Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 44

Panalangin Upang Iligtas

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

44 Ang gawa mo noong una dakilang mga bagay,
    narinig po namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal;
Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan,
    at ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay;
sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay,
    samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan,
hindi sila ang gumapi sa lupain na minana,
    hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila;
hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata,
    kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama;
    oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay,
    pagwawagi'y kaloob mo sa bayang iyong hinirang.
Dahilan sa iyong lakas, talo namin ang kaaway,
    pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan.
Palaso ko, aking tabak, hindi ko rin inasahan,
    upang itong kaaway ko ay magapi sa labanan.
Ngunit ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay,
    sa sinumang namumuhing malulupit na kaaway.
Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin;
    sa papuri't pasalamat ika'y aming tatanghalin. (Selah)[b]
Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami
ay nalupig,
    hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik;
10 Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
    aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
11 Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa,
    matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa.
12 Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga;
    sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha.

13 Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa,
    kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina.
14 Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
    sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
15 At lagi kong alaala mapait na karanasan,
    aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan.
16     Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay,
    ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway.

17 Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka;
    ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala,
    at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina.
18 Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas,
    hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag.
19 Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan,
    sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan.

20 Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil,
    at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin,
21 ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim,
    sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin.
22 Dahil(A) po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
    turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.

23 Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising.
    Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil.
24 Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din,
    ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin.

25 Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa;
    sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta.
26 Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas,
    dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas!

Hosea 6:11-7:16

11 “Nakatakda na rin ang parusa sa iyo, Juda,
    sa sandaling ibalik ko ang kasaganaan ng aking bayan.

Nais ko sanang pagalingin ang Israel,
    ngunit nakikita ko naman ang kabulukan ng Efraim,
    at ang masasamang gawa ng Samaria.
Sila'y manlilinlang, magnanakaw at tulisan.
Hindi nila naiisip na hindi ko nakakalimutan
    ang lahat ng kanilang masasamang gawain.
Sila'y lipos ng kasamaan,
    at nakikita ko ang lahat ng ito.”

Sabwatan sa Palasyo

“Napapaniwala nila ang hari sa kanilang kasamaan,
    at maging ang mga pinuno ay kanilang nalinlang.
Lahat sila'y mangangalunya;
    para silang nag-aapoy na pugon
na pinababayaan ng panadero,
    mula sa panahon ng pagmamasa hanggang sa panahon ng pag-alsa.
Nang dumating ang araw ng ating hari,
    nalasing sa alak ang mga pinuno,
    at pati ang hari'y nakipag-inuman sa mga manlilibak.
Nag-aalab[a] na parang pugon ang kanilang mga puso;
    pawang kasamaan ang kanilang binabalak.
    Magdamag na nag-aalimpuyo ang kanilang galit,
    at kinaumagaha'y nagliliyab na parang apoy.
Lahat sila'y parang pugon na nag-iinit sa galit,
    pinatay nila ang kanilang mga pinuno.
Bumagsak ang lahat ng mga hari nila;
    at wala ni isa mang nakaisip na sa aki'y tumawag.”

Ang Israel at ang mga Bansa

“Nakikisama ang Efraim sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosan;
    ang katulad nila'y tinapay na hindi lubusang luto.
Inuubos ng mga dayuhan ang lakas ni Efraim,
    ngunit hindi niya ito namamalayan.
Pumuputi ang kanyang buhok,
    at hindi niya ito napapansin.
10 Ang kapalaluan ng Israel ang magpapahamak sa kanila.
    Gayunman, ayaw nilang manumbalik kay Yahweh na kanilang Diyos,
    ayaw nilang hanapin ang kanilang Diyos.
11 Ang Efraim ay katulad ng isang kalapati,
    mangmang at walang pang-unawa;
    tumatawag sa Egipto, at sumasangguni sa Asiria.
12 Sa kanilang pag-alis, lambat ko sa kanila'y ihahagis,
    huhulihin ko sila na parang mga ibon sa papawirin.
    Paparusahan ko sila dahil sa masasama nilang gawain.

13 “Mapapahamak sila dahil sa paglayo sa akin!
    Lilipulin sila sapagkat naghimagsik sila laban sa akin!
Tutubusin ko sana sila,
    ngunit nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
14 Tumatangis sila sa kanilang mga higaan,
    ngunit hindi taos puso ang kanilang pagtawag sa akin.
Sinasaktan nila ang sarili dahil sa pagkain at sa alak,
    pagkatapos ay naghihimagsik sila laban sa akin.
15 Bagama't sinanay ko sila at pinalakas,
    nagbalak pa sila ng masama laban sa akin.
16 Humihingi sila ng tulong kay Baal;
    ang katulad nila'y taksil na mandirigma.
Masasawi sa espada ang mga pinuno nila
    dahil sa kanilang palalong dila.
Ito ang dahilan ng panlilibak sa kanila sa lupain ng Egipto.”

Mateo 5:43-48

Pagmamahal sa Kaaway(A)

43 “Narinig(B) ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang(C) kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.

46 “Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya(D) maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.”