Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 51-57

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, nang si Natan na propeta ay dumating sa kanya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Batseba.

51 Maawa(A) ka sa akin, O Diyos,
    ayon sa iyong tapat na pag-ibig;
ayon sa iyong saganang kaawaan
    ay pawiin mo ang aking mga paglabag.
Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
    at linisin mo ako sa aking kasalanan.

Sapagkat aking nalalaman ang mga pagsuway ko,
    at ang aking kasalanan ay laging nasa harapan ko.
Laban(B) sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
    at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin,
upang ikaw ay maging ganap sa iyong pagsasalita
    at walang dungis sa iyong paghatol.
Narito, ako'y ipinanganak sa kasamaan;
    at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan.

Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa panloob na pagkatao,
    at sa tagong bahagi ay iyong ipapakilala sa akin ang karunungan.
Linisin mo ako ng isopo, at ako'y magiging malinis;
    hugasan mo ako at ako'y magiging higit na maputi kaysa niyebe.
Gawin mong marinig ko ang kagalakan at kasayahan;
    hayaan mong ang mga buto na iyong binali ay magalak.
Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
    at pawiin mo ang lahat kong mga kasamaan.

10 Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos;
    at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Sa iyong harapan ay huwag mo akong paalisin,
    at ang iyong banal na Espiritu sa akin ay huwag mong bawiin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas,
    at alalayan ako na may espiritung nagnanais.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga sumusuway ang mga lakad mo;
    at ang mga makasalanan ay manunumbalik sa iyo.
14 Iligtas mo ako, O Diyos, mula sa salang pagdanak ng dugo,
    ikaw na Diyos ng aking kaligtasan;
    at ang aking dila ay aawit nang malakas tungkol sa iyong katuwiran.

15 O Panginoon, buksan mo ang mga labi ko,
    at ang aking bibig ay magpapahayag ng papuri sa iyo.
16 Sapagkat sa alay ay hindi ka nalulugod; kung hindi ay bibigyan kita,
    hindi ka nalulugod sa handog na sinusunog.
17 Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa,
    isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.

18 Gawan mo ng mabuti ang Zion sa iyong mabuting kaluguran,
    itayo mo ang mga pader ng Jerusalem,
19 kung gayo'y malulugod ka sa matutuwid na alay,
    sa mga handog na sinusunog at sa buong handog na sinusunog;
    kung gayo'y ihahandog ang mga toro sa iyong dambana.

Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos

Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”

52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
    Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
    Sa buong araw
    ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
    ikaw na gumagawa ng kataksilan.
Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
    at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
    O ikaw na mandarayang dila.

Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
    aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
    at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
Makikita ng matuwid, at matatakot,
    at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
“Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
    at nagpakalakas sa kanyang nasa.”

Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
    sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
    magpakailanpaman.
Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
    sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
    sa harapan ng mga banal.

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Mahalath. Isang Maskil ni David.

53 “Walang(C) Diyos,” sinasabi ng pusong hangal.
Sila'y masasama at gumagawa ng kasamaang karumaldumal,
    wala isa mang gumagawa ng mabuti.

Ang Diyos ay tumutunghay mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
    upang tingnan kung may sinumang matalino,
    na naghahanap sa Diyos.

Silang lahat ay tumalikod; sila'y pawang masasama,
    walang sinumang gumagawa ng mabuti,
    wala, wala kahit isa.

Wala bang kaalaman ang mga gumagawa ng kasamaan?
    Sila na kumakain ng aking bayan na tila sila'y kumakain ng tinapay,
    at hindi tumatawag sa Diyos?

Doon sila'y nasa matinding takot,
    na kung saan ay walang dapat ikatakot.
Sapagkat ikinalat ng Diyos ang mga buto nilang kumukubkob laban sa iyo,
sila'y inilagay mo sa kahihiyan, sapagkat itinakuwil sila ng Diyos.

