Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 7

Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan

Shigaion[a] ni David na kanyang inawit kay Yahweh; patungkol kay Cus, na isang Benjaminita.

O Yahweh, aking Diyos, sa iyo ako lumalapit,
    iligtas mo ako sa mga taong sa aki'y tumutugis,
kundi, sila'y parang leon na lalapa sa akin
    kung walang magliligtas, ako nga ay papatayin.
O Yahweh, aking Diyos, kung ako ma'y nagkasala,
    at kung aking mga kamay ay puminsala sa iba,
    kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan,
    kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway,
payag akong hulihin, patayin kung kailangan,
    iwan akong walang buhay at sa lupa'y mahandusay. (Selah)[b]

O Yahweh, bumangon ka, puksain mo ang kaaway,
    ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay!
    Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan,
    dahil ang hangad mo'y maghari ang katarungan.
Tipunin mo sa iyong piling ang lahat ng mga bansa,
    at mula sa trono sa kaitaasan, ikaw, Yahweh, ang mamahala.
Sa lahat ng mga bayan, ikaw ang hukom na dakila,
    humatol ka sa panig ko sapagkat ako'y taong tapat.
Ikaw(A) ay isang Diyos na matuwid,
    batid mo ang aming damdamin at pag-iisip;
sugpuin mo ang gawain ng masasama,
    at ang mabubuti'y bigyan mo ng gantimpala.

10 Ang Diyos ang aking sanggalang;
    inililigtas niya ang may pusong makatarungan.
11 Ang Diyos ay isang hukom na makatarungan,
    at nagpaparusa sa masama sa bawat araw.
12 Kung di sila magbabago sa masasama nilang gawa,
    ang tabak ng Diyos ay kanyang ihahasa;
    pati ang kanyang pana ay kanyang ihahanda.
13 Mga pamatay na sandata ay kanyang itatakda,
    kanya ring iuumang ang mga palasong nagbabaga.

14 Pagmasdan mo ang masama, sa baluktot niyang isip,
    ipinaglilihi niya ang kalokohan at ipinanganganak niya ang kasamaan.
15 Humuhukay ng patibong para sa ibang tao,
    subalit siya rin mismo ang nahuhulog dito.
16 Siya rin ang may gawa sa parusang tinatanggap,
    sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap.

17 Pasasalamatan ko si Yahweh sa kanyang katarungan,
    aawitan ko ng papuri ang Kataas-taasan niyang ngalan.

Amos 4:6-13

“Ginutom(A) ko kayo sa bawat lunsod;
    walang tinapay na makain sa bawat bayan,
gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin.
Hindi ko rin pinapatak ang ulan
    na kailangan ng inyong halaman.
Nagpaulan ako sa isang lunsod ngunit sa iba'y hindi.
Dinilig ko ang isang bukirin ngunit ang iba'y hinayaang matuyo.
Kaya't naghanap ang mga tao mula sa dalawa o tatlong lunsod
    ng tubig sa karatig-lunsod ngunit di rin napatid ang kanilang uhaw.
Gayunman, hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.

“Sinira ko ang inyong pananim,
    sa pamamagitan ng mainit na hangin at amag.
Kinain ng mga balang ang inyong mga halaman, pati ang mga puno ng ubas, igos at olibo,
gayunma'y hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.

10 “Pinadalhan ko kayo ng salot tulad ng aking ginawa sa Egipto.
    Pinatay ko sa digmaan ang inyong kabinataan;
inagaw ko ang inyong mga kabayo.
    Bumaho ang inyong mga kampo dahil sa mga nabubulok na bangkay; halos hindi kayo makahinga,
subalit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin.

11 “Pinuksa(B) ko ang ilan sa inyong lunsod tulad ng Sodoma at Gomorra.
    Kayo'y parang nagbabagang kahoy na inagaw sa apoy,
ngunit ayaw pa rin ninyong manumbalik sa akin,” sabi ni Yahweh.

12 “Mga taga-Israel, gagawin ko ito sa inyo,
    kaya humanda kayong humarap sa inyong Diyos!”

13 Siya ang lumikha ng mga bundok at ng hangin,
    at ang nagpapahayag sa mga tao ng kanyang kaisipan.
Ginagawa niyang gabi ang araw;
    siya ang naghahari sa buong sanlibutan.
Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang pangalan!

1 Juan 3:11-17

Magmahalan Tayo

11 Ito(A) ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12 Huwag(B) tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.

13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. 14 Nalalaman(C) nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. 16 Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid. 17 Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos?