Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Eclesiastes 5-8

Huwag Pabigla-bigla sa Pangangako

Ingatan mo ang iyong mga hakbang kapag ikaw ay nagtungo sa bahay ng Diyos. Ang lumapit upang makinig ay mas mabuti kaysa magbigay ng handog ng mga hangal, sapagkat hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan.

Huwag kang pabigla-bigla sa iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anumang bagay sa harapan ng Diyos; sapagkat ang Diyos ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa; kaya't kaunti lamang ang iyong maging salita.

Sapagkat ang panaginip ay dumarating na kasama ng maraming pasanin, at ang tinig ng hangal na kasama ng maraming mga salita.

Kapag(A) ikaw ay gumawa ng panata sa Diyos, huwag kang magpaliban ng pagtupad; sapagkat siya'y walang kasiyahan sa mga hangal. Tuparin mo ang iyong ipinanata.

Mas mabuti pa na hindi ka gumawa ng panata, kaysa ikaw ay gumawa ng panata at hindi tumupad.

Huwag mong hayaan na akayin ka ng iyong bibig sa pagkakasala, at huwag mong sabihin sa harapan ng anghel na iyon ay isang kamalian. Bakit magagalit ang Diyos sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay?

Sa maraming mga panaginip, sa maraming mga salita ay kawalang-kabuluhan, ngunit matakot ka sa Diyos.

Ang Buhay ay Walang Kabuluhan

Kung iyong nakita sa isang lalawigan na ang dukha ay inapi, at ang katarungan at katuwiran ay inalis, huwag kang magtaka sa pangyayari, sapagkat ang mataas na pinuno ay minamasdan ng mas mataas, at may lalong mataas pa kaysa kanila.

Ngunit kapag isinasaalang-alang ang lahat ng bagay, ang hari ay pakinabang sa lupaing may binubungkal na lupa.

10 Siyang umiibig sa salapi ay hindi masisiyahan sa salapi; o siya mang umiibig sa kayamanan na may pakinabang: ito man ay walang kabuluhan.

11 Kapag ang mga ari-arian ay dumarami, dumarami silang kumakain ng mga iyon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyon, kundi ang mamasdan iyon ng kanyang mga mata?

12 Masarap ang tulog ng manggagawa; kumakain man siya nang kaunti o marami; ngunit ang pagpapakasawa ng mayaman ay hindi magpapatulog sa kanya.

13 May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw: ang mga yaman ay iniingatan ng may-ari niyon sa ikapapahamak niya,

14 at ang mga yamang iyon ay nawawala sa isang masamang pakikipagsapalaran; at kahit na sila'y magulang ng mga anak, walang naiwan sa kanilang mga kamay.

15 Kung(B) paanong siya'y lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina, gayon siya muling aalis, hubad siyang dumating, wala siyang anumang madadala mula sa kanyang pagpapagod, na kanyang madadala sa kanyang kamay.

16 Ito man ay isang malubhang kasamaan: kung paano siya dumating ay gayon siya aalis; at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa siya para sa hangin,

17 na lahat naman ng mga araw niya ay ginugol niya sa kadiliman at kalungkutan, sa maraming pagkainis, pagkakasakit, at pagsisisi?

18 Ito ang aking nakita na mabuti: nararapat na kumain, uminom, at magalak sa lahat ng kanyang pinagpaguran na kanyang ginagawa sa ilalim ng araw sa lahat ng kakaunting araw ng kanyang buhay na ibinigay sa kanya ng Diyos, sapagkat ito ang kanyang kapalaran.

19 Gayundin sa bawat tao na binigyan ng Diyos ng kayamanan at mga ari-arian, at binigyan ng kapangyarihan na masiyahan sa mga ito, at tanggapin ang kanyang kapalaran, at magalak sa kanyang pagpapagod—ito'y kaloob ng Diyos.

20 Sapagkat hindi na niya gaanong maaalala ang mga araw ng kanyang buhay sapagkat ginagawa siyang abala ng Diyos sa kagalakan ng kanyang puso.

May kasamaan akong nakita sa ilalim ng araw, at ito'y mabigat sa mga tao:

isang tao na binibigyan ng Diyos ng kayamanan, mga ari-arian, at karangalan, na anupa't walang kulang sa lahat ng kanyang ninanasa. Gayunma'y hindi siya binibigyan ng Diyos ng kapangyarihan na tamasahin ang mga iyon, kundi dayuhan ang nagtatamasa sa mga iyon; ito'y walang kabuluhan at mabigat na kapighatian.

Kung ang isang tao ay magkaanak ng isandaan, at mabuhay ng maraming taon, at ang mga araw ng kanyang mga taon ay dumami, ngunit hindi niya tinatamasa ang mabubuting bagay sa buhay, at hindi rin siya maililibing, aking masasabi na ang pagkapanganak na wala sa panahon ay mas mabuti pa kaysa kanya.

Sapagkat iyon ay dumarating sa walang kabuluhan at papunta sa kadiliman, at ang pangalan niyon ay natatakpan ng kadiliman.

Bukod dito, hindi nito nakita ang araw o nakilala man; gayunma'y nakatagpo ito ng kapahingahan na di gaya niya.

Kahit na siya'y mabuhay ng isang libong taon na dalawang ulit na sinabi, ngunit hindi nagtamasa ng mabuti—hindi ba tutungo ang lahat sa iisang dako?

Lahat ng pagpapagod ng tao ay para sa kanyang bibig, gayunma'y hindi nasisiyahan ang kanyang panlasa.

Sapagkat anong kalamangan mayroon ang pantas sa hangal? At anong mayroon ang dukha na marunong kumilos sa harapan ng mga buháy?

Mas mabuti pa ang nakikita ng mga mata kaysa pagala-galang pagnanasa, ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.

10 Anumang nangyari ay matagal nang alam, at nalalaman na kung ano ang tao, na hindi niya kayang makipagtalo sa higit na malakas kaysa kanya.

11 Mas maraming salita, mas maraming walang kabuluhan, kaya't paanong nakakahigit ang isa?

12 Sapagkat sinong nakakaalam kung ano ang mabuti sa tao habang nabubuhay siya ng ilang araw sa kanyang walang kabuluhang buhay, na kanyang ginugol na gaya ng anino? Sapagkat sinong makapagsasabi sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya sa ilalim ng araw?

Ang(C) mabuting pangalan ay mas mabuti kaysa mamahaling pamahid,
    at ang araw ng kamatayan kaysa araw ng kapanganakan.
Mas mabuti pang magtungo sa bahay ng pagluluksa
    kaysa bahay ng pagdiriwang;
sapagkat ito ang katapusan ng lahat ng mga tao;
    at ilalagak ito ng may buhay sa kanyang puso.
Mas mabuti ang kalungkutan kaysa tawanan,
    sapagkat sa kalungkutan ng mukha ang puso ay sumasaya.
Ang puso ng pantas ay nasa bahay ng pagluluksa;
    ngunit ang puso ng mga hangal ay nasa bahay ng kasayahan.
Mas mabuti ang makinig sa saway ng pantas,
    kaysa makinig sa awit ng mga hangal.
Sapagkat kung paano ang lagitik ng mga tinik sa ilalim ng palayok,
    gayon ang halakhak ng hangal;
    ito ma'y walang kabuluhan.
Tiyak na ginagawang hangal ng pang-aapi ang pantas,
    at ang suhol ay sumisira ng isipan.
Mas mabuti ang wakas ng isang bagay kaysa pasimula nito;
    ang matiising espiritu ay mas mabuti kaysa palalong espiritu.
Huwag(D) kang maging magagalitin,
    sapagkat ang galit ay naninirahan sa dibdib ng mga hangal.
10 Huwag mong sabihin, “Bakit ang mga unang araw ay mas mabuti kaysa mga ito?”
    Sapagkat hindi mula sa karunungan na itinatanong mo ito.
11 Mabuting gaya ng mana ang karunungan,
    isang kalamangan sa mga nakakakita ng araw.
12 Sapagkat ang pag-iingat ng karunungan ay gaya ng pag-iingat ng salapi;
    at ang kalamangan ng kaalaman ay iniingatan ng karunungan ang buhay ng sa kanya'y may taglay.
13 Isaalang-alang mo ang gawa ng Diyos;
    sinong makapagtutuwid sa ginawa niyang baluktot?

14 Sa araw ng kasaganaan ay magalak ka, at sa araw ng kahirapan ay magsaalang-alang ka. Ginawa ng Diyos ang isa pati ang isa pa, upang hindi malaman ng tao ang anumang bagay na darating pagkamatay niya.

15 Lahat ng ito ay nakita ko sa mga araw ng aking walang kabuluhang buhay; may matuwid na namamatay sa kanyang katuwiran, at may masama na pinahahaba ang kanyang buhay sa kanyang masamang gawa.

16 Huwag kang lubhang magpakamatuwid; ni huwag kang lubhang magpakapantas; bakit sisirain mo ang iyong sarili?

17 Huwag kang magpakasamang lubha, ni magpakahangal man; bakit ka mamamatay bago dumating ang iyong kapanahunan?

18 Mabuti na panghawakan mo ito, at mula roon ay huwag mong iurong ang iyong kamay; sapagkat siyang natatakot sa Diyos ay magtatagumpay sa lahat ng iyon.

19 Ang karunungan ay nagbibigay ng lakas sa pantas, na higit kaysa sampung pinuno na nasa lunsod.

20 Tunay na walang matuwid sa lupa, na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.

21 Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasabi ng mga tao, baka marinig mong sinusumpa ka ng iyong alipin;

22 sapagkat madalas ding nalalaman ng iyong sariling puso, na sinumpa mo rin ang iba.

23 Lahat ng ito ay sinubukan ko sa karunungan; aking sinabi, “Ako'y magiging matalino”; ngunit iyon ay malayo sa akin.

24 Yaong bagay na malayo at malalim, totoong malalim; sinong makakatagpo niyon?

25 Ibinaling ko ang aking isip upang alamin, siyasatin at hanapin ang karunungan, at ang kabuuan ng mga bagay, at alamin ang kasamaan ng kahangalan at ang kahangalan na ito ay kaululan.

26 At natuklasan kong mas mapait kaysa kamatayan ang babaing ang puso ay mga silo at mga bitag, na ang kanyang mga kamay ay mga panali. Ang nagbibigay-lugod sa Diyos ay tatakas sa kanya; ngunit ang makasalanan ay nakukuha niya.

27 Tingnan ninyo, ito'y aking natuklasan, sabi ng Mangangaral, na idinadagdag ang isang bagay sa iba, upang matagpuan ang kabuuan,

28 na paulit-ulit na hinahanap ng aking isipan, ngunit hindi ko natagpuan. Isang tao mula sa isang libo ang aking natagpuan, ngunit ang isang babae sa lahat ng mga ito ay hindi ko natagpuan.

29 Tingnan ninyo, ito lamang ang aking natagpuan, na ginawang matuwid ng Diyos ang tao; ngunit nagbalak sila ng maraming pamamaraan.

Sino ang gaya ng pantas na lalaki? At sinong nakakaalam ng kahulugan ng isang bagay? Ang karunungan ng tao ay nagbibigay-liwanag sa kanyang mukha, at ang katigasan ng kanyang mukha ay nababago.

Sundin ang Hari

Ingatan mo ang utos ng hari, dahil sa iyong banal na sumpa.

Magmadali kang umalis sa kanyang harapan; huwag kang magtagal kapag ang bagay ay hindi kasiya-siya, sapagkat kanyang ginagawa ang anumang kanyang maibigan.

Sapagkat ang salita ng hari ay makapangyarihan; at sinong makapagsasabi sa kanya, “Anong ginagawa mo?”

Ang sumusunod sa utos ay hindi mapapahamak, at malalaman ng isipan ng matalinong tao ang panahon at daan.

Sapagkat bawat bagay ay may kapanahunan at paraan, bagaman ang kabalisahan ng tao ay mabigat sa kanya.

Sapagkat hindi niya nalalaman ang mangyayari; sapagkat sinong makapagsasabi sa kanya, kung paanong mangyayari?

Walang taong may kapangyarihang pumigil ng espiritu, ni kapangyarihan sa araw ng kamatayan. Walang paghinto sa pakikidigma, ni maililigtas ng kasamaan ang mga ibinigay roon.

Lahat ng ito ay nakita ko, habang ginamit ko ang aking isipan sa lahat ng gawa na ginawa sa ilalim ng araw, samantalang ang tao ay may kapangyarihan sa tao sa kanyang ikapapahamak.

10 Pagkatapos nakita ko ang masama na inilibing; noon ay labas-masok sila sa dakong banal, at pinuri sila sa lunsod na doon ay ginawa nila ang gayong mga bagay. Ito man ay walang kabuluhan.

11 Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi agad isinasagawa, kaya't ang puso ng mga tao ay lubos na nakatuon sa paggawa ng kasamaan.

12 Bagaman ang makasalanan ay gumawa ng kasamaan na makaisandaang ulit at humahaba ang kanyang buhay, gayunma'y tunay na nalalaman ko, na magiging tiwasay para sa mga natatakot sa Diyos, na natatakot sila sa harapan niya;

13 ngunit hindi ikabubuti ng masama, ni pahahabain man ang kanyang buhay na parang isang anino; sapagkat siya'y hindi natatakot sa harapan ng Diyos.

14 Mayroong walang kabuluhan na nangyayari sa lupa, na may matutuwid na tao na sa kanila ay nangyayari ang ayon sa gawa ng masasama, at may masasamang tao na sa kanila ay nangyayari ang ayon sa gawa ng matuwid. Aking sinabi, na ito man ay walang kabuluhan.

15 Nang magkagayo'y pinuri ko ang kasiyahan, sapagkat ang tao ay walang mabuting bagay sa ilalim ng araw, kundi ang kumain, uminom, at magsaya, sapagkat ito'y kasama niya sa kanyang pagpapagod sa mga araw ng kanyang buhay na ibinigay ng Diyos sa kanya sa ilalim ng araw.

Ang Hiwaga ng mga Gawa ng Panginoon

16 Nang gamitin ko ang aking isipan upang makaalam ng karunungan, at upang makakita ng gawain na ginagawa sa lupa, kung saan hindi nakakakita ng tulog ang kanyang mga mata sa araw man o sa gabi;

17 ay nakita ko nga ang lahat ng gawa ng Diyos, na hindi matutuklasan ng tao ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw. Ngunit gaano man magsikap ang isang tao sa paghahanap, hindi rin niya ito matatagpuan, kahit na sabihin ng pantas na alam niya, hindi rin niya ito matatagpuan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001