Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 8

Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[a]

O Yahweh, na aming Panginoon,
    sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
    Pinupuri(A) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
    kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
    pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?

Nilikha(C) mo siyang mababa sa iyo[b] nang kaunti,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
Ginawa(D) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
    sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
    mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
    lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
    at lahat ng nilikhang nasa karagatan.

O Yahweh, na aming Panginoon,
    sa buong mundo'y tunay kang dakila!

Mga Kawikaan 4:1-9

Ang Payo ng mga Magulang

Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng inyong ama,
    sasainyo ang unawa kung laging diringgin siya.
Pagkat tiyak na mabuti itong aking sinasabi,
    kaya't aking mga katuruan huwag mong isantabi.
Noong ako ay bata pa, nasa kupkop pa ni ama,
    batambata, walang malay, tanging anak nga ni ina,
itinuro niya sa akin at kanyang sinabi,
“Sa aking mga aral buong puso kang manangan,
    sundin mo ang aking utos at ikaw ay mabubuhay.
Salita ko'y huwag mong lilimutin o tatalikuran,
    ang pang-unawa at karunungan, sikaping makamtan.
Huwag mo itong pabayaan at ika'y kanyang iingatan,
    huwag mo siyang iiwanan at ika'y kanyang babantayan.
Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan,
    ito'y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal.
Karununga'y pahalagahan at ika'y kanyang itataas,
    bibigyan kang karangalan kapag iyong niyakap.
Siya'y korona sa ulo, sakdal ganda, anong inam,
    at putong ng kaluwalhatian sa iyong katauhan.”

Lucas 2:41-52

Ang Batang si Jesus sa Loob ng Templo

41 Taun-taon,(A) tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Ang batang si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang siya ay kasama ng pangkat, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Pagkatapos, siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.”

49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?”[a] 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niyang ito.

51 Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy(B) na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.