Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 124

Ang Diyos ang Tagapagtanggol ng Kanyang Bayan

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

124 Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin;
    O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin?
“Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig,
    noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit,
maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy
    sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan.
Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos,
    naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod;
    sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos.

Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan,
    pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway.
Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas;
    lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak.
Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula,
    pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha.

Mga Kawikaan 8:4-21

“Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan,
    para nga sa lahat itong aking panawagan.
Kayong walang nalalaman ay mag-aral na maingat,
    at kayong mga mangmang, pang-unawa ay ibukas.
Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga,
    bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda.
Pawang katotohanan itong aking bibigkasin,
    at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling.
Itong sasabihin ko ay pawang matuwid,
    lahat ay totoo, wala akong pinilipit.
Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa,
    at sa marurunong ito ay pawang tama.
10 Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak,
    at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas.

11 “Pagkat(A) akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas,
    anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.
12 Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan,
    itinuturo ko ang landas ng hinaho't karunungan.
13 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan.
Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan,
    sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan.
14 Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan,
    ganoon din naman, unawa't kapangyarihan.
15 Dahil sa akin, ang hari'y nakapamamahala,
    nagagawa ng mga pinuno ang utos na siyang tama.
16 Talino ng punong-bayan ay sa akin nagmumula,
    at ako rin ang dahilan, dangal nila't pagdakila.
17 Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal,
    kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan.
18 Ang yaman at karangalan ay aking tinataglay,
    kayamanang walang maliw, kasaganaan sa buhay.
19 Ang bunga ko ay higit pa sa gintong dinalisay,
    mataas pa kaysa pilak ang halagang tinataglay.
20 Ang landas kong dinaraanan, ay daan ng katuwiran,
    ang aking tinatahak, ay landas ng katarungan.
21 Ang sa aki'y nagmamahal binibigyan ko ng yaman,
    aking pinupuno ang kanilang mga sisidlan.

Efeso 5:15-20

15 Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. 16 Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon.

18 Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. 19 Sa(A) inyong pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. 20 Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.