Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
1 Mga Hari 19:1-4

Nagpunta si Elias sa Sinai

19 Sinabi ni Haring Ahab sa kanyang asawang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias at kung paano pinatay ni Elias ang lahat ng mga propeta ni Baal. Kaya't nagpadala si Jezebel ng isang sugo upang sabihin kay Elias, “Patayin sana ako ng mga diyos kung hindi ko gagawin sa iyo sa ganito ring oras ang ginawa mo sa mga propeta.” Natakot si Elias na mamatay, kaya't umalis siya at nagpunta sa Beer-seba, sa lupain ng Juda, kasama ang kanyang utusan.

Iniwan niya roon ang kanyang utusan at(A) mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno at nanalangin nang ganito: “Yahweh, kunin na po ninyo ako. Ako po'y hirap na hirap na. Mabuti pa pong mamatay na ako.”

1 Mga Hari 19:5-7

Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya nito at ang sabi, “Gising na at kumain ka!” Nang siya'y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang lalagyan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga muli. Ngunit bumalik ang anghel ni Yahweh, ginising siya muli at sinabi, “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.”

1 Mga Hari 19:8-15

Kumain nga siyang muli at uminom. At ang pagkaing iyo'y nagbigay sa kanya ng sapat na lakas upang maglakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Sinai,[a] ang Bundok ng Diyos.

Kinausap ni Yahweh si Elias

Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano'y nagsalita sa kanya si Yahweh, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”

10 Sumagot(A) si Elias, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa inyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”

11 Ganito ang sagot sa kanya: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito'y dumaan si Yahweh at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin si Yahweh. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol si Yahweh. 12 Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat si Yahweh. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.

13 Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng kuweba. Narinig niya ang isang tinig na nagsabi, “Elias, anong ginagawa mo rito?”

14 Sumagot siya, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lamang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa iyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”

15 Sinabi(B) sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka sa ilang na malapit sa Damasco. Pagkatapos, pumasok ka sa lunsod at buhusan mo ng langis si Hazael bilang hari ng Siria;

Mga Awit 42

IKALAWANG AKLAT

Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
    gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
    kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
    naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
    “Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”

Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
    ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
    papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
    pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
    Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.

Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
    habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
    di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
    at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
    ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
    na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
    gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
    dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.

Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
    “Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
    habang sila'y nagtatanong,
    “Ang Diyos mo ba ay nasaan?”

11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
    magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
    ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.

Mga Awit 43

Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)

43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
    at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
    sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?

Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
    upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
    sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
    yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
    buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
    Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
    itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!

Galacia 3:23-29

23 Bago dumating ang panahon ng pananampalataya, tayo'y nakakulong sa Kautusan hanggang sa ang pananampalatayang ito kay Cristo ay mahayag. 24 Kaya't ang Kautusan ang naging taga-disiplina natin hanggang sa dumating si Cristo upang tayo'y maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 25 Ngayong dumating na ang panahon ng pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng taga-disiplina.

26 Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. 27 Si Cristo mismo ang inyong isinuot na parang damit nang kayo'y nabautismuhan sa inyong pakikipag-isa sa kanya. 28 Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 29 At(A) kung kayo'y kay Cristo, kayo'y mga anak ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos.

Lucas 8:26-39

Ang Pagpapagaling sa Geraseno(A)

26 Dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno,[a] katapat ng Galilea sa kabilang ibayo ng lawa. 27 Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasapian ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit, ni ayaw ring tumira sa bahay kundi sa mga kuwebang libingan namamalagi. 28 Nang makita si Jesus ay nagsisisigaw ang lalaki, nagpatirapa at sinabi nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29 Ganoon ang sinabi nito sapagkat inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu. Madalas itong sinasapian ng masasamang espiritu, at kahit ito'y bantayan at tanikalaan ang paa't kamay, pinaglalagut-lagot lamang nito ang mga iyon. Siya'y dinadala ng demonyo sa mga liblib na pook.

30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?”

“Batalyon,” sagot niya, sapagkat marami ang demonyong pumasok sa kanya. 31 Nagmakaawa kay Jesus ang mga demonyo na huwag silang itapon sa kalalimang walang hanggan.

32 Samantala, may malaking kawan ng baboy na nagsisikain sa isang bundok na malapit doon. Nakiusap ang mga demonyo na papasukin sila sa mga iyon, at pinahintulutan naman sila ni Jesus. 33 Lumabas sa tao ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy. Ang kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin at tuluy-tuloy na nahulog sa lawa at nalunod.

34 Nang makita ito ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon. 35 Lumabas ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasapian ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, nakadamit na at matino na ang isip. Sila'y lubhang natakot. 36 Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita kung paanong gumaling ang dating sinasapian ng mga demonyo. 37 Kaya't nakiusap kay Jesus ang mga Geraseno[b] na umalis na lamang siya sa kanilang lupain, sapagkat sila'y takot na takot. Kaya't sumakay siya sa bangka at umalis sa pook na iyon. 38 Nakiusap kay Jesus ang taong inalisan ng mga demonyo na siya'y isama nito.

Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, 39 “Umuwi ka na at ipamalita mo ang dakilang bagay na ginawa sa iyo ng Diyos.”

Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.