Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 71:1-6

Panalangin ng Isang Matanda Na

71 Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
    huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig.
Tulungan mo po ako sapagkat ikaw ay matuwid,
    ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
Ikaw nawa ang muog ko, aking ligtas na kanlungan,
    matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.

Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,
    sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
    maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
Sa simula at mula pa wala akong inasahang
    sa akin ay mag-iingat, kundi tanging ikaw lamang;
    kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw.

Jeremias 6:1-19

Pinaligiran ng mga Kaaway ang Jerusalem

Mga anak ni Benjamin, tumakas na kayo! Lisanin na ninyo ang Jerusalem! Hipan ang trumpeta sa buong Tekoa, at ibigay ang hudyat sa Beth-hakerem. Sapagkat dumarating na mula sa hilaga ang isang malaking sakuna at pagkawasak. Lunsod ng Zion, katulad ka ng isang magandang pastulan. Ngunit pupuntahan ka ng mga hari at magkukuta ang kanilang mga hukbo saanman nila magustuhan at paliligiran ka ng kanilang mga tolda. Sasabihin nila, “Humanda kayo at sasalakayin natin ang Jerusalem! Bandang tanghali tayo sasalakay!” Ngunit sasabihin nila pagkatapos, “Huli na tayo! Lumulubog na ang araw at unti-unti nang dumidilim. Subalit humanda rin kayo! Ngayong gabi tayo lulusob, at wawasakin natin ang mga kuta ng lunsod.”

Inutusan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga haring ito na pumutol ng mga punongkahoy at magbunton ng lupa upang maging kublihan nila sa kanilang pagkubkob sa Jerusalem. Ang sabi niya, “Paparusahan ko ang lunsod na ito sapagkat naghahari dito ang pang-aapi. Patuloy ang paglaganap ng kasamaan sa Jerusalem, tulad ng pagbalong ng tubig sa balon. Karahasan at pagkawasak ang nababalita; karamdaman at mga sugat ang aking nakikita sa paligid. Mga taga-Jerusalem, ang mga ito'y magsilbing babala sa inyo, sapagkat kung hindi, iiwan ko kayo. Ang inyong lunsod ay gagawin kong disyerto, isang lugar na walang maninirahan.”

Mapaghimagsik ang Israel

Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Uubusin ang Israel katulad ng isang ubasang walang ititirang bunga. Kaya't tipunin mo ang lahat ng maaari mong iligtas, habang may panahon pa.”

10 Ang sabi ko naman, “Sino po ang makikinig sa akin, kung sila'y kausapin ko at bigyang babala? Sarado ang kanilang mga pakinig. Ayaw nilang pakinggan ang iyong mga mensahe at pinagtatawanan pa ang sinasabi ko. 11 Ang pagkapoot mo, Yahweh, ay nararamdaman ko at hindi ko na kayang matagalan.”

At sinabi sa akin ni Yahweh, “Ibuhos mo ang aking poot sa mga batang nasa lansangan, at sa mga kabinataang nagkakatipon. Bibihagin din ang mga mag-asawa, kasama pati matatanda na. 12 Ibibigay(A) sa iba ang kanilang mga bahay, gayon din ang kanilang bukirin at mga asawa. Paparusahan ko ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito. 13 Ang kasakiman ay laganap sa lahat, dakila at hamak; pati mga pari at propeta man ay mandaraya. 14 Hindi(B) nila pansin ang kahirapan ng aking bayan; ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan. 15 Nahihiya ba sila sa ginawa nilang kalikuan? Hindi na sila tinatablan ng hiya, makapal na ang kanilang mukha. Kaya't sila'y babagsak tulad ng iba. Ito na ang kanilang wakas, kapag sila'y aking pinarusahan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.”

Tinanggihan ng Israel ang Paraan ng Diyos

16 Sinabi(C) ni Yahweh sa kanyang bayan, “Tumayo kayo sa panulukang-daan at magmasid; hanapin ninyo ang lumang kalsada, at alamin kung saan ang pinakamabuting daan. Doon kayo lumakad, at magtatamo kayo ng kapayapaan.”

Subalit ang sabi nila, “Ayaw naming dumaan doon.” 17 Kaya't si Yahweh ay humirang ng mga bantay upang marinig ng Israel ang tunog ng kanilang trumpeta. Ngunit sabi nila, “Hindi namin iyon papakinggan.”

18 Kaya sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, mga bansa, upang malaman ninyo ang mangyayari sa sarili kong bayan. 19 Makinig ang buong sanlibutan! Ang mga taong ito'y mapapahamak bilang parusa at iyon ang nararapat sa kanila, sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga utos, at itinakwil ang aking katuruan.

Mga Hebreo 12:3-17

Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig sa kamay ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. Hindi pa humahantong sa pagdanak ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. Nalimutan(A) na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob?

“Anak ko, huwag mong baliwalain ang pagtutuwid ng Panginoon,
    at huwag kang panghihinaan ng loob kapag ikaw ay dinidisiplina niya.
Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
    at pinapalo ang itinuturing niyang anak.”

Tiisin ninyo ang lahat ng hirap tulad sa pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas. Hindi ba't dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba't upang tayo'y mabuhay, mas nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? 10 Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. 11 Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng pagsasanay sa matuwid na pamumuhay.

Mga Babala at mga Tagubilin

12 Dahil(B) dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. 13 Lumakad(C) kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling ang nalinsad na buto.

14 Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. 15 Pag-ingatan(D) ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba. 16 Pag-ingatan(E) ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. 17 Alam(F) ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha.