Beginning
9 Ngunit ang lahat ng ito ay inilagak ko sa aking puso, na sinisiyasat ang lahat ng ito; kung paanong ang matuwid, ang pantas, at ang kanilang mga gawa ay nasa kamay ng Diyos; kung ito man ay pag-ibig o poot ay hindi nalalaman ng tao. Lahat ng nasa harapan nila ay walang kabuluhan,
2 yamang isang kapalaran ang dumarating sa lahat, sa matuwid at sa masama; sa mabuti at sa masama, sa malinis at sa marumi, sa kanya na naghahandog at sa kanya na hindi naghahandog. Kung paano ang mabuti, gayon ang makasalanan; at ang sumusumpa ay gaya ng umiiwas sa sumpa.
3 Ito'y isang kasamaan sa lahat na ginawa sa ilalim ng araw, na isang kapalaran ang dumarating sa lahat. Gayundin, ang puso ng mga tao ay punô ng kasamaan, at ang kaululan ay nasa kanilang puso habang sila'y nabubuhay, at pagkatapos niyon ay nagtutungo sila sa kamatayan.
4 Subalit siya, na kasama ng lahat na nabubuhay ay may pag-asa, sapagkat ang buháy na aso ay mas mabuti kaysa patay na leon.
5 Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila'y mamamatay, ngunit hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay, at wala na silang gantimpala; sapagkat ang alaala nila ay nakalimutan na.
6 Ang kanilang pag-ibig, pagkapoot, at ang pagkainggit ay nawala na, wala na silang anumang bahagi pa magpakailanman sa anumang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.
7 Humayo ka, kumain ka ng iyong tinapay na may kagalakan, at inumin mo ang iyong alak na may masayang puso; sapagkat sinang-ayunan na ng Diyos ang iyong ginagawa.
8 Maging laging maputi ang iyong mga suot; at huwag magkulang ng langis ang iyong ulo.
9 Magpakasaya ka sa buhay sa piling ng iyong asawang babaing minamahal sa lahat ng mga araw ng buhay mong walang kabuluhan, na kanyang ibinigay sa iyo sa ilalim ng araw, sapagkat iyan ang iyong bahagi sa buhay, at sa iyong gawa na iyong ginagawa sa ilalim ng araw.
10 Anumang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kalakasan; sapagkat walang gawa, kaisipan, kaalaman, ni karunungan man sa Sheol, na iyong patutunguhan.
11 Muli kong nakita sa ilalim ng araw na ang takbuhan ay hindi para sa matutulin, ni ang paglalaban man ay sa malalakas, ni sa mga pantas man ang tinapay, ni ang kayamanan man ay sa mga matatalino, ni ang kaloob man ay sa taong may kakayahan, kundi ang panahon at pagkakataon ay nangyayari sa kanilang lahat.
12 Sapagkat hindi nalalaman ng tao ang kanyang kapanahunan. Kagaya ng mga isda na nahuhuli sa malupit na lambat, at kagaya ng mga ibon na nahuhuli sa bitag, gayon ang mga tao ay nasisilo sa masamang kapanahunan, kapag biglang nahulog sa kanila.
Ang Kadakilaan ng Karunungan
13 Nakita ko rin ang ganitong halimbawa ng karunungan sa ilalim ng araw, at ito'y naging tila dakila sa akin.
14 Mayroong isang maliit na lunsod, at iilan ang tao sa loob niyon. May dumating na dakilang hari laban doon at kinubkob iyon at nagtayo ng mga malaking tanggulan laban doon.
15 Ngunit natagpuan roon ang isang dukhang lalaking pantas, at iniligtas niya ng kanyang karunungan ang lunsod. Gayunma'y walang nakakaalala sa dukhang lalaking iyon.
16 Ngunit sinasabi ko na ang karunungan ay mas mabuti kaysa kalakasan, bagaman ang karunungan ng taong dukha ay hinamak, at ang kanyang mga salita ay hindi pinakinggan.
17 Ang mga salita ng pantas na narinig sa katahimikan ay higit na mabuti kaysa sigaw ng pinuno sa gitna ng mga hangal.
18 Ang karunungan ay mas mabuti kaysa mga sandata ng digmaan, ngunit sumisira ng maraming kabutihan ang isang makasalanan.
Sari-saring Kasabihan
10 Ang mga patay na langaw ay nagpapabaho sa pamahid ng manggagawa ng pabango;
gayon ang munting kahangalan ay sumisira ng karunungan at karangalan.
2 Ang puso ng taong matalino ay humihila sa kanya tungo sa kanan,
ngunit ang puso ng hangal ay tungo sa kaliwa.
3 Maging kapag ang hangal ay lumalakad sa daan, sa katinuan siya ay kulang,
at kanyang sinasabi sa bawat isa, na siya'y isang hangal.
4 Kung ang galit ng pinuno ay bumangon laban sa iyo, huwag kang umalis sa iyong kinalalagyan,
sapagkat ang pagiging mahinahon ay makapagtutuwid sa malalaking kamalian.
5 May isang kasamaan na nakita ko sa ilalim ng araw na tila kamalian na nanggagaling sa pinuno:
6 ang kahangalan ay nakaupo sa maraming matataas na lugar, at ang mayaman ay umuupo sa mababang dako.
7 Nakakita ako ng mga alipin na nakasakay sa mga kabayo, at ng mga pinuno na lumalakad sa lupa na gaya ng mga alipin.
8 Siyang(A) humuhukay ng balon ay mahuhulog doon;
at ang lumulusot sa pader ay kakagatin ng ulupong.
9 Ang tumatabas ng mga bato ay masasaktan niyon;
at ang nagsisibak ng kahoy ay nanganganib doon.
10 Kung ang bakal ay pumurol, at hindi ihasa ninuman ang talim,
dapat nga siyang gumamit ng higit na lakas;
ngunit ang karunungan ay tumutulong upang ang isang tao'y magtagumpay.
11 Kung ang ahas ay kumagat bago mapaamo,
wala ngang kapakinabangan sa nagpapaamo.
12 Ang mga salita ng bibig ng matalino ay magbibigay sa kanya ng pakinabang;
ngunit ang mga labi ng hangal ang uubos sa sarili niya.
13 Ang pasimula ng mga salita ng kanyang bibig ay kahangalan,
at ang wakas ng kanyang salita ay makamandag na kaululan.
14 Sa mga salita, ang hangal ay nagpaparami,
bagaman walang taong nakakaalam kung ano ang mangyayari;
at pagkamatay niya ay sinong makapagsasabi sa kanya ng mangyayari?
15 Ang gawa ng hangal ay nagpapahirap sa kanya,
kaya't hindi niya nalalaman ang daan patungo sa lunsod.
16 Kahabag-habag ka, O lupain, kapag ang iyong hari ay isang bata,
at ang iyong mga pinuno ay nagpipista sa umaga!
17 Mapalad ka, O lupain, kung ang iyong hari ay anak ng mga malalayang tao,
at ang iyong mga pinuno ay nagpipista sa kaukulang panahon
para sa ikalalakas, at hindi sa paglalasing!
18 Sa katamaran ay bumabagsak ang bubungan;
at sa di pagkilos ay tumutulo ang bahay.
19 Ang tinapay ay ginagawa sa paghalakhak,
at ang alak ay nagpapasaya sa buhay:
at ang salapi ay sumasagot sa lahat ng mga bagay.
20 Huwag mong sumpain ang hari kahit sa iyong isipan;
at huwag mong sumpain ang mayaman kahit sa iyong silid tulugan;
sapagkat isang ibon sa himpapawid ang magdadala ng iyong tinig,
at ilang nilalang na may pakpak ang magsasabi ng bagay.
Ang Kahalagahan ng Kasipagan
11 Ihasik mo ang iyong tinapay sa tubigan,
sapagkat ito'y iyong matatagpuan pagkaraan ng maraming araw.
2 Magbigay ka ng bahagi sa pito, o maging sa walo;
sapagkat hindi mo nalalaman kung anong kasamaan ang mangyayari sa mundo.
3 Kung punô ng ulan ang mga ulap,
ang mga ito sa lupa ay bumabagsak,
at kung ang punungkahoy ay mabuwal sa dakong timog, o sa hilaga,
sa dakong binagsakan ng puno, ay doon ito mahihiga.
4 Hindi maghahasik ang nagmamasid sa hangin,
at hindi mag-aani ang sa ulap ay pumapansin.
5 Kung paanong hindi mo nalalaman kung paanong dumarating ang espiritu[a] sa mga buto sa bahay-bata ng babaing nagdadalang-tao, gayon mo hindi nalalaman ang gawa ng Diyos na lumalang sa lahat.
6 Ihasik mo sa umaga ang iyong binhi, at huwag mong hayaang walang ginagawa ang iyong kamay sa hapon; sapagkat hindi mo nalalaman kung alin ang tutubo, kung ito o iyon, o kung kapwa magiging mabuti.
7 Ang liwanag ay mainam, at maganda sa mga mata na masdan ang araw.
8 Sapagkat kung ang tao ay mabuhay ng maraming taon, magalak siya sa lahat ng iyon; ngunit alalahanin niya na ang mga araw ng kadiliman ay magiging marami. Lahat ng dumarating ay walang kabuluhan.
9 Ikaw ay magalak, O binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga araw ng iyong kabataan; lumakad ka sa mga lakad ng iyong puso, at sa paningin ng iyong mga mata. Ngunit alamin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng Diyos sa paghuhukom.
10 Ilayo mo ang kabalisahan sa iyong isipan, at alisin mo ang kirot sa iyong katawan: sapagkat ang kabataan at ang bukang-liwayway ng buhay ay walang kabuluhan.
Payo upang Alalahanin ang Panginoon sa Kabataan
12 Alalahanin mo rin naman ang Lumikha sa iyo sa mga araw ng iyong kabataan, bago dumating ang masasamang araw, at ang mga taon ay lumapit, na iyong sasabihin, “Wala akong kasiyahan sa mga iyon”;
2 bago ang araw, liwanag, buwan, at ang mga bituin ay magdilim, at ang mga ulap ay magsibalik pagkatapos ng ulan.
3 Sa araw na ang mga tagapag-ingat ng bahay ay manginig, at ang malalakas na lalaki ay mapayukod, at ang mga manggigiling ay tumigil sapagkat sila'y kakaunti, at ang mga dumudungaw sa mga bintana ay madidiliman,
4 at ang mga pintuan sa mga lansangan ay sasarhan, kapag ang tunog ng panggiling ay mahina, at ang isang tao'y babangon sa huni ng ibon, at lahat ng mga anak na babae ng awitin ay mapababa;
5 sila man ay matatakot sa mataas, at ang mga kakilakilabot ay nasa daan; at ang puno ng almendro ay mamulaklak; at ang balang ay maging pasan, at ang pagnanais ay mabigo, sapagkat ang tao ay nagtutungo sa kanyang walang hanggang tahanan, at ang mga nagluluksa ay gumagala sa mga lansangan;
6 bago ang panaling pilak ay mapatid, o ang mangkok na ginto ay mabasag, o ang banga ay mabasag sa bukal, o ang gulong ay masira sa balon;
7 at ang alabok ay bumalik sa lupa na gaya nang una, at ang espiritu ay bumalik sa Diyos na nagbigay nito.
8 Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral; lahat ay walang kabuluhan.
9 Bukod sa pagiging marunong, tinuruan din ng Mangangaral ang mga tao ng kaalaman; na maingat na tinitimbang, pinag-aaralan at isinasaayos ang maraming kawikaan.
10 Humanap ang Mangangaral ng mga nakakalugod na salita, at matuwid niyang isinulat ang mga salita ng katotohanan.
11 Ang mga salita ng pantas ay gaya ng mga pantaboy; at gaya ng mga pako na nakakapit na mabuti ang mga tinipong kasabihan na ibinigay ng isang Pastol.
12 Anak ko, mag-ingat ka sa anumang bagay na higit dito. Ang paggawa ng maraming aklat ay walang wakas; at ang sobrang pag-aaral ay kapaguran ng laman.
13 Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig. Matakot ka sa Diyos, at sundin mo ang kanyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao.[b]
14 Sapagkat dadalhin ng Diyos ang bawat gawa sa paghuhukom, pati ang bawat lihim na bagay, maging ito'y mabuti o masama.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001