Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Kawikaan 19-21

19 Mas mabuti ang dukha na lumalakad sa kanyang katapatan,
    kaysa isang taong masama ang pananalita, at isang hangal.
Hindi mabuti para sa isang tao ang walang kaalaman,
    at siyang nagmamadali sa kanyang mga paa ay naliligaw.
Ang kahangalan ng tao ang sumisira sa kanyang landas,
    at ang kanyang puso ay nagagalit laban sa Panginoon.
Ang kayamanan ay nagdaragdag ng maraming bagong kaibigan,
    ngunit ang dukha ay iniiwan ng kanyang kaibigan.
Ang bulaang saksi ay tiyak na parurusahan,
    at hindi makakatakas ang nagsasalita ng mga kasinungalingan.
Marami ang naghahangad ng pagpapala ng taong may magandang-loob,
    at ang bawat tao'y kaibigan ng nagbibigay ng mga handog.
Kinamumuhian ang mahirap ng lahat ng kanyang kapatid,
    gaano pa kaya ang ilalayo sa kanya ng kanyang mga kaibigan!
Kanyang hinahabol sila ng mga salita, ngunit wala na sila.
Siyang kumukuha ng karunungan ay umiibig sa sariling kaluluwa,
    siyang nag-iingat ng pang-unawa ay sasagana.
Ang sinungaling na saksi ay tiyak na parurusahan,
    at ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay mamamatay.
10 Hindi nababagay sa hangal ang mamuhay na marangya,
    lalo na sa alipin na sa mga pinuno ay mamahala.
11 Ang matinong pag-iisip ng tao sa galit ay nagpapabagal,
    at kanyang kaluwalhatian na di pansinin ang kamalian.
12 Ang poot ng hari ay parang ungal ng leon,
    ngunit parang hamog sa damo ang kanyang pagsang-ayon.
13 Ang hangal na anak, sa kanyang ama ay kasiraan,
    at ang pakikipagtalo ng asawa[a] ay patuloy na pagpatak ng ulan.
14 Bahay at kayamanan ay minamana sa mga magulang,
    ngunit galing sa Panginoon ang asawa[b] na may katalinuhan.
15 Ang katamaran ay nagbubulid sa tulog na mahimbing;
    at ang taong tamad, gutom ay daranasin.
16 Ang nag-iingat ng utos ay kaluluwa niya ang iniingatan,
    ngunit ang humahamak sa salita ay mamamatay.
17 Ang mabait sa dukha ay sa Panginoon nagpapautang,
    at ang kanyang mabuting gawa sa kanya ay babayaran.
18 Supilin mo ang iyong anak, habang may pag-asa;
    at huwag mong ilagak ang iyong puso sa ikapapahamak niya.
19 Ang taong may malaking poot sa parusa ay pagbabayarin,
    sapagkat kung iyong iligtas siya, muli mo lamang iyong gagawin.
20 Makinig ka sa payo, at sa pangaral ay tumanggap,
    upang magtamo ka ng karunungan para sa hinaharap.
21 Sa puso ng isang tao, ang panukala'y marami,
    ngunit ang layunin ng Panginoon ang siyang mananatili.
22 Ang kanais-nais sa isang tao ay ang kanyang katapatan,
    at ang isang dukha ay mas mabuti kaysa isang bulaan.
23 Ang takot sa Panginoon ay patungo sa buhay;
    at ang mayroon niyon ay magpapahingang may kasiyahan;
    hindi siya dadalawin ng kapinsalaan.
24 Ibinabaon ng tamad ang kanyang kamay sa pinggan,
    at hindi niya ibabalik pa sa kanyang bibig man lamang.
25 Saktan mo ang manlilibak, at ang walang muwang ay matututo ng karunungan;
    sawayin mo ang may unawa, at siya'y magkakaroon ng kaalaman.
26 Ang gumagawa ng karahasan sa kanyang ama, at nagpapalayas sa kanyang ina,
    ay anak na nakakahiya at kakutyaan ang dala.
27 Tumigil ka, anak ko, upang makinig ng aral
    upang hindi ka maligaw mula sa mga salita ng kaalaman.
28 Ang walang kabuluhang saksi ay lumilibak sa katarungan,
    at ang bibig ng masama ay lumalamon ng kasamaan.
29 Nakahanda sa mga manlilibak ang kahatulan,
    ang paghagupit ay sa mga likod ng mga hangal.

20 Ang alak ay manunuya, ang matapang na inumin ay manggugulo;
    at sinumang naililigaw nito ay hindi matalino.
Ang matinding poot ng hari ay parang ungal ng leon;
    ang gumagalit sa kanya ay nagkakasala laban sa kanyang buhay.
Karangalan para sa isang tao ang umiwas sa alitan;
    ngunit bawat hangal ay makikipag-away.
Ang tamad ay hindi nag-aararo sa tagginaw;
    siya'y maghahanap sa anihan, at walang matatagpuan.
Ang layunin sa puso ng tao ay parang malalim na tubig;
    ngunit sa taong may kaunawaan, ito'y kanyang iniigib.
Maraming tao ang naghahayag ng sariling katapatan,
    ngunit sinong makakatagpo ng taong tapat?
Ang taong matuwid na lumalakad sa katapatan niya—
    mapapalad ang kanyang mga anak na susunod sa kanya!
Ibinubukod ng haring nakaupo sa trono ng kahatulan
    sa pamamagitan ng kanyang mga mata, ang lahat ng kasamaan.
Sinong makapagsasabi, “Puso ko'y aking nalinisan;
    ako'y malinis mula sa aking kasalanan”?
10 Iba't ibang panimbang, at iba't ibang sukatan,
    parehong sa Panginoon ay karumaldumal.
11 Ang bata man ay nakikilala sa pamamagitan ng kanyang mga gawa,
    kung ang kanyang ginagawa ay malinis at tama.
12 Ang nakikinig na tainga, at ang nakakakitang mata,
    ang Panginoon ang parehong gumawa sa kanila.
13 Huwag mong ibigin ang pagtulog, baka humantong ka sa kahirapan,
    imulat mo ang iyong mga mata, at mabubusog ka ng tinapay.
14 “Walang halaga, walang halaga,” sabi ng mamimili;
    ngunit kapag nakalayo na siya, saka siya magmamalaki.
15 Mayroong ginto, at napakaraming mga batong mahal,
    ngunit mahalagang hiyas ang mga labi ng kaalaman.
16 Kunin mo ang suot ng taong nananagot sa di-kilala;
    at tanggapan mo ng sangla ang nananagot sa mga banyaga.
17 Matamis sa isang tao ang tinapay na nakuha sa pandaraya,
    ngunit pagkatapos, ang kanyang bibig ay mapupuno ng graba.
18 Natatatag sa pamamagitan ng payo ang bawat panukala;
    sa pamamagitan ng matalinong patnubay ikaw ay makipagdigma.
19 Ang naghahatid ng tsismis ay naghahayag ng mga lihim;
    kaya't ang nagsasalita ng kahangalan ay huwag mong kasamahin.
20 Kung sumumpa sa kanyang ama o sa kanyang ina ang sinuman,
    ang kanyang ilawan ay papatayin sa pusikit na kadiliman.
21 Ang mana na madaling nakuha sa pasimula,
    sa katapusan ay hindi mapagpapala.
22 Huwag mong sabihin, “Ang masama'y aking gagantihan,”
    maghintay ka sa Panginoon, at ikaw ay kanyang tutulungan.
23 Ang paiba-ibang panimbang, sa Panginoon ay karumaldumal,
    at hindi mabuti ang madadayang timbangan.
24 Ang mga lakad ng tao ay sa Panginoon;
    paano ngang mauunawaan ng tao ang kanyang lakad?
25 Isang bitag sa tao ang padalus-dalos na magsabi, “Ito ay banal,”
    at pagkatapos gumawa ng mga panata, saka pa magbubulay-bulay.
26 Ibinubukod ng matalinong hari ang masama,
    at sa gulong sila'y ipinasasagasa.
27 Ilawan ng Panginoon ang espiritu ng tao,
    na sumisiyasat ng kaloob-looban nito.
28 Ang nagpapanatili sa hari ay katapatan at katotohanan,
    at ang kanyang trono ay inaalalayan ng katuwiran.
29 Ang kaluwalhatian ng mga kabataan ay ang kanilang kalakasan,
    at ang kagandahan ng matatanda ay ang ulo nilang may uban.
