Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 58-65

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David.

58 Tunay bang kayo'y nagsasalita nang matuwid, kayong mga diyos?
    Matuwid ba kayong humahatol, O kayong mga anak ng tao?
Hindi, sa inyong mga puso ay nagsisigawa kayo ng kamalian;
    sa lupa ang karahasan ng inyong mga kamay ay inyong tinitimbang.

Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata,
    silang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay naliligaw mula sa pagkapanganak.
Sila'y may kamandag na gaya ng kamandag ng ahas,
    gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kanyang pandinig,
kaya't hindi nito naririnig ang tinig ng mga engkantador,
    ni ang tusong manggagayuma.

O Diyos, basagin mo ang mga ngipin sa kanilang mga bibig;
    tanggalin mo ang mga pangil ng mga batang leon, O Panginoon!
Parang tubig na papalayong umaagos ay maglaho nawa sila,
    kapag iniumang na niya ang kanyang mga palaso, maging gaya nawa sila ng mga pirasong naputol.
Maging gaya nawa ng kuhol na natutunaw habang nagpapatuloy,
    gaya ng wala sa panahong panganganak na hindi nakakita ng araw kailanman.
Bago makaramdam ang inyong mga palayok sa init ng dawag,
    kanyang kukunin ang mga iyon ng ipu-ipo ang sariwa at gayundin ang nagniningas.

10 Magagalak ang matuwid kapag nakita niya ang paghihiganti;
    kanyang huhugasan ang kanyang mga paa ng dugo ng masama.
11 Sasabihin ng mga tao, “Tiyak na sa matuwid ay may gantimpala,
    tiyak na may Diyos na humahatol sa lupa.”

Panalangin(A) upang Ingatan

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David, nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.

59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko,
    mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako.
Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan,
    at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw.
Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay;
    ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama.
Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O Panginoon,
    sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan.
Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan!
Ikaw, O Panginoong Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel.
Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa;
    huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah)

Tuwing hapon ay bumabalik sila,
    tumatahol na parang aso,
    at nagpapagala-gala sa lunsod.
Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig;
    mga tabak ay nasa kanilang mga labi—
    sapagkat sinasabi nila, “Sinong makikinig sa amin?”

Ngunit ikaw, O Panginoon, ay pinagtatawanan mo sila,
    iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa.
Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita,
    sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko.
10 Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin;
    ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
    O Panginoon na kalasag namin!
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
    masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan,
dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan.
13     Pugnawin mo sila sa poot,
    pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na,
upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob,
    hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)

14 Bawat hapon ay bumabalik sila,
    na tumatahol na parang aso
    at pagala-gala sa lunsod.
15 Sila'y gumagala upang may makain,
    at tumatahol kapag hindi sila nabusog.

16 Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan;
    oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ikaw ay naging aking muog,
    at kanlungan sa araw ng aking kapighatian.
17 O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo,
    sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko,
    ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo.

Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Shushan Eduth. Miktam ni David; para sa pagtuturo; nang siya ay makipaglaban kay Aramharain at Aram-zobah, at nang patayin ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.

60 O Diyos, kami ay iyong tinalikuran, winasak mo kami.
    Ikaw ay nagalit; O ibalik mo kami.
Iyong niyanig ang lupain, iyong ibinuka;
    kumpunihin mo ang mga sira niyon, sapagkat ito'y umuuga.
Pinaranas mo ng mahihirap na mga bagay ang iyong bayan;
    binigyan mo kami ng alak na inumin na nagpasuray sa amin.

Naglagay ka ng watawat para sa mga natatakot sa iyo,
    upang ito'y mailantad dahil sa katotohanan. (Selah)

Upang ang iyong minamahal ay mailigtas,
    bigyan ng tagumpay sa pamamagitan ng iyong kanang kamay at sagutin mo kami.

Nagsalita ang Diyos sa kanyang santuwaryo,
    “Ako'y magsasaya, aking hahatiin ang Shekem,
    at aking susukatin ang Libis ng Sucot.
Ang Gilead ay akin, ang Manases ay akin;
    ang Efraim din ay helmet ng ulo ko,
    ang Juda ay aking setro.
Ang Moab ay aking hugasan;
    sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
    Filistia, dahil sa akin, sumigaw ka ng malakas.”
Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
    Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
10 Hindi mo ba kami tinalikuran, O Diyos?
    At hindi ka ba hahayo, O Diyos, na kasama ng aming mga hukbo?
11 O pagkalooban mo kami ng tulong laban sa kaaway,
    sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao!
12 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
    sapagkat siya ang tatapak sa aming mga kaaway.

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Awit ni David.

61 Pakinggan mo, O Diyos, ang aking daing,
    dinggin mo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng lupa ay tumatawag ako sa iyo,
    kapag nanlulupaypay ang aking puso.

Ihatid mo ako sa bato
    na higit na mataas kaysa akin;
sapagkat ikaw ay aking kanlungan,
    isang matibay na muog laban sa kaaway.

