Beginning
1 Ang(A) awit ng mga awit na kay Solomon.Babae
2 Hagkan niya sana ako ng mga halik ng kanyang bibig!
Sapagkat mas mabuti kaysa alak ang iyong pag-ibig,
3 ang iyong mga langis na pambuhos ay mabango;
langis na ibinuhos ang pangalan mo;
kaya't ang mga dalaga'y umiibig sa iyo.
4 Palapitin mo ako sa iyo, magmadali tayo.
Dinala ako ng hari sa mga silid niya.
Kami ay matutuwa at sa iyo'y magsasaya.
Aming itataas ng higit kaysa alak ang pag-ibig mo,
matuwid ang pag-ibig nila sa iyo.
5 Ako'y maitim, ngunit kahali-halina,
O kayong mga anak na babae ng Jerusalem,
gaya ng mga tolda sa Kedar,
gaya ng mga tabing ni Solomon.
6 Huwag ninyo akong masdan dahil sa ako'y maitim,
sapagkat sinunog ako ng araw.
Ang mga anak ng aking ina ay galit sa akin,
ginawa nila akong tagapangalaga ng mga ubasan;
ngunit ang sarili kong ubasan ay hindi ko nabantayan.
7 Sabihin mo sa akin, ikaw na minamahal ng aking kaluluwa,
saan ka nagpapastol ng iyong kawan,
saan mo pinahihiga sa katanghalian;
sapagkat bakit ako'y magiging gaya ng nalalambungan,
sa tabi ng mga kawan ng iyong mga kasamahan?
Mangingibig
8 Kung hindi mo nalalaman,
O ikaw na pinakamaganda sa mga babae,
sumunod ka sa mga landas ng kawan,
at ipastol mo ang mga anak ng kambing
sa tabi ng mga tolda ng mga pastol.
Pag-uusap ng Magkasuyo
9 Aking itinutulad ka, O aking sinta,
sa isang kabayo sa mga karwahe ni Faraon.
10 Pinagaganda ng mga pahiyas ang iyong mga pisngi,
ang iyong leeg ng mga kuwintas na palamuti.
11 Igagawa ka namin ng mga gintong kuwintas,
na may mga pilak na pahiyas.
Babae
12 Samantalang ang hari ay nasa kanyang hapag,
ang aking nardo ay nagsasabog ng kanyang kabanguhan.
13 Ang aking mahal ay gaya ng supot ng mira para sa akin,
na humihilig sa pagitan ng aking dibdib.
14 Ang aking sinta para sa akin ay kumpol na bulaklak ng hena
sa mga ubasan ng En-gedi.
Lalaki
15 O napakaganda mo, aking sinta,
totoong, ikaw ay maganda;
mga kalapati ang iyong mga mata.
Babae
16 O napakaganda mo, aking sinta,
kaakit-akit na tunay,
ang ating higaan ay luntian.
17 Ang mga biga ng ating bahay ay mga sedro,
ang kanyang mga bubong ay mga sipres.
2 Ako'y rosas[a] ng Sharon,
isang liryo ng mga libis.
Lalaki
2 Kung ano ang liryo sa gitna ng mga tinikan,
gayon ang aking pag-ibig sa gitna ng mga kadalagahan.
Babae
3 Kung ano ang puno ng mansanas sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan,
gayon ang aking sinta sa gitna ng mga kabinataan.
Ako'y naupo sa ilalim ng kanyang anino na may malaking pagsasaya,
at ang kanyang bunga ay matamis sa aking panlasa.
4 Dinala niya ako sa bahay na may handaan,
at ang watawat niya sa akin ay pagmamahal.
5 Bigyan ninyo ako ng mga pasas,
aliwin ninyo ako ng mga mansanas;
sapagkat ako'y may sakit na pagsinta.
6 Ang kanyang kaliwang kamay sana ay nasa ilalim ng aking ulo,
at ang kanyang kanang kamay ay niyayakap ako!
7 O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan,
alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan,
na huwag ninyong pukawin, o gisingin man ang pagmamahal,
hanggang sa kanyang maibigan.
Babae
8 Ang tinig ng aking giliw!
Narito, siya'y dumarating,
palukso-lukso sa mga bundok,
palundag-lundag sa mga burol.
9 Ang aking sinta ay gaya ng usa
o ng batang usa.
Tingnan mo, siya'y nakatayo
sa likod ng aming bakod,
sa mga bintana'y sumisilip,
sa mga durungawa'y nagmamasid.
10 Ang aking sinta ay nagsalita, at nagsabi sa akin,
“Bumangon ka, maganda kong sinta,
at tayo'y umalis;
11 Sapagkat, ang taglamig ay lumipas na;
ang ulan ay tapos na at wala na.
12 Ang mga bulaklak ay namumukadkad sa lupa;
ang panahon ng pag-aawitan ay dumating,
at ang tinig ng batu-bato
ay naririnig sa ating lupain.
13 Lumalabas na ang mga bunga ng puno ng igos,
at ang mga puno ng ubas ay namumulaklak,
ang kanilang bango'y humahalimuyak.
Bumangon ka, maganda kong sinta,
at tayo'y umalis.
14 O kalapati ko, na nasa mga bitak ng bato,
sa puwang ng bangin,
ipakita mo sa akin ang iyong mukha,
iparinig mo sa akin ang iyong tinig;
sapagkat matamis ang iyong tinig,
at ang iyong mukha ay kaibig-ibig.
15 Ihuli ninyo kami ng mga asong-gubat,
ng mga munting asong-gubat,
na sumisira ng mga ubasan,
sapagkat ang aming mga ubasan ay namumulaklak na.”
Babae
16 Ang sinta ko ay akin, at kanya ako;
ipinapastol niya ang kanyang kawan sa gitna ng mga liryo.
17 Hanggang sa ang araw ay huminga,
at ang mga anino'y tumakas,
pumihit ka, sinta ko, at ikaw ay maging gaya ng usa
o ng batang usa sa mga bundok ng Bether.
3 Sa ibabaw ng aking higaan sa gabi,
hinanap ko siyang iniibig ng aking kaluluwa;
hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
2 “Ako'y babangon at lilibot sa lunsod,
sa mga lansangan at sa mga liwasan,
hahanapin ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.”
Hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan.
3 Nakita ako ng mga tanod,
habang sila'y naglilibot sa lunsod.
“Nakita ba ninyo siya na sinisinta ng aking kaluluwa?”
4 Halos di pa ako nakakalayo sa kanila,
nang masumpungan ko siya na iniibig ng aking kaluluwa.
Pinigilan ko siya, at hindi ko hinayaang umalis,
hanggang sa siya'y aking nadala sa bahay ng aking ina,
at sa silid niya na naglihi sa akin.
5 O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan,
alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan,
na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal,
hanggang sa kanyang maibigan.
Ang Pangkasalang Pagdating
Babae
6 Ano itong umaahon mula sa ilang,
na gaya ng haliging usok,
na napapabanguhan ng mira at ng kamanyang,
ng lahat ng mabangong pulbos ng mangangalakal?
7 Tingnan ninyo, iyon ang higaan ni Solomon!
Animnapung magigiting na lalaki ang nasa palibot niyon,
sa magigiting na lalaki ng Israel.
8 Silang lahat ay may sakbat na tabak,
at sanay sa pakikidigma:
bawat isa'y may tabak sa kanyang hita,
sa mga hudyat sa gabi ay laging handa.
9 Si Haring Solomon ay gumawa para sa sarili ng higaang binubuhat
mula sa kahoy ng Lebanon.
10 Ginawa niyang pilak ang mga haligi niyon,
ang likod niyon ay ginto, at ang upuan ay kulay ube;
ang loob niyon ay hinabi ng may pag-ibig
ng mga anak na babae ng Jerusalem.
11 Humayo kayo,
O mga anak na babae ng Zion,
at inyong masdan si Haring Solomon,
na may korona na ipinutong sa kanya ng kanyang ina,
sa araw ng kanyang kasal,
sa araw ng katuwaan ng kanyang puso.
Mangingibig
4 O napakaganda mo, mahal ko;
talagang ikaw ay maganda;
Ang iyong mga mata ay mga kalapati
sa likod ng iyong talukbong.
Ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing,
na bumababa sa gulod ng bundok ng Gilead.
2 Ang iyong mga ngipin ay gaya ng mga kawan ng mga batang tupa na bagong gupit,
na nagsiahon mula sa paglilinis,
na bawat isa'y may anak na kambal,
at walang nagluluksa isa man sa kanila.
3 Ang iyong mga labi ay gaya ng pising mapula,
at ang iyong bibig ay kahali-halina.
Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada,
sa likod ng iyong talukbong.
4 Ang iyong leeg ay gaya ng tore ni David,
na itinayo upang pagtaguan ng mga sandata,
na kinabibitinan ng libong kalasag,
na ang lahat ay mga kalasag ng mga mandirigma.
5 Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa
na mga kambal ng isang inahing usa,
na nanginginain sa gitna ng mga liryo.
6 Hanggang sa ang araw ay huminga
at ang mga anino ay tumakas,
ako'y paroroon sa bundok ng mira,
at sa burol ng kamanyang.
7 Ikaw ay totoong maganda, sinta ko;
walang kapintasan sa iyo.
8 Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, kasintahan ko.
Sumama ka sa akin mula sa Lebanon.
Tumanaw ka mula sa taluktok ng Amana,
mula sa taluktok ng Senir at ng Hermon,
mula sa mga yungib ng mga leon,
mula sa mga bundok ng mga leopardo.
9 Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko,
inagaw mo ang aking puso ng isang sulyap ng mga mata mo,
ng isang hiyas ng kuwintas mo.
10 Napakatamis ng iyong pag-ibig, kapatid ko, kasintahan ko!
Higit na mainam ang iyong pagsinta kaysa alak!
At ang amoy ng iyong mga langis kaysa anumang pabango!
11 Ang iyong mga labi, O kasintahan ko, ay nagbibigay ng katas,
pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila;
at ang bango ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Lebanon.
12 Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko;
halamanang nababakuran, isang bukal na natatakpan.
13 Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada,
na may piling-piling mga bunga;
hena na may nardo,
14 may nardo at safro, kalamo at kanela,
sampu ng lahat na puno ng kamanyang;
mira at mga aloe,
sampu ng lahat ng pabangong pinakamainam—
15 isang bukal ng mga halamanan, balon ng mga tubig na buháy,
at dumadaloy na batis mula sa Lebanon.
Babae
16 Gumising ka, O hanging amihan,
at pumarito ka, O hanging habagat!
Humihip ka sa aking halamanan,
upang ang bango niya'y humalimuyak.
Pumasok ang aking sinta sa halamanan niya,
at kumain siya ng mga piling-piling bunga.
Mangingibig
5 Ako'y dumating sa aking halamanan, kapatid ko, kasintahan ko,
aking tinipon ang aking mira pati ang aking pabango,
kinain ko ang aking pulot-pukyutan pati ang aking pulot;
ininom ko ang aking alak pati ang aking gatas.
Mga Babae
Magsikain kayo, O mga kaibigan; at magsiinom:
magsiinom kayo nang sagana, mga mangingibig!
Babae
2 Ako'y nakatulog, ngunit ang aking puso ay gising.
Makinig! ang aking sinta ay tumutuktok.
Mangingibig
“Pagbuksan mo ako, kapatid ko, sinta ko,
kalapati ko, ang aking walang kapintasan,
sapagkat ang aking ulo ay basa ng hamog,
ang bungkos ng aking buhok ng mga patak ng gabi.”
Babae
3 Hinubad ko na ang aking kasuotan,
paano ko ito isusuot?
Hinugasan ko ang aking mga paa
paano ko sila parurumihin?
4 Isinuot ng aking sinta ang kanyang kamay sa butas ng pintuan,
at ang aking puso ay nanabik sa kanya.
5 Ako'y bumangon upang pagbuksan ang aking sinta;
at sa aking mga kamay ay tumulo ang mira,
at sa aking mga daliri ang lusaw na mira,
sa mga hawakan ng trangka.
6 Pinagbuksan ko ang aking sinta,
ngunit ang aking sinta ay tumalikod at umalis na.
Pinanghina na ako ng aking kaluluwa nang siya'y magsalita.
Aking hinanap siya, ngunit hindi ko siya natagpuan;
tinawag ko siya, ngunit hindi siya sumagot.
7 Natagpuan ako ng mga tanod,
habang sila'y naglilibot sa lunsod,
binugbog nila ako, ako'y kanilang sinugatan,
inagaw nila ang aking balabal,
ng mga bantay na iyon sa pader.
8 Pinagbibilinan ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem,
kung inyong matagpuan ang aking sinta,
inyong saysayin sa kanya,
na ako'y may sakit na pagsinta.
Mga Babae
9 Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal,
O ikaw na pinakamaganda sa mga babae?
Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal,
na gayon ang iyong bilin sa amin?
Babae
10 Ang aking minamahal ay maningning at mamula-mula,
na namumukod-tangi sa sampung libo.
11 Ang kanyang ulo ay pinakamainam na ginto;
ang bungkos ng kanyang buhok ay maalon-alon
at kasing-itim ng uwak.
12 Ang kanyang mga mata ay tulad ng mga kalapati
sa tabi ng mga bukal ng tubig;
na hinugasan ng gatas
at tamang-tama ang pagkalagay.
13 Ang kanyang mga pisngi ay gaya ng pitak ng mga pabango,
na nagsasabog ng halimuyak.
Ang kanyang mga labi ay mga liryo,
na nagbibigay ng lusaw na mira.
14 Ang kanyang mga kamay ay mga singsing na ginto,
na nilagyan ng mga hiyas.
Ang kanyang katawan ay gaya ng yaring garing
na binalot ng mga zafiro.
15 Ang kanyang hita ay mga haliging alabastro,
na inilagay sa mga patungang ginto.
Ang kanyang anyo ay gaya ng Lebanon
na marilag na gaya ng mga sedro.
16 Ang kanyang pananalita ay pinakamatamis;
at siya'y totoong kanais-nais.
Ito'y aking sinta at ito'y aking kaibigan,
O mga anak na babae ng Jerusalem.
Mga Babae
6 Saan pumaroon ang iyong minamahal,
O ikaw na pinakamaganda sa mga babae?
Saan nagtungo ang iyong minamahal,
upang siya'y aming hanapin na kasama mo?
Babae
2 Ang sinisinta ko'y bumaba sa kanyang halamanan,
sa mga pitak ng mga pabango,
upang ipastol ang kanyang kawan sa mga halamanan,
at upang mamitas ng mga liryo.
3 Ako'y sa aking mahal, at ang mahal ko ay akin;
ipinapastol niya ang kanyang kawan sa gitna ng mga liryo.
Lalaki
4 Ikaw ay kasingganda ng Tirza, aking mahal,
kahali-halina na gaya ng Jerusalem,
kakilakilabot na gaya ng hukbo na may mga watawat.
5 Alisin mo ang iyong mga mata sa akin,
sapagkat ginugulo ako ng mga ito—
ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing,
na bumababa sa mga gulod ng Gilead.
6 Ang iyong mga ngipin ay gaya ng kawan ng mga babaing tupa,
na nagsiahon mula sa paglilinis,
lahat sila'y may anak na kambal,
isa man sa kanila ay hindi naulila.
7 Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada
sa likod ng iyong belo.
8 May animnapung reyna, at walumpung asawang-lingkod,
at mga dalaga na di-mabilang.
9 Ang aking kalapati, ang aking walang kapintasan ay isa lamang;
ang kinagigiliwan ng kanyang ina;
walang kapintasan sa kanya na nagsilang sa kanya.
Nakita siya ng mga dalaga, at tinawag siyang maligaya;
gayundin ng mga reyna at ng mga asawang-lingkod, at kanilang pinuri siya.
10 “Sino itong tumitingin na tulad ng bukang liwayway,
kasingganda ng buwan, kasinliwanag ng araw,
kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat?”
11 Ako'y bumaba sa taniman ng mga pili,
upang tingnan ang mga sariwang pananim ng libis,
upang tingnan kung may mga buko na ang puno ng ubas,
at kung ang mga puno ng granada ay namumulaklak.
12 Bago ko namalayan, inilagay ako ng aking kaluluwa
sa karwahe sa tabi ng aking prinsipe.
Mga Babae
13 Bumalik ka, bumalik ka, O Shulamita.
Bumalik ka, bumalik ka, upang ikaw ay aming pagmasdan.
Babae
Bakit ninyo pagmamasdan ang Shulamita,
na gaya sa sayaw sa harap ng dalawang hukbo?
Mangingibig
7 Napakaganda ng iyong mga paa sa mga sandalyas
O mala-reynang babae!
Ang mga bilugan mong hita ay gaya ng mga hiyas,
na gawa ng bihasang kamay.
2 Ang iyong pusod ay gaya ng bilog na mangkok,
na hindi nawawalan ng alak na may halo.
Ang iyong tiyan ay bunton ng trigo,
na napapaligiran ng mga liryo.
3 Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa,
na mga kambal ng inahing usa.
4 Ang iyong leeg ay gaya ng toreng garing.
Ang iyong mga mata ay gaya ng mga tipunan ng tubig sa Hesbon,
sa tabi ng pintuang-bayan ng Batrabbim.
Ang iyong ilong ay gaya ng tore ng Lebanon
na nakatanaw sa Damasco.
5 Pinuputungan ka ng iyong ulo gaya ng Carmel,
at ang umaalon mong buhok ay gaya ng kulay ube;
ang hari ay nabibihag sa mga tirintas niyon.
