Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 103-105

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit ni David.

103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
    at lahat ng nasa loob ko,
    purihin ang kanyang banal na pangalan!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
    at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
    na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
    na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
    anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.

Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
    at katarungan sa lahat ng naaapi.
Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
    ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
Hindi siya laging makikipaglaban,
    ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
    ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
    ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
    gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
    gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14 Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
    naaalala niya na tayo'y alabok.

15 Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
    siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16 ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
    at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17 Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
    para sa mga natatakot sa kanya,
    at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18 sa mga nag-iingat ng tipan niya,
    at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.

19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
    at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
    kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
    na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
    kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
    sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.

Bilang Pagpupuri sa Manlalalang

104 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
    O Panginoon kong Diyos, napakadakila mo!
Karangalan at kamahalan ang kasuotan mo,
    na siyang bumabalot ng liwanag sa iyo na parang bihisan;
na gaya ng tabing ay nag-unat ng kalangitan;
    na siyang naglalagay ng mga biga ng kanyang mga matataas na silid sa tubig;
na ginawang kanyang karwahe ang mga ulap,
    na sumasakay sa mga pakpak ng hangin,
na(B) ginagawa niyang mga sugo ang mga hangin,
    at kanyang mga tagapangasiwa ay nagliliyab na apoy.

Iyong inilagay ang lupa sa kanyang saligan,
    upang ito'y huwag mayanig kailanman.
Tinakpan mo ito ng kalaliman na tila isang bihisan;
    ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.
Sa iyong pagsaway ay tumakbo sila,
    sa ugong ng iyong kulog ay nagsitakas sila.
Ang mga bundok ay bumangon, lumubog ang mga libis,
    sa dakong pinili mo para sa kanila.
Ikaw ay naglagay ng hangganan na hindi nila dapat daanan,
    upang ang lupa ay hindi na nila muling matakpan.

10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
    ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok,
11 kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang;
    pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid;
    sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok;
    sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog.

14 Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo,
    at ang pananim upang sakahin ng tao,
upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa,
15     at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao,
ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha,
    at tinapay upang palakasin ang puso ng tao.
16 Ang mga punungkahoy ng Panginoon ay busog,
    ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim.
17 Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon;
    ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos.
18 Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing;
    ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho.
19 Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon;
    nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog.
20 Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi;
    nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang.
21 Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima,
    na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos.
22 Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
    at humihiga sa kanilang mga yungib.
23 Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain,
    at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan.

24 O Panginoon, napakarami ng iyong mga gawa!
    Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat,
    ang lupa ay punô ng iyong mga nilalang.
25 Nariyan ang dagat, malaki at maluwang,
    na punô ng mga bagay na di mabilang,
    ng maliit at malaking bagay na may buhay.
26 Doon(C) nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat,
    at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang.

27 Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay,
    upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain.
28 Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon;
    iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabubuting bagay.
29 Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba;
    iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay,
    at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok.
30 Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha,
    at iyong binabago ang balat ng lupa.

31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailanman;
    magalak nawa ang Panginoon sa kanyang mga gawa,
32 na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig,
    na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok!
33 Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay;
    ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay.
34 Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay,
    para sa akin, ako'y magagalak sa Panginoon.
35 Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
    at mawala nawa ang masama.
O kaluluwa ko! Purihin ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!

Ang Diyos at ang Kanyang Bayan(D)

105 O magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan;
    ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan!
Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri;
    sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa!
Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
    magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon.
Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang kalakasan;
    patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha!
Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa;
    ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig,
O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya,
    mga anak ni Jacob, na mga pinili niya!

