Beginning
1 Ang(A) pangitain ni Isaias na anak ni Amoz, na kanyang nakita tungkol sa Juda at Jerusalem, sa mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias, mga hari ng Juda.
Ang Sumbat sa Bayan ng Diyos
2 Dinggin mo, O langit, at pakinggan mo, O lupa,
sapagkat nagsalita ang Panginoon:
“Ako'y nag-alaga at nagpalaki ng mga anak,
ngunit sila'y naghimagsik laban sa akin.
3 Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
at ng asno ang sabsaban ng kanyang panginoon
ngunit ang Israel ay hindi nakakakilala,
ang bayan ko ay hindi nakakaunawa.”
4 Ah, bansang makasalanan,
bayang punô ng kasamaan,
anak ng mga gumagawa ng kasamaan,
mga anak na gumagawa ng kabulukan!
Tinalikuran nila ang Panginoon,
hinamak nila ang Banal ng Israel,
sila'y lubusang naligaw.
5 Bakit kayo'y hahampasin pa,
na kayo'y patuloy sa paghihimagsik?
Ang buong ulo ay may sakit,
at ang buong puso ay nanghihina.
6 Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo
ay walang kagalingan,
kundi mga sugat, mga galos,
at sariwang latay;
hindi pa naaampat, o natalian man,
o napalambot man ng langis.
7 Ang inyong lupain ay giba,
ang inyong mga lunsod ay tupok ng apoy;
ang inyong lupain ay nilalamon ng mga dayuhan sa inyong harapan;
iyon ay giba, tulad nang winasak ng mga dayuhan.
8 At ang anak na babae ng Zion ay naiwang parang kubol sa isang ubasan,
parang kubo sa taniman ng mga pipino,
parang lunsod na nakubkob.
9 Malibang(B) ang Panginoon ng mga hukbo
ay mag-iwan sa atin ng ilang nakaligtas
naging gaya sana tayo ng Sodoma,
at naging gaya sana tayo ng Gomorra.
10 Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon,
kayong mga pinuno ng Sodoma!
Makinig kayo sa kautusan ng ating Diyos,
kayong bayan ng Gomorra!
11 “Ano(C) sa akin ang dami ng inyong mga handog?
sabi ng Panginoon;
punô na ako sa mga lalaking tupa na handog na sinusunog,
at ang taba ng mga pinatabang baka;
at ako'y hindi nalulugod sa dugo ng mga toro,
mga kordero at ng mga kambing na lalaki.
12 “Nang kayo'y dumating upang tingnan ang aking mukha,
sinong humiling nito mula sa inyong kamay
na inyong yurakan ang aking mga bulwagan?
13 Huwag na kayong magdala ng mga walang kabuluhang alay;
ang insenso ay karumaldumal sa akin.
Ang bagong buwan, ang Sabbath, at ang pagtawag ng mga kapulungan—
hindi ko na matiis ang kasamaan at ang banal na pagpupulong.
14 Ang aking kaluluwa ay namumuhi sa inyong mga bagong buwan at sa inyong mga takdang kapistahan,
ang mga iyan ay pasanin para sa akin.
Ako'y pagod na sa pagpapasan ng mga iyan.
15 Kapag inyong iniunat ang inyong mga kamay,
ikukubli ko ang aking mga mata sa inyo;
kahit na marami ang inyong panalangin,
hindi ako makikinig;
ang inyong mga kamay ay punô ng dugo.
16 Maghugas kayo ng inyong sarili, maglinis kayo;
alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa
sa aking paningin;
tumigil kayo sa paggawa ng kasamaan,
17 matuto kayong gumawa ng mabuti;
inyong hanapin ang katarungan,
inyong ituwid ang paniniil;
inyong ipagtanggol ang mga ulila,
ipaglaban ninyo ang babaing balo.
18 “Pumarito kayo ngayon, at tayo'y mangatuwiran sa isa't isa,
sabi ng Panginoon:
bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula,
ang mga ito'y magiging mapuputi na parang niyebe;
bagaman ito'y mapulang-mapula,
ang mga ito'y magiging parang balahibo ng tupa.
19 Kung kayo'y sasang-ayon at magiging masunurin,
kayo'y kakain ng mabubuting bagay ng lupain;
20 ngunit kung kayo'y magsitanggi at maghimagsik,
kayo'y lalamunin ng tabak;
sapagkat ang bibig ng Panginoon ang nagsalita.”
