Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 10

Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan

10 O Yahweh, bakit masyado kang malayo?
    Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;
    nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.

Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;
    si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”
    sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.

Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;
    ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,
    palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;
    kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
Namumutawi(A) sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,
    dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.

Sa mga nayon sila'y nag-aabang,
    upang paslangin ang walang kamalay-malay.
Para silang leon na nasa taguan,
    mga kawawang dukha'y inaabangan,
    hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,
    at pagkatapos ay kinakaladkad.

10 Dahan-dahan silang gumagapang,
    upang biktimahin ang mga mahihina.
11 Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!
    Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”

12 Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,
    silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!
13 Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama,
    na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa?

14 Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan,
    at ikaw ay palaging handang dumamay.
Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa,
    sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila.

15 Mga braso ng masasama'y iyong baliin,
    parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin.

16 Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
    mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.

17 Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
    patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18 Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
    upang wala nang taong mananakot ng kapwa.

Jeremias 7:27-34

27 “Kaya, Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin. 28 Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ni Yahweh na kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang mga landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at hindi man lamang nababanggit.’”

Ang mga Kasamaang Ginagawa sa Libis ng Ben Hinom

29 “Manangis kayo, mga taga-Jerusalem.
    Putulin ninyo ang inyong buhok, at itapon ito sa malayo.
Managhoy kayo sa ibabaw ng mga burol,
    sapagkat itinakwil at pinabayaan ni Yahweh
    ang mga taong kanyang kinapopootan.

30 “Napakasama ng ginawa ng mga taga-Juda. Ang mga diyus-diyosang kinasusuklaman ko'y inilagay nila sa aking Templo. Nilapastangan nila ang aking tahanan. Akong si Yahweh ang maysabi nito. 31 Sa(A) Libis ng Ben Hinom ay gumawa sila ng altar at tinawag nilang Tofet. Doon nila sinusunog ang kanilang mga anak bilang handog. Hindi ko iniutos sa kanilang gawin ito, at ni hindi man lamang ito sumagi sa aking isipan. 32 Dahil dito, darating ang panahon na hindi na iyon tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom kundi Libis ng Kamatayan. Magiging isang libingan ang Tofet sapagkat wala nang lugar na mapaglilibingan. 33 Ang mga bangkay ay kakanin ng mga ibon at maiilap na hayop; walang sinumang makapagtataboy sa kanila. 34 At(B) sasalantain ko ang buong lupain hanggang ito'y maging isang disyerto. Hindi na maririnig sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na mapapakinggan ang masasayang tinig ng mga ikakasal.

Lucas 6:6-11

Ang Taong Paralisado ang Kamay(A)

Noong isa pang Araw ng Pamamahinga,[a] pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika, tumayo ka rito.” Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” 10 Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling.

11 Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus.