Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Kawikaan 13-15

13 Ang turo ng ama'y dinirinig ng matalinong anak,
    ngunit hindi nakikinig sa saway ang manlilibak.
Ang tao mula sa bunga ng kanyang bibig ay kakain ng kabutihan,
    ngunit ang pagnanasa ng mandaraya ay karahasan.
Ang nag-iingat ng kanyang bibig ay nag-iingat ng kanyang buhay;
    ngunit ang nagbubuka nang maluwang ng kanyang mga labi ay hahantong sa kapahamakan.
Ang kaluluwa ng tamad ay nagnanasa at walang nakukuha,
    ngunit ang kaluluwa ng masipag ay tutustusang sagana.
Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan,
    ngunit ang gawa ng masama ay kahiyahiya at kasuklamsuklam.
Ang may matuwid na lakad ay binabantayan ng katuwiran,
    ngunit ibinabagsak ng pagkakasala ang makasalanan.
May nagkukunwaring mayaman, subalit wala naman,
    may nagpapanggap na dukha, gayunma'y napakayaman.
Ang pantubos sa buhay ng tao ay ang kanyang kayamanan,
    ngunit ang dukha ay walang banta sa kanyang buhay.
Ang ilaw ng matuwid ay natutuwa,
    ngunit ang tanglaw ng masama ay mawawala.
10 Sa kapalaluan, ang suwail ay lumilikha ng gulo,
    ngunit ang karunungan ay nasa mga tumatanggap ng payo.
11 Mauubos ang kayamanang nakuha sa madaling paraan,
    ngunit siyang unti-unting nagtitipon ay madaragdagan.
12 Nagpapasakit ng puso ang pag-asang naaantala,
    ngunit punungkahoy ng buhay ang natupad na nasa.
13 Ang humahamak sa salita, sa sarili'y nagdadala ng kapahamakan,
    ngunit ang gumagalang sa utos ay gagantimpalaan.
14 Ang kautusan ng matalino ay bukal ng buhay,
    upang makaiwas ang tao sa mga bitag ng kamatayan.
15 Ang mabuting pagpapasiya'y nagbubunga ng pagpapala,
    ngunit ang lakad ng di-tapat ang kanilang ikasisira.
16 Sa bawat bagay ang matalinong tao ay gumagawang may kaalaman;
    ngunit ang hangal ay nagkakalat ng kanyang kahangalan.
17 Ang masamang sugo ay naghuhulog sa tao sa kaguluhan,
    ngunit ang tapat na sugo ay may dalang kagalingan.
18 Kahirapan at kahihiyan ang darating sa nagtatakuwil ng pangaral,
    ngunit siyang nakikinig sa saway ay pararangalan.
19 Ang pagnanasang natupad ay matamis sa kaluluwa;
    ngunit kasuklamsuklam sa mga hangal ang humiwalay sa masama.
20 Ang lumalakad na kasama ng matatalino ay magiging matalino rin,
    ngunit ang kasama ng mga hangal, kapahamakan ang daranasin.
21 Ang kasawian ay humahabol sa mga makasalanan,
    ngunit ang matuwid ay ginagantimpalaan ng kasaganaan.
22 Ang mabuting tao ay nag-iiwan ng mana sa mga anak ng kanyang mga anak;
    ngunit ang kayamanan ng makasalanan, para sa matuwid ay nakalagak.
23 Ang binungkal na lupa ng dukha ay maraming pagkaing ibinibigay,
    ngunit naaagaw iyon dahil sa kawalan ng katarungan.
24 Ang hindi gumagamit ng pamalo ay napopoot sa anak niya,
    ngunit ang umiibig sa kanya ay matiyagang dumidisiplina.
25 Ang matuwid ay may sapat upang masiyahan,
    ngunit ang tiyan ng masama ay mangangailangan.

14 Ang matalinong babae[a] ay nagtatayo ng kanyang bahay,
    ngunit binubunot ito ng hangal ng sarili niyang mga kamay.
Ang lumalakad sa katuwiran sa Panginoon ay gumagalang,
    ngunit ang suwail sa kanyang mga lakad sa kanya'y lumalapastangan.
Ang pagsasalita ng hangal ay pamalo sa kanyang likod[b]
    ngunit ang mga labi ng pantas ang sa kanila'y magtataguyod.
Kung saan walang baka ay wala ring butil,
    ngunit ang saganang ani sa lakas ng baka nanggagaling.
