Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias.
10 Mga pinuno ng Israel,
pakinggan ninyo si Yahweh!
Ang inyong mga gawa ay kasinsama
ng sa Sodoma at Gomorra.
Kaya't pakinggan ninyo at pag-aralan
ang katuruan ng Diyos ng ating bayan.
11 “Walang(A) halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog.
Sawa na ako sa mga tupang sinusunog
at sa taba ng bakang inyong inihahandog;
hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro,
mga kordero at mga kambing.
12 Sinong nag-utos sa inyo na maghandog sa harap ko?
Huwag na ninyong lapastanganin ang aking templo.
13 Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga;
nasusuklam ako sa usok ng insenso.
Nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon,
kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga;
ang mga ito'y walang saysay dahil sa inyong mga kasalanan.
14 “Labis akong nasusuklam
sa inyong pagdiriwang ng Pista ng Bagong Buwan at ng iba pang kapistahan;
sawang-sawa na ako sa mga iyan
at hindi ko na matatagalan.
15 Kapag kayo'y nanalangin sa akin,
hindi ko kayo papansinin;
kahit na kayo'y manalangin nang manalangin,
hindi ko kayo papakinggan
sapagkat marami na ang inyong pinaslang.
16 Linisin ninyo ang inyong sarili at magbalik-loob sa akin;
sa aking harapan, kasamaan ninyo'y inyong tigilan.
17 Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran;
pairalin ang katarungan;
tulungan ang naaapi;
ipagtanggol ninyo ang mga ulila,
at tulungan ang mga biyuda.
18 “Halikayo at tayo'y magpaliwanagan,” sabi ni Yahweh.
Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan,
kayo'y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak.
19 Kung susundin ninyo ang aking sinasabi,
tatamasahin ninyo ang ani ng inyong lupain.
20 Ngunit kung susuway kayo at maghihimagsik,
tiyak na kayo'y mamamatay.
Ito ang mensahe ni Yahweh.
Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
2 Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.
3 Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
4 Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
5 “Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
6 Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]
7 “Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
8 Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”
Ang Pananampalataya sa Diyos
11 Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. 2 Kinalugdan(A) ng Diyos ang mga tao noong unang panahon dahil sa kanilang pananampalataya.
3 Dahil(B) sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay ginawa mula sa mga hindi nakikita.
8 Dahil(A) sa pananampalataya, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. 9 Dahil(B) din sa kanyang pananampalataya, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan niya, gayundin sina Isaac at Jacob na tumanggap ng ganoon ding pangako. 10 Sapagkat umasa si Abraham ng isang lungsod na may matatag na pundasyon at ang Diyos mismo ang nagplano at nagtayo.
11 Dahil(C) din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako.[a] 12 Kaya't(D) sa isang taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging sindami ng bituin sa langit at ng di mabilang na buhangin sa dalampasigan.
13 Silang(E) lahat ay namatay na may pananampalataya. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo at itinuring na natanggap na nila. Kinilala nilang sila'y mga dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. 14 Ipinapakilala ng mga taong nagsasalita ng ganoon, na naghahanap pa sila ng sariling bayan. 15 Kung nasa isip nila ay ang lupaing kanilang pinanggalingan, may pagkakataon pa sana silang makabalik doon. 16 Ngunit ang hinahangad nila'y isang lungsod na higit na mabuti, ang lungsod na nasa langit. Kaya naman hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lungsod.
Ang Kayamanang Hindi Mawawala(A)
32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nauubos. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.”
Mga Aliping Laging Handa
35 “Maging(B) handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad(C) kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. 37 Pinagpala ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. 38 Pinagpala sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man. 39 Sinasabi(D) ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. 40 Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
by