Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 82

Diyos ang Kataas-taasang Hari

Awit ni Asaf.

82 Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan,
    sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan:
“Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama,
    tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah)[a]
Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila,
    at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa.
Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas!

“Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman!
    Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan,
    sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan.
Ang(A) sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan,
ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay;
    katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.”

O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian,
    ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay!

Amos 2:12-3:8

12 Ngunit pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo,
    at pinagbawalang mangaral ang mga propeta.
13 Kaya ngayo'y pababagsakin ko kayo sa lupa,
    gaya ng kariton na di makausad sa bigat ng dala.
14 Maging ang matutuling tumakbo ay di makakatakas.
    Manghihina pati na ang malalakas,
    maging ang magigiting ay di rin makakaligtas;
15 walang tatamaan ang mga manunudla;
    di makakaligtas ang matutuling tumakbo,
    di rin makakatakas ang mga nakakabayo.
16 Sa araw na iyon ay magsisitakas
    maging ang pinakamatatapang.”

Pakinggan ninyo, mga taga-Israel, itong sinabi ni Yahweh laban sa inyo na inilabas niya mula sa Egipto:

“Sa lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa,
    kayo lamang ang aking itinangi at inalagaan.
Kaya't kayo'y aking paparusahan
    dahil sa inyong mga kasalanan.”

Ang Gawain ng Propeta

Maaari bang magsama sa paglalakbay
    ang dalawang taong hindi nagkakasundo?
Umuungal ba ang leon sa kagubatan
    kung wala siyang mabibiktima?
Umaatungal ba ang batang leon sa loob ng yungib,
    kung wala siyang nahuling anuman?
Mabibitag ba ang isang ibon
    kung hindi pinainan?
Iigkas ba ang bitag
    kung ito'y walang huli?
Kapag ang mga trumpeta'y humudyat sa lunsod,
    hindi ba't manginginig sa takot ang mga tao?
Kapag may sakunang dumating sa lunsod,
    hindi ba si Yahweh ang may gawa niyon?
Tunay na ang Panginoong Yahweh ay di kumikilos,
    kung hindi pa ipinababatid sa mga lingkod niyang propeta.
Kapag umungal ang leon,
    sino ang hindi matatakot?
Kapag nagsalita ang Panginoong Yahweh,
    sinong hindi magpapahayag?

Juan 3:16-21

16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.

18 Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. 19 Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. 20 Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos.