Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin sa Panahon ng Bagabag
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]
6 O(A) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
2 Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
3 Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?
4 Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
5 Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?
6 Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
7 Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.
8 Kayong(B) masasama, ako'y inyong layuan,
pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
9 Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.
19 Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Humayo kang payapa.”
Nang malayu-layo na si Naaman, 20 naisaloob ni Gehazi na lingkod ni Eliseo, “Hindi tinanggap ng aking panginoon ang ibinibigay sa kanya ni Naaman? Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] hahabulin ko ang taga-Siriang iyon at hihingi ako sa kanya ng kahit ano.”
21 Sinundan nga niya si Naaman. Nang makita siya nitong tumatakbo, bumabâ ito ng karwahe. Sinalubong siya nito at tinanong, “May problema ba?”
22 Sumagot siya, “Wala naman po. Pinasunod lang ako ng aking panginoon para sabihing may dumating na dalawang mahirap na propeta mula sa Efraim. Kung maaari raw ay bigyan mo sila ng 35 kilong pilak at dalawang bihisang damit.”
23 Sinabi ni Naaman, “Tanggapin mo sana itong 70 kilong pilak.” At pilit niyang ibinigay ang 70 kilong pilak. Isinilid ito sa dalawang supot kasama ng dalawang bihisang damit at ipinapasan sa dalawa niyang tauhan. At ang mga ito'y naunang lumakad kay Gehazi. 24 Pagdating sa burol, kinuha niya sa dalawa ang mga dala nito at pinabalik na kay Naaman. At itinago niya sa bahay ang mga supot at mga damit. 25 Pagkatapos, bumalik siya sa kanyang panginoon. Tinanong siya nito, “Saan ka galing, Gehazi?”
“Hindi po ako umaalis,” sagot niya.
26 Sinabi ni Eliseo, “Hindi ba't kasama mo ang aking espiritu nang bumabâ sa karwahe si Naaman at salubungin ka. Hindi ngayon panahon ng pagtanggap ng salapi, damit, taniman ng olibo, ubasan, tupa, baka at mga alipin! 27 Kaya't ang sakit sa balat ni Naaman na parang ketong ay mapupunta sa iyo at sa mga susunod mong salinlahi.” Nang umalis si Gehazi, nagkaroon siya ng maputing sakit sa balat na parang ketong.
28 Pagkarinig nito, nagsiklab ang kanilang galit at sila'y nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” 29 Kaya't nagkagulo ang mga tao sa buong lungsod; sama-sama silang sumugod sa tanghalan at kinaladkad nila roon sina Gaius at Aristarco, mga taga-Macedoniang kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nais sana ni Pablong humarap sa madla, ngunit hindi siya pinayagan ng mga kapatid. 31 Nagpasugo rin sa kanya ang ilang kaibigang mga pinuno sa lalawigang Asia. Mahigpit siyang pinakiusapang huwag pumunta sa tanghalan. 32 Magulung-magulo ang kapulungan; may sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman. Hindi alam ng karamihan kung bakit sila nagkatipun-tipon doon. 33 Inakala ng ilang naroon na si Alejandro ang dahilan sapagkat siya ang ibinungad ng mga Judio sa madla. Sumenyas si Alejandro sa mga tao na tumahimik upang siya'y makapagpaliwanag. 34 Subalit nang makilala nilang siya'y isang Judio, sabay-sabay silang sumigaw sa loob ng dalawang oras, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!”
35 Sa wakas ang mga tao'y napatahimik ng isang opisyal ng lungsod. At kanyang sinabi, “Mga taga-Efeso! Sino ang hindi nakakaalam na ang lungsod ng Efeso ang siyang tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis at ng banal na batong nahulog mula sa langit? 36 Hindi maaaring pabulaanan ninuman ang mga bagay na ito. Kaya't huminahon kayo! Huwag kayong magpabigla-bigla. 37 Hindi naman nagnanakaw sa templo ang mga taong dinala ninyo rito. Hindi rin nila nilalait ang ating diyosa. 38 Kung si Demetrio at ang mga manggagawang kasama niya ay may reklamo laban sa kaninuman, bukás ang mga hukuman, at may mga pinuno tayo. Doon sila magsakdal. 39 Ngunit kung may iba pa kayong habol, maaaring pag-usapan iyan sa isang pagpupulong ng mga mamamayan na naaayon sa batas. 40 Dahil sa nangyari ngayong araw na ito, maaaring maparatangan tayo na nanggugulo sa bayan, at wala tayong maibibigay na dahilan o katuwiran sa kaguluhang ito.” 41 Pagkatapos, pinauwi na niya ang mga tao.
by