6 Napakaganda at kaaya-aya ka!
O minamahal, kaakit-akit na dalaga!
7 Ikaw ay magilas na parang puno ng palma,
at ang iyong mga suso ay tulad ng mga kumpol nito.
8 Sinasabi kong ako'y aakyat sa puno ng palma,
at hahawak sa mga sanga niyon.
Ang iyong mga suso sana ay maging gaya ng mga buwig ng puno ng ubas,
at ang bango ng iyong hininga ay gaya ng mga mansanas,
9 at ang iyong mga halik ay gaya ng pinakamainam na alak,
na tumutulo nang marahan,
na dumudulas sa mga labi at ngipin.
Babae
10 Ako'y sa aking minamahal,
at ang kanyang pagnanasa ay para sa akin.
11 Halika, sinta ko,
pumunta tayo sa mga bukid,
manirahan tayo sa mga nayon;
12 magtungo tayo nang maaga sa mga ubasan,
at tingnan natin kung may buko na ang puno ng ubas,
kung ang kanyang mga bulaklak ay bumuka na,
at kung ang mga granada ay namumulaklak.
Doo'y ibibigay ko sa iyo ang aking pag-ibig.
13 Ang mga mandragora ay nagsasabog ng bango,
at nasa ating mga pintuan ang lahat ng piling bunga,
mga luma at bago,
na aking inilaan para sa iyo, O sinta ko.
8 O ikaw sana'y naging tulad sa aking kapatid,
na pinasuso sa dibdib ng aking ina!
Kapag nakasalubong kita sa labas, hahagkan kita;
at walang hahamak sa akin.
2 Aking aakayin ka at dadalhin kita
sa bahay ng aking ina,
at sa silid niya na naglihi sa akin.
Aking paiinumin ka ng hinaluang alak,
ng katas ng aking granada.
3 Ang kanyang kaliwang kamay sana ay nasa ilalim ng aking ulo,
at ang kanyang kanang kamay ay nakayakap sa akin!
4 Pinagbibilinan ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem,
na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal,
hanggang sa kanyang maibigan.
Mga Babae
5 Sino itong umaahon mula sa ilang,
na nakahilig sa kanyang minamahal?
Babae
Sa ilalim ng punong mansanas ay ginising kita.
Doon ay naghirap sa panganganak ang iyong ina,
siya na nagsilang sa iyo ay naghirap doon sa panganganak.
6 Ilagay mo akong pinakatatak sa iyong puso,
pinakatatak sa iyong bisig;
sapagkat ang pag-ibig ay kasinlakas tulad ng kamatayan,
ang panibugho ay kasimbagsik na tulad ng libingan.
Ang mga liyab niyon ay parang mga liyab ng apoy,
isang apoy na lumalagablab.
7 Hindi kayang patayin ng maraming tubig ang pag-ibig,
ni malulunod man ito ng mga baha.
Kung ihandog ng isang lalaki dahil sa pag-ibig
ang lahat ng kayamanan sa kanyang bahay,
iyon ay kukutyaing lubusan.
Mga Kapatid na Lalaki
8 Kami'y may isang munting kapatid na babae,
at siya'y walang mga suso.
Ano ang aming gagawin sa aming kapatid na babae,
sa araw na siya'y ligawan?
9 Kung siya'y isang pader,
ipagtatayo namin siya ng muog na pilak,
ngunit kung siya'y isang pintuan,
tatakpan namin siya ng mga tablang sedro.
Babae
10 Ako'y isang pader,
at ang aking mga suso ay parang mga tore,
ako nga'y naging sa kanyang mga mata
ay tulad ng nagdadala ng kapayapaan.
Mangingibig
11 Si Solomon ay may ubasan sa Baal-hamon;
kanyang pinaupahan ang ubasan sa mga tagapamahala;
bawat isa'y dapat magdala ng isang libong pirasong pilak para sa bunga.
12 Ang aking ubasan, na sadyang akin, ay para sa aking sarili,
ikaw, O Solomon, ay magkaroon nawa ng libo,
at ang nag-iingat ng bunga niyon ay dalawandaan.
13 Ikaw na tumatahan sa mga halamanan,
ang mga kasama ko ay nakikinig sa iyong tinig.
Iparinig mo sa akin.
Babae
14 Ikaw ay magmadali, sinta ko,
at ikaw ay maging parang usa
o batang usa
sa mga bundok ng mga pabango.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001