O, nawa'y ang pagliligtas para sa Israel ay dumating mula sa Zion!
    Kapag ibinalik ng Diyos ang kapalaran ng kanyang bayan,
    magagalak ang Jacob at matutuwa ang Israel.

Sa(D) Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David, nang ang mga Zifeo ay tumungo at sabihin kay Saul, “Si David ay nagtatago sa gitna namin.”

54 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan,
    at pawalang-sala mo ako sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan.
O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
    pakinggan mo ang mga salita ng bibig ko.

Sapagkat ang mga banyaga ay naghimagsik laban sa akin,
    at mararahas na tao ang umuusig sa buhay ko;
    hindi nila inilagay ang Diyos sa harapan nila. (Selah)

Ang Diyos ay aking katulong;
    ang Panginoon ang umaalalay sa aking kaluluwa.
Kanyang gagantihan ng masama ang mga kaaway ko;
    tapusin mo sila sa katapatan mo.

Ako'y mag-aalay sa iyo ng kusang-loob na handog;
    ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, O Panginoon, sapagkat ito'y mabuti.
Sapagkat iniligtas niya ako sa bawat kabagabagan;
    at ang aking mata ay tuminging may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David.

55 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
    at huwag kang magtago sa daing ko!
Pansinin mo ako, at sagutin mo ako;
    ako'y natatalo ng aking pagdaramdam.
Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
    dahil sa tinig ng kaaway,
    dahil sa pagmamalupit ng masama.
Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan,
    at sa galit ay inuusig nila ako.

Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko,
    ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
Takot at panginginig ay dumating sa akin,
    at nadaig ako ng pagkatakot.
At aking sinabi, “O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati!
    Lilipad ako at magpapahinga.
Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo,
    sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko,
    mula sa malakas na hangin at bagyo.”
O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo,
    sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko.
10 Sa araw at gabi ay lumiligid sila
    sa mga pader niyon;
ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon.
11 Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon;
ang kalupitan at pandaraya
    ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan.

12 Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin—
    mapagtitiisan ko iyon,
hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin,
    sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya.
13 Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko,
    kaibigang matalik at kasama ko.
14 Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis;
    tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos.
15 Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila,
    ibaba nawa silang buháy sa Sheol;
    sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.

16 Tungkol sa akin ay tatawag ako sa Diyos;
    at ililigtas ako ng Panginoon.
17 Sa hapon at umaga, at sa katanghaliang-tapat,
    ako'y dadaing at tataghoy,
at diringgin niya ang aking tinig.
18 Kanyang tutubusin ang aking kaluluwa sa kapayapaan,
    mula sa pakikibaka laban sa akin,
    sapagkat marami ang nagtitipon upang ako ay labanan.
19 Papakinggan ng Diyos at sasagutin sila,
    siya na nakaupo sa trono mula pa noong una. (Selah)
Sa kanya na walang pagbabago,
at hindi natatakot sa Diyos.

20 Kanyang iniunat ang kanyang mga kamay laban sa mga taong nasa kapayapaan sa kanya,
    kanyang nilabag ang kanyang tipan.
21 Higit na pino kaysa mantekilya ang kanyang pananalita,
    ngunit ang kanyang puso ay pakikidigma;
higit na malambot kaysa langis ang kanyang mga salita,
    gayunman ang mga iyon ay nakaumang na mga tabak.
22 Iatang mo ang iyong pasan sa Panginoon,
    at kanyang aalalayan ka;
hindi niya pinahihintulutang
    makilos kailanman ang matuwid.

23 Ngunit ikaw, O Diyos, ihahagis mo sila
    sa hukay ng kapahamakan;
ang mga taong mababagsik at mandaraya
    ay hindi mabubuhay sa kalahati ng kanilang mga araw.
Ngunit magtitiwala ako sa iyo.

Sa(E) Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Kalapati sa Malayong mga Puno ng Roble. Miktam ni David, nang hulihin siya ng mga Filisteo sa Gat.

56 Maawa ka sa akin, O Diyos ko, sapagkat niyuyurakan ako ng mga tao;
    buong araw na pag-aaway, inaapi niya ako,
sa buong araw ay niyuyurakan ako ng mga kaaway,
    sapagkat marami ang may kapalaluang sa akin ay lumalaban.
Kapag natatakot ako,
    aking inilalagak ang tiwala ko sa iyo.
Sa Diyos na pinupuri ko ang salita,
    sa Diyos ay inilagay ko ang aking tiwala,
    ang laman sa akin ay ano ang magagawa?

Buong araw ay sinisikap nilang saktan ang aking kalagayan;
    lahat ng kanilang mga pag-iisip ay laban sa aking ikasasama.
Sila'y nagsama-sama, sila'y nagsisipagkubli,
    binabantayan nila ang aking mga hakbang,
gaya ng kanilang pag-aabang sa aking buhay.
    Kaya't gantihan mo sila sa kanilang kasamaan;
    sa galit ay ilugmok mo, O Diyos, ang mga bayan!

Iyong ibinilang ang aking mga paglalakbay,
    ilagay mo ang aking mga luha sa botelya mo!
    Wala ba sila sa aklat mo?
Kung magkagayo'y tatalikod ang aking mga kaaway
    sa araw na ako'y tumawag.
    Ito'y nalalaman ko, sapagkat ang Diyos ay kakampi ko.
10 Sa Diyos, na ang mga salita ay aking pinupuri,
    sa Panginoon, na ang mga salita ay aking pinupuri,
11 sa Diyos ay walang takot na nagtitiwala ako.
    Anong magagawa sa akin ng tao?
12 Ang iyong mga panata ay sa akin, O Diyos,
    ako'y mag-aalay ng mga handog ng pasasalamat sa iyo.
13 Sapagkat iniligtas mo sa kamatayan ang aking kaluluwa,
    at sa pagkahulog ang aking mga paa,
upang ako'y makalakad sa harapan ng Diyos
    sa liwanag ng buhay.

Sa(F) Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wawasakin. Miktam ni David, nang siya ay tumakas kay Saul sa kuweba.

57 Maawa ka sa akin, O Diyos, sa akin ay maawa ka,
    sapagkat nanganganlong sa iyo ang aking kaluluwa,
sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako,
    hanggang sa makaraan ang mga pagkawasak na ito.
Sa Diyos na Kataas-taasan ako'y dumaraing,
    sa Diyos na nagsasagawa ng lahat na mga bagay sa akin.
Siya'y magsusugo mula sa langit at ako'y ililigtas
    ilalagay niya sa kahihiyan ang sa akin ay yumuyurak, (Selah)
Susuguin ng Diyos ang kanyang pag-ibig na tapat at ang kanyang katapatan!

Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon,
    ako'y nahihiga sa gitna ng mga taong bumubuga ng apoy,
sa mga anak ng tao na ang mga ngipin ay sibat at mga pana,
    at matalas na mga tabak ang kanilang dila.
Mabunyi ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit, ikaw naging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Naglagay sila ng silo para sa aking mga hakbang;
    ang aking kaluluwa ay nakayuko.
Sila'y gumawa ng isang hukay sa aking daan,
    ngunit sila mismo ang doon ay nabuwal. (Selah)
Ang aking puso ay tapat, O Diyos,
    ang aking puso ay tapat!
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga papuri!
    Gumising ka, aking kaluwalhatian!
Gumising ka, O lira at alpa!
    Gigisingin ko ang bukang-liwayway!
Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan.
    Ako'y aawit sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa.
10 Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila hanggang sa mga langit,
    ang iyong katapatan hanggang sa mga ulap.

11 O Diyos, sa itaas ng kalangitan, ikaw ay maging dakila!
    Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001