Ang Makasalanang Lunsod
21 Paanong ang tapat na lunsod
ay naging upahang babae,[a]
siya na puspos ng katarungan!
Ang katuwiran ay tumatahan sa kanya,
ngunit ngayo'y mga mamamatay-tao.
22 Ang iyong pilak ay naging dumi,
ang iyong alak ay nahaluan ng tubig.
23 Ang iyong mga pinuno ay mga rebelde,
at kasama ng mga mapaghimagsik.
Bawat isa'y nagnanais ng mga suhol,
at naghahangad ng mga regalo.
Hindi nila ipinagtatanggol ang ulila,
o nakakarating man sa kanila ang usapin ng babaing balo.
24 Kaya't ang Panginoon, Diyos ng mga hukbo, ang Makapangyarihan ng Israel, ay nagsasabi,
“Ah, aking ibubuhos ang aking poot sa aking mga kaaway,
at maghihiganti ako sa aking mga kaaway.
25 Aking ibabaling ang aking kamay laban sa iyo,
at aking sasalaing lubos ang iyong dumi tulad ng lihiya,
at aalisin ko ang lahat ng iyong tingga.
26 At aking ibabalik ang iyong mga hukom na gaya ng una,
at ang iyong mga tagapayo na tulad ng pasimula.
Pagkatapos ay tatawagin kang lunsod ng katuwiran,
ang tapat na lunsod.”
27 Ang Zion ay tutubusin ng katarungan,
at ang kanyang mga nanunumbalik sa pamamagitan ng katuwiran.
28 Ngunit magkasamang lilipulin ang mga mapaghimagsik at mga makasalanan,
at silang tumalikod sa Panginoon ay magwawakas.
29 Ngunit ikahihiya mo ang mga punungkahoy
na inyong kinagigiliwan;
at kayo'y mapapahiya dahil sa inyong piniling mga halamanan.
30 Sapagkat kayo'y magiging parang kahoy[b]
na ang dahon ay nalalanta,
at parang halamanan na walang tubig.
31 Ang malakas ay magiging parang bagay na madaling masunog,
at ang kanyang gawa ay parang kislap,
at kapwa sila magliliyab
at walang papatay sa apoy.
Kapayapaang Walang Hanggan(D)
2 Ang salita na nakita ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem.
2 At mangyayari sa mga huling araw,
na ang bundok ng bahay ng Panginoon
ay matatatag bilang pinakamataas sa mga bundok,
at itataas sa ibabaw ng mga burol;
at lahat ng bansa ay pupunta roon.
3 Maraming tao ang darating at magsasabi:
“Halina kayo, at tayo'y umahon sa bundok ng Panginoon,
sa bahay ng Diyos ni Jacob;
upang turuan niya tayo ng kanyang mga daan,
at tayo'y lumakad sa kanyang mga landas.”
Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang tagubilin,
at ang salita ng Panginoon mula sa Jerusalem.
4 Kanyang(E) hahatulan ang mga bansa,
at magpapasiya para sa maraming tao;
at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod,
at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit;
ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa,
o matututo pa ng pakikipagdigma.
5 O sambahayan ni Jacob,
halikayo at tayo'y lumakad
sa liwanag ng Panginoon.
Wawakasan ang Kapalaluan
6 Sapagkat tinanggihan mo ang iyong bayan,
ang kay Jacob na sambahayan,
sapagkat sila'y punô ng mga manghuhula mula sa silangan,
at mga mangkukulam na gaya ng mga Filisteo,
at sila'y nakikipagkamay sa mga anak ng mga dayuhan.
7 Ang kanilang lupain naman ay punô ng pilak at ginto,
at walang katapusan ang kanilang mga kayamanan;
ang kanila namang lupain ay punô ng mga kabayo,
at ang kanilang mga karwahe ay wala ring katapusan.
8 Ang kanilang lupain ay punô ng mga diyus-diyosan;
kanilang sinasamba ang gawa ng kanilang mga kamay,
na ginawa ng kanilang sariling mga daliri.
9 Kaya't ang tao ay hinahamak
at ang mga tao ay ibinababa—
huwag mo silang patawarin!
10 Pumasok(F) ka sa malaking bato,
at magkubli ka sa alabok,
mula sa pagkatakot sa Panginoon
at sa karangalan ng kanyang kamahalan.
11 Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay ibababa,
at ang kapalaluan ng mga tao ay pangungumbabain,
at ang Panginoon lamang ang itataas
sa araw na iyon.
12 Sapagkat may araw ang Panginoon ng mga hukbo
laban sa lahat ng palalo at mapagmataas,
laban sa lahat ng itinaas at ito'y ibababa;
13 laban sa lahat ng sedro ng Lebanon,
na matayog at mataas;
at laban sa lahat ng ensina ng Basan;
14 laban sa lahat ng matataas na bundok,
at laban sa lahat ng mga burol na matayog,
15 laban sa bawat matayog na tore,
at laban sa bawat matibay na pader,
16 laban sa lahat ng mga sasakyang-dagat ng Tarsis,
at laban sa lahat ng magagandang barko.
17 At ang kahambugan ng tao ay hahamakin,
at ang pagmamataas ng mga tao ay ibababa;
at ang Panginoon lamang ang itataas sa araw na iyon.
18 Ang mga diyus-diyosan ay mapapawing lubos.
19 Ang mga tao ay papasok sa mga yungib ng malalaking bato,
at sa mga butas ng lupa,
sa harapan ng pagkatakot sa Panginoon,
at sa karangalan ng kanyang kamahalan,
kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa.
20 Sa araw na iyon ay ihahagis ng mga tao
ang kanilang mga diyus-diyosang pilak, at ang kanilang mga diyus-diyosang ginto,
na kanilang ginawa upang sambahin,
sa mga daga at mga paniki;
21 upang pumasok sa mga siwang ng malalaking bato,
at sa mga bitak ng mga bangin,
sa harapan ng pagkatakot sa Panginoon,
at sa karangalan ng kanyang kamahalan,
kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa.
22 Layuan ninyo ang tao,
na ang hinga ay nasa kanyang ilong,
sapagkat ano siya para pahalagahan?
Kaguluhan sa Jerusalem
3 Sapagkat, inaalis ng Makapangyarihan, ng Panginoon ng mga hukbo,
sa Jerusalem at sa Juda
ang panustos at tungkod,
ang lahat na panustos na tinapay
at ang lahat na panustos na tubig;
2 ang magiting na lalaki at ang mandirigma
ang hukom at ang propeta,
ang manghuhula at ang matanda;
3 ang kapitan ng limampu,
at ang marangal na tao,
ang tagapayo, at ang bihasang salamangkero,
at ang dalubhasa sa pag-eengkanto.
4 Gagawin kong pinuno nila ang mga batang lalaki,
at ang mga sanggol ang mamumuno sa kanila.
5 Aapihin ng mga tao ang isa't isa,
bawat isa'y ang kanyang kapwa,
ang kabataan ay magpapalalo laban sa matanda
at ang hamak laban sa marangal.
6 Kapag hinawakan ng lalaki ang kanyang kapatid
sa bahay ng kanyang ama, na nagsasabi:
“Ikaw ay may damit,
ikaw ay maging aming pinuno,
at ang wasak na ito
ay mapapasailalim ng iyong pamamahala”;
7 sa araw na iyon ay magsasalita siya na nagsasabi:
“Hindi ako magiging tagapagpagaling;
sa aking bahay ay wala kahit tinapay o damit man;
huwag ninyo akong gawing
pinuno ng bayan.”
8 Sapagkat ang Jerusalem ay giba,
at ang Juda ay bumagsak;
sapagkat ang kanilang pananalita at ang kanilang mga gawa ay laban sa Panginoon,
na nilalapastangan ang kanyang maluwalhating presensiya.
9 Ang kanilang pagtatangi ng mga tao ay sumasaksi laban sa kanila;
at kanilang ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan na gaya ng Sodoma,
hindi nila ikinukubli ito.
Kahabag-habag sila!
Sapagkat sila'y nagdala ng kasamaan sa kanilang sarili.
10 Sabihin ninyo sa matuwid, na iyon ay sa ikabubuti nila,
sapagkat sila'y kakain ng bunga ng kanilang mga gawa.
11 Kahabag-habag ang masama! Ikasasama nila iyon,
sapagkat ang ginawa ng kanyang mga kamay ay gagawin sa kanya.
12 Tungkol sa aking bayan, mga bata ang nang-aapi sa kanila,
at ang mga babae ang namumuno sa kanila.
O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno,
at ginugulo ang daan ng iyong mga landas.
Hinatulan ang Kanyang Bayan
13 Ang Panginoon ay tumayo upang magsanggalang,
kinuha niya ang kanyang lugar upang ang kanyang bayan ay hatulan.
14 Ang Panginoon ay papasok sa paghatol
kasama ng matatanda at mga pinuno ng kanyang bayan:
“Kayo ang lumamon ng ubasan,
ang samsam ng mga dukha ay nasa inyong mga bahay.
15 Anong ibig ninyong sabihin na inyong dinudurog ang aking bayan,
at ginigiling ang mukha ng mga dukha?” sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.
Babala sa Kababaihan ng Jerusalem
16 Sinabi ng Panginoon:
Sapagkat ang mga anak na babae ng Zion ay mapagmataas,
at nagsisilakad na may naghahabaang mga leeg,
at mga matang nagsisiirap,
na lumalakad na pakendeng-kendeng habang humahayo,
at ipinapadyak ang kanilang mga paa;
17 kaya't sasaktan ng Panginoon
ang bao ng ulo ng mga anak na babae ng Zion,
at ilalantad ng Panginoon ang kanilang mga lihim na bahagi.
18 Sa araw na iyon ay aalisin ng Panginoon ang mga hiyas ng kanilang mga paa, at ang mga hiyas ng ulo, at ang mga pahiyas na may hugis ng kalahating buwan;
19 ang mga kuwintas, ang mga pulseras, at ang mga belo;
20 ang mga laso ng buhok, ang mga palamuti sa braso, ang mga pamigkis, ang mga sisidlan ng pabango, at ang mga anting-anting,
21 ang mga singsing, ang mga hiyas na pang-ilong;
22 ang mga damit na pamista, ang mga balabal, ang mga kapa, ang mga pitaka;
23 ang maninipis na kasuotan, ang pinong lino, ang mga turbante, at ang mga belo.
24 Sa halip na maiinam na pabango ay kabulukan;
at sa halip na pamigkis ay lubid;
at sa halip na ayos na buhok ay kakalbuhan;
at sa halip na pamigkis na maganda ay pamigkis na damit-sako;
kahihiyan sa halip na kagandahan.
25 Ang iyong mga lalaki ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak,
at ang iyong magigiting ay sa pakikipagdigma.
26 At ang kanyang mga pintuan ay tataghoy at tatangis;
at siya'y wasak na uupo sa ibabaw ng lupa.
4 Pitong babae ang hahawak sa isang lalaki sa araw na iyon, na magsasabi, “Kami ay kakain ng aming sariling tinapay at magsusuot ng aming sariling kasuotan, hayaan mo lamang na tawagin kami sa iyong pangalan; alisin mo ang aming kahihiyan.”
Muling Itatayo ang Jerusalem
2 Sa araw na iyon ay magiging maganda at maluwalhati ang sanga ng Panginoon, at ang bunga ng lupain ay ipagmamalaki at sa ikaluluwalhati ng mga nakaligtas na taga-Israel.
3 Siyang naiwan sa Zion, at siyang nanatili sa Jerusalem ay tatawaging banal, bawat nakatala sa mga nabubuhay sa Jerusalem,
4 kapag hinugasan ng Panginoon ang karumihan ng mga anak na babae ng Zion, at nilinis ang dugo ng Jerusalem sa gitna ng bayan sa pamamagitan ng espiritu ng paghuhukom at ng espiritu ng pagsunog.
5 At(G) ang Panginoon ay lilikha sa itaas ng buong kinalalagyan ng Bundok ng Zion, at sa itaas ng kanyang mga kapulungan ng isang ulap sa araw, at ng usok at liwanag ng nagniningas na apoy sa gabi; sapagkat sa itaas ng lahat ng kaluwalhatian ay magkakaroon ng isang bubong at kanlungan.
6 At iyon ay magiging kanlungan kapag araw laban sa init, at kanlungan at kublihan mula sa bagyo at ulan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001