Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 52

Ang Hatol at Habag ng Diyos

Maskil[a] (A) ni David, upang awitin ng Punong Mang-aawit, nang si Doeg na isang Edomita ay nagpunta at magsumbong kay Saul na, “Si David ay nagpunta sa bahay ni Ahimelec”.

52 O taong malakas, bakit ka nagyabang
sa gawa mong mali?
Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi.
Balak mo'y wasakin
ang iba, ng iyong matalim na dila
ng pagsisinungaling.
Higit na matindi
ang iyong pag-ibig sa gawang masama,
higit na nais mo'y
kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah)[b]
Taong sinungaling
ang iba'y gusto mong saktan sa salita.

Kaya't wawasaki't
aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda,
sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah)[c]
Ito'y makikita
ng mga matuwid, matatakot sila,
at ang sasabihing pawang nagtatawa:
“Masdan mo ang taong
sa Diyos di sumampalataya,
sa taglay niyang yaman nanangan
at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.”

Kahoy na olibo
sa tabi ng templo, ang aking katulad;
nagtiwala ako
sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas.
Di ako titigil
ng pasasalamat sa iyong ginawa,
ang kabutihan mo'y
ipahahayag ko, kasama ng madla.

Amos 5:18-27

18 Kahabag-habag kayo na naghihintay sa pagdating ng araw ni Yahweh!
    Bakit ninyo hinihintay ang araw na iyon?
Iyon ay magiging araw ng kadiliman, hindi ng kaliwanagan.
19 Para kayong umiwas sa leon ngunit oso ang nasagupa!
O kaya'y gaya ng isang taong umuwi sa bahay,
    ngunit pagsandal sa dingding ay tinuklaw ng ahas!
20 Magiging pusikit na kadiliman at hindi kaliwanagan ang araw ni Yahweh;
    araw na napakalungkot at napakadilim!
21 “Namumuhi(A) ako sa inyong mga handaan,
    hindi ako nalulugod sa inyong mga banal na pagtitipon.
22 Hindi ko matatanggap ang inyong mga handog na sinusunog,
    handog na mga pagkaing butil at mga hayop na pinataba.
Kahit na ang mga iyon ay handog pangkapayapaan,
    hindi ko pa rin papansinin.
23 Tigilan na ninyo ang maiingay na awitan;
    ayoko nang marinig ang inyong mga alpa.
24 Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog;
    gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis.

25 “Sa(B) loob ng apatnapung taóng pamamalagi ninyo sa ilang, O Israel, nagdala ba kayo sa akin ng mga handog na sinusunog at ng mga handog ng pasasalamat? 26 Buhatin na ninyo ang rebulto ni Sakut na inyong hari at ni Kaiwan, ang diyos na bituin, ang mga imahen na inyong ginawa. 27 Dahil dito'y itatapon ko kayo sa kabila pa ng Damasco,” sabi ni Yahweh, na ang pangalan ay Diyos na Makapangyarihan sa lahat.

Efeso 3:14-21

Ang Pag-ibig ni Cristo

14 Dahil dito, ako'y lumuluhod sa harapan ng Ama, 15 na mula sa kanya'y nagkakaroon ng pangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Idinadalangin kong sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan. 17 Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig. Dalangin ko na ang pag-ibig ang maging ugat at pundasyon sa lahat ng inyong gawain 18 upang(A) inyong lubusang maunawaan, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, kahaba, kataas, at kalalim ang kanyang pag-ibig. 19 At nawa'y maunawaan ninyo ang pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip at sa gayo'y mapuspos kayo ng buong katangian ng Diyos.

20 Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin; 21 sa kanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi magpakailanman! Amen.