Beginning
Walang Kabuluhan ang Lahat
1 Ang mga salita ng Mangangaral,[a] na anak ni David, hari sa Jerusalem.
2 Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral;
walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan! Lahat ay walang kabuluhan.
3 Anong pakinabang mayroon ang tao sa lahat ng kanyang pagpapagal,
na kanyang pinagpapaguran sa ilalim ng araw?
4 Isang salinlahi ay umaalis, at dumarating ang isang salinlahi naman,
ngunit ang daigdig ay nananatili magpakailanman.
5 Sumisikat ang araw, at lumulubog din ang araw,
at nagmamadali sa dakong kanyang sinisikatan.
6 Ang hangin ay humihihip sa timog,
at patungo sa hilaga na nagpapaikut-ikot;
at paikut-ikot na ang hangin ay humahayo,
at ang hangin ay bumabalik sa iniikutan nito.
7 Lahat ng mga ilog ay sa dagat nagtutungo,
ngunit ang dagat ay hindi napupuno;
sa dakong inaagusan ng mga ilog,
doon ay muli silang umaagos.
8 Lahat ng mga bagay ay nakakapagod,
higit sa masasabi ng tao;
ang mata sa pagtingin ay hindi nasisiyahan,
ni ang tainga sa pakikinig ay walang kabusugan.
9 Ang nangyari ay siyang mangyayari,
at ang nagawa na ay siyang gagawin,
at walang bagong bagay sa ilalim ng araw.
10 May bagay ba na masasabi tungkol dito,
“Tingnan mo, ito ay bago”?
Ganyan na iyan,
sa nauna pa sa ating mga kapanahunan.
11 Ang mga tao noong una ay hindi naaalala,
ni magkakaroon ng alaala pa man tungkol sa mga tao
ng mga taong susunod pagkatapos nila.
Ang Karanasan ng Mangangaral
12 Akong Mangangaral ay naging hari sa Israel sa Jerusalem.
13 Ginamit ko ang aking isipan upang hanapin at siyasatin sa pamamagitan ng karunungan ang lahat ng ginawa sa silong ng langit. Iyon ay isang malungkot na gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng mga tao upang pagkaabalahan.
14 Aking nakita ang lahat ng ginawa sa ilalim ng araw; at tingnan mo, lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
15 Ang baluktot ay hindi matutuwid;
at ang wala ay hindi mabibilang.
16 Sinabi(A) ko sa aking sarili, “Nagtamo ako ng malaking karunungang higit kaysa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem; at ang isipan ko'y nagtaglay ng malaking karanasan sa karunungan at kaalaman.”
17 At ginamit ko ang aking isipan upang alamin ang karunungan, at alamin ang kaululan at kahangalan. Aking nakita na ito man ay pakikipaghabulan sa hangin.
18 Sapagkat sa maraming karunungan ay maraming kalungkutan,
at siyang nagpaparami ng kaalaman ay nagpaparami ng kalungkutan.
Tungkol sa Sariling Kasiyahan
2 Sinabi ko sa aking sarili, “Pumarito ka ngayon, susubukin ko ang kasayahan; magpakasarap ka.” Ngunit ito rin ay walang kabuluhan.
2 Aking sinabi tungkol sa halakhak, “Ito'y kalokohan” at sa kasayahan, “Anong halaga nito?”
3 Siniyasat ng aking isipan kung paano pasasayahin ang aking katawan sa pamamagitan ng alak—pinapatnubayan pa ng karunungan ang aking isipan—at kung paano maging hangal, hanggang sa aking makita kung ano ang mabuting gawin ng mga tao sa silong ng langit sa iilang araw ng kanilang buhay.
4 Gumawa(B) ako ng mga dakilang gawa; nagtayo ako ng mga bahay at nagtanim ako para sa sarili ko ng mga ubasan.
5 Gumawa ako para sa sarili ko ng mga halamanan at mga liwasan, at aking tinamnan ng mga sari-saring punungkahoy na nagbubunga.
6 Gumawa ako para sa sarili ko ng mga tipunan ng tubig, upang diligin ang gubat na pagtatamnan ng mga lumalaking punungkahoy.
7 Ako'y(C) bumili ng mga aliping lalaki at babae, at nagkaroon ako ng mga aliping ipinanganak sa aking bahay. Nagkaroon din ako ng mga malaking ari-arian ng mga bakahan at mga kawan, higit kaysa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem.
8 Nagtipon(D) din ako para sa akin ng pilak at ginto, at ng kayamanan ng mga hari at ng mga lalawigan. Kumuha ako ng mga mang-aawit na lalaki at babae, at maraming asawa na kasiyahan ng laman.
9 Kaya't(E) naging dakila ako, at nahigitan ko ang lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem; ang aking karunungan ay nanatili naman sa akin.
10 At anumang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait. Hindi ko pinigil ang aking puso sa anumang kasiyahan, sapagkat nagagalak ang aking puso dahil sa lahat kong gawain; at ito ang aking gantimpala para sa lahat ng aking pagpapagod.
11 Nang magkagayo'y minasdan ko ang lahat na ginawa ng aking mga kamay, at ang pagpapagal na aking ginugol sa paggawa nito. At muli, lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin, at walang mapapakinabang sa ilalim ng araw.
12 Kaya't ako'y bumaling upang isaalang-alang ang karunungan, ang kaululan at ang kahangalan; sapagkat ano ang magagawa ng tao na sumusunod sa hari? Ang kanya lamang nagawa na.
13 Nang magkagayo'y aking nakita, na ang karunungan ay nakakahigit sa kahangalan, na gaya ng liwanag na nakakahigit sa kadiliman.
14 Ang mga mata ng pantas ay nasa kanyang ulo, ngunit ang hangal ay lumalakad sa kadiliman; gayunma'y aking nakita na isang kapalaran ang dumarating sa kanilang lahat.
15 Nang magkagayo'y sinabi ko sa aking sarili, “Kung ano ang nangyari sa hangal ay mangyayari rin sa akin; kaya't bakit pa nga ako naging napakarunong?” At sinabi ko sa puso ko na ito man ay walang kabuluhan.
16 Sapagkat kung paano sa pantas ay gayundin sa hangal, walang alaala magpakailanman; na sa mga araw na darating ay malilimutan nang lahat. At kung paanong ang pantas ay namamatay ay gayon ang mangmang!
17 Sa gayo'y kinamuhian ko ang buhay, sapagkat ang ginawa sa ilalim ng araw ay mapanglaw sa akin, sapagkat lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
18 Kinamuhian ko ang lahat kong pagpapagal na aking ginawa sa ilalim ng araw; yamang marapat kong iwan sa tao na susunod sa akin.
19 At sinong nakakaalam kung siya'y magiging isang pantas o isang hangal? Gayunman ay mamumuno siya sa lahat ng aking pinagpaguran, at sa aking ginamitan ng aking karunungan sa ilalim ng araw. Ito man ay walang kabuluhan.
20 Kaya't ako'y bumalik at aking ibinigay ang aking puso sa kawalang pag-asa sa lahat ng gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw.
21 Sapagkat kung minsan ang taong gumawa na may karunungan, kaalaman, at kakayahan ay iiwanan ang lahat upang pakinabangan ng taong hindi nagpagod para dito. Ito man ay walang kabuluhan at malaking kasamaan.
22 Sapagkat ano ang natatamo ng tao sa lahat ng kanyang ginagawa at pinagpaguran sa ilalim ng araw?
23 Sapagkat(F) lahat ng kanyang araw ay punô ng sakit at ang kanyang gawa ay pagdaramdam; at pati sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kanyang isip. Ito man ay walang kabuluhan.
24 Walang(G) mabuti sa tao kundi ang kumain at uminom, at magpakaligaya sa kanyang pinagpaguran. Nakita ko na ito man ay mula sa kamay ng Diyos.
25 Sapagkat sinong makakakain, o sinong makapagtataglay ng kagalakan na hiwalay sa kanya?
26 Sapagkat(H) ang tao na kinalulugdan ng Diyos ay binibigyan niya ng karunungan, kaalaman at kagalakan; ngunit sa makasalanan ay ibinibigay niya ang gawain ng pagtitipon at pagbubunton, upang maibigay sa kanya na kinalulugdan ng Diyos. Ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
May Kanya-kanyang Panahon ang Bawat Bagay
3 Sa bawat bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawat bagay sa silong ng langit:
2 panahon upang isilang, at panahon upang mamatay;
panahon ng pagtatanim, at panahon upang bunutin ang itinanim;
3 panahon ng pagpatay, at panahon ng pagpapagaling;
panahon ng paggiba, at panahon ng pagtatayo;
4 panahon ng pag-iyak, at panahon ng pagtawa;
panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw;
5 panahon ng paghahagis ng mga bato, at panahon ng pagtitipon ng mga bato;
panahon ng pagyakap, at panahon na magpigil sa pagyakap;
6 panahon ng paghahanap, at panahon ng pagkawala;
panahon ng pagtatago, at panahon ng pagtatapon;
7 panahon ng pagpunit, at panahon ng pananahi;
panahon ng pagtahimik, at panahon ng pagsasalita;
8 panahon upang magmahal, at panahon upang masuklam;
panahon ng digmaan, at panahon ng kapayapaan.
9 Anong pakinabang ang natatamo ng manggagawa sa kanyang pinagpapaguran?
10 Aking nakita ang gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng mga tao upang pagkaabalahan.
11 Ginawa niya ang bawat bagay na maganda sa kapanahunan niyon; inilagay rin niya ang walang hanggan sa isipan ng tao, gayunma'y hindi niya malalaman ang ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas.
