Beginning
Ang Matuwid at ang Masama
27 Huwag(A) mong ipagyabang ang kinabukasan;
sapagkat hindi mo alam kung ano ang dadalhin ng isang araw.
2 Purihin ka ng ibang tao at huwag ng iyong sariling bibig;
ng dayuhan, at huwag ng iyong sariling mga labi.
3 Ang bato ay mabigat, at ang buhangin ay matimbang;
ngunit mas mabigat sa mga ito ang galit ng hangal.
4 Ang poot ay malupit, at ang galit ay nakakapunô,
ngunit sinong makakatayo sa harap ng paninibugho?
5 Mas mabuti ang hayag na pagsaway,
kaysa nakatagong pagmamahal.
6 Tapat ang mga sugat mula sa kaibigan,
labis-labis ang mga halik ng kaaway.
7 Ang taong busog ay nasusuya sa pulot-pukyutan;
ngunit sa taong gutom ang bawat mapait ay katamisan.
8 Tulad ng ibong naliligaw mula sa kanyang pugad,
gayon ang taong naliligaw mula sa kanyang bahay.
9 Ang langis at pabango sa puso'y nagpapasaya,
gayon katamis ang payo ng isang tao sa kaibigan niya.
10 Ang iyong kaibigan at ang kaibigan ng iyong ama, ay huwag mong pabayaan;
at huwag kang pumaroon sa bahay ng iyong kapatid sa araw ng iyong kasawian.
Mas mabuti pa ang malapit na kapitbahay,
kaysa isang kapatid na malayo naman.
11 Anak ko, ikaw ay magpakadunong, at puso ko'y iyong pasayahin,
upang aking masagot ang tumutuya sa akin.
12 Ang taong matalino ay nakakakita ng panganib, at nagkukubli siya,
ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa.
13 Kunin mo ang suot ng taong nananagot sa di-kilala;
at tanggapan mo ng sangla ang nananagot sa babaing banyaga.
14 Sinumang maagang bumangon,
upang pagpalain ang kanyang kapwa sa malakas na tinig
ay ituturing na nanunumpa.
15 Ang patuloy na pagtulo sa araw na maulan
at ang babaing palaaway ay magkahalintulad;
16 ang pagpigil sa babaing iyon[a] ay pagpigil sa hangin,
o paghawak ng langis sa kanyang kanang kamay.
17 Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal;
at ang tao ang nagpapatalas sa isa pang tao.
18 Ang nag-aalaga ng puno ng igos ay kakain ng bunga niyon;
at pararangalan ang nagbabantay sa kanyang panginoon.
19 Kung paanong sa tubig ang mukha ay naaaninaw,
gayon naaaninaw ang tao sa kanyang isipan.
20 Ang Sheol at ang Abadon ay hindi nasisiyahan kailanman;
at ang mga mata ng tao kailanma'y hindi nasisiyahan.
21 Ang lutuan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto,
at ang tao ay hinahatulan sa pagpupuri nito.
22 Durugin mo man ang hangal kasama ng binayong trigo sa isang bayuhan,
gayunma'y hindi hihiwalay sa kanya ang kanyang kahangalan.
23 Alamin mong mabuti ang kalagayan ng iyong mga kawan,
at tingnan mong mabuti ang iyong mga hayupan;
24 sapagkat ang mga yaman ay hindi nagtatagal magpakailanman;
at ang korona ba'y nananatili sa lahat ng salinlahi?
25 Kapag ang damo ay nawala na, at ang sariwang damo ay lumitaw,
at ang mga halaman sa mga bundok ay pinipisan,
26 ang mga kordero ang magbibigay ng iyong damit,
at ang mga kambing ay siyang halaga ng bukid;
27 magkakaroon ng sapat na gatas ng kambing bilang iyong pagkain,
sa pagkain ng iyong sambahayan,
at pagkain sa iyong mga alilang kababaihan.
28 Ang masama ay tumatakas gayong wala namang humahabol;
ngunit ang mga matuwid ay matatapang na parang leon.
2 Kapag ang lupain ay naghihimagsik,
marami ang kanyang mga pinuno;
ngunit kapag ang pinuno ay may unawa at kaalaman,
magpapatuloy ang katatagan nito.
3 Ang dukha na umaapi sa dukha,
ay bugso ng ulan na walang pagkaing iniiwan.
4 Silang nagpapabaya sa kautusan ay nagpupuri sa masama;
ngunit ang nag-iingat ng kautusan ay nakipaglaban sa kanila.
5 Ang masasamang tao ay hindi nakakaunawa ng katarungan,
ngunit silang nagsisihanap sa Panginoon ay nakakaunawa nito nang lubusan.
6 Mas mabuti ang dukha na lumalakad sa kanyang katapatan,
kaysa taong mayaman na liko sa kanyang mga daan.
7 Matalinong anak ang tumutupad sa kautusan,
ngunit ang kasama ng matatakaw, sa kanyang ama ay kahihiyan.
8 Ang nagpapalago ng kanyang yaman sa pamamagitan ng labis na patubo,
ay nagtitipon para sa iba na mabait sa dukha.
9 Ang naglalayo ng kanyang pandinig sa pakikinig ng kautusan,
maging ang kanyang panalangin ay karumaldumal.
10 Sinumang nagliligaw sa matuwid tungo sa masamang daan,
ay siya ring mahuhulog sa kanyang sariling hukay;
ngunit ang sakdal ay magmamana ng kabutihan.
11 Ang mayamang tao ay marunong sa ganang kanyang sarili,
ngunit ang dukha na may unawa ay nagsusuri.
12 Kapag ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian;
ngunit kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukublihan.
13 Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsuway ay hindi sasagana,
ngunit ang nagpapahayag at tumatalikod sa mga iyon ay magtatamo ng awa.
14 Mapalad ang tao na sa Panginoon ay natatakot tuwina,
ngunit siyang nagmamatigas ng kanyang puso ay mahuhulog sa sakuna.
15 Tulad ng umuungal na leon at ng osong sumasalakay,
gayon ang masamang pinuno sa maralitang bayan.
16 Ang pinunong kulang sa pang-unawa ay isang malupit na manlulupig,
ngunit siyang namumuhi sa kasakiman, kanyang mga araw ay lalawig.
17 Kung ang isang tao'y nagpapasan ng dugo ng sinuman,
hayaan siyang maging takas hanggang kamatayan;
huwag siyang tulungan ng sinuman.
18 Maliligtas ang lumalakad sa katapatan,
ngunit ang baluktot sa kanyang mga lakad ay mahuhulog sa hukay.
19 Siyang nagbubungkal ng kanyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay;
ngunit siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang gawa ay maghihirap nang lubusan.
20 Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala;
ngunit siyang nagmamadali sa pagyaman ay tiyak na parurusahan.
21 Hindi mabuti ang may kinikilingan;
ngunit gagawa ng masama ang isang tao dahil sa isang pirasong tinapay.
22 Ang kuripot ay nagmamadali sa pagyaman,
at hindi nalalaman na darating sa kanya ang kasalatan.
23 Siyang sumasaway sa isang tao ay makakasumpong sa ibang araw ng higit na pagpapala,
kaysa sa taong kunwari'y pumupuri sa pamamagitan ng dila.
24 Ang nagnanakaw sa kanyang ama o sa kanyang ina,
at nagsasabi, “Hindi ito masama,”
ay kasamahan ng maninira.
25 Nag-uudyok ng away ang taong sakim,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay payayamanin.
26 Siyang nagtitiwala sa kanyang sariling puso ay hangal;
ngunit maliligtas ang lumalakad na may katalinuhan.
27 Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi kakapusin,
ngunit siyang nagkukubli ng kanyang mga mata, sa sumpa'y pararamihin.
28 Kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukubli,
ngunit kapag sila'y namatay, ang matuwid ay dumarami.
29 Ang madalas na sawayin ngunit ang ulo ay matigas,
ay biglang mababali, at wala nang lunas.
2 Kapag ang matutuwid ay namamahala, ang bayan ay nagsasaya,
ngunit kapag ang masama ay namumuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga.
3 Ang umiibig sa karunungan ay nagpapasaya sa kanyang ama;
ngunit ang nakikisama sa upahang babae[b] ay sumisira ng kayamanan niya.
4 Pinatatatag ng hari ang lupain sa pamamagitan ng katarungan;
ngunit ginigiba ito ng humihingi ng suhol na sapilitan.
5 Ang taong kunwari'y pumupuri sa kanyang kapwa,
ay naglalatag ng lambat sa kanyang mga paa.
6 Ang masamang tao'y nasisilo sa kanyang pagsalangsang,
ngunit ang taong matuwid ay umaawit at nagdiriwang.
7 Alam ng matuwid ang karapatan ng dukha;
ngunit ang gayong kaalaman ay di nauunawaan ng masama.
8 Ang mga manlilibak ang sa isang lunsod ay tumutupok,
ngunit ang matatalinong tao ay nag-aalis ng poot.
9 Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang hangal,
magagalit lamang o tatawa ang hangal, at hindi magkakaroon ng katahimikan.
10 Ang mga taong uhaw sa dugo ay namumuhi sa walang sala,
at ang buhay ng matuwid ay hinahabol nila.
11 Inihihinga ng hangal ang kanyang buong galit,
ngunit ang matalino ay nagpipigil nang tahimik.
12 Kung ang pinuno ay nakikinig sa kasinungalingan,
magiging masasama ang lahat niyang tauhan.
13 Ang dukha at ang nang-aapi ay nagkakasalubong,
ang mga mata nilang pareho ay pinagliliwanag ng Panginoon.
14 Kung ang hari ay humahatol sa dukha nang may katarungan,
ang kanyang trono ay matatatag magpakailanman.
15 Ang pamalo at saway ay nagbibigay ng karunungan,
ngunit ang batang pinababayaan, sa kanyang ina ay nagbibigay-kahihiyan.
16 Kapag ang masama ay nanunungkulan, dumarami ang pagsalangsang,
ngunit pagmamasdan ng matuwid ang kanilang pagkabuwal.
17 Supilin mo ang iyong anak, at bibigyan ka niya ng kapahingahan;
ang iyong puso ay bibigyan niya ng kasiyahan.
18 Kung saan walang pangitain, nagpapabaya ang taong-bayan,
ngunit mapalad ang sumusunod sa kautusan.
19 Ang alipin ay hindi masasaway ng mga salita lamang,
sapagkat kahit nauunawaan niya ay hindi niya papakinggan.
20 Nakikita mo ba ang tao na padalus-dalos sa kanyang mga salita?
May pag-asa pa ang hangal kaysa kanya.
21 Siyang nag-aaruga sa kanyang lingkod mula sa pagkabata,
sa bandang huli ay magiging kanyang tagapagmana.
22 Ang taong magagalitin ay lumilikha ng away,
at ang mainitin ang ulo ay sanhi ng maraming pagsuway.
23 Ang kapalaluan ng tao ang sa kanya'y magpapababa,
ngunit magtatamo ng karangalan ang may mapagpakumbabang diwa.
24 Ang kasamahan ng magnanakaw ay namumuhi sa kanyang buhay;
naririnig niya ang sumpa, ngunit walang ipinaaalam.
25 Ang takot sa tao ay naglalatag ng bitag,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay maliligtas.
26 Marami ang humahanap ng lingap ng isang tagapamahala,
ngunit ang katarungan ay sa Panginoon makukuha.
27 Ang masamang tao ay karumaldumal sa matuwid;
at ang matuwid sa kanyang lakad ay karumaldumal sa masama.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001