Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Diyos ang Siyang Huhusga
Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.
75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
2 Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
walang pagtatanging ako ay hahatol.
3 Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
maubos ang tao dito sa daigdig,
ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
4 “Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
5 Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”
6 Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
7 Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
8 Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
ng taong masama, hanggang sa ubusin.
9 Subalit ako ay laging magagalak;
ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
sa mga matuwid nama'y itataas!
Tinulungan ni Eliseo ang Isang Biyuda
4 Minsan, ang asawa ng isa sa mga propeta ay lumapit kay Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po kaila sa inyo na ang asawa ko'y namuhay nang may takot kay Yahweh hanggang sa mamatay. Ngayon po, ang dalawa kong anak na lalaki ay gustong gawing alipin ng isa sa mga pinagkakautangan namin.”
2 “Ano ang maitutulong ko sa iyo?” tanong ni Eliseo. “Ano bang mayroon ka sa bahay mo?”
“Wala po, maliban sa isang boteng langis,” sagot niya.
3 Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang iyong mga kapitbahay at humiram ka ng mga lalagyan ng langis hangga't mayroon kang mahihiram. 4 Pagkatapos, magkulong kayong mag-iina sa inyong bahay at lahat ng lalagyang nahiram mo'y punuin mo ng langis na nasa bahay mo. Itabi mo ang mga napuno na.” 5 Umuwi nga ang babae at pagdating sa bahay ay nagkulong silang mag-iina at isa-isang pinuno ng langis ang mga lalagyan habang ang mga ito'y dinadala sa kanya ng kanyang mga anak.
6 Hindi alam ng ina na puno nang lahat kaya sinabi niya: “Abutan pa ninyo ako ng lalagyan.”
“Puno na pong lahat,” sagot ng kanyang mga anak. At tumigil na ang pagdaloy ng langis.
7 Pumunta siya kay Eliseo, ang lingkod ng Diyos at isinalaysay ang nangyari. Sinabi ni Eliseo sa babae, “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang iyong mga utang. Ang matitira ay gamitin ninyong mag-iina.”
Mga Pag-uusig na Darating(A)
16 “Tingnan(B) ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. 17 Mag-ingat(C) kayo sapagkat kayo'y dadakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag iniharap na kayo sa hukuman, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magsasalita sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin. 20 Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
21 “Ipagkakanulo(D) ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 22 Kapopootan(E) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 23 Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.
24 “Walang(F) alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. 25 Sapat(G) nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay.”
by