Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
16 Ginawa ni Moises ang lahat ayon sa iniutos ni Yahweh. 17 Kaya, ang tabernakulo'y itinayo nila noong unang araw ng unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto. 18 Si Moises ang nagtayo ng tabernakulo. Inilagay niya ang mga tuntungan nito, itinayo ang mga balangkas, isinuot sa mga argolya ang mga pahalang na balangkas at itinayo ang mga poste. 19 Nilatagan niya ng lona ang ibabaw nito at inatipan, tulad ng iniutos ni Yahweh. 20 Inilagay niya sa loob ng Kaban ng Tipan ang mga tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Isinuot sa mga argolya ng Kaban ang mga pasanan at ipinatong ang Luklukan ng Awa. 21 Ipinasok niya sa tolda ang Kaban ng Tipan at tinabingan, ayon sa utos ni Yahweh.
22 Ang mesa ay inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan, sa may gawing hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing. 23 Tulad ng utos ni Yahweh, ipinatong niya sa mesa ang tinapay na panghandog. 24 Inilagay niya ang ilawan sa loob ng Toldang Tipanan, sa gawing timog ng tabernakulo, sa tapat ng mesa at 25 iniayos ang mga ilaw, tulad ng utos ni Yahweh. 26 Inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan ang altar na ginto, sa harap ng tabing. 27 Dito niya sinunog ang mabangong insenso, tulad ng utos sa kanya ni Yahweh. 28 Ikinabit niya ang tabing sa pintuan ng tabernakulo. 29 Ang altar na sunugan ng mga handog ay inilagay niya sa harap ng pintuan ng Toldang Tipanan at dito niya inialay ang mga handog na sinusunog at mga handog na pagkaing butil, tulad ng utos ni Yahweh. 30 Inilagay niya ang palanggana sa pagitan ng Toldang Tipanan at ng altar, at ito'y nilagyan ng tubig. 31 Doon naghuhugas ng paa't kamay sina Moises, Aaron at ang kanyang mga anak. 32 Tuwing papasok sila sa Toldang Tipanan o lalapit sa altar, naghuhugas sila tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. 33 Pinaligiran niya ng tabing ang tolda at ang altar; tinabingan din niya ang pintuan ng bulwagan. Natapos ni Moises ang lahat ng ipinagagawa sa kanya.
Ang Ulap at ang Tabernakulo(A)
34 Nang(B) magawâ ang Toldang Tipanan, nabalot ito ng ulap at napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. 35 Hindi makapasok si Moises sapagkat nanatili sa loob nito ang ulap at napuspos ito ng kaluwalhatian ni Yahweh. 36 Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo. 37 Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad. 38 Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ni Yahweh ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama'y ang haliging apoy. Ito'y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay.
35 Kinaumagahan, inutusan ng mga pinuno ng lungsod ang mga kawal na palayain sina Pablo at Silas. 36 Kaya't sinabi ng bantay ng bilangguan kay Pablo, “Iniutos po ng mga pinuno na palayain na kayo. Lumabas na kayo at umalis nang mapayapa.”
37 Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Ipinahagupit nila kami nang hayagan at ipinabilanggo nang hindi man lang nilitis gayong kami'y mga mamamayang Romano! At ngayo'y palihim nila kaming palalayain? Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin.” 38 Ipinaalam ng mga kawal sa mga pinuno ng lungsod ang sinabi ni Pablo, at natakot ang mga iyon nang malamang sina Pablo at Silas pala ay mamamayang Romano. 39 Kaya't sila'y pumunta sa bilangguan at humingi ng paumanhin sa dalawa. Inilabas nila sina Pablo at Silas at pinakiusapang lisanin ang lungsod. 40 Pagkalabas ng bilangguan, sina Pablo at Silas ay nagtuloy sa bahay ni Lydia at dinatnan nila roon ang mga kapatid. Bago umalis ang dalawa, pinagbilinan nila ang mga kapatid na magpakatatag sa pananampalataya.
by