Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 9-16

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Muth-labben. Awit ni David.

Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng buong puso ko;
    aking sasabihin sa lahat ang kahanga-hangang mga gawa mo.
Ako'y magagalak at magsasaya sa iyo.
    O Kataas-taasan, ako'y aawit ng pagpuri sa pangalan mo.

Nang magsibalik ang mga kaaway ko,
    sila'y natisod at nalipol sa harapan mo.
Sapagkat iyong pinanatili ang matuwid na usapin ko,
    ikaw ay naggagawad ng matuwid na hatol habang nakaupo sa trono.

Iyong sinaway ang mga bansa, nilipol mo ang masama,
    pinawi mo ang kanilang pangalan magpakailanman.
Ang kaaway ay naglaho sa walang hanggang pagkawasak;
    ang kanilang mga lunsod ay binunot mo,
    ang tanging alaala nila ay naglaho.

Ngunit nakaupong hari magpakailanman ang Panginoon,
    itinatag niya ang kanyang trono para sa paghatol;
at hinahatulan niyang may katarungan ang sanlibutan,
    at ang mga tao'y pantay-pantay niyang hinahatulan.
Ang muog para sa naaapi ay ang Panginoon,
    isang muog sa magugulong panahon.
10 At silang nakakakilala ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo;
    sapagkat ikaw, O Panginoon, ay hindi nagpabaya sa mga naghahanap sa iyo.

11 Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, sa mga nagsisitahan sa Zion!
    Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa!
12 Sapagkat siya na naghihiganti ng dugo ay inaalala sila;
    hindi niya kinalilimutan ang daing ng nagdurusa.

13 O Panginoon! Kahabagan mo ako,
    mula sa kanila na napopoot sa akin, ang tinitiis ko'y masdan mo.
    Yamang mula sa mga pintuan ng kamatayan, ako ay itinaas mo,
14 upang aking maisaysay ang lahat ng kapurihan mo,
    upang sa mga pintuan ng anak na babae ng Zion,
    ay ikagalak ko ang pagliligtas mo.

15 Nahulog ang mga bansa, sa hukay na kanilang ginawa;
    sa lambat na kanilang ikinubli, sarili nilang mga paa ang nahuli.
16 Ipinakilala ng Panginoon ang sarili niya,
siya'y naglapat ng pasiya;
    ang masama ay nasilo sa mga gawa
ng kanilang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)

17 Babalik sa Sheol ang masama
    ang lumilimot sa Diyos sa lahat ng mga bansa.
18 Sapagkat ang nangangailangan ay hindi laging malilimutan,
    at ang pag-asa ng dukha ay hindi mapapawi magpakailanman.
19 Bumangon ka, O Panginoon; huwag papanaigin ang tao;
    hatulan mo ang mga bansa sa harapan mo!
20 Ilagay mo sila sa pagkatakot, O Panginoon!
    Ipaalam mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang! (Selah)

Panalangin para sa Katarungan

10 Bakit ka nakatayo sa malayo, O Panginoon?
    Bakit ka nagtatago kapag magulo ang panahon?
Sa kapalaluan ay mainit na hinahabol ng masama ang dukha;
    mahuli nawa sila sa binalangkas nilang mga pakana.

Sapagkat ipinagmamalaki ng masama ang nais ng kanyang puso,
    sinusumpa at tinatalikuran ang Panginoon ng taong sakim sa patubo.
Sa kapalaluan ng kanyang mukha, ang masama ay hindi naghahanap sa kanya;
    lahat niyang iniisip ay, “Walang Diyos.”
Ang kanyang mga lakad sa lahat ng panahon ay umuunlad,
    malayo sa kanyang paningin ang iyong mga hatol na nasa itaas;
    tungkol sa lahat niyang mga kaaway, kanyang tinutuya silang lahat.
Iniisip niya sa kanyang puso, “Hindi ako magagalaw;
    sa buong panahon ng salinlahi ay hindi ako malalagay sa kaguluhan.”
Ang(A) kanyang bibig ay punô ng pagsumpa, pang-aapi at panlilinlang,
    sa ilalim ng kanyang dila ay kalikuan at kasamaan.
Siya'y nakaupo sa mga tagong dako ng mga nayon;
    sa mga kubling dako ang walang sala ay ipinapapatay,
ang kanyang mga mata ay palihim na nagmamatyag sa walang kakayahan.
    Siya'y lihim na nagbabantay na parang leon sa kanyang lungga;
siya'y nag-aabang upang hulihin ang dukha,
    sinusunggaban niya ang dukha kapag kanyang nahuli siya sa lambat niya.

10 Siya ay gumagapang, siya'y yumuyuko,
    at ang sawing-palad ay bumabagsak sa kanyang mga kuko.
11 Sinasabi niya sa kanyang puso, “Ang Diyos ay nakalimot,
    ikinubli niya ang kanyang mukha, hindi niya ito makikita kailanman.”

