Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Gawa 16:16-34

Sa Bilangguan sa Filipos

16 Isang araw, nang kami'y papunta sa pook-dalanginan, nasalubong namin ang isang batang babaing alipin. Sinasapian siya ng masamang espiritu kaya siya nakakapanghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Sinundan-sundan niya kami nina Pablo, at sumisigaw ng ganito: “Ang mga taong ito'y lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”

18 Marami nang araw na ginagawa niya iyon kaya't nainis na si Pablo. Hinarap niya ang bata at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa babaing iyan!” At noon di'y lumabas ang espiritu.

19 Nang makita ng mga amo ng bata na nawala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, kinaladkad sa liwasang-bayan at iniharap sa mga maykapangyarihan. 20 Iniharap sila sa mga pinuno ng lungsod at pinaratangan ng ganito: “Nanggugulo po sa lungsod ang mga Judiong ito. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin maaaring sundin ang mga itinuturo nila.” 22 Nakisali ang mga tao sa pananakit sa kanila, at pinahubaran sila ng mga pinuno at ipinahagupit. 23 Pagkatapos hampasin nang paulit-ulit, sila'y ipinabilanggo at pinabantayang mabuti. 24 Ipinasok sila ng bantay sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy.

25 Nang maghahatinggabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo. 26 Walang anu-ano'y lumindol nang malakas at nayanig pati ang mga pundasyon ng bilangguan. Biglang nabuksan ang mga pinto at nakalag ang mga tanikala ng lahat ng bilanggo. 27 Nagising ang bantay ng bilangguan, at nang makita niyang bukás ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana. 28 Ngunit sumigaw si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Narito kaming lahat!”

29 Humingi ng ilaw ang bantay, patakbong pumasok at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Sila ay inilabas niya at sinabi, “Mga ginoo, ano po ang dapat kong gawin upang ako'y maligtas?”

31 Sumagot naman sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 At ang salita ng Panginoon ay ipinahayag nila sa kanya at sa lahat ng nasa kanyang bahay. 33 Nang oras ding iyon, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, pati ang buo niyang sambahayan. 34 Pagkatapos, sila ay isinama niya sa kanyang tahanan at ipinaghanda ng pagkain. Masayang-masaya ang bantay at ang kanyang buong sambahayan, sapagkat sila'y sumampalataya sa Diyos.

Mga Awit 97

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

97 Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo!
    Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo!
Ang paligid niya'y ulap na punô ng kadiliman,
    kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan.
Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,
    sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,
    kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw,
    sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan.
Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran,
    sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.
    Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya,
    nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,
    dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,
    dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.

10 Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama,
    siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya;
    sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya.
11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
    sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
12 Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak,
    sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat.

Pahayag 22:12-14

12 At(A) sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa! 13 Ako(B) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.”

14 Pinagpala(C) ang naglilinis ng kanilang kasuotan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay.

Pahayag 22:16-17

16 “Akong(A) si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang ang mga bagay na ito'y ipahayag sa inyo na nasa mga iglesya. Ako ang ugat at supling ni David; ako ang maningning na bituin sa umaga.”

17 Sinasabi(B) ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halikayo!”

Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!”

Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito'y walang bayad.

Pahayag 22:20-21

20 Sinasabi ng nagpapatotoo sa lahat ng ito, “Tiyak na nga! Darating na ako!”

Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus!

21 Nawa'y makamtan ng lahat[a] ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesus.

Amen.

Juan 17:20-26

20 “Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. 21 Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang sanlibutan ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Ibinigay ko na sa kanila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin upang sila'y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa: 23 ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, malalaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at sila'y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin.

24 “Ama, sila na ibinigay mo sa akin ay nais kong makasama sa kinaroroonan ko upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig. 25 Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng sanlibutan, ngunit kilala kita, at alam rin ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. 26 Ipinahayag ko na sa kanila kung sino ka, at patuloy ko itong ipapahayag, upang ang pagmamahal mo sa akin ay manatili sa kanila, at ako ay manatili rin sa kanila.”