30 Ang mga latay na sumusugat ay lumilinis ng kasamaan;
    at ang mga hampas ay nagpapadalisay sa kaloob-looban.

21 Ang puso ng hari ay nasa kamay ng Panginoon na parang batis ng tubig;
    ibinabaling niya ito saanman niya ibig.
Matuwid sa kanyang sariling mga mata ang bawat lakad ng tao,
    ngunit tinitimbang ng Panginoon ang mga puso.
Ang paggawa ng katuwiran at katarungan,
    ay higit na kalugud-lugod sa Panginoon kaysa pag-aalay.
Ang mapagmataas na tingin, at ang pusong palalo,
    siyang ilaw ng masama, ang mga ito'y kasalanan.
Ang mga plano ng masipag ay patungo sa kasaganaan,
    ngunit ang bawat nagmamadali ay humahantong lamang sa kasalatan.
Ang pagkakaroon ng kayamanan sa pamamagitan ng dilang bulaan,
    ay singaw na tinatangay at bitag ng kamatayan.
Ang karahasan ng masama ang sa kanila'y tatangay,
    sapagkat ayaw nilang gawin ang makatarungan.
Liko ang lakad ng may kasalanan,
    ngunit matuwid ang asal ng dalisay.
Mas mabuting tumira sa isang sulok ng bubungan,
    kaysa sa isang bahay na kasama ang isang babaing palaaway.
10 Ang kaluluwa ng masama ay kasamaan ang ninanasa,
    ang kanyang kapwa ay hindi nakakasumpong ng awa sa kanyang mga mata.
11 Kapag ang manlilibak ay pinarurusahan, tumatalino ang walang muwang,
    kapag ang matalino ay tinuturuan, siya'y tumatanggap ng kaalaman.
12 Pinagmamasdan ng matuwid ang bahay ng masama,
    ibinubulid ang masama sa pagkasira.
13 Ang nagtatakip ng kanyang mga pandinig sa daing ng dukha,
    siya man ay dadaing, ngunit hindi diringgin.
14 Ang lihim na regalo ay nagpapatahimik ng galit,
    ngunit ang suhol sa dibdib ay malaking poot.
15 Kagalakan sa matuwid kapag nagawa ang katarungan,
    ngunit kabalisahan sa gumagawa ng kasamaan.
16 Ang taong lumilihis sa landas ng kaunawaan,
    ay magpapahinga sa kapisanan ng mga patay.
17 Ang umiibig sa kalayawan ay magiging dukha,
    ang umiibig sa alak at langis ay hindi sasagana.
18 Ang masama ay pantubos para sa matuwid,
    at ang taksil, sa matuwid ay kapalit.
19 Mas mabuti pang tumira sa ilang na lupain,
    kaysa makasama ang babaing palaaway at bugnutin.
20 Nananatili sa tahanan ng pantas ang mahalagang kayamanan,
    ngunit ito'y nilalamon ng isang hangal.
21 Ang sumusunod sa katuwiran at kabaitan,
    ay makakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan.
22 Sinusukat ng taong pantas ang lunsod ng makapangyarihan,
    at ibinabagsak ang muog na kanilang pinagtitiwalaan.
23 Ang nag-iingat ng kanyang dila at bibig,
    ay nag-iingat ng kanyang sarili mula sa ligalig.
24 Ang palalo at mapagmataas na tao, “manlilibak” ang kanyang pangalan,
    siya'y gumagawa na may palalong kahambugan.
25 Ang pagnanasa ng tamad ang sa kanya'y pumapatay,
    sapagkat ayaw magpagal ng kanyang mga kamay.
26 Sa buong maghapon ang masama'y nag-iimbot,
    ngunit ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagdadamot.
27 Karumaldumal ang alay ng masama;
    gaano pa kaya, kapag dinadala niya ito na may masamang panukala.
28 Mapapahamak ang sinungaling na saksi,
    ngunit ang salita ng taong nakikinig ay mananatili.
29 Ang masamang tao ay nagmamatigas ng kanyang mukha;
    ngunit isinasaalang-alang ng taong matuwid ang mga lakad niya.
30 Walang karunungan, pang-unawa, o payo
    ang mananaig laban sa Panginoon.
31 Ang kabayo ay inihahanda para sa araw ng paglalaban,
    ngunit nauukol sa Panginoon ang pagtatagumpay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001