Hindi nagsisinungaling ang tapat na saksi,
    ngunit ang bulaang saksi ay mga kasinungalingan ang sinasabi.
Ang manlilibak ay humahanap ng karunungan at walang natatagpuan,
    ngunit ang kaalaman ay madali sa taong may kaunawaan.
Umalis ka sa harapan ng isang taong hangal,
    sapagkat doo'y hindi mo matatagpuan ang mga salita ng kaalaman.
Ang karunungan ng matalino ay ang makaunawa ng kanyang daan,
    ngunit ang kahangalan ng mga hangal ay mapanlinlang.
Hinahamak ng hangal ang handog para sa kasalanan,
    ngunit tinatamasa ng matuwid ang mabuting kalooban.
10 Nalalaman ng puso ang kanyang sariling kapaitan,
    at walang dayuhang nakikibahagi sa kanyang kagalakan.
11 Ang bahay ng masama ay magigiba,
    ngunit ang tolda ng matuwid ay sasagana.
12 Mayroong(A) daan na tila matuwid sa isang tao,
    ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.
13 Maging sa pagtawa ang puso ay mapanglaw,
    at ang wakas ng kasayahan ay kalungkutan.
14 Bubusugin ang masama sa bunga ng sariling mga lakad niya,
    at ang mabuting tao sa bunga ng kanyang mga gawa.
15 Ang bawat salita'y pinaniniwalaan ng walang muwang,
    ngunit tinitingnan ng marunong ang kanyang patutunguhan.
16 Ang matalinong tao'y maingat at sa masama'y umiiwas,
    ngunit iwinawaksi ng hangal ang pagpipigil at siya'y walang ingat.
17 Ang taong magagalitin ay gumagawang may kahangalan,
    ngunit ang taong may unawa ay may katiyagaan.
18 Ang walang muwang ay nagmamana ng kahangalan,
    ngunit ang matalino ay nakokoronahan ng kaalaman.
19 Ang masama ay yumuyukod sa harap ng mabuti,
    at ang masama sa mga pintuan ng matuwid.
20 Inaayawan ang dukha maging ng kanyang kapitbahay,
    ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kanyang kapwa ay nagkakasala,
    ngunit ang mabait sa mga dukha ay masaya.
22 Hindi ba nagkakamali silang kumakatha ng kasamaan?
    Ngunit katapatan at katotohanan ay sasakanila na kumakatha ng kabutihan.
23 Sa lahat ng pagsisikap ay may pakinabang,
    ngunit ang pagsasalita lamang ay naghahatid sa kahirapan.
24 Ang korona ng pantas ay ang kanilang kayamanan,
    ngunit kahangalan ang putong ng mga hangal.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay,
    ngunit taksil ang nagsasalita ng kasinungalingan.
26 Sa takot sa Panginoon ang tao'y may pagtitiwalang matibay,
    at ang kanyang mga anak ay magkakaroon ng kanlungan.
27 Ang takot sa Panginoon ay bukal ng buhay,
    upang makaiwas ang tao sa mga bitag ng kamatayan.
28 Ang kaluwalhatian ng isang hari ay nasa dami ng taong-bayan,
    ngunit napapahamak ang pinuno kapag walang sambayanan.
29 Ang makupad sa galit ay may malaking kaunawaan,
    ngunit ang madaling magalit ay nagbubunyi ng kahangalan.
30 Ang tiwasay na puso ay nagbibigay-buhay sa laman,
    ngunit ang pagnanasa, sa mga buto ay kabulukan.
31 Ang umaapi sa dukha ay humahamak sa kanyang Lumalang,
    ngunit ang mabait sa mahirap, sa kanya'y nagpaparangal.
32 Ang masama ay ibinabagsak dahil sa kanyang gawang kasamaan,
    ngunit ang matuwid ay may kanlungan dahil sa kanyang katapatan.
33 Ang karunungan ay nananatili sa puso ng may kaunawaan,
    ngunit nalalaman ang nasa mga puso ng hangal.
34 Ang katuwiran ay nagtataas sa isang bansa,
    ngunit ang kasalanan sa alinmang bayan ay pagkutya!
35 Ang pagpapala ng hari ay nasa lingkod na gumagawang may katalinuhan,
    ngunit ang kanyang poot ay dumarating sa nagdudulot ng kahihiyan.

15 Nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay,
    ngunit nagbubunsod sa galit ang salitang magaspang.
Ang dila ng marunong ay nagbabadya ng kaalaman;
    ngunit ang bibig ng mga hangal ay nagbubuhos ng kahangalan.
Ang mga mata ng Panginoon ay nasa bawat panig,
    sa masama at sa mabuti ay nagmamasid.
Punungkahoy ng buhay ang dilang mahinahon,
    ngunit nakakasira ng espiritu ang kalikuan niyon.
Hinahamak ng hangal ang turo ng kanyang ama,
    ngunit ang sumusunod sa pangaral ay may karunungan.
Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan,
    ngunit sa mga pakinabang ng masama ay may dumarating na kaguluhan.
Ang mga labi ng marunong ay nagsasabog ng kaalaman,
    ngunit hindi gayon ang mga puso ng hangal.
Ang handog ng masama, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
    ngunit ang dalangin ng matuwid ay kanyang kaluguran.
Ang lakad ng masama, sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
    ngunit iniibig niya ang sumusunod sa katuwiran.
10 May mabigat na disiplina sa taong lumilihis sa daan,
    at siyang namumuhi sa saway ay mamamatay.
11 Ang Sheol at ang Abadon[c] ay nakalantad sa Panginoon;
    lalong higit pa ang puso ng mga tao!
12 Ayaw ng manlilibak na siya'y maiwasto,
    siya'y hindi magtutungo sa matalino.
13 Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha,
    ngunit sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.
14 Ang isip ng may unawa ay humahanap ng kaalaman,
    ngunit ang bibig ng mga hangal ay kumakain ng kahangalan.
15 Lahat ng mga araw ng naaapi ay kasamaan,
    ngunit siyang may masayahing puso ay laging may kapistahan.
16 Mas mabuti ang kaunti kung may takot sa Panginoon,
    kaysa malaking kayamanan na may kaguluhan doon.
17 Mabuti pa ang pagkaing gulay na may pag-ibig,
    kaysa pinatabang baka na may poot na kalakip.
18 Ang mainiting tao ay nag-uudyok ng pagtatalo,
    ngunit siyang makupad sa galit ay nagpapahupa ng gulo.
19 Ang daan ng tamad ay napupuno ng mga dawag,
    ngunit ang landas ng matuwid ay isang lansangang patag.
20 Ang matalinong anak ay nagpapasaya ng ama,
    ngunit hinahamak ng taong hangal ang kanyang ina.
21 Ang kahangalan ay kagalakan sa taong walang bait;
    ngunit ang may unawa ay lumalakad nang matuwid.
22 Kung walang payo mga panukala'y nawawalang-saysay,
    ngunit sa dami ng mga tagapayo sila'y nagtatagumpay.
23 Kagalakan sa isang tao ang magbigay ng angkop na kasagutan,
    at ang salitang nasa tamang panahon ay anong inam!
24 Para sa pantas ang landas ng buhay ay paitaas,
    upang sa Sheol na nasa sa ibaba siya ay makaiwas.
25 Ginigiba ng Panginoon ang bahay ng palalo,
    ngunit pinananatili niya ang hangganan ng babaing balo.
26 Kasuklamsuklam sa Panginoon ang masasamang panukala,
    ngunit nakalulugod sa kanya ang malilinis na salita.
27 Siyang sakim sa masamang pakinabang ay gumagawa ng gulo sa kanyang sariling sambahayan,
    ngunit siyang namumuhi sa mga suhol ay mabubuhay.
28 Ang puso ng matuwid ay nag-iisip ng isasagot,
    ngunit ang bibig ng masama ay masasama ang ibinubuhos.
29 Ang Panginoon ay malayo sa masama,
    ngunit kanyang dinirinig ang dalangin ng matuwid.
30 Ang liwanag ng mga mata, sa puso'y nagpapasaya,
    at ang mabuting balita, sa mga buto'y nagpapasigla.[d]
31 Ang taingang nakikinig sa mabuting payo,
    ay tatahang kasama ng matatalino.
32 Siyang tumatanggi sa turo ay humahamak sa sariling kaluluwa,
    ngunit siyang nakikinig sa pangaral ay nagtatamo ng unawa.
33 Ang takot sa Panginoon ay pagtuturo sa karunungan,
    at ang pagpapakumbaba ay nauuna sa karangalan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001