Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Isaias 9-12

Kapanganakan at Paghahari ng Prinsipe ng Kapayapaan

Gayunman(A) ay hindi magkakaroon ng kapanglawan sa kanya na nasa pagkahapis. Nang unang panahon ay dinala niya sa paghamak ang mga lupain ng Zebulon at Neftali, ngunit sa huling panahon ay gagawin niyang maluwalhati ang daang patungo sa dagat, ang lupain sa kabila ng Jordan, ang Galilea ng mga bansa.

Ang(B) bayan na lumakad sa kadiliman
    ay nakakita ng dakilang liwanag;
silang naninirahan sa lupain ng matinding kadiliman,
    sa kanila sumikat ang liwanag.
Iyong pinarami ang bansa,
    iyong pinarami ang kanilang kagalakan.
Sila'y nagagalak sa harap mo
    gaya ng kagalakan sa pag-aani,
    gaya ng mga tao na nagagalak kapag kanilang pinaghahatian ang samsam.
Sapagkat ang pamatok na kanyang pasan,
    at ang pingga sa kanyang balikat,
    ang panghampas ng nagpapahirap sa kanya,
    ay iyong sinira na gaya sa araw ng Midian.
Sapagkat lahat ng sandalyas ng naglalakad na mandirigma,
    at ang mga kasuotang tigmak ng dugo
    ay susunugin bilang panggatong para sa apoy.
Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata,
    sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki;
at ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat;
    at ang kanyang pangalan ay tatawaging
“Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos,
    Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”
Ang(C) paglago ng kanyang pamamahala
    at ng kapayapaan ay hindi magwawakas,
sa trono ni David, at sa kanyang kaharian,
    upang itatag, at upang alalayan
ng katarungan at ng katuwiran
    mula sa panahong ito hanggang sa magpakailanman.
Isasagawa ito ng sigasig ng Panginoon ng mga hukbo.

Nagpadala ng mensahe ang Panginoon sa Jacob,
    at ito'y magliliwanag[a] sa Israel.
At malalaman ng buong bayan,
    ng Efraim at ng mga mamamayan ng Samaria,
    na nagsasabi sa kapalaluan at sa pagmamatigas ng puso:
10 “Ang mga laryo ay nahulog,
    ngunit aming itatayo ng tinabas na bato;
ang mga sikomoro ay pinutol na,
    ngunit aming papalitan ng mga sedro.”
11 Kaya't ang Panginoon ay magbabangon ng mga kaaway laban sa kanila,
    at pasisiglahin ang kanyang mga kalaban.
12 Ang mga taga-Siria sa silangan, at ang mga Filisteo sa kanluran,
    at kanilang lalamunin ang Israel sa pamamagitan ng bukas na bibig.
Sa lahat na ito ang kanyang galit ay hindi napawi,
    kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.

13 Gayunma'y ang bayan ay hindi nagbalik-loob sa kanya na nanakit sa kanila,
    o hinanap man nila ang Panginoon ng mga hukbo.
14 Kaya't puputulin ng Panginoon ang ulo't buntot ng Israel,
    ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw—
15 ang matanda at ang marangal na tao ang siyang ulo,
    at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan ang siyang buntot.
16 Sapagkat silang umakay sa bayang ito ay siyang nagliligaw;
    at silang pinapatnubayan nila ay nilamon.
17 Kaya't ang Panginoon ay hindi nagagalak sa kanilang mga binata,
    ni mahahabag man sa kanilang mga ulila at mga babaing balo.
Sapagkat bawat isa ay masama at manggagawa ng kasamaan,
    at bawat bibig ay nagsasalita ng kahangalan.
Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi,
    kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.