Siya ang Panginoon nating Diyos;
    ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa.
Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman,
    ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi,
ang(E) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
    ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac,
10 na(F) kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin,
    sa Israel bilang isang walang hanggang tipan,
11 na sinasabi, “Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan,
    bilang iyong bahaging pinakamana.”
12 Nang sila'y iilan lamang sa bilang;
    at totoong kakaunti, at doon ay mga dayuhan;
13 na gumagala mula sa isang bansa tungo sa isang bansa,
    mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.
14 Hindi(G) niya pinahintulutan ang sinuman na sila ay pagmalupitan;
    sinaway niya ang mga hari alang-alang sa kanilang sarili:
15 “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran;
    ang aking mga propeta ay huwag ninyong sasaktan.”
16 At(H) siya'y nagdala ng taggutom sa lupain;
    binali niya ang bawat tungkod ng tinapay,
17 siya'y(I) nagsugo ng isang lalaki sa unahan nila,
    si Jose na ipinagbili bilang alipin.
18 Ang(J) kanyang mga paa ay sinaktan ng mga tanikala,
    siya'y nilagyan ng kuwelyo na bakal;
19 hanggang sa ang kanyang salita ay maganap;
    siya ay sinubok ng salita ng Panginoon.
20 Ang(K) hari ay nagsugo at pinakawalan siya;
    ang pinuno ng mga bayan, at siya'y pinalaya niya,
21 kanyang(L) ginawa siyang panginoon ng kanyang tahanan,
    at pinuno ng lahat niyang ari-arian,
22 upang talian ang kanyang mga pinuno ayon sa kanyang nais,
    at turuan ng karunungan ang kanyang matatanda.

23 At(M) ang Israel ay dumating sa Ehipto;
    si Jacob ay nakipanirahan sa lupain ng Ham.
24 At(N) ginawang napakabunga ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at ginawa silang higit na malakas kaysa kanilang mga kaaway.
25 Kanyang ibinaling ang kanilang puso upang mapoot sa kanyang bayan,
    upang makitungong may katusuhan sa kanyang mga lingkod.

26 Kanyang(O) sinugo si Moises na kanyang lingkod,
    at si Aaron na kanyang pinili.
27 Kanilang isinagawa ang kanyang kahanga-hangang gawa sa gitna nila,
    at mga kababalaghan sa lupain ng Ham.
28 Siya'y(P) nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim,
    sila'y hindi naghimagsik laban sa kanyang mga salita.
29 Kanyang(Q) ginawang dugo ang kanilang tubig,
    at pinatay ang kanilang mga isda.
30 Ang(R) kanilang lupain ay napuno ng mga palaka,
    maging sa mga silid-tulugan ng kanilang mga hari.
31 Siya'y(S) nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw,
    at mga niknik sa buong bayan.
32 Binigyan(T) niya sila ng yelo bilang ulan,
    at liyab ng apoy sa kanilang lupain.
33 Pinatay niya ang kanilang mga puno ng ubas at mga puno ng igos,
    at winasak ang mga punungkahoy sa kanilang lupain.
34 Siya'y(U) nagsalita at ang mga balang ay nagsidating,
    ang mga batang balang na di kayang bilangin,
35 na kinain ang lahat ng pananim sa kanilang lupain,
    at kinain ang bunga ng kanilang lupain.
36 Pinagpapatay(V) din niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain,
    ang unang bunga ng lahat nilang kalakasan.

37 At(W) kanyang inilabas sila na may pilak at ginto;
    at walang sinuman sa kanyang mga lipi ang natisod.
38 Natuwa ang Ehipto nang sila'y magsialis;
    sapagkat ang pagkatakot nila ay dumating sa kanila.
39 Kanyang(X) inilatag ang ulap bilang panakip,
    at apoy upang magbigay liwanag sa gabi.
40 Sila'y(Y) humingi, at dinalhan niya ng mga pugo,
    at binigyan niya sila ng saganang tinapay mula sa langit.
41 Kanyang(Z) binuksan ang bato at dumaloy ang tubig;
    ito'y umagos sa ilang na gaya ng ilog.
42 Sapagkat naalala niya ang kanyang banal na salita,
    at si Abraham na kanyang lingkod.

43 At kanyang inilabas na may kagalakan ang kanyang bayan,
    at ang kanyang hinirang na may pag-aawitan.
44 At(AA) ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa;
    at inangkin nila ang paggawa ng mga tao,
45 upang kanilang ingatan ang kanyang mga tuntunin,
    at ang kanyang mga kautusan ay sundin.
Purihin ang Panginoon!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001