Beginning
Awit ng Pag-akyat.
120 Sa aking kahirapan ay sa Panginoon ako dumaing,
at sinagot niya ako.
2 “O Panginoon, sa mga sinungaling na labi ay iligtas mo ako,
mula sa dilang mandaraya.”
3 Anong ibibigay sa iyo,
at ano pa ang sa iyo ay magagawa,
ikaw na mandarayang dila?
4 Matalas na palaso ng mandirigma,
na may nag-aapoy na baga ng enebro!
5 Kahabag-habag ako na sa Mesech ay nakikipamayan,
na sa mga tolda ng Kedar ay naninirahan.
6 Matagal nang ang aking kaluluwa ay naninirahang
kasama ng mga napopoot sa kapayapaan.
7 Ako'y para sa kapayapaan;
ngunit kapag ako'y nagsasalita,
sila'y para sa pakikidigma!
Awit ng Pag-akyat.
121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
2 Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
na siyang gumawa ng langit at lupa.
3 Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
4 Siyang nag-iingat ng Israel
ay hindi iidlip ni matutulog man.
5 Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
6 Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
ni ng buwan man kapag gabi.
7 Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
8 Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
mula sa panahong ito at magpakailanpaman.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
“Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
2 Ang mga paa natin ay nakatayo
sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;
3 Jerusalem, na natayo
na parang lunsod na siksikan;
4 na inaahon ng mga lipi,
ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
5 Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
ang mga trono ng sambahayan ni David.
6 Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
“Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
7 Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
8 Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
hahanapin ko ang iyong ikabubuti.
Awit ng Pag-akyat.
123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
2 Gaya ng mga mata ng mga alipin
na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
hanggang sa siya'y maawa sa amin.
3 Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
4 Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
ng paghamak ng palalo.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
124 Kung hindi ang Panginoon ang naging nasa ating panig,
sabihin ngayon ng Israel—
2 kung hindi ang Panginoon ang naging nasa panig natin,
nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin,
3 nilamon na sana nila tayong buháy,
nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin;
4 tinabunan na sana tayo ng baha,
dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa;
5 dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig
ang ating kaluluwa.
6 Purihin ang Panginoon,
na hindi tayo ibinigay
bilang biktima sa kanilang mga ngipin!
7 Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli
na ang ating kaluluwa ay nakatakas,
ang bitag ay nasira,
at tayo ay nakatakas!
8 Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng Panginoon,
na siyang lumikha ng langit at lupa.
Awit ng Pag-akyat.
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay gaya ng bundok ng Zion,
na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem,
gayon ang Panginoon ay nakapalibot sa kanyang bayan,
mula sa panahong ito at magpakailanman.
3 Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili
sa lupaing iniukol sa mga matuwid;
upang hindi iunat ng mga matuwid
ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama.
4 Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O Panginoon,
at ang matutuwid sa kanilang mga puso.
5 Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad,
ay itataboy ng Panginoon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan.
Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel!
Awit ng Pag-akyat.
126 Nang ibalik ng Panginoon ang mga kayamanan ng Zion,[a]
tayo ay gaya ng mga nananaginip.
2 Nang magkagayo'y napuno ang ating bibig ng mga tawanan,
at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan,
nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa,
“Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila.”
3 Ang Panginoon ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin,
kami ay natutuwa.
4 Ang aming mga bihag,[b] O Panginoon, ay iyong ibalik,
na gaya ng mga batis sa Negeb![c]
5 Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan,
ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan!
6 Siyang lumalabas na umiiyak,
na may dalang itatanim na mga binhi,
ay uuwi na may sigaw ng kagalakan,
na dala ang kanyang mga bigkis ng inani.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay Solomon.
127 Malibang ang Panginoon ang magtayo ng bahay,
ang mga nagtatayo nito ay walang kabuluhang nagpapagod.
Malibang ang Panginoon ang magbantay sa lunsod,
ang bantay ay nagpupuyat nang walang kabuluhan.
2 Walang kabuluhan na kayo'y bumabangon nang maaga,
at malalim na ang gabi kung magpahinga,
na kumakain ng tinapay ng mga pagpapagal;
sapagkat binibigyan niya ng tulog ang kanyang minamahal.
3 Narito, ang mga anak ay pamanang sa Panginoon nagmula,
ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala.
4 Gaya ng mga palaso sa kamay ng mandirigma,
ay ang mga anak sa panahon ng pagkabata.
5 Maligaya ang lalaki na ang kanyang lalagyan ng pana
ay punô ng mga iyon!
Siya'y hindi mapapahiya,
kapag siya'y nakipag-usap sa kanyang mga kaaway sa pintuang-bayan.
Awit ng Pag-akyat.
128 Ang bawat may takot sa Panginoon ay mapalad,
na sa kanyang mga daan ay lumalakad.
2 Kakainin mo ang bunga ng paggawa ng iyong mga kamay;
ikaw ay magiging masaya at ito'y magiging mabuti sa iyo.
3 Ang asawa mo'y magiging gaya ng mabungang puno ng ubas
sa loob ng iyong tahanan;
ang mga anak mo'y magiging gaya ng mga puno ng olibo
sa palibot ng iyong hapag-kainan.
4 Narito, ang taong may takot sa Panginoon,
ay pagpapalain ng ganito.
5 Pagpalain ka ng Panginoon mula sa Zion!
Ang kaunlaran ng Jerusalem ay iyo nawang masaksihan
sa lahat ng mga araw ng iyong buhay!
6 Ang mga anak ng iyong mga anak ay iyo nawang mamasdan,
mapasa Israel nawa ang kapayapaan!
Awit ng Pag-akyat.
129 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,”
sabihin ngayon ng Israel—
2 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,
gayunma'y laban sa akin ay hindi sila nagtagumpay.
3 Inararo ng mga mag-aararo ang likod ko;
kanilang pinahaba ang mga tudling nila.”
4 Matuwid ang Panginoon;
ang mga panali ng masama ay kanyang pinutol.
5 Lahat nawa ng napopoot sa Zion,
ay mapahiya at mapaurong!
6 Maging gaya nawa sila ng damo sa mga bubungan,
na natutuyo bago pa ito tumubo man,
7 sa mga ito'y hindi pinupuno ng manggagapas ang kanyang kamay,
ni ng nagtatali ng mga bigkis ang kanyang kandungan.
8 Hindi rin sinasabi ng mga nagdaraan,
“Ang pagpapala nawa ng Panginoon ay sumainyo!
Sa pangalan ng Panginoon ay binabasbasan namin kayo!”
Awit ng Pag-akyat.
130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
2 Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!
3 Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
O Panginoon, sino kayang makakatagal?
4 Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
upang ikaw ay katakutan.
5 Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
at sa kanyang salita ako ay umaasa;
6 sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
higit pa kaysa bantay sa umaga;
tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.
7 O Israel, umasa ka sa Panginoon!
Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
at sa kanya ay may saganang katubusan.
8 Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
mula sa lahat niyang pagkakasala.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
131 Panginoon, hindi hambog ang aking puso,
ni mayabang man ang mata ko;
ni nagpapaka-abala sa mga bagay na lubhang napakadakila,
o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha.
2 Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa;
gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina,
gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko.
3 O Israel, umasa ka sa Panginoon
mula ngayon at sa walang hanggang panahon.
Awit ng Pag-akyat.
132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
ang lahat ng kanyang kahirapan,
2 kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
3 “Hindi ako papasok sa aking bahay,
ni hihiga sa aking higaan,
4 Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
5 hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Narinig(B) namin ito sa Efrata,
natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
7 “Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
sumamba tayo sa kanyang paanan!”
8 Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
9 Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.
11 Ang(C) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”
13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(D) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001