Beginning
Maikli ang Buhay ng Tao
14 “Ang tao, na ipinanganak ng babae
ay may kaunting araw, at punô ng kaguluhan.
2 Siya'y umuusbong na gaya ng bulaklak, at nalalanta;
siya'y nawawalang gaya ng anino, at hindi namamalagi.
3 At iyo bang iminumulat ang iyong mga mata sa isang gaya nito,
at dinadala siya sa kahatulan na kasama mo?
4 Sinong makakakuha ng malinis na bagay mula sa marumi?
Walang sinuman.
5 Yamang ang kanyang mga araw ay itinakda na,
at ang bilang ng kanyang mga buwan ay nasa iyo,
at iyong itinalaga ang kanyang mga hangganan upang huwag siyang makaraan;
6 ilayo mo sa kanya ang iyong paningin, at ikaw ay huminto,
upang siya'y masiyahan sa kanyang araw tulad ng isang taong upahan.
7 “Sapagkat may pag-asa sa isang punungkahoy,
na kung ito'y putulin ay muling sisibol,
at ang sariwang sanga niyon ay hindi hihinto.
8 Bagaman ang kanyang ugat ay tumanda sa lupa,
at ang tuod niyon ay mamatay sa lupa;
9 gayunma'y sa pamamagitan ng amoy ng tubig ay sisibol iyon,
at magsasanga na gaya ng batang halaman.
10 Ngunit ang tao ay namamatay at ibinabaon;
ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan siya naroon?
11 Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat,
at ang ilog ay humuhupa at natutuyo;
12 gayon ang tao ay humihiga at hindi na bumabangon;
hanggang sa ang langit ay mawala, siya'y hindi na muling magigising,
ni mapupukaw man sa kanilang pagkakatulog.
13 O sa Sheol ay ikubli mo ako nawa,
itago mo ako hanggang sa ang iyong poot ay mawala,
takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at ako'y iyong alalahanin!
14 Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?
Lahat ng araw ng aking pagpupunyagi ay ipaghihintay ko,
hanggang sa dumating ang pagbabago ko.
15 Ikaw ay tatawag, at ako'y sasagot sa iyo;
iyong nanasain ang gawa ng mga kamay mo.
16 Kung magkagayo'y bibilangin mo ang aking mga hakbang,
at hindi mo babantayan ang aking kasalanan.
17 Ang aking pagsalangsang ay itatago sa isang lalagyan,
at iyong tatakpan ang aking kasamaan.
18 “Ngunit ang bundok ay natitibag at nawawala,
at ang bato ay inalis sa kinaroroonan niyon;
19 inaagnas ng tubig ang mga bato;
tinatangay ng mga baha niyon ang alabok ng lupa;
sa gayon mo winasak ang pag-asa ng tao.
20 Ikaw ay nananaig kailanman laban sa kanya, at siya'y pumapanaw;
iyong binabago ang kanyang mukha, at iyong pinalayas siya.
21 Ang kanyang mga anak ay nagkaroon ng karangalan, at hindi niya nalalaman;
sila'y ibinababa, ngunit hindi niya iyon nahahalata.
22 Ngunit ang sakit lamang ng kanyang katawan ay nagbibigay ng sakit sa kanya,
at nagluluksa lamang siya para sa kanyang sarili!”
Pinagsabihan ni Elifaz si Job
15 Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi,
2 “Sasagot ba ang isang pantas ng may mahanging kaalaman,
at pupunuin ang kanyang sarili ng hanging silangan?
3 Makikipagtalo ba siya sa walang kabuluhang pag-uusap,
o ng mga salita na hindi siya makakagawa ng mabuti?
4 Ngunit inaalis mo ang takot sa Diyos,
at iyong pinipigil ang pagbubulay-bulay sa harap ng Diyos.
5 Sapagkat ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa bibig mo,
at iyong pinipili ang dila ng tuso.
6 Ang iyong sariling bibig ang humahatol sa iyo, at hindi ako;
ang iyong sariling mga labi ang nagpapatotoo laban sa iyo.
7 “Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak?
O lumabas ka bang una kaysa mga burol?
8 Nakinig ka na ba sa lihim na payo ng Diyos?
At iyo bang hinahangganan ang karunungan sa iyong sarili?
9 Anong nalalaman mo na di namin nalalaman?
Anong nauunawaan mo na sa amin ay hindi malinaw?
10 Kasama namin kapwa ang mga may uban at ang matatanda,
mas matanda pa kaysa iyong ama.
11 Ang mga pag-aliw ba ng Diyos ay napakaliit para sa iyo,
o ang salitang napakabuti sa iyo?
12 Bakit ka napadadala sa iyong puso,
at bakit kumikindat ang iyong mga mata,
13 na lumalaban sa Diyos ang iyong espiritu,
at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa bibig mo?
14 Ano(A) ang tao na siya'y magiging malinis?
O siyang ipinanganak ng babae, na siya'y magiging matuwid?
15 Ang Diyos ay hindi nagtitiwala sa kanyang mga banal;
at ang langit ay hindi malinis sa kanyang paningin.
16 Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak,
ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig!
17 “Ipapakilala ko sa iyo, dinggin mo ako;
at ang aking nakita ay ipahahayag ko.
18 (Ang isinaysay ng mga pantas,
at hindi inilingid ng kanilang mga magulang,
19 sa mga iyon lamang ibinigay ang lupain,
at walang dayuhan na dumaan sa gitna nila.)