12 Nalalaman ko, na walang mas mabuti para sa kanila kundi ang magsaya, at masiyahan habang sila'y nabubuhay.
13 At kaloob ng Diyos sa tao na ang bawat isa ay kumain, uminom, at masiyahan sa lahat ng kanyang pinagpaguran.
14 Nalalaman ko na anumang ginagawa ng Diyos ay mananatili magpakailanman; walang bagay na maidadagdag doon, o anumang bagay na maaalis. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao ay matakot sa harapan niya.
15 Ang nangyayari ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na; at hinahanap ng Diyos ang nakaraan na.
Kawalan ng Katarungan
16 At bukod dito'y aking nakita sa ilalim ng araw na sa dako ng katarungan ay mayroon ding kasamaan; at sa dako ng katuwiran ay mayroon ding kasamaan.
17 Sinabi ko sa aking puso, Hahatulan ng Diyos ang matuwid at ang masama; sapagkat nagtakda siya ng panahon sa bawat bagay at sa bawat gawa.
18 Sinabi ko sa aking puso tungkol sa mga tao, na sinusubok sila ng Diyos upang ipakita sa kanila na sila'y mga hayop lamang.
19 Sapagkat ang kapalaran ng mga anak ng mga tao at ang kapalaran ng mga hayop ay magkatulad; kung paanong namamatay ang hayop, namamatay din ang tao. Silang lahat ay may isang hininga. Ang tao ay walang kalamangan sa mga hayop; sapagkat lahat ay walang kabuluhan.
20 Lahat ay tumutungo sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay muling babalik sa alabok.
21 Sinong nakakaalam kung ang espiritu ng tao ay umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa lupa?
22 Kaya't aking nakita, na walang bagay na mas mabuti, kundi ang tao ay magpakasaya sa kanyang mga gawa, sapagkat iyon ang kanyang kapalaran; sinong makapagpapakita sa kanya kung anong mangyayari pagkamatay niya?
Ang Kasamaan ng Tao at ang Pagkakatulad sa Hayop
4 Muli kong nakita ang lahat ng pang-aapi na ginagawa sa ilalim ng araw. Masdan ninyo, ang mga luha ng mga inaapi at walang umaaliw sa kanila! Sa panig ng kanilang maniniil ay may kapangyarihan, at walang umaaliw sa kanila.
2 Kaya't aking inisip na ang patay na namatay na, ay higit na mapalad kaysa mga buháy na nabubuhay pa;
3 ngunit higit na mabuti kaysa kanila ang hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakita ng masasamang gawa na nagawa sa ilalim ng araw.
4 Nang magkagayo'y nakita ko na lahat ng pagpapagod, at lahat ng kakayahan sa paggawa ay nagmumula sa pagkainggit ng tao sa kanyang kapwa. Ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
5 Inihahalukipkip ng hangal ang kanyang mga kamay, at kinakain ang kanyang sariling laman.
6 Mas mabuti pa ang isang dakot na katahimikan, kaysa dalawang dakot na punô ng pagpapagod at pakikipaghabulan lamang sa hangin.
7 Muli kong nakita ang walang kabuluhan sa ilalim ng araw:
8 isang taong nag-iisa, walang anak o kapatid man; gayunma'y walang wakas ang lahat niyang pagpapagod, at ang kanyang mga mata ay hindi nasisiyahan sa mga kayamanan. Kaya't hindi niya itinatanong, “Para kanino ako nagpapagod at pinagkakaitan ko ang aking sarili ng kasiyahan?” Ito man ay walang kabuluhan at malungkot na bagay.
Ang Kahalagahan ng Kaibigan
9 Ang dalawa ay mas mabuti kaysa isa; sapagkat sila'y may mabuting gantimpala sa kanilang pagpapagod.
10 Sapagkat kung sila'y bumagsak, ibabangon ng isa ang kanyang kasama; ngunit kahabag-habag siya na nag-iisa kapag siya'y bumagsak; at walang iba na magbabangon sa kanya.
11 Muli, kung ang dalawa ay mahigang magkasama, may init nga sila; ngunit paanong maiinitan ang nag-iisa?
12 At bagaman ang isang tao ay maaaring magtagumpay laban sa iba, ang dalawa ay magtatagumpay laban sa isa. Ang panaling may tatlong pisi ay hindi agad napapatid.
13 Mas mabuti ang dukha at pantas na kabataan kaysa matanda at hangal na hari, na hindi na tatanggap pa ng payo,
14 bagaman mula sa bilangguan ay makapaghahari siya, o siya'y ipinanganak na dukha sa kanyang sariling kaharian.
15 Aking nakita ang lahat ng may buhay na nagsisilakad sa ilalim ng araw, maging ang kabataang tatayo na kapalit niya;
16 walang wakas sa lahat ng mga tao na kanyang pinapangunahan. Gayunman, silang darating pagkatapos ay hindi magagalak sa kanya. Tunay na ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001