Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Kawikaan 4-6

Ang Pakinabang ng Karunungan

Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng ama,
    at makinig kayo upang magkamit kayo ng unawa;
sapagkat binibigyan ko kayo ng mabubuting panuntunan:
    huwag ninyong talikuran ang aking aral.
Noong ako'y isang anak sa aking ama,
    bata pa at tanging anak sa paningin ng aking ina,
tinuruan niya ako, at sa akin ay nagwika,
    “Panghawakan ng iyong puso ang aking mga salita.
    Tuparin mo ang aking mga utos, at mabubuhay ka.
Kunin mo ang karunungan, kunin mo ang kaunawaan,
    huwag kang lumimot, ni sa mga salita ng aking bibig ay humiwalay.
Huwag mo siyang pabayaan at ikaw ay kanyang iingatan;
    ibigin mo siya at ikaw ay kanyang babantayan.
Ang pasimula ng karunungan ay ito: Kunin mo ang karunungan,
    sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa.
Pahalagahan mo siya, at itataas ka niya;
    pararangalan ka niya kapag niyakap mo siya.
Isang kaaya-ayang putong sa ulo mo'y kanyang ilalagay,
    isang magandang korona sa iyo'y kanyang ibibigay.”

10 Makinig ka, anak ko, at tanggapin mo ang aking mga sinasabi,
    at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami.
11 Itinuro ko sa iyo ang daan ng karunungan;
    pinatnubayan kita sa mga landas ng katuwiran.
12 Kapag ikaw ay lumakad, hindi magigipit ang iyong mga hakbang;
    at kung ikaw ay tumakbo, hindi ka mabubuwal.
13 Hawakan mong mabuti ang turo; huwag mong bitawan;
    siya'y iyong ingatan, sapagkat siya'y iyong buhay.
14 Huwag kang pumasok sa landas ng masama,
    at huwag kang lumakad sa daan ng taong masasama.
15 Iwasan mo iyon, huwag mong daanan;
    talikuran mo, at iyong lampasan.
16 Sapagkat hindi sila nakakatulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan;
    at nananakawan sila ng tulog, malibang may isang taong kanilang mapabuwal.
17 Sapagkat sila'y kumakain ng tinapay ng kasamaan,
    at umiinom ng alak ng karahasan.
18 Ngunit ang landas ng matuwid ay parang liwanag ng bukang-liwayway,
    na sumisikat ng higit at mas maliwanag hanggang maging ganap na araw.
19 Ang daan ng masama ay parang malalim na kadiliman;
    hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinakatisuran.

20 Anak ko, makinig ka sa aking mga salita;
    ikiling mo ang iyong pandinig sa aking mga wika.
21 Huwag mong hayaang sila'y mawala sa paningin mo;
    ingatan mo sila sa kaibuturan ng iyong puso.
22 Sapagkat sa mga nakakatagpo sa kanila ang mga ito'y buhay,
    at kagalingan sa kanilang buong katawan.
23 Ang iyong puso'y buong sikap mong ingatan,
    sapagkat mula rito'y dumadaloy ang mga bukal ng buhay.
24 Ang madayang bibig ay iyong alisin,
    ilayo mo sa iyo ang mga labing suwail.
25 Tuminging matuwid ang iyong mga mata sa unahan,
    at ang iyong mga paningin ay maging matuwid sa iyong harapan.
26 Landas(A) ng iyong mga paa ay iyong tuwirin,
    at magiging tiyak ang lahat ng iyong tatahakin.
27 Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man;
    ilayo mo ang iyong paa sa kasamaan.

Babala Laban sa Pakikiapid

Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan;
    ikiling mo ang iyong pandinig sa aking kaunawaan;
upang mabuting pagpapasiya ay iyong maingatan,
    at upang ang iyong mga labi ay makapagbantay ng kaalaman.
Sapagkat ang mga labi ng mapangalunyang babae sa pulot ay tumatagas,
    at ang kanyang pananalita kaysa langis ay madulas;
ngunit mapait na gaya ng halamang lason sa bandang wakas,
    tabak na may dalawang talim ang siyang kasintalas.
Ang kanyang mga paa sa kamatayan ay palusong;
    ang kanyang mga hakbang ay nakahawak sa Sheol.
Hindi siya tumatahak sa landas ng buhay;
    ang kanyang mga lakad ay di-panatag, at hindi niya ito nalalaman.
Ngayon nga, mga anak, sa akin kayo'y makinig,
    at huwag kayong lumayo sa mga salita ng aking bibig.
Ilayo mo sa kanya ang iyong daan,
    at huwag kang lumapit sa pintuan ng kanyang bahay;
baka ibigay mo ang iyong karangalan sa iba,
    at ang iyong mga taon sa mga walang awa.
10 Baka mga dayuhan ang magtamasa sa iyong kayamanan,
    at mapunta sa bahay ng di-kilala ang iyong pinagpaguran.
11 At ikaw ay manangis sa katapusan ng iyong buhay,
    kapag naubos ang iyong laman at katawan.
12 At iyong sasabihin, “Tunay na ang pangaral ay aking kinamuhian,
    at hinamak ng aking puso ang pagsaway!
13 Hindi ko sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo,
    o ikiniling ko man ang aking pandinig sa aking mga guro.
14 Ako'y nasa bingit ng lubos na kapahamakan,
    sa gitna ng kapisanan at ng kapulungan.”

15 Sa iyong sariling tipunan ng tubig ikaw ay uminom,
    sa umaagos na tubig mula sa iyong sariling balon.
16 Dapat bang kumalat ang iyong mga bukal,
    at ang mga agos ng tubig sa mga lansangan?
17 Hayaan mong maging para sa sarili mo lamang,
    at hindi para sa mga kasama mong mga dayuhan.
18 Pagpalain ang iyong bukal;
    at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan.
19 Gaya ng magandang usa at mahinhing babaing usa,
bigyan kang kasiyahan ng dibdib niya sa tuwina,
    at sa kanyang pag-ibig ay laging malugod ka.
20 Sapagkat, bakit anak ko, sa mapangalunyang babae ay malulugod ka,
    at yayakap sa dibdib ng babaing banyaga?
21 Sapagkat ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ng Panginoon,
    at kanyang sinisiyasat ang lahat niyang mga landas.
22 Ang masama'y nabibitag sa sarili niyang kasamaan,
    at siya'y nahuhuli sa mga tali ng kanyang kasalanan.
23 Siya'y mamamatay sa kakulangan ng disiplina,
    at dahil sa kanyang kahangalan ay naliligaw siya.

Mga Dagdag na Babala

Anak ko, kung naging tagapanagot ka sa iyong kapwa,
    kung itinali mo ang iyong sarili sa isang banyaga,
ikaw ay nasilo ng mga salita ng iyong mga labi,
    at ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig.
Gawin mo ito ngayon, anak ko, at iligtas mo ang iyong sarili,
    yamang ikaw ay nahulog sa kapangyarihan ng iyong kapwa:
    humayo ka, magpakababa ka, at makiusap sa iyong kapwa.
Huwag mong bigyan ng tulog ang iyong mga mata,
    o paidlipin man ang mga talukap ng iyong mata.
Iligtas mo ang iyong sarili na parang usa sa kamay ng mangangaso,
    at parang ibon mula sa kamay ng mambibitag.

Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad;
    masdan mo ang kanyang mga lakad at ika'y magpakapantas,
na bagaman walang puno,
    tagapamahala, o pinuno,
naghahanda ng kanyang pagkain sa tag-araw,
    at tinitipon ang kanyang pagkain sa anihan.
Hanggang kailan ka hihiga riyan, O tamad?
    Kailan ka babangon sa iyong pagkakatulog?
10 Kaunting(B) pagtulog, kaunting pag-idlip,
    kaunting paghalukipkip ng mga kamay upang magpahingalay,
11 sa gayo'y ang karukhaan ay darating sa iyo na parang magnanakaw,
    at ang kasalatan na parang lalaking may sandata.
12 Ang taong walang kabuluhan, ang taong masama,
    ay gumagala na may masamang bunganga.
13 Kumikindat ang kanyang mga mata, pinagsasalita ang kanyang mga paa,
    na itinuturo ang daliri niya,
14 kumakatha ng masama sa kanyang likong puso,
    patuloy na naghahasik ng pagtatalo.
15 Kaya't biglang darating sa kanya ang kapahamakan,
    sa isang iglap ay madudurog siya, at walang kagamutan.

16 Ang Panginoon ay namumuhi sa anim na bagay,
    oo, pito ang sa kanya'y kasuklamsuklam:
17 Mga palalong mata, sinungaling na dila,
    at mga kamay na nagbububo ng dugong walang sala,
18 pusong kumakatha ng masasamang plano,
    mga paang sa kasamaan ay nagmamadali sa pagtakbo;
19 bulaang saksi na nagsasalita ng kasinungalingan,
    at ang naghahasik sa magkakapatid ng kaguluhan.

Babala Laban sa Pakikiapid

20 Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama,
    at huwag mong pabayaan ang turo ng iyong ina.
21 Sa iyong puso'y ikintal mong lagi,
    sa iyong leeg ay iyong itali.
22 Kapag ikaw ay lumalakad, sa iyo'y papatnubay,
    kapag ikaw ay natutulog, sa iyo'y magbabantay,
    at kapag ikaw ay gumigising, ikaw ay kanilang kakausapin.
23 Sapagkat ang utos ay tanglaw, at ang aral ay ilaw,
    at ang mga saway ng disiplina ay daan ng buhay;
24 upang mula sa masamang babae ay maingatan ka,
    mula sa tabil ng dila ng mapangalunya.
25 Huwag mong nasain sa iyong puso ang kanyang ganda,
    at huwag mong hayaang mahuli ka niya ng kanyang mga pilik-mata.
26 Sapagkat ang masamang babae[a] ay maaaring upahan ng isang pirasong tinapay,
    ngunit hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay.
27 Makapagdadala ba ng apoy ang isang tao sa kanyang kandungan,
    at hindi masusunog ang kanyang kasuotan?
28 Sa nagbabagang uling makalalakad ba ang isang tao,
    at ang kanyang mga paa ay hindi mapapaso?
29 Gayon ang sumisiping sa asawa ng kanyang kapwa;
    sinumang humipo sa kanya ay hindi maaaring walang parusa.
30 Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kapag siya'y nagnanakaw,
    upang kapag siya'y gutom siya'y masiyahan.
31 Gayunma'y kung siya'y mahuli, makapito niyang pagbabayaran;
    ibibigay niya lahat ang laman ng kanyang bahay.
32 Walang sariling bait siyang nangangalunya,
    ang gumagawa niyon ay sarili ang sinisira.
33 Mga sugat at kasiraang-puri ang kanyang tatamuhin,
    at ang kanyang kahihiyan ay hindi na papawiin.
34 Sapagkat ang panibugho ay nagpapabagsik sa lalaki,
    at hindi siya nagpapatawad sa araw ng paghihiganti.
35 Hindi niya tatanggapin ang anumang bayad,
    ni sa maraming suhol siya'y mapaglulubag.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001