Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Zion, ang Bayan ng Diyos
Awit na katha ng angkan ni Korah.
48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
2 Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
3 Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.
4 Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
5 Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
pawang nagsitakas at nahintakutan.
6 Ang nakakatulad ng pangamba nila
ay pagluluwal ng butihing ina.
7 Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.
8 Sa banal na lunsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[a]
9 Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11 Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.
12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13 ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14 na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
sa buong panahon siya ang patnubay.
24 Nang matiyak ni Balaam na talagang gusto ni Yahweh na basbasan niya ang Israel, hindi na siya humanap ng palatandaan tulad ng dati. Tumanaw siya sa ilang 2 at nakita niya ang kampo ng Israel, sama-sama bawat lipi. Nilukuban siya ng Espiritu[a] ng Diyos 3 at siya'y nagsalita,
“Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor,
ang pahayag ng taong may malinaw na paningin.[b]
4 Ang pahayag ng nakikinig sa mga salita ng Diyos,
at nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan.
Kahit nabulagta sa lupa ngunit nanatiling malinaw ang paningin.
5 Anong ganda, O Jacob, ng iyong mga tolda;
kay inam, O Israel, ng iyong mga tirahan.
6 Wari'y napakalawak na libis,
parang hardin sa tabi ng batis.
Wari'y punongkahoy na mabango, itinanim ni Yahweh,
matataas na punong sedar sa tabi
ng mga bukal.
7 Ang tubig ay aapaw sa lahat niyang sisidlan,
kapangyarihan niya'y madarama sa lahat ng lugar.
Ang hari niya ay magiging mas malakas kaysa kay Agag,
at ang kanyang kaharian ay magiging napakalawak.
8 Inilabas siya ng Diyos sa bansang Egipto;
ang lakas na ginamit niya'y waring lakas ng toro.
Kaaway niya'y lulupigin pati buto'y dudurugin;
sa tulis ng kanyang pana, lahat sila'y tutuhugin.
9 Siya'y(A) parang leon sa kanyang higaan,
walang mangahas gumambala sa kanyang pagkahimlay.
Pagpalain nawa ang sa iyo ay nagpapala;
susumpain ang lahat ng sa iyo ay susumpa.”
Ang Pahayag ni Balaam
10 Galit na galit si Balac kay Balaam. Nanggigil siya sa galit at kanyang sinabi, “Ipinatawag kita upang sumpain ang aking mga kaaway. Ngunit anong ginawa mo? Tatlong beses mo pa silang binasbasan! 11 Mabuti pa'y umuwi ka na! Pararangalan sana kita pero hinadlangan iyon ni Yahweh.”
12 Sinabi ni Balaam kay Balac, “Sinabi ko na sa iyong mga sugo 13 na kahit ibigay mo sa akin ang lahat ng pilak at ginto sa iyong sambahayan ay hindi ko gagawin ang hindi ipinagagawa sa akin ni Yahweh. Sinabi ko rin sa kanila na ang sasabihin lamang sa akin ni Yahweh ang siya kong sasabihin.”
14 “Oo, uuwi ako. Ngunit sasabihin ko muna sa iyo kung ano ang gagawin sa inyo ng bayang ito balang araw.”
Ipinahayag ang Pagsilang ni Jesus
26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elizabeth, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang bayan sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang(A) dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!”
29 Naguluhan si Maria sa sinabi ng anghel at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pagbati. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig(B) ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y(C) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay walang katapusan.”
34 “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria.
35 Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't ang kamag-anak mong si Elizabeth ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat(D) walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.”
38 Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel.
by