20 Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit sa lahat ng kanyang araw,
sa lahat ng mga taon na itinakda sa malulupit.
21 Ang mga nakakatakot na ugong ay nasa kanyang mga pakinig;
sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mangwawasak.
22 Siya'y hindi naniniwala na babalik siya mula sa kadiliman,
at siya'y nakatakda para sa tabak.
23 Siya'y lumalaboy dahil sa tinapay, na nagsasabi: ‘Nasaan iyon?’
Kanyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kanyang kamay;
24 kahirapan at dalamhati ang tumatakot sa kanya;
sila'y nananaig laban sa kanya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipaglaban.
25 Sapagkat iniunat niya ang kanyang kamay laban sa Diyos,
at hinamon ang Makapangyarihan sa lahat;
26 tumatakbo na may katigasan laban sa kanya
na may makapal na kalasag;
27 sapagkat tinakpan niya ang kanyang mukha ng kanyang katabaan,
at nagtipon ng taba sa kanyang mga pigi;
28 at siya'y tumahan sa mga sirang bayan,
sa mga bahay na walang taong dapat tumahan,
na nakatakdang magiging mga bunton ng guho;
29 hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kanyang kayamanan,
ni di lalawak sa lupa ang kanyang mga ari-arian.
30 Siya'y hindi tatakas sa kadiliman;
tutuyuin ng apoy ang kanyang mga sanga,
at ang kanyang bulaklak ay tatangayin ng hangin.
31 Huwag siyang magtiwala sa kawalang kabuluhan, na dinadaya ang sarili;
sapagkat ang kahungkagan ay magiging ganti sa kanya.
32 Ganap itong mababayaran bago dumating ang kanyang kapanahunan,
at ang kanyang sanga ay hindi mananariwa.
33 Lalagasin niya ang kanyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas,
at lalagasin ang kanyang bulaklak na gaya ng punong olibo.
34 Sapagkat ang pulutong ng masasama ay baog,
at tutupukin ng apoy ang mga toldang suhulan.
35 Sila'y nag-iisip ng kapilyuhan at naglalabas ng kasamaan,
at naghahanda ng pandaraya ang kanilang kalooban.”
Idinaing ni Job ang Ginagawa sa Kanya ng Diyos
16 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Ako'y nakarinig ng maraming ganyang bagay;
kahabag-habag na mga mang-aaliw kayong lahat.
3 Magwawakas ba ang mga mahahanging salita?
O anong nag-uudyok sa iyo upang ikaw ay sumagot?
4 Ako ma'y makapagsasalita ring gaya mo,
kung ang iyong kaluluwa ay nasa kalagayan ng aking kaluluwa,
ako'y makapagdudugtong ng mga salita laban sa iyo,
at maiiiling ang aking ulo sa iyo.
5 Maaari kong palakasin kayo ng aking bibig,
at ang pag-aliw ng aking mga labi ay mag-aalis ng inyong sakit.
6 “Kapag ako'y nagsasalita, ang aking kirot ay hindi nawawala,
at kapag ako'y tumatahimik, gaano dito ang lumalayo sa akin?
7 Ngunit ngayon ako'y pinapanghina niya,
nilansag niya ang aking buong pulutong.
8 At ako'y pinagdalamhati niya,
na siyang saksi laban sa akin,
at ang aking kapayatan ay bumabangon laban sa akin,
ito'y nagpapatotoo sa aking mukha.
9 Niluray niya ako sa kanyang kapootan, at kinamuhian ako;
pinapagngalit niya sa akin ang kanyang mga ngipin;
pinandidilatan ako ng mga mata ng kaaway ko.
10 Kanilang pinagbubukahan ako ng kanilang bibig,
nakakahiyang sinampal nila ako sa mukha,
sila'y nagsama-sama laban sa akin.
11 Ibinigay ako ng Diyos sa di banal,
at inihagis ako sa kamay ng masasama.
12 Ako'y nasa kaginhawahan at kanyang niligalig akong mainam;
sinunggaban niya ako sa leeg, at pinagpira-piraso ako;
inilagay naman niya ako upang kanyang tudlain.
13 Pinalibutan ako ng kanyang mga mamamana,
kanyang sinaksak ang aking mga bato, at hindi nagpatawad;
kanyang ibinuhos ang aking apdo sa lupa.
14 Kanyang binugbog ako nang paulit-ulit;
dinaluhong niya ako na gaya ng isang mandirigma.
15 Tumahi ako para sa aking katawan ng damit-sako,
at ang aking lakas sa alabok ay inilugmok ako.
16 Ang aking mukha ay namumula sa pag-iyak,
at sa aking mga pilik-mata ay pusikit na kadiliman;
17 bagaman walang karahasan sa aking mga kamay,
at ang aking dalangin ay malinis.
18 “O lupa, ang aking dugo ay huwag mong tabunan,
at hayaang huwag makatagpo ang aking daing ng lugar na kapahingahan.
19 Kahit(B) na ngayon, ang aking saksi ay nasa kalangitan,
at siyang nagtatanggol sa akin ay nasa kaitaasan.
20 Tinutuya ako ng aking mga kaibigan;
ang aking mata ay nagbubuhos ng mga luha sa Diyos.
21 Mayroon sanang taong makiusap sa Diyos;
gaya ng tao sa kanyang kapwa.
22 Sapagkat pagsapit ng ilang taon,
ako'y tutungo sa daan na hindi ko na babalikan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001