aya kung ito'y iyong iingatan sa loob mo,
    kung mahahandang magkakasama sa mga labi mo.
19 Upang malagak sa Panginoon ang tiwala mo,
    aking ipinakilala sa iyo sa araw na ito, oo, sa iyo.

20 Hindi ba ako sumulat sa iyo ng tatlumpung kasabihan,
    ng mga pangaral at kaalaman;
21 upang ipakita sa iyo ang matuwid at totoo,
    upang maibigay mo ang totoong sagot sa mga nagsugo sa iyo?

22 Huwag mong nakawan ang dukha, sapagkat siya'y dukha,
    ni gipitin man ang nagdadalamhati sa pintuang-bayan;
23 sapagkat ipinaglalaban ng Panginoon ang panig nila,
    at sinasamsaman ng buhay ang sumasamsam sa kanila.
24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong magagalitin,
    at huwag kang sasama sa taong bugnutin;
25 baka matutunan mo ang kanyang mga lakad,
    at ang kaluluwa mo ay mahulog sa bitag.
26 Huwag kang maging isa sa kanila na nagbibigay-sangla,
    o sa kanila na nananagot sa mga utang.
27 Kung wala kang maibibigay na kabayaran,
    bakit kailangang kunin sa ilalim mo ang iyong higaan?
28 Huwag mong alisin ang lumang batong hangganan,
    na inilagay ng iyong mga magulang.
29 Nakikita mo ba ang taong mahusay[a] sa kanyang gawain?
    Siya'y tatayo sa harap ng mga hari,
    hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak.

Iba't ibang Aral at Paalala

23 Kapag ikaw ay umupo upang kumain na kasalo ng isang pinuno,
    pansinin mong mabuti kung ano ang nasa harap mo;
at ang lalamunan mo'y lagyan mo ng patalim,
    kung ikaw ay isang taong magana sa pagkain.
Huwag mong nasain ang kanyang masasarap na pagkain,
    sapagkat mapandaya ang mga pagkaing iyon.
Huwag magpakapagod sa pagpapayaman,
    maging matalino ka na ang sarili'y mapigilan.
Kapag mapadako doon ang iyong paningin, iyon ay napaparam;
    sapagkat biglang nagkakapakpak ang kayamanan,
    lumilipad na gaya ng agila patungong kalangitan.
Tinapay ng kuripot ay huwag mong kainin,
    ni nasain mo man ang kanyang masarap na pagkain.
Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya:
    “Kumain at uminom ka!” sabi niya sa iyo;
    ngunit ang puso niya ay hindi sumasaiyo.
Ang subo na iyong kinain ay iyong iluluwa,
    at iyong sasayangin ang matatamis mong salita.
Huwag kang magsalita sa pandinig ng hangal,
    sapagkat ang karunungan ng mga salita mo ay hahamakin niya lamang.
10 Huwag mong alisin ang lumang batong pananda,
    at huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila,
11 sapagkat ang kanilang Manunubos ay makapangyarihan;
    ang kanilang panig laban sa iyo'y kanyang ipagsasanggalang.
12 Ihilig mo ang iyong puso sa pangaral,
    at ang iyong mga tainga sa mga salita ng kaalaman.
13 Huwag mong ipagkait sa bata ang saway,
    kung hampasin mo siya ng pamalo, siya'y hindi mamamatay.
14 Kung siya'y hahampasin mo ng pamalo,
    mula sa Sheol ang kanyang kaluluwa'y ililigtas mo.
15 Kung ang iyong puso ay marunong, aking anak,
    ang puso ko rin naman ay magagalak.
16 Ang kaluluwa ko'y matutuwa,
    kapag ang iyong mga labi'y nagsasalita ng tama.
17 Huwag mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan,
    kundi magpatuloy ka sa takot sa Panginoon sa buong araw.
18 Sapagkat tunay na may kinabukasan,
    at ang iyong pag-asa ay hindi mapaparam.

19 Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakatalino,
    at iyong patnubayan sa daan ang puso mo.
20 Huwag kang makisama sa mga maglalasing,
    at silang sa karne ay matatakaw kumain.
21 Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay darating sa kahirapan,
    at ang pagkaantukin ay magbibihis sa tao ng basahan.
22 Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka,
    at huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya'y matanda na.
23 Bumili ka ng katotohanan at huwag mong ipagbili naman,
    bumili ka ng karunungan, ng pangaral at kaunawaan.
24 Ang ama ng matuwid ay lubos na sasaya,
    at ang nagkaroon ng matalinong anak ay magagalak sa kanya.
25 Hayaang ang iyong ama at ina ay sumaya,
    at siyang nagsilang sa iyo ay lumigaya.
26 Anak ko, ang puso mo sa akin ay ibigay,
    at magmasid[b] ang iyong mga mata sa aking mga daan.
27 Sapagkat ang masamang babae ay isang malalim na hukay,
    at ang babaing di kilala ay isang makipot na balon.
28 Oo, siya'y nag-aabang na parang tulisan,
    at nagpaparami ng mga taksil sa mga kalalakihan.
29 Sinong may pagkaaba? Sinong may kalungkutan?
    Sinong may gulo? Sinong may karaingan?
Sino ang may sugat na walang kadahilanan?
    Sino ang may matang may kapulahan?
30 Silang naghihintay sa alak;
    silang sumusubok ng pinaghalong alak.
31 Huwag kang tumingin sa alak kapag ito'y mapula,
    kapag nagbibigay ng kanyang kulay sa kopa,
    at maayos na bumababa.
32 Sa huli ay parang ahas itong kumakagat,
    at ulupong na tumutuklaw ang katulad.
33 Ang iyong mga mata ay makakakita ng mga kakatuwang bagay,
    at ang iyong puso ay magsasabi ng mga mandarayang bagay.
34 Ikaw ay magiging parang taong nahihiga sa gitna ng karagatan,
    o parang nahihiga sa dulo ng isang tagdan ng sasakyan.
35 “Kanilang pinalo ako, ngunit hindi ako nasaktan;
    hinampas nila ako, ngunit hindi ko naramdaman.
Kailan ako gigising?
    Hahanap ako ng isa pang tagay.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001