Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 7

Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan

Shigaion[a] ni David na kanyang inawit kay Yahweh; patungkol kay Cus, na isang Benjaminita.

O Yahweh, aking Diyos, sa iyo ako lumalapit,
    iligtas mo ako sa mga taong sa aki'y tumutugis,
kundi, sila'y parang leon na lalapa sa akin
    kung walang magliligtas, ako nga ay papatayin.
O Yahweh, aking Diyos, kung ako ma'y nagkasala,
    at kung aking mga kamay ay puminsala sa iba,
    kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan,
    kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway,
payag akong hulihin, patayin kung kailangan,
    iwan akong walang buhay at sa lupa'y mahandusay. (Selah)[b]

O Yahweh, bumangon ka, puksain mo ang kaaway,
    ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay!
    Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan,
    dahil ang hangad mo'y maghari ang katarungan.
Tipunin mo sa iyong piling ang lahat ng mga bansa,
    at mula sa trono sa kaitaasan, ikaw, Yahweh, ang mamahala.
Sa lahat ng mga bayan, ikaw ang hukom na dakila,
    humatol ka sa panig ko sapagkat ako'y taong tapat.
Ikaw(A) ay isang Diyos na matuwid,
    batid mo ang aming damdamin at pag-iisip;
sugpuin mo ang gawain ng masasama,
    at ang mabubuti'y bigyan mo ng gantimpala.

10 Ang Diyos ang aking sanggalang;
    inililigtas niya ang may pusong makatarungan.
11 Ang Diyos ay isang hukom na makatarungan,
    at nagpaparusa sa masama sa bawat araw.
12 Kung di sila magbabago sa masasama nilang gawa,
    ang tabak ng Diyos ay kanyang ihahasa;
    pati ang kanyang pana ay kanyang ihahanda.
13 Mga pamatay na sandata ay kanyang itatakda,
    kanya ring iuumang ang mga palasong nagbabaga.

14 Pagmasdan mo ang masama, sa baluktot niyang isip,
    ipinaglilihi niya ang kalokohan at ipinanganganak niya ang kasamaan.
15 Humuhukay ng patibong para sa ibang tao,
    subalit siya rin mismo ang nahuhulog dito.
16 Siya rin ang may gawa sa parusang tinatanggap,
    sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap.

17 Pasasalamatan ko si Yahweh sa kanyang katarungan,
    aawitan ko ng papuri ang Kataas-taasan niyang ngalan.

Amos 5:1-9

Panawagan Upang Magsisi

Mga taga-Israel, pakinggan ninyo ang panaghoy kong ito tungkol sa inyo:

Nabuwal ang Israel at di na makakabangon.
Nakahandusay siya at sa kanya'y walang tumutulong.

Sinabi ng Panginoong Yahweh,
“Sa sanlibong kawal na inatasan ng isang lunsod,
    iisang daan ang makakabalik;
sa sandaan namang inatasan ng isa pang lunsod,
    ang makakabalik ay sampu na lamang.”

Ito pa ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Israel:
“Lumapit kayo sa akin at kayo'y mabubuhay;
    huwag kayong pumunta sa Bethel upang humingi ng tulong;
    huwag kayong pumunta doon sa Beer-seba,
sapagkat ang mga taga-Gilgal ay tiyak na mabibihag,
    at ang Bethel ay mawawalang kabuluhan.”

Lumapit kayo kay Yahweh at kayo'y mabubuhay.
    Kung hindi, bababâ siyang parang apoy sa mga anak ni Jose,
    susunugin ang Bethel at walang makakasugpo sa apoy na ito.
Kahabag-habag kayo na nagkakait ng katarungan
    at yumuyurak sa karapatan ng mga tao!

Nilikha(A) ni Yahweh ang Pleyades at ang Orion.
    Itinatakda niya ang araw at ang gabi.
Tinipon niya ang tubig mula sa karagatan,
    upang muling ibuhos sa sangkalupaan;
Yahweh ang kanyang pangalan.
Winawasak niya ang mga kuta at dinudurog ang mga tanggulan.

Mateo 25:31-46

Ang Paghuhukom

31 “Sa(A) maluwalhating pagdating ng Anak ng Tao, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Tipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat(B) ako'y nagugutom at ako'y inyong pinakain; ako'y nauuhaw at ako'y inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y hubad at ako'y inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’

37 “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y hubad at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’

40 “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’

41 “Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko, kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y hubad. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’

44 “At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, hubad, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?’

45 “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ 46 Itataboy(C) ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan.”