12 O Panginoon, O Diyos, itaas mo ang iyong kamay, bumangon ka;
    huwag mong kalilimutan ang nagdurusa.
13 Bakit tinatalikuran ng masama ang Diyos,
    at sinasabi sa kanyang puso, “Hindi mo ako hihingan ng sulit?”

14 Iyong nakita; oo, iyong namamasdan ang kaguluhan at pagkayamot,
    upang iyong mailagay ito sa mga kamay mo;
itinalaga ng sawing-palad ang sarili sa iyo;
    sa mga ulila ikaw ay naging saklolo.

15 Baliin mo ang bisig ng masama at gumagawa ng kasamaan;
    hanapin mo ang kanyang kasamaan hanggang sa wala kang matagpuan.
16 Ang Panginoon ay hari magpakailanpaman,
    mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam.

17 O Panginoon, iyong maririnig ang nasa ng maamo;
    iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig
18 upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila,
    upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa.

Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.

11 Sa Panginoon ay nanganganlong ako; paanong sa akin ay nasasabi mo,
    “Tumakas ka na gaya ng ibon sa mga bundok;
sapagkat binalantok ng masama ang pana,
    iniakma na nila ang kanilang palaso sa bagting,
    upang ipana sa kadiliman
sa may matuwid na puso,
kung ang mga saligan ay masira,
    matuwid ba'y may magagawa?”

Ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo,
    ang trono ng Panginoon ay nasa langit;
    ang kanyang mga mata ay nagmamasid,
    ang mga talukap ng kanyang mata ay sumusubok
sa mga anak ng mga tao.
Sinusubok ng Panginoon ang matuwid at ang masama,
    at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan.
Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre
    at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro.
Sapagkat ang Panginoon ay matuwid;
minamahal niya ang mga gawang matuwid;
    ang kanyang mukha ay mamamasdan ng matuwid.

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.

12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
    sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
    sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
    ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
    ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
“Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
    titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
    “Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
    gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
    na pitong ulit na dinalisay.

O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
    iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
Gumagala ang masasama sa bawat dako,
    kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

13 O Panginoon, hanggang kailan? Kalilimutan mo ba ako magpakailanman?
    Hanggang kailan mo ikukubli ang iyong mukha sa akin?
Hanggang kailan ako kukuha ng payo sa aking kaluluwa,
    at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso buong araw?
Hanggang kailan magtatagumpay ang aking kaaway laban sa akin?

O Panginoon kong Diyos, bigyang-pansin at sagutin mo ako,
    ang aking mga mata'y paliwanagin mo, baka sa kamatayan matulog ako;
baka sabihin ng aking kaaway, “Laban sa kanya, ako'y nagtagumpay;”
    sapagkat ako'y nayayanig; baka magalak ang aking kaaway.
Ngunit ako'y nagtiwala sa tapat mong paglingap,
    sa iyong pagliligtas, puso ko'y magagalak.
Ako'y aawit sa Panginoon,
    sapagkat ako'y pinakitunguhan niya na may kasaganaan.

Sa Punong Mang-aawit. Mula kay David.

14 Sinasabi(B) ng hangal sa kanyang puso, “Walang Diyos.”
    Sila'y masasama, sila'y gumagawa ng kasuklamsuklam na mga gawa;
    walang gumagawa ng mabuti.

Ang Panginoon ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao,
    upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino,
    na hinahanap ang Diyos.

Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama;
    walang sinumang gumagawa ng mabuti,
    wala kahit isa.

Hindi ba alam ng lahat ng gumagawa ng kasamaan,
    na siyang kumakain sa aking bayan gaya ng kanilang pagkain ng tinapay,
    at hindi tumatawag sa Panginoon?

Sa malaking pagkasindak sila'y malalagay,
    sapagkat ang Diyos ay kasama ng salinlahi ng mga banal.
Ang panukala ng dukha sa kahihiyan ay ilalagay mo,
    ngunit ang Panginoon ang kanyang saklolo.
Ang pagliligtas para sa Israel ay manggaling nawa mula sa Zion!
    Kapag ang kayamanan ng kanyang bayan ay ibinalik ng Panginoon,
    magagalak si Jacob, at matutuwa ang Israel.

Awit ni David.

15 O Panginoon, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan?
    Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?

Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
    at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan;
siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila,
    ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama,
    ni umaalipusta man sa kanyang kapwa;
na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama,
    kundi pinararangalan ang mga natatakot sa Panginoon;
at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit;
siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi,
    ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.

Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.

Miktam ni David.

16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
    ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”

Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
    sa kanila ako lubos na natutuwa.
Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
    ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
    ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.

Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
    ang aking kapalaran ay hawak mo.
Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
    oo, ako'y may mabuting mana.

Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
    maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
    hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.

Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
    ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(C) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
    ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.

11 Iyong(D) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
    sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
    sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001