Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Zion, ang Bayan ng Diyos
Awit na katha ng angkan ni Korah.
48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
2 Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
3 Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.
4 Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
5 Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
pawang nagsitakas at nahintakutan.
6 Ang nakakatulad ng pangamba nila
ay pagluluwal ng butihing ina.
7 Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.
8 Sa banal na lunsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[a]
9 Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11 Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.
12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13 ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14 na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
sa buong panahon siya ang patnubay.
Pinanumbalik ng Diyos ang Kasaganaan sa Lupain
18 Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain,
at naawa siya sa kanyang bayan.
19 Ganito ang kanyang tugon:
“Bibigyan ko kayo ngayon ng butil, alak at langis,
upang kayo'y mabusog.
Hindi na kayo hahamakin ng ibang bansa.
20 Paaalisin ko na ang mga hukbong waring buhat sa hilaga;
itataboy ko ang iba sa disyerto.
At ang mga pangunahing hanay nila ay itataboy ko naman sa dagat sa silangan;
sa dagat sa hilaga naman ang nasa hulihan.
Aalingasaw ang baho ng kanilang mga bangkay.
Lilipulin ko sila dahil sa lahat ng ginawa nila sa inyo.”
21 “Lupain, huwag kayong matakot;
kayo ay magsaya't lubos na magalak
dahil sa lahat ng ginawa ni Yahweh para sa inyo.”
22 Mga hayop, huwag kayong matakot,
luntian na ang mga pastulan.
Namumunga na ang mga punongkahoy,
hitik na sa bunga ang igos at ang ubas.
23 “Magalak kayo, mga taga-Zion!
Matuwa kayo dahil sa ginawa ni Yahweh na inyong Diyos.
Pinaulan niya nang sapat sa taglagas,
at gayundin sa taglamig;
tulad ng dati, uulan din sa tagsibol.
24 Mapupuno ng ani ang mga giikan;
aapaw ang alak at langis sa mga pisaan.
25 Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo
nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim.
Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo.
26 Magkakaroon kayo ngayon ng saganang pagkain at kayo'y mabubusog.
Pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa inyo.
Hindi na muli pang kukutyain ang aking bayan.
27 Kaya nga malalaman ninyo na ako'y sumasainyo
at akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos.
Hindi na muling hahamakin ang aking bayan.
Ang Ipinapangaral ni Pablo
2 Mga kapatid, nang ako'y pumunta riyan, ipinahayag ko sa inyo ang hiwaga[a] ng Diyos hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng malawak na karunungan. 2 Sapagkat noong ako'y nariyan, ipinasya kong wala akong ibang ipapaalam sa inyo maliban kay Jesu-Cristo at ang kanyang kamatayan sa krus. 3 Noong(A) ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot. 4 Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu 5 upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.
Ang Karunungan ng Diyos
6 Gayunpaman, sa mga taong matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas. 7 Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan. 8 Walang(B) isa man sa mga tagapamahala sa daigdig na ito ang nakaunawa sa karunungang iyon, sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit(C) tulad ng nasusulat,
“Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga,
ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao
ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.”
10 Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang mga pinakamalalim na bagay na may kinalaman sa Diyos. 11 Walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayundin naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos.
by