Beginning
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
140 Iligtas mo ako, O Panginoon, sa masasamang tao;
mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako,
2 na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila,
at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma.
3 Pinatatalas(A) ang kanilang dila na gaya ng sa ahas;
at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah)
4 O Panginoon, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako,
ingatan mo ako sa mararahas na tao,
na nagbalak na tisurin ang mga paa ko.
5 Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag,
at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan,
naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah)
6 Aking sinabi sa Panginoon, “Ikaw ay aking Diyos;
pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O Panginoon.”
7 O Panginoon, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan,
tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan.
8 Huwag mong ipagkaloob, O Panginoon, ang mga nasa ng masama;
huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah)
9 Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin,
takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi.
10 Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga!
Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli!
11 Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig;
kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig!
12 Alam kong tutulungan ng Panginoon ang panig ng nahihirapan,
at katarungan para sa mahirap.
13 Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan,
ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan.
Awit ni David.
141 Tumatawag ako sa iyo, O Panginoon; magmadali ka sa akin!
Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo.
2 Ibilang(B) mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan,
at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan.
3 Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O Panginoon.
Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi!
4 Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama,
na ako'y gumawa ng masasamang gawa,
na kasama ng mga taong gumagawa ng masama,
at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila.
5 Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako,
ito'y langis sa ulo;
huwag nawang tanggihan ng aking ulo,
sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko.
6 Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato,
at kanilang diringgin ang aking mga salita
sapagkat sila ay maiinam.
7 Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa,
gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat.
8 Subalit ang mga mata ko, O Panginoong Diyos, sa iyo'y nakatuon;
sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban!
9 Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay,
at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan!
10 Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat,
habang ako naman ay tumatakas.
Maskil(C) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
Awit ni David.
143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
iyong dinggin ang aking mga daing!
Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
2 At(D) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
3 Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
4 Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.
5 Aking naaalala ang mga araw nang una,
aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
6 Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)
7 Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
8 Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
9 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
sa landas na pantay!
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
sapagkat ako'y iyong lingkod.
Awit ni David.
144 Purihin ang Panginoon, ang aking malaking bato,
kanyang sinasanay ang aking mga kamay para sa digmaan, at ang aking mga daliri sa pakikipaglaban;
2 ang aking tapat na pag-ibig at aking tanggulan,
aking muog at aking tagapagligtas;
aking kalasag at siya kong kinakanlungan,
na siyang nagpapasuko sa ilalim ko ng mga bayan.
3 Panginoon,(E) ano ba ang tao upang siya'y iyong kilalanin,
o ang anak ng tao, upang siya'y iyong isipin?
4 Ang tao ay katulad ng hininga,
gaya ng aninong nawawala ang mga araw niya.
5 Iyuko mo ang iyong kalangitan, O Panginoon, at ikaw ay pumanaog!
Hipuin mo ang mga bundok upang ang mga ito'y magsiusok.
6 Paguhitin mo ang kidlat at sila'y iyong pangalatin,
suguin mo ang iyong mga palaso at sila'y iyong lituhin!
7 Iyong iunat mula sa itaas ang iyong kamay,
iligtas mo ako at sagipin sa maraming tubig,
mula sa kamay ng mga dayuhan,
8 na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
na ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
9 Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, O Diyos;
sa salterio na may sampung kawad ako sa iyo'y tutugtog,
10 na siyang nagbibigay sa mga hari ng pagtatagumpay,
na siyang nagligtas kay David na kanyang lingkod sa masamang tabak.
11 Iligtas mo ako,
at iligtas mo ako sa kamay ng mga banyaga,
na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan,
at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
12 Ang amin nawang mga anak na lalaki sa kanilang kabataan
ay maging gaya ng mga halaman sa hustong gulang,
at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato
na tinabas para sa gusali ng isang palasyo;
13 ang amin nawang mga kamalig ay mapuno,
na naglalaman ng lahat ng uri ng bagay;
ang mga tupa namin nawa ay manganak ng mga libo
at mga sampung libo sa aming mga parang;
14 ang mga baka namin nawa ay manganak
na walang makukunan o mawawalan,
huwag nawang magkaroon ng daing ng pagdadalamhati sa aming mga lansangan!
15 Pinagpala ang bayan na nasa gayong kalagayan!
Maligaya ang bayan na ang Diyos ay ang Panginoon!
Awit ng Papuri. Kay David.
145 Aking Diyos at Hari, ika'y aking papupurihan,
at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailanpaman.
2 Pupurihin kita araw-araw,
at pupurihin ko ang pangalan mo magpakailanpaman.
3 Dakila ang Panginoon, at sa papuri'y lubhang karapat-dapat,
at ang kanyang kadakilaan ay hindi masukat.
4 Ipagmamalaki ng isang salinlahi sa kasunod nito ang iyong mga gawa,
at ipahahayag ang iyong mga gawang dakila.
5 Sa maluwalhating kaningningan ng iyong karangalan,
at sa iyong kahanga-hangang mga gawa, ako'y magbubulay-bulay.
6 Ipahahayag ng mga tao ang kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa;
at akin namang ipahahayag ang iyong kadakilaan.
7 Kanilang sabik na sasambitin ang alaala ng iyong masaganang kabutihan,
at isisigaw nang malakas ang iyong katuwiran.
8 Ang Panginoon ay mapagpala at punô ng awa,
hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
9 Ang Panginoon ay mabuti sa lahat;
at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa.
10 Lahat mong mga gawa, O Panginoon, ay magpapasalamat sa iyo,
at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo!
11 Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian,
at ibabalita ang iyong kapangyarihan;
12 upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong[a] mga gawang makapangyarihan,
at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian.
13 Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian,
at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan.
14 Inaalalayan ng Panginoon ang lahat ng nalulugmok,
at itinatayo ang lahat ng nakayukod.
15 Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin,
at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain.
16 Binubuksan mo ang iyong kamay,
binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.
17 Ang Panginoon ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya,
at mabait sa lahat niyang mga gawa.
18 Ang Panginoon ay malapit sa lahat ng sa kanya'y nananawagan,
sa lahat ng tumatawag sa kanya sa katotohanan.
19 Kanyang ibinibigay ang nasa ng lahat ng natatakot sa kanya;
kanya ring dinirinig ang kanilang daing, at inililigtas sila.
20 Iniingatan ng Panginoon ang lahat ng umiibig sa kanya;
ngunit lahat ng masama ay lilipulin niya.
21 Ang aking bibig ay magsasalita ng papuri sa Panginoon;
at pupurihin ng lahat ng laman ang kanyang banal na pangalan magpakailanpaman.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001