Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
2 Mga Hari 2:1-2

Dinala si Elias ng Karwaheng Apoy

Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ni Yahweh sa pamamagitan ng ipu-ipo. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal. Sinabi ni Elias, “Maiwan ka na rito at ako'y pinapapunta ni Yahweh sa Bethel.”

Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At magkasama silang pumunta sa Bethel.

2 Mga Hari 2:6-14

Sinabi muli ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jordan.”

Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad. Sinundan sila ng limampung propeta at sila'y tinanaw sa di-kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid sa tuyong lupa.

Pagkatawid(A) nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.”

Sumagot si Eliseo, “Kung maaari'y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.”

10 Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, kapag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” 11 Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.

12 Kitang-kita(B) ito ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” At nawala na sa paningin niya si Elias.

Pinalitan ni Eliseo si Elias

Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan. 13 Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at bumalik sa pampang ng Ilog Jordan. 14 Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya'y tumawid.

Mga Awit 77:1-2

Kaaliwan sa Panahon ng Bagabag

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Mang-aawit na si Jeduthun.

77 Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas,
    ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad.
Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag,
    hindi ako napagod, dumalangin na magdamag,
    ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad.

Mga Awit 77:11-20

11 Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa,
    ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga.
12 Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay,
    magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan.

13 Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal,
    at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay.
14 Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga,
    iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha.
15 Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos,
    ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah)[a]

16 Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig,
    pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig.
17 Magmula sa mga ulap mga ulan
ay bumuhos,
    at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog
    na katulad ay palasong sumisibat sa palibot.

18 Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot,
    ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob;
    pati mundo ay nayanig na para bang natatakot.
19 Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan,
    ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan;
    ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan.
20 Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan,
    si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay!

Galacia 5:1

Manatili Kayong Malaya

Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!

Galacia 5:13-25

13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat(A) ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mag-ingat kayo at baka tuluyan ninyong sirain ang isa't isa.

Ang Espiritu at ang Laman

16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu at hindi ninyo pagbibigyan ang mga pagnanasa ng laman. 17 Sapagkat(B) ang mga pagnanasa ng laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu ay laban sa mga pagnanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito kaya napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin. 18 Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan.

19 Hindi maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; 20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, 21 pagkainggit, [pagpatay][a] paglalasing, walang habas na pagsasaya, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos.

22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, 23 kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ganito. 24 At ipinako na sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang laman at ang masasamang hilig nito. 25 Kung binigyan tayo ng buhay ng Espiritu, mamuhay rin tayo ayon sa Espiritu.

Lucas 9:51-62

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria

51 Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 52 Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. 53 Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang(A) makita ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan kami ng apoy mula sa langit upang sila'y lipulin [tulad ng ginawa ni Elias]?[a]

55 Ngunit hinarap sila ni Jesus at sila'y pinagalitan. [“Hindi ninyo alam kung anong espiritu ang nasa inyo. Ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang ipahamak kundi iligtas ang mga tao.”][b] 56 At nagpunta sila sa ibang nayon.

Pagsunod kay Jesus(B)

57 Samantalang sila'y naglalakad, may isang lalaking lumapit at nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan kayo pumunta.” 58 Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang mapagpahingahan.” 59 At sinabi naman niya sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan lang po muna ninyong maipalibing ko ang aking ama.” 60 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hayaan mo na ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.” 61 May(C) isa namang nagsabi sa kanya, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit hayaan ninyong magpaalam muna ako sa aking pamilya.” 62 At ganito naman ang tugon ni Jesus, “Sinumang nagsimulang mag-araro ngunit panay ang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”