Add parallel Print Page Options

Si Haring Azarias ng Juda(A)

15 Nang ikadalawampu't pitong taon ni Jeroboam na hari ng Israel, si Azarias na anak ni Amasias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Siya'y labing-anim na taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jecolia na taga-Jerusalem.

Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Amasias.

Gayunma'y hindi inalis ang matataas na dako; ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.

At sinaktan ng Panginoon ang hari, at siya'y isang ketongin hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, at siya'y tumira sa isang bukod na bahay. At si Jotam na anak ng hari ang tagapamahala ng sambahayan, na humahatol sa sambayanan ng lupain.

Ang iba sa mga gawa ni Azarias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?

At(B) si Azarias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David; si Jotam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Read full chapter

Footnotes

  1. 2 Mga Hari 15:6 o Cronica .

Si Haring Uzias ng Juda(A)

26 At kinuha ng buong bayan ng Juda si Uzias, na labing-anim na taong gulang at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang amang si Amasias.

Kanyang itinayo ang Eloth at isinauli sa Juda, pagkatapos na ang hari ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno.

Si Uzias ay labing-anim na taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jecolia na taga-Jerusalem.

At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Amasias.

Itinalaga niya ang sarili upang hanapin ang Diyos sa mga araw ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa pagkatakot sa Diyos; at habang kanyang hinahanap ang Panginoon, pinagtatagumpay siya ng Diyos.

Siya'y lumabas at nakipagdigma laban sa mga Filisteo, at ibinagsak ang pader ng Gat, ang pader ng Jabnia, at ang pader ng Asdod. Siya'y nagtayo ng mga lunsod sa nasasakupan ng Asdod at sa iba pang lugar sa gitna ng mga Filisteo.

Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo at mga taga-Arabia na naninirahan sa Gurbaal, at laban sa mga Meunita.

Ang mga Ammonita ay nagbayad ng buwis kay Uzias, at ang kanyang katanyagan ay lumaganap hanggang sa hangganan ng Ehipto, sapagkat siya'y naging napakalakas.

Bukod dito'y nagtayo si Uzias ng mga muog sa Jerusalem sa Pintuan sa Panulukan at sa Pintuan sa Libis, at sa Pagliko, at pinatibay ang mga iyon.

10 Siya'y nagtayo ng mga muog sa ilang at humukay ng maraming balon, sapagkat siya'y mayroong maraming kawan maging sa Shefela at sa kapatagan. Mayroon siyang mga magbubukid at manggagawa sa ubasan sa mga burol at sa matatabang lupain, sapagkat mahal niya ang lupa.

11 Bukod dito, si Uzias ay may hukbo ng mga kawal, nababagay sa digmaan, na pulu-pulutong ayon sa pagbilang na ginawa ni Jeiel na kalihim, at ni Maasias na pinuno, sa ilalim ng pangangasiwa ni Hananias, isa sa mga punong-kawal ng hari.

12 Ang buong bilang ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno na matatapang na mandirigma ay dalawang libo at animnaraan.

13 Sa ilalim ng kanilang pamumuno ay isang hukbo na tatlong daan pitong libo at limang daan, na may kakayahang lumaban na may kapangyarihan, upang tulungan ang hari laban sa kaaway.

14 At ang buong hukbo ay ipinaghanda ni Uzias ng mga kalasag, mga sibat, mga helmet, mga metal na saplot, mga pana, at mga batong pantirador.

15 Siya'y gumawa sa Jerusalem ng mga makina, nilikha ng mga bihasang tao, upang ilagay sa mga tore at sa panulukan, upang magpahilagpos ng mga pana at malalaking bato. At ang kanyang kabantugan ay kumalat sa malayo, sapagkat siya'y kagila-gilalas na tinulungan hanggang sa siya'y lumakas.

Si Uzias ay Pinarusahan Dahil sa Kanyang Kapalaluan

16 Ngunit nang siya'y lumakas, siya'y naging palalo na siya niyang ikinapahamak. Sapagkat kanyang nilapastangan ang Panginoon niyang Diyos, at pumasok sa templo ng Panginoon upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng dambana ng insenso.

17 Ngunit si Azarias na pari ay pumasok kasunod niya, na may kasamang walumpung pari ng Panginoon na matatapang na lalaki.

18 Kanilang(B) hinadlangan si Haring Uzias, at sinabi sa kanya, “Hindi para sa iyo, Uzias, ang magsunog ng insenso sa Panginoon, kundi para sa mga pari na mga anak ni Aaron, na mga itinalaga upang magsunog ng insenso. Lumabas ka sa santuwaryo sapagkat mali ang iyong ginawa, at hindi ito magbibigay sa iyo ng karangalan mula sa Panginoong Diyos.”

19 Nang magkagayo'y nagalit si Uzias. Noon ay mayroon siyang suuban sa kanyang kamay upang magsunog ng insenso. Nang siya'y magalit sa mga pari, may lumabas na ketong sa kanyang noo, sa harapan ng mga pari sa bahay ng Panginoon, sa tabi ng dambana ng insenso.

20 Si Azarias na punong pari at ang lahat ng mga pari ay tumingin sa kanya, siya'y may ketong sa kanyang noo! At siya'y mabilis nilang itinaboy papalabas at siya nama'y nagmamadaling lumabas, sapagkat sinaktan siya ng Panginoon.

21 Si Haring Uzias ay ketongin hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, at palibhasa'y ketongin ay tumira siya sa isang bahay na nakabukod, sapagkat siya'y itiniwalag sa bahay ng Panginoon. Si Jotam na kanyang anak ang namahala sa sambahayan ng hari, na nangangasiwa sa mga mamamayan ng lupain.

22 Ang iba pa sa mga gawa ni Uzias, mula una hanggang katapusan, ay isinulat ni Isaias na propeta, na anak ni Amos.

23 At(C) si Uzias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa parang na libingan na ukol sa mga hari; sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y ketongin.” At si Jotam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Read full chapter

Si Haring Jotam ng Juda(A)

32 Nang ikalawang taon ni Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, si Jotam na anak ni Uzias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

33 Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jerusha na anak ni Zadok.

34 Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Uzias.

35 Gayunma'y, ang matataas na dako ay hindi inalis. Ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako. Itinayo niya ang pintuang-bayan sa itaas sa bahay ng Panginoon.

36 Ang iba pa sa mga gawa ni Jotam, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?

37 Nang mga araw na iyon, pinasimulang suguin ng Panginoon laban sa Juda sina Rezin na hari sa Siria at si Peka na anak ni Remalias.

38 Si Jotam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ninuno. Si Ahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Read full chapter

Footnotes

  1. 2 Mga Hari 15:36 o Cronica .

Si Haring Jotam ng Juda(A)

27 Si Jotam ay dalawampu't limang taon nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jerushah na anak ni Zadok.

At kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Uzias—liban lamang sa hindi niya pinasok ang templo ng Panginoon. Ngunit ang taong-bayan ay sumunod sa masasamang gawain.

Kanyang itinayo ang pang-itaas na pintuan ng bahay ng Panginoon, at marami siyang ginawa sa pader ng Ofel.

Bukod dito'y nagtayo siya ng mga lunsod sa lupaing maburol ng Juda, at ng mga kuta at mga tore sa magubat na burol.

Siya'y lumaban sa hari ng mga Ammonita at nagtagumpay laban sa kanila. At ang mga Ammonita ay nagbigay sa kanya nang taon ding iyon ng isandaang talentong pilak, at sampung libong koro ng trigo at sampung libo ng sebada. Ang mga Ammonita ay nagbayad sa kanya ng gayunding halaga sa ikalawa at ikatlong taon.

Kaya't si Jotam ay naging makapangyarihan, sapagkat inayos niya ang kanyang pamumuhay sa harapan ng Panginoon niyang Diyos.

Ang iba pa sa mga gawa ni Jotam, at ang lahat niyang mga pakikipagdigma, at ang kanyang pamumuhay ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda.

Siya'y dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem.

At si Jotam ay namatay na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David. Si Ahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Read full chapter

Si Haring Ahaz ng Juda(A)

16 Nang ikalabimpitong taon ni Peka na anak ni Remalias, si Ahaz na anak ni Jotam na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Si Ahaz ay dalawampung taon nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi siya gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon niyang Diyos, na gaya ng ginawa ni David na kanyang ninuno,

sa(B) halip siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel. Maging ang kanyang anak na lalaki ay pinaraan sa apoy, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon mula sa harapan ng mga anak ni Israel.

Siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako, sa mga burol, at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy.

At(C) si Rezin na hari ng Siria at si Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel ay umahon upang makipagdigma sa Jerusalem, at kanilang kinubkob si Ahaz ngunit siya'y hindi nila malupig.

Nang panahong iyon, binawi ni Rezin na hari ng Aram ang Elat para sa Aram at pinalayas ang mga taga-Juda sa Elat. Ang mga taga-Aram ay dumating sa Elat at doon ay nanirahan sila hanggang sa araw na ito.

Kaya't nagpadala si Ahaz ng mga sugo kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, na ipinasasabi, “Ako ay iyong lingkod at iyong anak. Umahon ka, at iligtas mo ako sa kamay ng hari ng Siria at sa kamay ng hari ng Israel na sumasalakay sa akin.”

Kinuha rin ni Ahaz ang pilak at ginto na natagpuan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kabang-yaman ng bahay ng hari at nagpadala ng kaloob sa hari ng Asiria.

Pinakinggan siya ng hari ng Asiria; ang hari ng Asiria ay umahon laban sa Damasco, at sinakop ito at dinalang-bihag ang taong-bayan sa Kir; at pinatay niya si Rezin.

Gumawa ng Bagong Dambana

10 Nang si Haring Ahaz ay pumunta sa Damasco upang makipagkita kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, kanyang nakita ang dambana na dating nasa Damasco. Ipinadala ni Haring Ahaz kay Urias na pari ang isang plano ng dambana at ang anyo nito, husto sa lahat ng mga bahagi nito.

11 Itinayo ng paring si Urias ang dambana; ayon sa lahat ng ipinadala ni Haring Ahaz mula sa Damasco ay gayon ang ginawa ng paring si Urias, bago dumating si Haring Ahaz mula sa Damasco.

12 Nang dumating ang hari mula sa Damasco, pinagmasdan ng hari ang dambana. Ang hari ay lumapit sa dambana at umakyat doon,

13 at sinunog ang kanyang handog na sinusunog, ang kanyang handog na butil, at ibinuhos ang kanyang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng kanyang mga handog pangkapayapaan sa ibabaw ng dambana.

14 Ang(D) dambanang tanso na nasa harapan ng Panginoon ay kanyang inalis mula sa harapan ng bahay, mula sa lugar sa pagitan ng kanyang dambana at ng bahay ng Panginoon, at inilagay sa dakong hilaga ng kanyang dambana.

15 At inutusan ni Haring Ahaz ang paring si Urias, na sinasabi, “Sa ibabaw ng malaking dambana ay sunugin mo ang handog na sinusunog sa umaga, at ang handog na butil sa hapon, at ang handog na sinusunog ng hari at ang kanyang handog na butil, kasama ng handog na sinusunog ng lahat ng mga tao ng lupain, at ng kanilang handog na butil, at ang kanilang mga handog na inumin; at iwisik mo roon ang lahat ng dugo ng handog na sinusunog, at ang lahat ng dugo ng handog; ngunit ang dambanang tanso ay para sa akin upang doon ako'y makasangguni.”

16 Ang lahat ng ito ay ginawa ng paring si Urias, gaya ng iniutos ni Haring Ahaz.

17 At(E) pinutol ni Haring Ahaz ang mga balangkas ng mga patungan at inalis sa mga iyon ang hugasan. Kanyang ibinaba ang malaking tangke ng tubig mula sa mga bakang tanso na nasa ilalim niyon at ipinatong sa isang patungang bato.

18 Ang daang natatakpan para sa Sabbath na itinayo sa loob ng bahay, at ang pasukan ng hari na nasa labas ay kanyang inalis sa bahay ng Panginoon, dahil sa hari ng Asiria.

19 Ang iba pa sa mga gawa ni Ahaz na kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?

20 At(F) si Ahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. Si Hezekias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Read full chapter

Footnotes

  1. 2 Mga Hari 16:19 o Cronica .

Si Haring Ahaz ng Juda(A)

28 Si Ahaz ay dalawampung taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi niya ginawa ang matuwid sa paningin ng Panginoon, na gaya ni David na kanyang ninuno,

kundi siya'y lumakad sa mga landas ng mga hari ng Israel. Gumawa rin siya ng mga larawang hinulma para sa mga Baal.

At nagsunog siya ng insenso sa libis ng anak ni Hinom, at sinunog ang kanyang mga anak bilang handog, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.

Siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga burol, at sa ilalim ng bawat sariwang punungkahoy.

Pakikidigma sa Siria at sa Israel(B)

Kaya't(C) ibinigay siya ng Panginoon niyang Diyos sa kamay ng hari ng Siria, na gumapi sa kanya at binihag ang malaking bilang ng kanyang kababayan at dinala sila sa Damasco. Ibinigay rin siya sa kamay ng hari ng Israel na gumapi sa kanya at napakarami ang napatay.

Sapagkat si Peka na anak ni Remalias ay pumatay sa Juda ng isandaan at dalawampung libo sa isang araw, lahat sila ay matatapang na mandirigma, sapagkat kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

Pinatay ni Zicri, na isang matapang na mandirigma sa Efraim, si Maasias na anak ng hari, at si Azricam na pinuno sa palasyo at si Elkana na pangalawa sa hari.

At dinalang-bihag ng mga anak ni Israel ang dalawandaang libo sa kanilang mga kapatid, mga babae, mga anak na lalaki at babae. Kumuha rin sila ng maraming samsam mula sa kanila at dinala ang samsam sa Samaria.

Si Propeta Oded

Ngunit isang propeta ng Panginoon ang naroon na ang pangalan ay Oded; at siya'y lumabas upang salubungin ang hukbo na dumating sa Samaria, at sinabi sa kanila, “Sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ay nagalit sa Juda, kanyang ibinigay sila sa inyong kamay, ngunit inyong pinatay sila sa matinding galit na umabot hanggang sa langit.

10 At ngayo'y binabalak ninyong lupigin ang mga anak ni Juda at ng Jerusalem, lalaki at babae, bilang inyong mga alipin. Wala ba kayong mga kasalanan laban sa Panginoon ninyong Diyos?

11 Ngayo'y pakinggan ninyo ako, at pabalikin ninyo ang mga bihag na inyong kinuha mula sa inyong mga kapatid, sapagkat ang matinding galit ng Panginoon ay nasa inyo.”

12 Ilan rin sa mga pinuno sa mga anak ni Efraim, si Azarias na anak ni Johanan, si Berequias na anak ni Mesillemot, si Jehizkias na anak ni Shallum, at si Amasa na anak ni Hadlai, ay nagsitayo laban sa kanila na nanggaling sa pakikidigma.

13 At sinabi sa kanila, “Huwag ninyong dadalhin dito ang mga bihag, sapagkat binabalak ninyong dalhan kami ng pagkakasala laban sa Panginoon, na dagdag sa aming kasalukuyang mga kasalanan at paglabag. Sapagkat ang ating pagkakasala ay napakalaki na at may malaking poot laban sa Israel.”

14 Kaya't iniwan ng mga lalaking may sandata ang mga bihag at ang mga samsam sa harapan ng mga pinuno at ng buong kapulungan.

15 At ang mga lalaking nabanggit ang pangalan ay tumindig at kinuha ang mga bihag, at sa pamamagitan ng samsam ay binihisan ang lahat ng hubad sa kanila. Dinamitan sila at binigyan ng sandalyas, pinakain, pinainom, at binuhusan ng langis. Nang maisakay ang lahat ng mahihina sa kanila sa mga asno, kanilang dinala sila sa kanilang mga kapatid sa Jerico, na lunsod ng mga puno ng palma. Pagkatapos ay bumalik sila sa Samaria.

Humingi ng Tulong si Ahaz sa Asiria(D)

16 Nang panahong iyon ay nagsugo si Haring Ahaz sa mga hari ng Asiria upang humingi ng tulong.

17 Sapagkat muling sinalakay ng mga Edomita at ginapi ang Juda, at nakadala ng mga bihag.

18 At ang mga Filisteo ay nagsagawa ng mga paglusob sa mga bayan sa Shefela at sa Negeb ng Juda, at sinakop ang Bet-shemes, Ayalon, Gederot, ang Soco at ang mga nayon niyon, ang Timna at ang mga nayon niyon, at ang Gimzo at ang mga nayon niyon; at sila'y nanirahan doon.

19 Sapagkat ibinaba ng Panginoon ang Juda dahil kay Ahaz na hari ng Israel; sapagkat siya'y gumawa ng masama sa Juda at naging taksil sa Panginoon.

20 Kaya't si Tilgatpilneser na hari ng Asiria ay dumating laban sa kanya, at pinahirapan siya, sa halip na palakasin siya.

21 Sapagkat si Ahaz ay kumuha sa bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari at ng mga pinuno at nagbigay ng buwis sa hari ng Asiria, ngunit hindi ito nakatulong sa kanya.

Ang mga Kasalanan ni Ahaz

22 At sa panahon ng kanyang kagipitan ay lalo pa siyang naging taksil sa Panginoon, ito ring si Haring Ahaz.

23 Sapagkat siya'y nag-alay sa mga diyos ng Damasco na gumapi sa kanya, at sinabi niya, “Sapagkat tinulungan sila ng mga diyos ng mga hari ng Siria, ako'y mag-aalay sa kanila, upang tulungan nila ako.” Ngunit sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel.

24 Tinipon ni Ahaz ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos, at pinagputul-putol ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos. Kanyang isinara ang mga pinto ng bahay ng Panginoon at siya'y gumawa para sa sarili ng mga dambana sa bawat sulok ng Jerusalem.

25 Sa bawat lunsod ng Juda ay gumawa siya ng matataas na dako upang pagsunugan ng insenso sa mga ibang diyos, at ginalit ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.

26 Ang iba pa sa kanyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, mula una hanggang katapusan, ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.

27 At(E) si Ahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing nila siya sa lunsod, sa Jerusalem; sapagkat siya'y hindi nila dinala sa mga libingan ng mga hari sa Israel. Si Hezekias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Read full chapter

Si Haring Hezekias ng Juda(A)

18 Nang ikatlong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Hezekias na anak ni Ahaz na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.

Siya ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abi na anak ni Zacarias.

Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin[a] ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno.

Kanyang(B) inalis ang matataas na dako, winasak ang mga haligi, at ibinagsak ang mga sagradong poste.[b] Kanyang pinagputul-putol ang ahas na tanso na ginawa ni Moises, sapagkat hanggang sa mga araw na iyon ay pinagsusunugan ito ng insenso ng mga anak ni Israel; ito ay tinawag na Nehustan.

Siya'y nagtiwala sa Panginoong Diyos ng Israel at walang naging gaya niya sa lahat ng mga hari ng Juda pagkatapos niya o maging sa mga nauna sa kanya.

Sapagkat siya'y humawak nang mahigpit sa Panginoon; siya'y hindi humiwalay sa pagsunod sa kanya, kundi iningatan ang kanyang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Panginoon ay kasama niya; saanman siya magtungo ay nagtatagumpay siya. Siya'y naghimagsik laban sa hari ng Asiria, at ayaw niyang maglingkod sa kanya.

Kanyang nilusob ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sa mga nasasakupan nito, mula sa muog-bantayan hanggang sa lunsod na may kuta.

Nang ikaapat na taon ni Haring Hezekias, na siyang ikapitong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Shalmaneser na hari ng Asiria ay umahon laban sa Samaria at kinubkob niya iyon,

10 at sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop iyon. Nang ikaanim na taon ni Hezekias, na siyang ikasiyam na taon ni Hosheas na hari ng Israel, ang Samaria ay sinakop.

11 Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, ang ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo,

12 sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng Panginoon nilang Diyos, kundi kanilang nilabag ang kanyang tipan, maging ang lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon. Hindi sila nakinig ni sumunod.

Pinagbantaan ng Taga-Asiria ang Jerusalem(C)

13 Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda at sinakop ang mga iyon.

14 Si Hezekias na hari ng Juda ay nagsugo sa hari ng Asiria sa Lakish, na nagsasabi, “Ako'y nagkamali; iwan mo ako. Anumang ipataw mo sa akin ay aking papasanin.” At pinatawan ng hari ng Asiria si Hezekias na hari ng Juda ng tatlongdaang talentong pilak at tatlumpung talentong ginto.

15 Ibinigay ni Hezekias sa kanya ang lahat ng pilak na natagpuan sa bahay ng Panginoon, at sa kabang-yaman ng bahay ng hari.

16 Nang panahong yaon ay inalis ni Hezekias ang ginto mula sa mga pintuan ng templo ng Panginoon at mula sa mga haligi na binalutan ni Hezekias na hari ng Juda at ibinigay ito sa hari ng Asiria.

17 Isinugo ng hari ng Asiria ang Tartan, ang Rabsaris, at ang Rabsake na may malaking hukbo mula sa Lakish patungo kay Haring Hezekias sa Jerusalem. At sila'y umahon at nakarating sa Jerusalem. Nang sila'y makarating, sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng daluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan patungo sa Parang na Bilaran.

18 Nang matawag na nila ang hari, lumabas sa kanila si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang katiwala ng bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala.

19 At sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sabihin ninyo kay Hezekias, ‘Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa ano ninyo ibinabatay ang pagtitiwala ninyong ito?

20 Iyong sinasabi (ngunit mga salitang walang kabuluhan lamang) may payo at kalakasan sa pakikidigma. Ngayon, kanino ka nagtitiwala, na ikaw ay maghimagsik laban sa akin?

21 Narito ngayon, ikaw ay umaasa sa Ehipto, sa baling tungkod na iyon na tutusok sa kamay ng sinumang taong sasandal doon. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng umaasa sa kanya.

22 Ngunit kung inyong sasabihin sa akin, “Kami ay umaasa sa Panginoon naming Diyos,” hindi ba siya yaong inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, na sinasabi sa Juda at Jerusalem, “Kayo'y sasamba sa dambanang ito sa Jerusalem?”

23 Halika ngayon, makipagpustahan ka sa aking panginoong hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung makakaya mong lagyan ng mga mangangabayo ang mga iyon.

24 Paano mo maitataboy ang isang punong-kawal mula sa pinakamahina sa mga lingkod ng aking panginoon, samantalang umaasa ka sa Ehipto para sa mga karwahe at mga mangangabayo?

25 Bukod dito, ako ba'y umahon na hindi ko kasama ang Panginoon laban sa lugar na ito upang ito'y wasakin? Sinabi ng Panginoon sa akin, Umahon ka laban sa lupaing ito, at wasakin mo ito.’”

26 Nang magkagayo'y sinabi ni Eliakim na anak ni Hilkias, at nina Sebna at Joah sa Rabsake, “Hinihiling ko sa iyo, magsalita ka sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico sapagkat naiintindihan namin iyon. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Juda, sa mga pandinig ng taong-bayan na nasa pader.”

27 Ngunit sinabi ng Rabsake sa kanila, “Sinugo ba ako ng aking panginoon upang sabihin ang mga salitang ito sa iyong panginoon at sa inyo, at hindi sa mga lalaking nakaupo sa pader na nakatadhanang kasama ninyo na kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi?”

28 Pagkatapos ay tumayo ang Rabsake at sumigaw ng malakas sa wikang Juda, “Pakinggan ninyo ang salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!”

29 Ganito ang sabi ng hari, “Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat kayo'y hindi niya maililigtas sa aking kamay.

30 Huwag ninyong hayaang pagtiwalain kayo ni Hezekias sa Panginoon sa pagsasabing, ‘Tiyak na ililigtas tayo ng Panginoon, at ang lunsod na ito ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.’

31 Huwag kayong makinig kay Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria, ‘Makipagpayapaan kayo sa akin at lumabas kayo sa akin; at ang bawat isa sa inyo ay kakain mula sa kanyang sariling puno ng ubas, at ang bawat isa mula sa kanyang sariling puno ng igos, at ang bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig sa kanyang sariling balon;

32 hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng trigo at ng alak, isang lupain ng tinapay at ng mga ubasan, isang lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mabuhay at hindi mamatay. At huwag kayong makinig kay Hezekias kapag kayo'y ililigaw niya sa pagsasabing, Ililigtas tayo ng Panginoon.

33 Mayroon na bang sinuman sa mga diyos ng mga bansa na nakapagligtas ng lupain niya sa kamay ng hari ng Asiria?

34 Nasaan ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan ang mga diyos ng Sefarvaim, Hena at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria sa aking kamay?

35 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga lupain ang nakapagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na anupa't ililigtas ng Panginoon ang Jerusalem sa aking kamay?’”

36 Ngunit ang bayan ay tahimik, at hindi siya sinagot ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, “Huwag ninyo siyang sagutin.”

37 Nang magkagayon, si Eliakim na anak ni Hilkias, na katiwala ng sambahayan, si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay pumunta kay Hezekias na punit ang kanilang suot at sinabi sa kanya ang mga salita ng Rabsake.

Hiningi ng Hari ang Payo ni Isaias(D)

19 Nang ito'y marinig ni Haring Hezekias, pinunit niya ang kanyang mga suot, nagbalot ng damit-sako, at pumasok sa bahay ng Panginoon.

Kanyang sinugo kay propeta Isaias na anak ni Amos sina Eliakim na katiwala sa bahay, si Sebna na kalihim, at ang matatanda sa mga pari na may mga balot na damit-sako.

Sinabi nila sa kanya, “Ganito ang sabi ni Hezekias, Ang araw na ito ay araw ng kabagabagan, ng pagsaway at ng kahihiyan. Ang mga bata ay dumating na sa kapanganakan, at walang lakas upang sila'y mailuwal.

Marahil ay narinig ng Panginoon mong Diyos ang lahat ng mga salita ng Rabsake, na siyang sinugo ng kanyang panginoong hari ng Asiria upang tuyain ang buháy na Diyos, at sawayin ang mga salita na narinig ng Panginoon mong Diyos. Kaya't itaas mo ang iyong panalangin para sa nalalabing naiwan.”

At ang mga lingkod ni Haring Hezekias ay dumating kay Isaias,

at sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong panginoon, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kang matakot dahil sa mga salitang narinig mo, na ipinanlait sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asiria.

Ako'y maglalagay ng isang espiritu sa kanya, at siya'y makakarinig ng bali-balita at babalik sa kanyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kanyang sariling lupain.’”

Muling Nagbanta ang Taga-Asiria(E)

Bumalik ang Rabsake at natagpuan ang hari ng Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish.

Nang marinig ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, “Tingnan mo, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo,” siya'y muling nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi,

10 “Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari ng Juda, ‘Huwag kang padadaya sa Diyos na iyong inaasahan sa pamamagitan ng pangangako na ang Jerusalem ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.

11 Nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ganap nilang winawasak. At ikaw kaya ay maililigtas?

12 Nailigtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansang winasak ng aking mga ninuno—ang Gozan, Haran, Resef, at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Telasar?

13 Nasaan ang hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?’”

14 Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito. Pagkatapos ay pumanhik si Hezekias sa bahay ng Panginoon at iniladlad ito sa harapan ng Panginoon.

15 At(F) si Hezekias ay nanalangin sa harap ng Panginoon at nagsabi, “O Panginoong Diyos ng Israel na nakaupo sa itaas ng mga kerubin, ikaw ang Diyos, ikaw lamang sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa.

16 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at iyong pakinggan at imulat mo ang iyong mga mata, O Panginoon. Tumingin ka at pakinggan mo ang mga salita ni Senakerib, na kanyang isinugo upang kutyain ang buháy na Diyos.

17 Sa katotohanan, Panginoon, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain,

18 at inihagis ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, mga kahoy at bato; kaya't sila'y winasak.

19 Ngayon nga, O Panginoon naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang mga kamay, isinasamo ko sa iyo, upang makilala ng lahat ng mga kaharian sa lupa na ikaw, Panginoon, ang tanging Diyos.”

20 Pagkatapos ay nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Hezekias, na nagsasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, Sapagkat ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria, ikaw ay aking pinakinggan.

Ang Mensahe ni Isaias sa Hari(G)

21 Ito ang salita na sinabi ng Panginoon tungkol sa kanya:

“Hinahamak ka niya, kinukutya ka niya—
    ikaw na anak na babaing birhen ng Zion;
iniiling niya ang kanyang ulo sa likuran mo—
    ikaw na anak na babae ng Jerusalem.
22 “Sino ang iyong hinamak at kinutya?
    Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig
at may kapalaluang itinaas ang iyong mga mata?
    Laban sa Banal ng Israel!
23 Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay kinutya mo ang Panginoon,
    at iyong sinabi, ‘Sa pamamagitan ng marami kong mga karwahe
ako'y nakaahon sa kaitaasan ng mga bundok,
    hanggang sa kasuluksulukan ng Lebanon.
Ibinuwal ko ang kanyang pinakamataas na sedro,
    ang kanyang mga piling puno ng cipres;
pinasok ko ang kanyang pinakamalayong tuluyan,
    at ang kanyang pinakamasukal na gubat.
24 Ako'y humukay ng balon
    at uminom ng ibang tubig
at pinatuyo ng talampakan ng aking paa
    ang lahat ng ilog sa Ehipto.’
25 “Hindi mo ba narinig
    na iyon ay matagal ko nang naipasiya?
Binalak ko nang nakaraang mga araw
    ang ngayon ay aking pinapangyayari,
na mga lunsod na may kuta ay gagawin mong mga bunton ng guho,
26 samantalang ang kanilang mga mamamayan ay naubusan ng lakas,
    lupaypay at nalilito,
at naging gaya ng mga halaman sa bukid,
    at gaya ng luntiang gulayin,
gaya ng damo sa mga bubungan,
    na lanta na bago ito lumago?
27 “Ngunit nalalaman ko ang iyong pag-upo
    at ang iyong paglabas at pagpasok,
    at ang iyong pagkagalit laban sa akin.
28 Sapagkat ikaw ay nagalit laban sa akin
    at ang iyong pagmamataas ay nakarating sa aking mga tainga,
ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong,
    at ang aking busal sa iyong bibig,
at ibabalik kita sa daang
    pinanggalingan mo.

29 “At ito ang magiging tanda para sa iyo: sa taong ito ikaw ay kakain ng tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay ang tumubo roon; at sa ikatlong taon ay maghahasik kayo, at aani, at magtatanim ng ubasan, at kakainin ninyo ang kanilang bunga.

30 Ang naiwang ligtas sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim at magbubunga pataas;

31 sapagkat mula sa Jerusalem ay lalabas ang isang nalabi, at sa bundok ng Zion ay isang pangkat ng naiwan. Ang sigasig ng Panginoon ang gagawa nito.

32 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria. Siya'y hindi papasok sa lunsod na ito, o papana man ng palaso doon, o darating sa unahan na may kalasag, o maglalagay man ng bunton laban doon.

33 Sa daang kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya papasok sa lunsod na ito, sabi ng Panginoon.

34 Sapagkat ipagtatanggol ko ang lunsod na ito upang iligtas ito, alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David.”

35 Nang gabing iyon ang anghel ng Panginoon ay lumabas at pumatay ng isandaan at walumpu't limang libo sa kampo ng mga taga-Asiria. At nang ang mga tao'y maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay.

36 Pagkatapos ay umalis si Senakerib na hari ng Asiria, at umuwi at nanirahan sa Ninive.

37 Habang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak ng kanyang mga anak na sina Adramalec at Sharezer; at sila'y tumakas patungo sa lupain ng Ararat. Si Esar-hadon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Nagkasakit at Gumaling si Haring Hezekias(H)

20 Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Si propeta Isaias na anak ni Amos ay pumaroon sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay na, hindi ka na mabubuhay.’”

Nang magkagayo'y iniharap ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding at nanalangin sa Panginoon na sinasabi,

“Alalahanin mo ngayon, O Panginoon, idinadalangin ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harapan mo sa katapatan, at nang buong puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin.” At si Hezekias ay umiyak nang mapait.

At bago nakalabas si Isaias sa gitnang bulwagan, dumating ang salita ng Panginoon sa kanya na sinasabi,

“Bumalik ka, at sabihin mo kay Hezekias na pinuno ng aking bayan, Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ni David na iyong ninuno: Narinig ko ang iyong panalangin, nakita ko ang iyong mga luha; pagagalingin kita. Sa ikatlong araw ay aakyat ka sa bahay ng Panginoon.

Dadagdagan ko ng labinlimang taon ang iyong buhay. Ililigtas ko ikaw at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria at aking ipagtatanggol ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David.”

At sinabi ni Isaias, “Magdala kayo ng binilong igos at itapal ito sa bukol upang siya'y gumaling.”

Sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Ano ang magiging tanda na ako'y pagagalingin ng Panginoon, at ako'y aakyat sa bahay ng Panginoon sa ikatlong araw?”

At sinabi ni Isaias, “Ito ang tanda sa iyo mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na kanyang ipinangako: susulong ba ang anino ng sampung hakbang, o babalik ng sampung hakbang?”

10 Sumagot si Hezekias, “Isang madaling bagay sa anino na pasulungin ng sampung hakbang; sa halip, pabalikin ang anino ng sampung hakbang.”

11 Si Isaias na propeta ay nanalangin sa Panginoon; at kanyang pinabalik ang anino ng sampung hakbang, na nakababa na sa orasang-araw ni Ahaz.

Mga Sugo mula sa Babilonia(I)

12 Nang panahong iyon, si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na hari ng Babilonia, ay nagpadala ng mga sugo na may mga sulat at kaloob kay Hezekias, sapagkat kanyang nabalitaan na si Hezekias ay nagkasakit.

13 Sila'y tinanggap ni Hezekias at ipinakita sa kanila ang lahat ng kayamanan ng kanyang bahay, ang pilak, ginto, mga pabango, at mamahaling langis, ang kanyang taguan ng mga sandata, at ang lahat ng matatagpuan sa kanyang bodega. Walang anuman sa kanyang bahay o sa kanyang nasasakupan na hindi ipinakita sa kanila ni Hezekias.

14 Nang magkagayo'y pumaroon si propeta Isaias kay Haring Hezekias, at sinabi sa kanya, “Anong sinabi ng mga lalaking ito? At saan sila galing sa pagtungo sa iyo?” At sinabi ni Hezekias, “Sila'y galing sa malayong lupain, mula sa Babilonia.”

15 Kanyang sinabi, “Anong nakita nila sa iyong bahay?” At sumagot si Hezekias, “Kanilang nakita ang lahat ng nasa aking bahay. Walang anumang bagay na nasa aking mga bodega ang hindi ko ipinakita sa kanila.”

16 At sinabi ni Isaias kay Hezekias, “Pakinggan mo ang salita ng Panginoon:

17 Ang(J) mga araw ay dumarating na ang lahat ng nasa iyong bahay at ang inimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito ay tatangayin na patungo sa Babilonia; walang maiiwan, sabi ng Panginoon.

18 At(K) ilan sa iyong mga anak na lalaki na mula sa iyo na ipapanganak ay kukunin; at sila'y magiging mga eunuko sa bahay ng hari ng Babilonia.”

19 Nang magkagayo'y sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinabi.” Sapagkat kanyang inakala, “Bakit hindi, kung magkakaroon naman ng kapayapaan at kapanatagan sa aking mga araw?”

Natapos ang Paghahari ni Hezekias(L)

20 Ang iba pa sa mga gawa ni Hezekias, at ang lahat niyang kapangyarihan, at kung paano niya ginawa ang tipunan ng tubig at ang padaluyan, at nagdala ng tubig sa lunsod, hindi ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Juda?

21 Natulog si Hezekias na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Manases na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Footnotes

  1. 2 Mga Hari 18:3 Sa Hebreo ay mga mata .
  2. 2 Mga Hari 18:4 Sa Hebreo ay Ashera .
  3. 2 Mga Hari 20:20 o Cronica .

Si Haring Hezekias ng Juda(A)

29 Si Hezekias ay nagsimulang maghari nang siya'y dalawampu't limang taong gulang, at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abias na anak ni Zacarias.

At ginawa niya ang matuwid sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno.

Ang Paglilinis sa Templo

Sa unang buwan ng unang taon ng kanyang paghahari, kanyang binuksan ang mga pintuan ng bahay ng Panginoon, at kinumpuni ang mga iyon.

Kanyang ipinatawag ang mga pari at mga Levita, at tinipon sila sa liwasan sa silangan.

Kanyang sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ako, mga Levita! Magpakabanal kayo ngayon, at pabanalin ninyo ang bahay ng Panginoon, ang Diyos ng inyong mga ninuno, at ilabas ninyo ang dumi mula sa dakong banal.

Sapagkat ang ating mga ninuno ay hindi naging tapat, at gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon nating Diyos. Kanilang pinabayaan siya, at inilayo nila ang kanilang mga mukha mula sa tahanan ng Panginoon, at sila'y nagsitalikod.

Kanila ring isinara ang mga pinto ng portiko, at pinatay ang mga ilawan, at hindi nagsunog ng insenso ni naghandog man ng mga handog na sinusunog sa dakong banal para sa Diyos ng Israel.

Kaya't ang poot ng Panginoon ay dumating sa Juda at Jerusalem, at ginawa silang tampulan ng sindak, pagtataka at pagkutya, gaya ng nakikita ng inyong mga mata.

Ang ating mga ninuno ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang ating mga anak na lalaki at babae at ang ating mga asawa ay nabihag dahil dito.

10 Ngayon nga'y nasa aking puso na makipagtipan sa Panginoon, sa Diyos ng Israel, upang ang kanyang matinding galit ay maalis sa atin.

11 Mga anak ko, huwag kayo ngayong magpabaya, sapagkat pinili kayo ng Panginoon upang tumayo sa harap niya, upang maglingkod sa kanya at maging kanyang mga lingkod at magsunog ng insenso sa kanya.”

12 At tumindig ang mga Levita, si Mahat na anak ni Amasai, at si Joel na anak ni Azarias, mula sa mga anak ng mga Kohatita; at mula sa mga anak ni Merari, si Kish na anak ni Abdi, at si Azarias na anak ni Jehalelel; mula sa mga Gershonita, si Joah na anak ni Zima, at si Eden na anak ni Joah;

13 at sa mga anak ni Elisafan, sina Simri at Jeiel; sa mga anak ni Asaf, si Zacarias at si Matanias;

14 sa mga anak ni Heman, sina Jeiel at Shimei; at sa mga anak ni Jedutun, sina Shemaya at Uziel.

15 Tinipon nila ang kanilang mga kapatid, at nagpakabanal, at pumasok ayon sa utos ng hari, sa pamamagitan ng mga salita ng Panginoon, upang linisin ang bahay ng Panginoon.

16 Ang mga pari ay pumasok sa loob na bahagi ng bahay ng Panginoon upang linisin ito, at kanilang inilabas ang lahat ng karumihan na kanilang natagpuan sa templo ng Panginoon tungo sa bulwagan ng bahay ng Panginoon. At kinuha ito ng mga Levita at inilabas ito sa batis ng Cedron.

17 Sila'y nagpasimulang magpakabanal sa unang araw ng unang buwan, at sa ikawalong araw ng buwan ay pumunta sila sa portiko ng Panginoon. Pagkatapos ay kanilang itinalaga ang bahay ng Panginoon sa loob ng walong araw; at sa ikalabing-anim na araw ng unang buwan ay nakatapos sila.

Ang Templo ay Muling Itinalaga

18 Pagkatapos ay pumunta sila kay Hezekias na hari, at kanilang sinabi, “Nalinis na namin ang buong bahay ng Panginoon, ang dambana ng handog na sinusunog at ang lahat ng kasangkapan nito, at ang hapag para sa tinapay na handog, pati ang lahat ng kasangkapan nito.

19 Lahat ng kasangkapang inalis ni Haring Ahaz sa kanyang paghahari nang siya'y di-tapat ay aming inihanda at itinalaga, ang mga ito ay nasa harapan ng dambana ng Panginoon.”

20 Nang magkagayo'y maagang bumangon si Hezekias na hari at tinipon ang mga pinuno ng lunsod at umakyat sa bahay ng Panginoon.

21 Sila'y nagdala ng pitong baka, pitong tupa, pitong kordero, at pitong kambing na lalaki, bilang handog pangkasalanan para sa kaharian, sa santuwaryo, at sa Juda. At siya'y nag-utos sa mga pari na mga anak ni Aaron na ihandog ang mga iyon sa dambana ng Panginoon.

22 Kaya't kanilang pinatay ang mga baka, at tinanggap ng mga pari ang dugo, at iwinisik sa dambana. Kanilang pinatay ang mga tupa at iwinisik ang dugo sa dambana; pinatay rin nila ang mga kordero at iwinisik ang dugo sa dambana.

23 Kanilang inilapit ang mga kambing na lalaki na handog pangkasalanan sa harapan ng hari at ng kapulungan, at ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga iyon.

24 Ang mga iyon ay pinatay ng mga pari at sila'y gumawa ng isang handog pangkasalanan sa pamamagitan ng dugo ng mga iyon sa ibabaw ng dambana, upang ipantubos sa buong Israel. Sapagkat iniutos ng hari na ang handog na sinusunog at ang handog pangkasalanan ay dapat gawin para sa buong Israel.

25 Kanyang inilagay ang mga Levita sa bahay ng Panginoon na may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa, ayon sa utos ni David at ni Gad na propeta ng hari, at ni Natan na propeta; sapagkat ang utos ay mula sa Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga propeta.

26 Ang mga Levita ay tumayo na may mga panugtog ni David, at ang mga pari na may mga trumpeta.

27 At si Hezekias ay nag-utos na ang handog na sinusunog ay ialay sa ibabaw ng dambana. Nang ang handog na sinusunog ay pinasimulan, ang awit sa Panginoon ay pinasimulan din, pati ang mga trumpeta, sa saliw ng mga panugtog ni David na hari ng Israel.

28 At ang buong kapulungan ay sumamba, at ang mga mang-aawit ay umawit, at ang mga trumpeta ay tumunog; lahat ng ito ay nagpatuloy hanggang sa ang handog na sinusunog ay natapos.

29 Nang matapos ang paghahandog, ang hari at ang lahat ng naroroong kasama niya ay yumukod at sumamba.

30 At iniutos ni Haring Hezekias at ng mga pinuno sa mga Levita na umawit ng mga papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng mga salita ni David at ni Asaf na propeta. At sila'y umawit ng mga papuri na may kagalakan, at sila'y yumukod at sumamba.

31 Pagkatapos ay sinabi ni Hezekias, “Ngayo'y naitalaga na ninyo ang inyong mga sarili sa Panginoon; kayo'y magsilapit, magdala kayo ng mga alay at mga handog ng pasasalamat sa bahay ng Panginoon.” At nagdala ang kapulungan ng mga alay at ng mga handog ng pasasalamat; at lahat ng may kusang kalooban ay nagdala ng mga handog na sinusunog.

32 At ang bilang ng mga handog na sinusunog na dinala ng kapulungan ay pitumpung baka, isandaang tupang lalaki at dalawandaang kordero. Lahat ng mga ito ay para sa handog na sinusunog sa Panginoon.

33 At ang mga handog na itinalaga ay animnaraang baka at tatlong libong tupa.

34 Ngunit ang mga pari ay kakaunti at hindi nila kayang balatan ang lahat ng handog na sinusunog. Kaya't tinulungan sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita, hanggang sa natapos ang gawain, at hanggang sa makapagpabanal ang nalabi sa mga pari—sapagkat ang mga Levita ay higit na matuwid ang puso kaysa mga pari sa pagpapabanal.

35 Bukod sa napakalaking bilang ng mga handog na sinusunog, mayroong taba ng mga handog pangkapayapaan, at mayroong mga handog na inumin para sa handog na susunugin. Sa gayo'y naibalik ang paglilingkod sa bahay ng Panginoon.

36 At si Hezekias at ang buong bayan ay nagalak, dahil sa ginawa ng Diyos para sa bayan; sapagkat ang bagay na iyon ay biglang nangyari.

Mga Paghahanda para sa Paskuwa

30 Si Hezekias ay nagpasabi sa buong Israel at Juda, at sumulat din ng mga liham sa Efraim at Manases, na sila'y pumunta sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskuwa sa Panginoong Diyos ng Israel.

Sapagkat(B) ang hari at ang kanyang mga pinuno at ang buong kapulungan sa Jerusalem ay nagkasundong ipangilin ang paskuwa sa ikalawang buwan—

yamang hindi nila maipangilin iyon sa panahong iyon, sapagkat wala pang sapat na bilang ng mga pari ang nakapagpabanal, at hindi pa nakapagtipon ang taong-bayan sa Jerusalem.

Ang panukala ay minabuti ng hari at ng buong kapulungan.

Kaya't kanilang ipinag-utos na gumawa ng pahayag sa buong Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na ang bayan ay dapat dumating at ipangilin ang paskuwa sa Panginoong Diyos ng Israel, sa Jerusalem; sapagkat hindi pa nila ito naipagdiriwang sa malaking bilang gaya ng iniatas.

Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay lumibot sa buong Israel at Juda dala ang sulat mula sa hari at sa kanyang mga pinuno, ayon sa utos ng hari, na sinasabi, “Kayong mga anak ni Israel, manumbalik kayo sa Panginoon, sa Diyos ni Abraham, Isaac, at Israel, upang siya'y muling manumbalik sa nalabi sa inyo na nakatakas mula sa kamay ng mga hari ng Asiria.

Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ninuno at mga kapatid, na naging taksil sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno, kaya't sila'y ginawa niyang isang kapanglawan gaya ng inyong nakikita.

Huwag kayo ngayong maging matigas ang ulo, na gaya ng inyong mga ninuno, kundi ibigay ninyo ang sarili sa Panginoon. Pumasok kayo sa kanyang santuwaryo na kanyang itinalaga magpakailanman, at paglingkuran ninyo ang Panginoon ninyong Diyos, upang ang kanyang matinding galit ay lumayo sa inyo.

Sapagkat kapag kayo'y nanumbalik sa Panginoon, ang inyong mga kapatid at ang inyong mga anak ay makakatagpo ng habag sa mga bumihag sa kanila at babalik sa lupaing ito. Sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay mapagpala at maawain, at hindi niya ilalayo ang kanyang mukha sa inyo, kung kayo'y manunumbalik sa kanya.”

10 Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay nagtungo sa bayan-bayan sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulon; ngunit sila'y pinagtawanang may pagkutya at paghamak.

11 Tanging ang ilan sa Aser, sa Manases, at sa Zebulon ang nagpakumbaba, at pumunta sa Jerusalem.

12 Ang kamay ng Diyos ay nasa Juda rin upang bigyan sila ng isang puso upang gawin ang iniutos ng hari at ng mga pinuno sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.

Ipinagdiwang ang Paskuwa

13 Maraming tao ang sama-samang dumating sa Jerusalem upang ipagdiwang ang pista ng tinapay na walang pampaalsa sa ikalawang buwan, iyon ay isang napakalaking pagtitipon.

14 Nagsimula silang gumawa at inalis ang mga dambanang nasa Jerusalem, at ang lahat ng dambana para sa pagsusunog ng insenso ay inalis nila at itinapon sa libis ng Cedron.

15 Kanilang pinatay ang kordero ng paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan. Ang mga pari at mga Levita ay nalagay sa kahihiyan, kaya't sila'y nagpakabanal at nagdala ng mga handog na sinusunog sa bahay ng Panginoon.

16 At sila'y tumayo sa kanilang kinagawiang puwesto ayon sa kautusan ni Moises na tao ng Diyos. Iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kamay ng mga Levita.

17 Sapagkat marami sa kapulungan na hindi nagpakabanal ng kanilang sarili; kaya't kailangang patayin ng mga Levita ang kordero ng paskuwa para sa bawat isa na hindi malinis, upang iyon ay gawing banal sa Panginoon.

18 Sapagkat napakarami sa mga tao, marami sa kanila ay mula sa Efraim, Manases, Isacar, at sa Zebulon, ang hindi naglinis ng kanilang sarili, gayunma'y kumain sila ng kordero ng paskuwa na hindi ayon sa ipinag-utos. Sapagkat idinalangin sila ni Hezekias, na sinasabi, “Patawarin nawa ng mabuting Panginoon ang bawat isa,

19 na nagtatalaga ng kanyang puso upang hanapin ang Diyos, ang Panginoong Diyos ng kanyang mga ninuno, bagaman hindi ayon sa batas ng santuwaryo hinggil sa paglilinis.”

20 Pinakinggan ng Panginoon si Hezekias, at pinagaling ang taong-bayan.

21 At ang mga anak ni Israel na naroroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng pista ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw na may malaking kagalakan; at pinuri ng mga Levita at ng mga pari ang Panginoon araw-araw, na umawit nang buong lakas sa Panginoon.

Ang Ikalawang Pagdiriwang

22 Si Hezekias ay nagsalitang may pampasigla sa lahat ng mga Levita na nagpakita ng mabuting kakayahan sa paglilingkod sa Panginoon. Kaya't ang mga tao ay kumain ng pagkain ng kapistahan sa loob ng pitong araw, na nag-aalay ng mga handog pangkapayapaan, at nagpapasalamat sa Panginoong Diyos ng kanilang mga ninuno.

23 At ang buong kapulungan ay nagkasundong ipagdiwang ang pista ng pitong araw pa; kaya't ito ay kanilang ipinagdiwang ng pitong araw pa na may kagalakan.

24 Sapagkat si Hezekias na hari ng Juda ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at pitong libong tupa bilang mga handog, at ang mga pinuno ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at sampung libong tupa. At ang napakalaking bilang ng mga pari ay nagpakabanal.

25 At ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari at mga Levita, ang buong kapulungan na lumabas sa Israel, ang mga dayuhang nagsilabas mula sa lupain ng Israel, at ang mga dayuhang naninirahan sa Juda ay nagalak.

26 Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem, sapagkat mula nang panahon ni Solomon na anak ni David na hari ng Israel, ay hindi pa nagkaroon ng tulad nito sa Jerusalem.

27 Pagkatapos tumayo ang mga pari at mga Levita at binasbasan ang taong-bayan, at ang tinig nila ay narinig at ang kanilang panalangin ay umabot sa kanyang banal na tahanan sa langit.

Binago ni Hezekias ang Buhay-relihiyon

31 Nang matapos na ang lahat ng ito, ang buong Israel na naroroon ay lumabas patungo sa mga lunsod ng Juda at pinagputul-putol ang mga haligi at ibinuwal ang mga sagradong poste[a] at giniba ang matataas na dako at ang mga dambana sa buong Juda at Benjamin, sa Efraim at sa Manases, hanggang sa mawasak nilang lahat. Pagkatapos ay bumalik ang lahat ng mga anak ni Israel sa kanilang mga lunsod, bawat isa'y sa kanyang ari-arian.

Hinirang ni Hezekias ang mga pangkat ng mga pari at mga Levita, sa kanya-kanyang pangkat, bawat lalaki ay ayon sa kanyang katungkulan, ang mga pari at mga Levita, para sa mga handog na sinusunog at sa mga handog pangkapayapaan, upang maglingkod sa mga pintuan ng kampo ng Panginoon at magpasalamat at magpuri.

Ang(C) ambag ng hari mula sa kanyang sariling pag-aari ay para sa mga handog na sinusunog: ang mga handog na sinusunog sa umaga at sa hapon, mga handog na sinusunog para sa mga Sabbath, mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na gaya ng nakasulat sa kautusan ng Panginoon.

At(D) nag-utos siya sa mga taong naninirahan sa Jerusalem na ibigay ang bahaging nararapat sa mga pari at mga Levita, upang maiukol nila ang kanilang mga sarili sa kautusan ng Panginoon.

Nang maikalat na ang utos, ang mga anak ni Israel ay saganang nagbigay ng mga unang bunga ng trigo, alak, langis, pulot, at ng lahat na bunga ng bukid, at sila ay nagdala ng napakaraming ikasampung bahagi ng lahat ng bagay.

Ang mga anak ni Israel at ni Juda na naninirahan sa mga bayan ng Juda ay nagdala rin ng ikasampung bahagi ng mga baka at mga tupa, at ng ikasampung bahagi ng mga bagay na itinalaga sa Panginoon nilang Diyos, at ang mga iyon ay kanilang isinalansan.

Nang ikatlong buwan ay nagpasimula silang magsalansan at natapos ang mga iyon sa ikapitong buwan.

Nang si Hezekias at ang mga pinuno ay dumating at nakita ang mga salansan, kanilang pinuri ang Panginoon at ang kanyang bayang Israel.

At tinanong ni Hezekias ang mga pari at mga Levita tungkol sa mga salansan.

10 Si Azarias na punong pari, mula sa sambahayan ni Zadok, ay sumagot sa kanya, “Mula nang sila ay magdala ng mga kaloob sa bahay ng Panginoon, kami ay kumain at nagkaroon ng sapat at marami ang natira, sapagkat pinagpala ng Panginoon ang kanyang bayan, kaya't kami ay mayroong ganito karaming nalabi.”

11 Kaya't inutusan sila ni Hezekias na maghanda ng mga silid sa bahay ng Panginoon; at inihanda nila ang mga iyon.

12 At may katapatan nilang dinala ang mga kaloob, mga ikasampung bahagi at ang mga itinalagang bagay. Ang punong-tagapangasiwa sa kanila ay si Conanias na Levita, at ang pangalawa ay si Shimei na kanyang kapatid.

13 Samantala, sina Jeiel, Azazias, Nahat, Asahel, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismachias, Mahat, at Benaya ay mga tagapangasiwang tumutulong kina Conanias at Shimei na kanyang kapatid, ayon sa pagpili ni Haring Hezekias at ni Azarias na punong-tagapamahala sa bahay ng Diyos.

14 Si Korah na anak ni Imna na Levita, na tanod sa silangang pintuan ay katiwala sa mga kusang-loob na handog sa Diyos, upang magbahagi ng mga ambag na inilaan para sa Panginoon at sa mga kabanal-banalang bagay.

15 Sina Eden, Miniamin, Jeshua, Shemaya, Amarias, at Shecanias ay tapat na tumutulong sa kanya sa mga bayan ng mga pari, upang ipamigay ang mga bahagi sa kanilang mga kapatid, maging matanda at bata, ayon sa mga pangkat,

16 maliban doon sa nakatala ayon sa talaan ng angkan, mga lalaki mula sa tatlong taong gulang pataas, lahat ng pumasok sa bahay ng Panginoon, ayon sa kailangan ng katungkulan sa bawat araw, para sa kanilang paglilingkod ayon sa kanilang mga katungkulan ayon sa mga pangkat.

17 Ang pagtatala sa mga pari ay ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno; ang mga Levita mula dalawampung taong gulang at pataas ay ayon sa kanilang mga katungkulan, ayon sa kanilang mga pangkat.

18 Ang mga pari ay itinala kasama ng lahat nilang mga anak, mga asawa, mga anak na lalaki at babae, ang buong kapulungan; sapagkat sila'y naging tapat sa pagpapanatiling banal sa kanilang mga sarili.

19 At para sa mga anak ni Aaron, ang mga pari na nasa kabukiran ng mga nayon ng kanilang mga bayan, may mga lalaki sa iba't ibang bayan na itinalaga sa pangalan upang mamigay ng mga bahagi sa bawat lalaki sa mga pari, at sa bawat isa sa mga Levita na nakatala.

20 Ganito ang ginawa ni Hezekias sa buong Juda; at ginawa niya ang mabuti, matuwid, at tapat sa harapan ng Panginoon niyang Diyos.

21 At ang bawat gawain na kanyang ginawa sa paglilingkod sa bahay ng Diyos at ayon sa kautusan at sa mga tuntunin upang hanapin ang kanyang Diyos, ay kanyang ginawa ng buong puso, at siya'y umunlad.

Pinagbantaan ng Asiria ang Jerusalem(E)

32 Pagkatapos ng mga bagay na ito at ng ganitong gawa ng katapatan, si Senakerib na hari ng Asiria ay dumating at sinalakay ang Juda at kinubkob ang mga lunsod na may kuta, na iniisip na sakupin ang mga iyon para sa kanyang sarili.

Nang makita ni Hezekias na si Senakerib ay dumating at nagbabalak labanan ang Jerusalem,

nakipagsanggunian siya sa kanyang mga pinuno at sa kanyang mga mandirigma na patigilin ang tubig sa mga bukal na nasa labas ng lunsod; at kanilang tinulungan siya.

Napakaraming tao ang nagtipon at kanilang pinatigil ang lahat ng bukal at ang batis na umaagos sa lupain, na sinasabi, “Bakit paparito ang mga hari ng Asiria, at makakatagpo ng maraming tubig?”

At si Hezekias[b] ay gumawang may katatagan, at itinayo ang lahat ng pader na bumagsak, at pinataas ang mga muog, at sa labas nito ay nagtayo siya ng iba pang pader. Pinatibay niya ang Milo sa lunsod ni David. Gumawa rin siya ng maraming sandata at mga kalasag.

Siya'y naglagay ng mga pinunong mandirigma upang mamuno sa mga tao, at sila'y tinipon niya sa liwasang-bayan sa pintuan ng lunsod at nagsalita ng pampalakas-loob sa kanila, na sinasabi,

“Kayo'y magpakalakas at magpakatapang na mabuti. Huwag kayong matakot o manlupaypay sa harapan ng hari ng Asiria at sa lahat ng mga hukbong kasama niya sapagkat sa panig natin ay mayroong lalong dakila kaysa kanya.

Ang nasa kanya ay isang kamay na laman, ngunit kasama natin ang Panginoon nating Diyos na tutulong at lalaban sa ating mga pakikipaglaban.” At ang bayan ay nagtiwala mula sa mga salita ni Hezekias na hari ng Juda.

Pagkatapos nito, sinugo ni Senakerib na hari ng Asiria, na noo'y sumasalakay sa Lakish kasama ang lahat ng mga tauhan, ang kanyang mga lingkod sa Jerusalem kay Hezekias na hari ng Juda at sa lahat ng mamamayan ng Juda na nasa Jerusalem, na sinasabi,

10 “Ganito ang sabi ni Senakerib na hari ng Asiria, ‘Sa ano kayo umaasa upang kayo'y makatagal na nakukubkob sa Jerusalem?

11 Hindi ba't inililigaw kayo ni Hezekias, upang kayo'y maibigay niya upang mamatay sa gutom at uhaw, nang sabihin niya sa inyo, “Ililigtas tayo ng Panginoon nating Diyos sa kamay ng hari ng Asiria?”

12 Hindi ba ang Hezekias ding ito ang nag-alis ng kanyang matataas na dako at mga dambana at nag-utos sa Juda at sa Jerusalem, “Kayo'y magsisisamba sa harapan ng isang dambana, at sa ibabaw niyon ay magsusunog kayo ng inyong mga handog?”

13 Hindi ba ninyo nalalaman kung ano ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa lahat ng mga tao ng ibang mga lupain? Ang mga diyos ba ng mga bansa ng mga lupaing iyon ay nakapagligtas sa kanilang lupain sa aking kamay?

14 Sino sa lahat ng mga diyos ng mga bansang iyon na lubos na giniba ng aking mga ninuno ang nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay, na magagawa ng inyong Diyos na kayo'y mailigtas sa aking kamay?

15 Kaya't ngayo'y huwag kayong padaya kay Hezekias o hayaang iligaw kayo sa ganitong paraan. Huwag ninyo siyang paniwalaan, sapagkat walang diyos ng alinmang bansa o kaharian na nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay at sa kamay ng aking mga ninuno. Gaano pa kaya ang inyong Diyos na makapagliligtas sa inyo sa aking kamay!’”

16 Ang kanyang mga lingkod ay nagsalita ng marami pa laban sa Panginoong Diyos at sa kanyang lingkod na si Hezekias.

17 Siya'y sumulat ng mga liham upang alipustain ang Panginoong Diyos ng Israel at upang magsalita laban sa kanya, “Gaya ng mga diyos ng mga bansa ng mga lupain na hindi nakapagligtas ng kanilang bayan sa aking kamay, gayundin hindi maililigtas ng Diyos ni Hezekias ang kanyang bayan sa aking kamay.”

18 Iyon ay kanilang isinigaw sa malakas na tinig sa wika ng Juda sa mga mamamayan ng Jerusalem na nasa pader, upang takutin at sindakin sila, upang kanilang masakop ang lunsod.

19 At sila'y nagsalita tungkol sa Diyos ng Jerusalem na gaya ng sa mga diyos ng mga bayan sa lupa, na gawa ng mga kamay ng mga tao.

Pinahiya at Pinatay si Senakerib

20 Kaya't si Haring Hezekias at si propeta Isaias na anak ni Amos, ay nanalangin dahil dito at dumaing sa langit.

21 At ang Panginoon ay nagsugo ng isang anghel na siyang pumatay sa lahat ng malalakas na mandirigma, at mga pinuno at mga punong-kawal sa kampo ng hari ng Asiria. Kaya't siya'y bumalik sa kanyang sariling lupain na nahihiya. Nang siya'y dumating sa bahay ng kanyang diyos, pinatay siya roon ng tabak ng ilan sa kanyang sariling mga anak.

22 Sa gayon iniligtas ng Panginoon si Hezekias at ang mga mamamayan ng Jerusalem mula sa kamay ni Senakerib na hari ng Asiria at sa kamay ng lahat niyang mga kaaway; at kanyang binigyan sila ng kapahingahan sa bawat panig.

23 At maraming nagdala ng mga kaloob sa Panginoon sa Jerusalem at ng mahahalagang bagay kay Hezekias na hari ng Juda, anupa't siya'y dinakila sa paningin ng lahat ng mga bansa mula noon.

Ang Karamdaman at Kapalaluan ni Hezekias(F)

24 Nang mga araw na iyon ay nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Siya'y nanalangin sa Panginoon at kanyang sinagot siya at binigyan ng isang tanda.

25 Ngunit si Hezekias ay hindi tumugon ayon sa kabutihang ginawa sa kanya, sapagkat ang kanyang puso ay naging palalo. Kaya't ang poot ay dumating sa kanya, sa Juda, at sa Jerusalem.

26 Subalit nagpakababa si Hezekias dahil sa pagmamataas ng kanyang puso, siya at ang mga mamamayan ng Jerusalem, kaya't ang poot ng Panginoon ay hindi dumating sa kanila sa mga araw ni Hezekias.

Ang Kayamanan at Karangalan ni Hezekias

27 Si Hezekias ay nagkaroon ng napakalaking kayamanan at karangalan. Siya'y gumawa para sa kanyang sarili ng mga kabang-yaman para sa pilak, ginto, mga mamahaling bato, mga pabango, mga kalasag, at ng lahat ng uri ng mga mamahaling bagay;

28 ng mga kamalig para sa inaning butil, alak, at langis at ng mga silungan para sa lahat ng uri ng hayop, at mga kulungan ng tupa.

29 Bukod dito'y naglaan siya para sa kanyang sarili ng mga lunsod, at maraming mga kawan at mga bakahan sapagkat binigyan siya ng Diyos ng napakaraming pag-aari.

30 Ang Hezekias ding ito ang nagpasara ng pang-itaas na labasan ng tubig ng Gihon at pinadaloy pababa sa dakong kanluran ng lunsod ni David. At si Hezekias ay nagtagumpay sa lahat ng kanyang mga gawa.

31 Kaya't tungkol sa mga sugo ng mga pinuno ng Babilonia, na isinugo sa kanya upang mag-usisa tungkol sa tanda na ginawa sa lupain, ipinaubaya ito sa kanya ng Diyos, upang subukin siya at upang malaman ang lahat ng nasa kanyang puso.

Ang Katapusan ng Paghahari ni Hezekias(G)

32 Ang iba pa sa mga ginawa ni Hezekias, at ang kanyang mabubuting gawa ay nakasulat sa pangitain ni propeta Isaias na anak ni Amos, sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.

33 At si Hezekias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa gulod ng mga libingan ng mga anak ni David. Binigyan siya ng parangal ng buong Juda at ng mga mamamayan ng Jerusalem sa kanyang kamatayan. At si Manases na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Footnotes

  1. 2 Cronica 31:1 Sa Hebreo ay Ashera .
  2. 2 Cronica 32:5 Sa Hebreo ay siya .