Patirahin mo ako sa iyong tolda magpakailanman!
    Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak! (Selah)
Sapagkat ang aking mga panata, O Diyos, ay iyong pinakinggan,
    ibinigay mo sa akin ang pamana ng mga may takot sa iyong pangalan.

Pahabain mo ang buhay ng hari;
    tumagal nawa ang kanyang mga taon hanggang sa lahat ng mga salinlahi!
Siya nawa'y maluklok sa trono sa harapan ng Diyos magpakailanman;
    italaga mong bantayan siya ng wagas na pag-ibig at katapatan!

Sa gayon ako'y aawit ng mga papuri sa iyong pangalan magpakailanman,
    habang tinutupad ko ang aking mga panata araw-araw.

Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Awit ni David.

62 Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa;
    ang aking kaligtasan ay nanggagaling sa kanya.
Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
    ang aking muog; hindi ako lubhang matitinag.

Hanggang kailan kayo magtatangka laban sa isang tao,
    upang patayin siya, ninyong lahat,
    gaya ng pader na nakahilig, o bakod na nabubuwal?
Sila'y nagbabalak lamang upang ibagsak siya sa kanyang kadakilaan.
    Sila'y nasisiyahan sa mga kasinungalingan.
Sila'y nagpupuri ng bibig nila,
    ngunit sa kalooban sila'y nanunumpa. (Selah)

Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa,
    sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kanya.
Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan,
    ang aking muog, hindi ako mayayanig.
Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking karangalan;
    ang aking makapangyarihang bato, ang Diyos ang aking kanlungan.

Magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng panahon, O bayan;
    ibuhos ninyo ang inyong puso sa kanyang harapan;
    para sa atin, ang Diyos ay kanlungan. (Selah)

Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan,
    ang mga taong may mataas na kalagayan ay kasinungalingan;
sumasampa sila sa mga timbangan;
    silang magkakasama ay higit na magaan kaysa hininga.
10 Sa pangingikil ay huwag kang magtiwala,
    sa walang kabuluhang pagnanakaw ay huwag kang umasa;
    kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong ilagak doon ang inyong puso.

11 Ang Diyos ay nagsalitang minsan,
    dalawang ulit kong narinig ito:
na ang kapangyarihan ay sa Diyos;
12     at(C) sa iyo, O Panginoon, ang tapat na pag-ibig,
sapagkat ginagantihan mo ang tao ayon sa kanyang gawa.

Awit(D) ni David, nang siya ay nasa Ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga,
    nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa,
ang aking laman sa iyo'y nananabik,
    gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig.
Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo,
    na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay,
    pupurihin ka ng aking mga labi.
Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay;
    itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan.

Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan,
    at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya,
kapag naaalala kita sa aking higaan,
    ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi;
sapagkat naging katulong kita,
    at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa.
Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan;
    inaalalayan ako ng iyong kanang kamay.

Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko,
    ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo.
10 Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak,
    sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat.
11 Ngunit magagalak sa Diyos ang hari;
    lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri,
    sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

64 Pakinggan mo ang tinig ko, O Diyos, sa aking karaingan;
    ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway.
Ikubli mo ako sa mga lihim na pakana ng masasama,
    sa panggugulo ng mga gumagawa ng kasamaan,
na naghahasa ng kanilang mga dila na parang espada,
    na nag-aakma ng masasakit na salita gaya ng mga pana,
upang patagong panain nila ang walang sala;
    bigla nilang pinapana siya at sila'y hindi matatakot.
Sila'y nagpapakatatag sa kanilang masamang layunin;
    ang paglalagay ng bitag ay pinag-uusapan nila nang lihim,
sinasabi, “Sinong makakakita sa atin?”
    Sila'y kumakatha ng mga kasamaan.
“Kami'y handa sa isang pakanang pinag-isipang mabuti.”
    Sapagkat ang panloob na isipan at puso ng tao ay malalim!

Ngunit itutudla ng Diyos ang kanyang palaso sa kanila,
    sila'y masusugatang bigla.
Upang siya'y kanilang maibuwal, ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila;
    at mapapailing lahat ng makakakita sa kanila.
At lahat ng mga tao ay matatakot;
    kanilang ipahahayag ang ginawa ng Diyos,
    at bubulayin ang kanyang ginawa.

10 Ang taong matuwid ay magagalak sa Panginoon,
    at sa kanya ay manganganlong,
at ang lahat ng matuwid sa puso ay luluwalhati!

Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.

65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
    at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
    O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
    tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
    upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
    ng iyong templong banal!

Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
    O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
    at ng mga dagat na pinakamalayo.
Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
    palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
    ng ugong ng kanilang mga alon,
    at ng pagkakaingay ng mga bayan.
Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.

Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
    iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
    ang kanilang butil ay inihahanda mo,
    sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
    iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
    at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
    ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
    ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
    ang mga libis ay natatakpan ng butil,
    sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001