18 Sapagkat ang kasamaan ay sumusunog na gaya ng apoy;
    ito'y tumutupok ng mga dawag at mga tinikan;
inaapuyan nito ang tinikan sa gubat,
    at pumapailanglang na paitaas sa mga masinsing ulap na usok.
19 Sa poot ng Panginoon ng mga hukbo
    ay nasusunog ang lupain.
Ang bayan naman ay gaya ng panggatong sa apoy;
    walang taong nagpapatawad sa kanyang kapatid.
20 Sila'y sumunggab ng kanang kamay, ngunit nagugutom pa rin,
    at kakain sa kaliwa, ngunit hindi sila nasisiyahan,
nilalamon ng bawat isa ang laman ng kanyang kapwa.
21 Sinakmal ng Manases ang Efraim, at ng Efraim ang Manases;
    sila'y kapwa naging laban sa Juda.
Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi,
    kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.

10 Kahabag-habag sila na nag-uutos ng masasamang utos,
    at ang mga manunulat na sumusulat ng mga pang-aapi.
Upang ilayo sa katarungan ang nangangailangan,
    at upang alisin ang karapatan ng dukha ng aking bayan,
upang ang mga babaing balo ay maging kanilang samsam,
    at upang kanilang gawing mga biktima ang mga ulila!
Ano ang inyong gagawin sa araw ng pagpaparusa,
    sa bagyo na darating mula sa malayo?
Kanino kayo tatakas upang kayo'y tulungan,
    at saan ninyo iiwan ang inyong kayamanan?
Walang nalabi kundi ang mamaluktot na kasama ng mga bilanggo,
    o mabubuwal na kasama ng mga napatay.
Sa lahat ng ito ang galit niya ay hindi napawi,
    kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat.

Hoy,(D) taga-Asiria, ang pamalo ng aking galit,
    siyang tungkod ng aking poot!
Aking susuguin siya laban sa isang masamang bansa,
    at laban sa bayan na aking kinapopootan ay inuutusan ko siya,
upang manamsam at manunggab,
    at yapakan sila na parang putik ng mga lansangan.
Gayunma'y hindi niya inaakalang gayon,
    at hindi gayon ang iniisip ng kanyang puso;
ngunit ang nasa kanyang puso ang mangwasak,
    at lipulin ang mga bansa na hindi kakaunti.
Sapagkat kanyang sinasabi,
“Hindi ba ang aking mga punong-kawal ay haring lahat?
Hindi ba ang Calno ay gaya ng Carquemis?
    Hindi ba ang Hamat ay gaya ng Arpad?
    Hindi ba ang Samaria ay gaya ng Damasco?
10 Kung paanong nakaabot ang aking kamay hanggang sa mga kaharian ng mga diyus-diyosan,
    na ang mga larawan nilang inanyuan ay mas marami kaysa Jerusalem at sa Samaria;
11 hindi ko ba gagawin sa Jerusalem at sa kanyang mga diyus-diyosan,
    ang gaya ng ginawa ko sa Samaria at sa kanyang mga diyus-diyosan?”

12 Kaya't kapag naisagawa ng Panginoon ang lahat niyang gawain sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem, kanyang parurusahan ang palalong paghahambog ng hari ng Asiria, at ang kanyang mga mapagmataas na kapalaluan.

13 Sapagkat kanyang sinabi:

“Aking ginawa ito sa kalakasan ng aking kamay
    at sa aking karunungan, sapagkat ako'y may pang-unawa;
aking inalis ang mga hangganan ng mga tao,
    at ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan,
    at parang matapang na toro na ibinaba ko ang mga nakaupo sa mga trono.
14 At natagpuan ng aking kamay na parang pugad
    ang mga kayamanan ng mga tao;
kaya't aking pinulot ang buong lupa
    na parang namumulot ng mga itlog na napabayaan,
at walang nagkilos ng pakpak,
    o nagbuka man ng bibig o sumiyap.”

15 Magmamapuri ba ang palakol laban sa gumagamit niyon?
    O magmamalaki ba ang lagari laban sa humahawak niyon?
Na parang dapat itaas ng pamalo ang nagtataas niyon,
    o na parang dapat itaas ng tungkod siya na hindi kahoy.
16 Kaya't ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo,
    ay magpaparating ng nakapanghihinang karamdaman sa kanyang matatabang mandirigma
at sa ilalim ng kanyang kaluwalhatian ay magkakaroon ng pagniningas
    na gaya ng ningas ng apoy.
17 At ang liwanag ng Israel ay magiging apoy,
    at ang kanyang Banal ay pinakaliyab;
at susunugin at lalamunin nito
    ang kanyang mga tinikan at mga dawag sa isang araw.
18 At kanyang wawasakin ang kaluwalhatian ng kanyang gubat,
    at ng kanyang mabungang lupain,
    ang kaluluwa at gayundin ang katawan; at magiging gaya ng maysakit na nanghihina.
19 At ang nalabi sa mga punungkahoy ng kanyang gubat ay mangangaunti,
    na ang mga iyon ay kayang bilangin ng bata.

20 At sa araw na iyon, ang nalabi sa Israel at ang nakatakas sa sambahayan ni Jacob, hindi na magtitiwala pa uli sa kanya na nanakit sa kanila; kundi magtitiwala sa Panginoon, sa Banal ng Israel, sa katotohanan.

21 Ang isang nalabi ay babalik, ang nalabi ng Jacob, sa makapangyarihang Diyos.

22 Sapagkat(E) bagaman ang iyong bayang Israel ay magiging parang buhangin sa dagat, tanging ang nalabi lamang sa kanila ang babalik. Ang pagkawasak ay naiutos na, na inaapawan ng katuwiran.

23 Sapagkat ang Panginoon, ang Panginoon ng mga hukbo, ay gagawa ng lubos na kawakasan, gaya ng inuutos, sa gitna ng buong lupa.

Sumama rin ang Asiria

24 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo, “O bayan kong tumatahan sa Zion, huwag kayong matakot sa taga-Asiria kapag kayo ay sinaktan ng pamalo at itaas ang kanyang tungkod laban sa iyo, gaya ng ginawa ng mga Ehipcio.

25 Sapagkat kaunting panahon na lamang at ang aking pagkagalit ay matatapos na, at ang aking galit ay matutuon sa kanilang ikawawasak.

26 Ang Panginoon ng mga hukbo ay hahawak ng panghampas laban sa kanila, gaya nang kanyang paluin ang Midian sa bato ng Oreb. At ang kanyang panghampas ay aabot sa dagat, at kanyang itataas na gaya ng kanyang ginawa sa Ehipto.

27 At sa araw na iyon, ang pasan niya ay mawawala sa iyong balikat, at ang kanyang pamatok ay mawawasak mula sa iyong leeg.”

Siya ay umahon mula sa Rimon.
28     Siya'y dumating sa Ajad,
siya'y nagdaan sa Migron;
    itinabi niya sa Micmash ang kanyang mga dala-dalahan.
29 Sila'y nakatawid sa landas;
    sila'y nagpalipas ng gabi sa Geba.
Ang Rama ay nanginginig;
    ang Gibea ni Saul ay tumakas.
30 Sumigaw ka nang malakas, O anak na babae ng Galim!
    Makinig ka, O Lais!
    Sagutin mo siya, O Anatot!
31 Ang Madmena ay nasa pagtakas,
    ang mga nananahan sa Gebim ay nagsisitakas upang maligtas.
32 Sa araw ding ito ay titigil siya sa Nob;
    kanyang kakalugin ang kanyang kamao
    sa bundok ng anak na babae ng Zion,
    na burol ng Jerusalem.

33 Tingnan mo, puputulin ng Panginoon, ng Panginoon ng mga hukbo,
    ang mga sanga sa pamamagitan ng kakilakilabot na kapangyarihan,
at ang napakataas ay ibubuwal
    at ang matatayog ay ibababa.
34 Kanyang puputulin ang mga sukal ng gubat sa pamamagitan ng palakol,
    at ang Lebanon at ang maharlika nitong mga puno ay babagsak.

Mapayapang Kaharian

11 May(F) usbong na lalabas mula sa tuod ni Jesse,
    at sisibol ang isang sanga mula sa kanyang mga ugat.
At ang Espiritu ng Panginoon ay sasakanya,
    ang diwa ng karunungan at ng unawa,
    ang diwa ng payo at ng kapangyarihan,
    ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;
at ang kanyang kalulugdan ay ang takot sa Panginoon.

Hindi siya hahatol ng ayon sa nakikita ng kanyang mga mata,
    ni magpapasiya man ng ayon sa narinig ng kanyang mga tainga.
Kundi(G) sa katuwiran ay hahatulan niya ang dukha,
    at magpapasiya na may karampatan para sa maaamo sa lupa.
Sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kanyang bibig,
    at sa hinga ng kanyang mga labi ay kanyang papatayin ang masama.
Katuwiran(H) ang magiging bigkis ng kanyang baywang,
    at katapatan ang pamigkis ng kanyang mga balakang.

At(I) ang asong-gubat ay maninirahang kasama ng kordero,
    at mahihigang kasiping ng batang kambing ang leopardo,
ang guya, ang batang leon, at ang patabain ay magkakasama;
    at papatnubayan sila ng munting bata.
Ang baka at ang oso ay manginginain;
    ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping;
    at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.
Ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas,
    at ang batang kahihiwalay sa suso ay isusuot ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
Hindi(J) sila mananakit o maninira man
    sa aking buong banal na bundok:
sapagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon,
    gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.

10 At(K) sa araw na iyon ang ugat ni Jesse ay tatayo bilang sagisag ng mga bayan, siya ay hahanapin ng mga bansa; at ang kanyang tirahan ay magiging maluwalhati.

11 At sa araw na iyon ay muling iuunat ng Panginoon ang kanyang kamay upang mabawi ang nalabi sa kanyang bayan, mula sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, mula sa Elam, Shinar, Hamat, at mula sa mga lupain sa baybayin ng dagat.

12 Siya'y maglalagay ng sagisag para sa mga bansa,
    at titipunin niya ang mga ipinatapon mula sa Israel,
at titipunin ang mga nangalat ng Juda
    mula sa apat na sulok ng lupa.
13 Ang paninibugho ng Efraim ay maaalis,
    ang panliligalig ng Juda ay tatanggalin,
ang Efraim ay hindi maninibugho sa Juda,
    at ang Juda ay hindi manliligalig sa Efraim.
14 Ngunit sila'y lulusob sa mga Filisteo sa kanluran,
    at magkasamang mananamsam sila sa mga tao ng silangan.
Kanilang iuunat ang kanilang kamay sa Edom at sa Moab;
    at susundin sila ng mga anak ni Ammon.
15 At(L) lubos na wawasakin ng Panginoon
    ang dila ng dagat ng Ehipto;
at iwawasiwas ang kanyang kamay sa Ilog
    ng kanyang nakakapasong hangin,
at gagawing pitong daluyan,
    at gumawa ng daan upang makaraang naglalakad;
16 at magkakaroon ng isang lansangan mula sa Asiria,
    para sa nalabi sa kanyang bayan,
gaya ng nangyari sa Israel
    nang araw na sila'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.

Awit ng Pasasalamat

12 At sa araw na iyon ay iyong sasabihin,
“Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon,
    bagaman ikaw ay nagalit sa akin,
ang iyong galit ay napawi,
    at iyong inaaliw ako.

“Ang(M) Diyos ay aking kaligtasan;
    ako'y magtitiwala, at hindi ako matatakot
sapagkat ang Panginoong Diyos ay aking kalakasan at awit;
    at siya'y naging aking kaligtasan.”

Kaya't kayo'y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan.

At sa araw na iyon ay inyong sasabihin,

“Magpasalamat kayo sa Panginoon,
    kayo'y tumawag sa kanyang pangalan,
ipaalam ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bansa,
    ipahayag ninyo na ang kanyang pangalan ay marangal.

“Umawit kayo sa Panginoon; sapagkat siya'y gumawang may kaluwalhatian,
    ipaalam ito sa buong lupa.
Sumigaw ka at umawit nang malakas, ikaw na naninirahan sa Zion,
    sapagkat dakila ang Banal ng Israel na nasa gitna mo.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001