Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 80-85

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Patotoo ni Asaf. Isang Awit.

80 O(A) Pastol ng Israel, iyong pakinggan,
    ikaw na pumapatnubay kay Jose na parang kawan;
ikaw na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin, ikaw ay magliwanag
    sa harapan ng Efraim, ng Benjamin at ng Manases!
Pakilusin mo ang iyong kapangyarihan,
    at pumarito ka upang kami'y iligtas.
Panunumbalikin mo kami, O Diyos;
    paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!

O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    hanggang kailan ka magagalit sa dalangin ng bayan mo?
Iyong pinakain sila ng tinapay ng mga luha,
    at binigyan mo sila ng maiinom na mga luhang sagana.
Ginawa mo kaming kaalitan sa aming mga kalapit-bansa,
    at ang mga kaaway namin ay nagtatawanang sama-sama.

Panunumbalikin mo kami, O Diyos ng mga hukbo;
    paliwanagin mo ang iyong mukha upang kami ay maligtas!

Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Ehipto;
    iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo ito.
Inihanda mo ang lupa para doon,
    ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon,
    ang malalaking sedro at ang mga sanga nito,
11 ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot,
    at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya,
    anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga?
13 Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan,
    at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang.

14 Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo.
    Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo;
pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito,
15     ang punong itinanim ng kanang kamay mo,
    at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili.
16 Sinunog nila iyon sa apoy, iyon ay kanilang pinutol;
    sa saway ng iyong mukha sila'y nalipol!
17 Ipatong nawa ang iyong kamay sa tao ng kanang kamay mo,
    sa anak ng tao na iyong pinalakas para sa sarili mo.
18 Sa gayo'y hindi kami tatalikod sa iyo;
    bigyan mo kami ng buhay, at tatawag kami sa pangalan mo.
19 Panunumbalikin mo kami, O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
    paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!

Awit para sa Pagdiriwang

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.

81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
    sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
    ang masayang lira at ang alpa.
Hipan(B) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
    sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
    isang batas ng Diyos ni Jacob.
Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
    nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.

Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
“Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
    ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
Ikaw(C) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
    sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
    sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
    O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
Hindi(D) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
    at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
    na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
    Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.

11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
    hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
    upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
    ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
    at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
    at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
    at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”

Ang Awit ni Asaf.

82 Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos;
    siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos.
“Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan,
    at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah)
Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila;
    panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha.
Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan;
    iligtas ninyo sila sa kamay ng masama.”

Wala silang kaalaman o pang-unawa,
    sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman;
    lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig.
Aking(E) sinasabi, “Kayo'y mga diyos,
    kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.
Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao,
    at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno.”

Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa;
    sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa!

Isang Awit. Awit ni Asaf.

83 O Diyos, huwag kang tumahimik;
    huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos!
Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo,
    silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo.
Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan,
    sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan.
Kanilang sinasabi, “Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila,
    upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!”
Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa,
    laban sa iyo ay nagtipanan sila—
ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita;
    ang Moab at ang mga Hagrita,
ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek;
    ang Filisteo at ang mga taga-Tiro;
ang Asiria ay kumampi rin sa kanila;
    sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah)

Gawin(F) mo sa kanila ng gaya sa Midian;
    gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa ilog ng Kison,
10 na namatay sa Endor;
    na naging dumi para sa lupa.
11 Gawin(G) ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb;
    lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna;
12 na nagsabi, “Angkinin natin para sa ating sarili
    ang mga pastulan ng Diyos.”

13 O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot,
    parang dayami sa harap ng hangin.
14 Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat,
    gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok;
15 kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo,
    at takutin mo sila ng iyong buhawi!
16 Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan,
    O Panginoon, upang hanapin nila ang iyong pangalan.
17 Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman;
    malipol nawa sila at mapahiya.
18 Malaman nawa nila na ikaw lamang,
    na Panginoon ang pangalan,
    ang sa buong lupa ay Kataas-taasan.

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.

84 Napakaganda ng tahanan mo,
    O Panginoon ng mga hukbo!
Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
    para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
    sa buháy na Diyos.

Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
    at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
    na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
    Hari ko, at Diyos ko.
Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
    na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)

Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
    na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
    ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
    kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
    ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.

O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
    pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
    tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
    ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
    kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
    siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
    sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

85 Panginoon, ikaw ay naging mabuti sa iyong lupain,
    ibinalik mo ang kayamanan ng Jacob.
Pinatawad mo ang kasamaan ng iyong bayan,
    pinatawad mo ang lahat nilang kasalanan. (Selah)
Inalis mo ang lahat ng poot mo,
    tumalikod ka sa bangis ng galit mo.

O Diyos ng aming kaligtasan, muli mo kaming panumbalikin,
    at alisin mo ang iyong galit sa amin.
Magagalit ka ba sa amin magpakailanman?
    Ipagpapatuloy mo ba ang iyong galit sa lahat ng salinlahi?
Hindi ba kami ay muling bubuhayin mo,
    upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo?
O Panginoon, ipakita mo sa amin ang iyong tapat na pagsuyo,
    at ipagkaloob mo sa amin ang pagliligtas mo.

Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
    sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
    at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
    upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
    ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
    at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
    at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
    at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001