Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 75

Diyos ang Siyang Huhusga

Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.

75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
    sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
    upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.

Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
    walang pagtatanging ako ay hahatol.
Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
    maubos ang tao dito sa daigdig,
    ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
“Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
    Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”

Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
    hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
    sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
    sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
    ng taong masama, hanggang sa ubusin.

Subalit ako ay laging magagalak;
    ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
    sa mga matuwid nama'y itataas!

2 Mga Hari 3:4-20

Hinulaan ni Eliseo ang Tagumpay Laban sa Moab

Maraming tupa si Haring Mesa ng Moab at taun-taon ay nagbubuwis siya sa Israel ng sandaang libong kordero at balahibo ng sandaang libong tupa. Ngunit nang mamatay si Ahab, naghimagsik siya laban sa Israel. Kaya, mula sa Samaria'y tinipon ni Haring Joram[a] ang lahat ng mga kawal ng Israel. Nagpadala siya ng sugo kay Haring Jehoshafat ng Juda at ipinasabing naghimagsik laban sa kanya ang hari ng Moab. Ipinatanong niya kung tutulungan siya sa pakikipagdigma laban dito. Ganito naman ang sagot ni Jehoshafat: “Tutulungan kita sampu ng aking mga tauhan at kabayo. Saan kami dadaan sa aming paglusob?” tanong pa niya.

“Sa ilang ng Edom,” sagot ni Joram.[b]

Kaya, nagsama-sama ang sandatahang-lakas ng mga hari ng Israel, Juda at Edom. Makaraan ang pitong araw nilang paglalakad, naubusan sila ng tubig. Wala nang mainom ang mga kawal at ang mga hayop. 10 Dahil dito, sinabi ng hari ng Israel, “Tayong tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita.”

11 Itinanong ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta para makasangguni tayo kay Yahweh?” Sumagot ang isa sa mga opisyal ng hari ng Israel, “Narito po si Eliseo, ang anak ni Safat at dating lingkod ni Elias.”

12 Sinabi ni Jehoshafat, “Siya ay tunay na propeta ni Yahweh.” At ang tatlong hari ay pumunta kay Eliseo.

13 Tinanong ni Eliseo ang hari ng Israel, “Bakit sa akin kayo lumalapit at hindi sa mga propetang nilapitan ng inyong ama't ina?”

“Sapagkat kaming tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita,” sagot ng hari.

14 Sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, na siyang aking pinaglilingkuran.[c] Kung hindi lang dahil kay Haring Jehoshafat ng Juda, ni hindi kita papansinin. 15 Dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” Ganoon nga ang ginawa nila. Nang tumutugtog na ito, si Eliseo'y nilukuban ng kapangyarihan ni Yahweh. 16 At sinabi niya, “Sinasabi ni Yahweh na pababahain niya ang tuyong batis na ito. 17 Hindi uulan ngunit mapupuno ng tubig ang batis na ito para may mainom kayo at ang inyong mga hayop. 18 Hindi lamang iyan ang gagawin niya sa inyo. Ibibigay niya sa inyong mga kamay ang mga Moabita. 19 Kaya't masasakop ninyo ang kanilang magagandang lunsod na napapaligiran ng mga pader. Ibubuwal ninyo ang kanilang mga punongkahoy, sasarhan ang mga batis at tatambakan ng bato ang kanilang mga bukirin.”

20 Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, nakita nilang umaagos ang tubig mula sa Edom at naging masagana sa tubig ang lupaing iyon.

Efeso 5:6-20

Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. Kaya't huwag kayong makisama sa kanila. Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag. Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag.[a] 10 Sikapin ninyong matutunan kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. 11 Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon. 12 Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim. 13 Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon, 14 at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag.[b] Kaya't sinasabi,

“Gumising ka, ikaw na natutulog,
    bumangon ka mula sa libingan,
at liliwanagan ka ni Cristo.”

15 Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. 16 Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

18 Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. 19 Sa(A) inyong pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.