Beginning
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
2 Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
3 Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
at tinatalian ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
5 Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
hindi masukat ang kanyang unawa.
6 Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.
7 Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
8 Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
9 Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.
12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon mula sa kalangitan,
purihin siya sa mga kaitaasan.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat niyang mga anghel,
purihin ninyo siya, kayong lahat niyang hukbo!
3 Purihin ninyo siya, araw at buwan;
purihin ninyo siya, kayong lahat na mga bituing maningning,
4 Purihin ninyo siya, kayong mga langit ng mga langit,
at ninyong mga tubig na nasa itaas ng mga langit.
5 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
sapagkat siya'y nag-utos, at sila'y nalikha.
6 At kanyang itinatag sila magpakailanpaman,
siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.
7 Mula sa lupa ang Panginoon ay purihin,
ninyong mga dambuhala sa dagat, at lahat ng mga malalim,
8 apoy at yelo, niyebe at hamog,
maunos na hangin na gumaganap ng kanyang salita!
9 Mga bundok at lahat ng mga burol,
mga punong nagbubunga at lahat ng mga sedro!
10 Mga hayop at lahat ng kawan.
mga bagay na gumagapang at mga ibong nagliliparan!
11 Mga hari sa lupa at lahat ng sambayanan,
mga pinuno at lahat ng mga hukom sa sanlibutan!
12 Mga binata at gayundin ang mga dalaga;
ang matatanda at mga bata!
13 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
sapagkat tanging ang kanyang pangalan ang dakila;
nasa itaas ng lupa at mga langit ang kaluwalhatian niya.
14 Nagtaas siya ng sungay para sa kanyang bayan,
ng papuri para sa lahat ng kanyang mga banal,
para sa mga anak ni Israel na malapit sa kanya.
Purihin ang Panginoon!
149 Purihin ang Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon ng isang bagong awit,
ng papuri sa kanya sa kapulungan ng mga tapat!
2 Magalak nawa ang Israel sa kanyang Lumikha,
ang mga anak ng Zion sa kanilang Hari nawa'y matuwa!
3 Purihin nila ng may pagsasayaw ang pangalan niya,
na umaawit sa kanya na may pandereta at lira!
4 Sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang bayan;
kanyang pagagandahin ng kaligtasan ang mga nahihirapan.
5 Magsaya nawa ang mga tapat sa kaluwalhatian;
umawit nawa sila sa kagalakan sa kanilang mga higaan.
6 Malagay nawa ang mataas na papuri sa Diyos sa kanilang lalamunan,
at ang tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay;
7 upang maggawad ng paghihiganti sa mga bansa,
at ng kaparusahan sa mga bayan,
8 upang gapusin sa mga tanikala ang kanilang mga hari,
at ang kanilang mga maharlika ng mga bakal na panali,
9 upang sa kanila'y ilapat ang hatol na nasusulat!
Ito ay kaluwalhatian para sa lahat niyang mga tapat!
Purihin ang Panginoon!
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Diyos sa kanyang santuwaryo;
purihin siya sa kanyang makapangyarihang kalawakan!
2 Purihin siya dahil sa kanyang mga makapangyarihang gawa;
purihin siya ayon sa kanyang kadakilaang pambihira!
3 Purihin siya sa tunog ng trumpeta;
purihin siya sa salterio at alpa!
4 Purihin siya sa mga tamburin at sayaw;
purihin siya sa mga panugtog na may kuwerdas!
5 Purihin siya ng mga matunog na pompiyang!
Purihin siya sa mga pompiyang na maiingay!
6 Lahat ng bagay na may hininga ay magpuri sa Panginoon!
Purihin ang Panginoon!
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001