Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 42

IKALAWANG AKLAT

Panaghoy ng Isang Dinalang-bihag

Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit.

42 Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa;
    gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa.
Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba;
    kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba?
Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis;
    naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik.
Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit,
    “Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.”

Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala
    ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama,
    papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna;
    pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya!
Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan;
    Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan.

Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap,
    habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar
    di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras.
Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong,
    at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon;
    ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon,
    na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw,
    gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan;
    dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay.

Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika,
    “Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa?
Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?”
10 Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban,
    habang sila'y nagtatanong,
    “Ang Diyos mo ba ay nasaan?”

11 Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam?
Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan;
    magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay,
    ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.

Mga Awit 43

Panalangin ng Isang Dinalang-bihag(A)

43 Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon,
    at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol;
    sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon!
Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan?
Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway?

Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan,
    upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal
    sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan.
Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog,
    yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot;
sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos,
    buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos!

Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis?
    Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig.
Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas,
    itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag!

Mga Kawikaan 11:3-13

Ang tuntunin ng matuwid ay katapatan,
    ngunit ang masama'y wawasakin ng kanyang kataksilan.
Walang halaga ang yaman sa araw ng kamatayan,
    ngunit ang katuwiran ay naglalayo sa kapahamakan.
Mas panatag ang landas ng tapat ang pamumuhay,
    ngunit nabubuwal ang masama sa sariling kabuktutan.
Ang katuwiran ng mga matuwid ang nagliligtas sa kanya,
    ngunit ang masama ay bilanggo ng kanyang masamang nasa.
Ang pag-asa ng masama ay kasama niyang pumapanaw,
    ang umasa sa kayamanan ay mawawalang kabuluhan.
Ang matuwid ay inilalayo sa bagabag,
    ngunit ang masama ay doon bumabagsak.
Ang labi ng walang Diyos, sa iba ay mapanira,
    ngunit ang dunong ng matuwid ay nagliligtas ng kapwa.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, ang bayan ay nagagalak,
    ngunit higit ang katuwaan kapag ang masama'y napapahamak.
11 Dahil sa salita ng matuwid ang bayan ay tumatatag,
    ngunit sa kasinungalingan ng masama ang lunsod ay nawawasak.
12 Ang kapos sa kaalaman ay humahamak sa kapwa,
    ngunit laging tahimik ang taong may unawa.
13 Walang maitatago sa bibig ng madaldal,
    ngunit ang tunay na kaibigan, iyong mapagkakatiwalaan.

Mateo 9:27-34

Ang Pagpapagaling sa Dalawang Bulag

27 Pag-alis ni Jesus doon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila habang nasa daan, “Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!”

28 Pagpasok ni Jesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?” “Opo, Panginoon!” sagot nila. 29 Hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari ang ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nakakita nga sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na huwag sasabihin iyon kaninuman. 31 Ngunit nang sila'y makaalis, ipinamalita nila sa buong lupaing iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.

Pinagaling ang Piping Sinasaniban ng Demonyo

32 Nang paalis na sila, dinala kay Jesus ang isang piping sinasapian ng demonyo. 33 Pinalayas ni Jesus ang demonyo at nakapagsalita agad ang pipi. Namangha ang mga tao at nasabi nila, “Kailanman ay wala pang nakitang katulad nito sa Israel!” [34 Subalit(A) sinabi naman ng mga Pariseo, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.”][a]