Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Kawikaan 7-9

Mga Pang-akit ng Pangangalunya

Anak ko, ang mga salita ko'y iyong ingatan,
    at ang aking mga utos ay iyong pahalagahan.
Sundin mo ang aking mga utos at mabubuhay ka;
    ingatan mo ang aking aral na parang itim ng iyong mata.
Sa iyong mga daliri ay iyong itali,
    sa ibabaw ng iyong puso ay isulat mo.
Sabihin mo sa karunungan, “Ikaw ay aking kapatid na babae,”
    at tawagin mong kamag-anak ang kaunawaan;
upang maingatan ka mula sa babaing masama,
    sa babaing mapangalunya na may matatamis na salita.

Sapagkat sa bintana ng aking bahay
    ay tumingin ako sa aking dungawan,
at ako'y tumingin sa mga walang muwang,
    ako'y nagmasid sa mga kabataan,
    may isang kabataang walang katinuan,
na dumaraan sa lansangan na malapit sa kanyang panulukan,
    at siya'y humayo sa daan na patungo sa kanyang bahay,
sa pagtatakipsilim, sa kinagabihan,
    sa oras ng gabi at kadiliman.

10 At, narito, siya'y sinalubong ng isang babae,
    na nakagayak tulad ng isang upahang babae, at tuso sa puso.
11 Siya'y matigas ang ulo at maingay,
    ang kanyang mga paa ay hindi tumitigil sa bahay;
12 ngayo'y nasa mga lansangan, mamaya'y nasa pamilihan,
    at siya'y nag-aabang sa bawat panulukan.
13 Sa gayo'y hinahawakan niya ang lalaki[a] at hinahagkan siya,
    at may mukhang walang hiya na nagsasabi sa kanya,
14 “Kailangan kong mag-alay ng mga handog-pangkapayapaan,
    sa araw na ito ang mga panata ko'y aking nagampanan.
15 Kaya't lumabas ako upang salubungin ka,
    masigasig kong hinanap ang iyong mukha, at natagpuan kita.
16 Ginayakan ko ng mga panlatag ang higaan ko,
    na yari sa kinulayang lino mula sa Ehipto.
17 At aking pinabanguhan ang aking kama,
    ng mira, aloe, at kanela.
18 Halika, magpakabusog tayo sa pag-ibig hanggang sa kinaumagahan;
    magpakasaya tayo sa paglalambingan.
19 Sapagkat ang aking asawa ay wala sa bahay,
    sa malayong lugar siya'y naglakbay;
20 siya'y nagdala ng isang supot ng salapi;
    sa kabilugan ng buwan pa siya uuwi.”

21 Sa maraming mapanuksong salita kanyang nahikayat siya,
    sa malumanay niyang labi siya'y kanyang nahila.
22 Pagdaka ay sumusunod siya sa kanya,[b]
    gaya ng toro na sa katayan pupunta,
o gaya ng isang nasisilong usa,[c]
23 hanggang sa ang isang palaso'y sa bituka niya tumagos,
gaya ng ibong sa bitag ay humahangos;
    na hindi nalalamang kanyang buhay ay matatapos.

24 Ngayon nga, mga anak, dinggin ninyo ako,
    sa mga salita ng aking bibig ay makinig kayo.
25 Huwag ibaling ang iyong puso sa kanyang mga lakad,
    huwag kang maliligaw sa kanyang mga landas.
26 Sapagkat napakarami na niyang itinumba,
    oo, lubhang marami na siyang naging biktima.
27 Daang patungo sa Sheol ang kanyang bahay,
    pababa sa mga silid ng kamatayan.

Ang Panawagan ng Karunungan

Hindi(A) ba nananawagan ang karunungan,
    at nagtataas ng tinig ang kaunawaan?
Sa matataas na dako sa tabi ng daan,
    siya'y tumatayo sa mga sangandaan.
Sa tabi ng mga pintuan sa harapan ng bayan,
    siya'y sumisigaw ng malakas sa pasukan ng mga pintuan:
“Sa inyo, O mga lalaki, tumatawag ako,
    at ang aking sigaw ay sa mga anak ng mga tao.
O kayong mga walang muwang, matuto kayo ng katalinuhan;
    at, maging maunawain kayo, kayong mga hangal.
Makinig kayo, sapagkat magsasalita ako ng mga bagay na marangal,
    at mamumutawi sa aking mga labi ang matutuwid na bagay;
sapagkat ang aking bibig ay magsasabi ng katotohanan;
    at karumaldumal sa aking mga labi ang kasamaan.
Ang mga salita ng aking bibig ay pawang katuwiran;
    sa kanila'y walang liko o baluktot man.
Sa kanya na nakakaunawa ay pawang makatuwiran,
    at wasto sa kanila na nakakatagpo ng kaalaman.
10 Sa halip na pilak, ang kunin mo'y ang aking aral;
    at sa halip na dalisay na ginto ay ang kaalaman.
11 Sapagkat mabuti kaysa alahas ang karunungan,
    at lahat ng maaari mong naisin, sa kanya'y di maipapantay.
12 Akong karunungan ay nakatirang kasama ng katalinuhan,
    at natatagpuan ko ang kaalaman at tamang kahatulan.
13 Ang takot sa Panginoon ay pagkamuhi sa kasamaan.
Ang kapalaluan, kahambugan, landas ng kasamaan,
    at ang masamang pananalita ay aking kinasusuklaman.
14 Mayroon akong payo at magaling na karunungan,
    ako'y may kaunawaan, ako'y may kalakasan.
15 Naghahari ang mga hari sa pamamagitan ko,
    at naggagawad ng katarungan ang mga pangulo.
16 Sa pamamagitan ko ay namumuno ang mga pangulo,
    at namamahala sa lupa ang mararangal na tao.
17 Iniibig ko silang sa akin ay umiibig,
    at ako'y natatagpuan ng humahanap sa aking masigasig.
18 Nasa akin ang mga kayamanan at dangal,
    ang kayamanan at kasaganaang tumatagal.
19 Ang bunga ko ay mas mabuti kaysa ginto, kaysa gintong mainam,
    at maigi kaysa piling pilak ang aking pakinabang.
20 Lumalakad ako sa daan ng katuwiran,
    sa mga landas ng katarungan,
21 upang aking bigyan ng yaman ang sa aki'y nagmamahal,
    at upang aking mapuno ang kanilang kabang-yaman.

Ang Bahagi ng Karunungan sa Paglikha

22 Inari(B) ako ng Panginoon sa pasimula ng lakad niya,
    bago pinasimulan ang kanyang mga gawa ng una.
23 Ako'y inilagay mula ng walang pasimula,
    noong una, bago pa man nilikha ang lupa.
24 Ako'y nailabas na nang wala pang mga kalaliman;
    nang wala pang masaganang tubig mula sa mga bukal.
25 Bago pa ang mga bundok ay hinugisan,
    bago ang mga burol, ako'y isinilang,
26 nang hindi pa niya nagagawa ang lupa, ni ang mga parang man,
    ni ang pasimula man ng alabok ng sanlibutan.
27 Naroroon na ako nang kanyang itatag ang kalangitan,
    nang siya'y maglagay ng bilog sa ibabaw ng kalaliman,
28 nang kanyang pagtibayin ang langit sa kaitaasan,
    nang kanyang patatagin ang mga bukal ng kalaliman,
29 nang itakda niya sa dagat ang kanyang hangganan,
    upang huwag suwayin ng tubig ang kanyang kautusan,
nang ang mga saligan ng lupa'y nilagyan niya ng palatandaan,
30 nasa tabi nga niya ako na gaya ng punong manggagawa;[d]
at ako ang kanyang pang-araw-araw na ligaya,
    na laging nagagalak sa harapan niya,
31 nagagalak sa kanyang lupang tinatahanan,
    at sa mga anak ng mga tao ay nasisiyahan.
32 At ngayon, mga anak ko, ako'y inyong pakinggan,
    mapapalad ang nag-iingat ng aking mga daan.
33 Makinig kayo sa turo, at magpakatalino,
    at huwag ninyong pababayaan ito.
34 Mapalad ang taong nakikinig sa akin,
    na nagbabantay araw-araw sa aking mga tarangkahan,
    na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan.
35 Sapagkat ang nakakatagpo sa akin, ay nakakatagpo ng buhay,
    at biyaya mula sa Panginoon ay kanyang makakamtan.
36 Ngunit siyang nagkakasala laban sa akin ay sarili niya ang sinasaktan;
    lahat ng namumuhi sa akin ay umiibig sa kamatayan.”

Ang Karunungan at ang Karangalan

Itinayo ng karunungan ang kanyang bahay,
    ang kanyang pitong haligi ay kanyang inilagay.[e]
Mga hayop niya ay kanyang kinatay, ang kanyang alak ay kanyang hinaluan,
    kanya ring inihanda ang kanyang hapag-kainan.
Sinugo niya ang kanyang mga alilang babae upang manawagan,
    mula sa pinakamatataas na dako sa bayan,
“Sinumang walang muwang, pumasok dito!”
    Sa kanya na mahina sa pag-unawa, ay sinasabi niya,
“Halikayo, kumain kayo ng aking tinapay,
    at uminom kayo ng alak na aking hinaluan.
Iwan ninyo ang kawalang muwang at kayo'y mabuhay,
    at kayo'y lumakad na may pang-unawa.”

Siyang sumasaway sa manlilibak ay nakakakuha ng kahihiyan,
    at siyang sumasaway sa masama ay siya ring nasasaktan.
Huwag mong sawayin ang manlilibak, baka kamuhian ka niya;
    sawayin mo ang marunong, at kanyang iibigin ka.
Turuan mo ang marunong, at dudunong pa siyang lalo,
    turuan mo ang matuwid, at sa kaalaman siya'y lalago.
10 Ang(C) takot sa Panginoon ang pasimula ng karunungan,
    at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.
11 Sapagkat sa pamamagitan ko ay dadami ang iyong mga araw,
    at ang mga taon ng iyong buhay ay madaragdagan.
12 Kung ikaw ay pantas, pantas ka para sa sarili mo,
    at kung ikaw ay manlibak, mag-isa kang magpapasan nito.

Ang Anyaya ng Hangal na Babae

13 Ang hangal na babae ay madaldal;
    siya'y magaslaw at walang nalalaman.
14 Siya'y nauupo sa pintuan ng kanyang bahay,
    sa isang upuan sa matataas na dako ng bayan,
15 upang tawagin ang mga nagdaraan,
    na matuwid na humahayo sa kanilang mga lakad.
16 “Sinumang walang muwang ay pumasok dito!”
    At sa kanya na kulang sa pag-unawa, ay kanyang sinasabi,
17 “Ang ninakaw na tubig ay matamis,
    ang tinapay na kinakain sa lihim ay kanais-nais.”
18 Ngunit hindi niya nalalaman na ang mga patay ay naroon,
    na ang mga panauhin niya ay nasa mga kalaliman ng Sheol.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001