Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin Upang Ingatan ng Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang pamanmanan ni Saul ang kanyang bahay upang siya'y mapatay.
59 Sa aking kaaway,
iligtas mo ako, O aking Diyos;
ingatan mo ako kapag sila'y lumusob.
2 Sa masamang tao,
ako ay iligtas, at sa pumapatay
agawin mo ako at iyong ingatan.
3 Sila'y nag-aabang,
pagmasdan mo yaong taong mababagsik;
nagtipo't ang layon ako ay iligpit.
Ang dahilan nito,
di dahil sa ako'y may pagkakamali,
4 o may pagkukulang na ako ang sanhi;
O Diyos, masdan sila at nagdudumali.
5 Tulungan mo ako,
Yahweh, Makapangyarihang Diyos.
Ikaw ang magmasid, O Diyos ng Israel!
Ikaw ay gumising,
at ang mga bansa'y iyong parusahan;
yaong mga taksil, huwag mong kahabagan. (Selah)[b]
6 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
7 Dinggin ang salita't
parang mga tabak ang dila ng bibig!
Ngunit nagtatanong:
“Sa amin ay sino ang makikinig?”
8 Ngunit ikaw, Yahweh,
tinatawanan mo't iyong kinukutya;
gayon ang gawa mo sa may salang bansa.
9 Ikaw, Panginoon,
ang aking Diyos, aking kalakasan;
ikaw ang muog ko at aking kanlungan.
10 Ako'y minamahal,
mahal ako ng Diyos, ako'y lalapitan
upang ipamalas ang kanyang paglupig sa mga kaaway.
11 Huwag mong papatayin,
nang di malimutan ng iyong mga lingkod.
Sa taglay mong lakas pangalatin sila at iyong isabog;
ikaw ang sanggalang, Yahweh, aming Diyos.
12 Sa kanilang labi'y
pawang kasamaan ang namumutawi;
sa pagmamataas, ang aking dalangin, sila ay mahuli,
pagkat sinungaling at sa pangungutya, sila'y nawiwili.
13 Wasakin mong lubos,
dahil sa iyong galit, ganap mong wasakin;
dito malalaman
ng lahat, na ika'y hari ng Israel,
at sa sansinukob ikaw ang hari din. (Selah)[c]
14 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
15 Animo'y lagalag,
lakad lang nang lakad, pagkain ang hanap;
hindi masiyahan, kapag ang nakuha nila'y hindi sapat.
16 Ngunit aawit ako,
pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas,
sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas;
pagkat ika'y muog, sa buhay kong ito,
at aking kanlungan kapag lugmok ako.
17 Pupurihin kita,
tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
Diyos kong mapagmahal.
Pinatay ni Jehu si Joram
14 Pinag-aralan ni Jehu kung paano niya mapapatay si Joram na noon ay kasama ang mga Israelitang nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria. 15 Si Haring Joram ay bumalik noon sa Jezreel upang ipagamot ang sugat na tinamo sa pakikipaglaban kay Haring Hazael at sa mga tauhan nito. Sinabi ni Jehu, “Kung talagang kakampi ko kayo, isa man sa kanila'y huwag ninyong pababayaang makapunta sa Jezreel upang ibalita ang nangyaring ito.” 16 Sumakay siya sa kanyang karwahe upang puntahan si Joram sa Jezreel na noon ay dinadalaw ni Haring Ahazias ng Juda.
17 Mula sa tore ng Jezreel, natanaw ng bantay ang pangkat ni Jehu. Sinabi niya, “May isang pangkat na dumarating.”
Sumagot si Joram, “Sabihin mong salubungin ng isa nating mangangabayo at itanong kung mga kaibigan ba sila o mga kaaway.”
18 Kaya sinalubong sina Jehu ng isang mangangabayo at sinabi, “Ipinatatanong po ng hari kung kayo'y kaibigan o kaaway.”
Sumagot si Jehu, “Kaibigan man o kaaway, wala akong pakialam. Sumunod ka na lang sa akin.”
Dahil dito sinabi ng bantay, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin dito ang pangkat.”
19 Inutusan niyang muli ang isang mangangabayo at ipinatanong kung kaibigan ba sila o kaaway. Sinabi ni Jehu, “Anong kaibigan o kaaway? Sumunod ka na lang sa akin.”
20 Sinabi uli ng bantay kay Joram, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin ang pangkat. Parang isang sira-ulo sa sobrang bilis ng pagpapatakbo ng karwahe ang kanilang pinuno; parang si Jehu na anak ni Nimshi.”
21 Sinabi ni Joram, “Ihanda ninyo ang aking sasakyan.” Dali-daling sumakay sina Joram at Ahazias at sinalubong ang pangkat ni Jehu. Nagkasalubong sila sa lupain ni Nabot. 22 Nang makilala siya ni Joram, itinanong nito, “Kapayapaan ba ang sadya mo, Jehu?”
Sumagot si Jehu, “Magkakaroon ba ng kapayapaan habang naglipana ang pagsamba sa diyus-diyosan at pangkukulam na pinalaganap ng ina mong si Jezebel?”
23 Nang marinig ito, biglang ibinuwelta ni Joram ang kanyang karwahe upang tumakas kasabay ng sigaw kay Ahazias, “Pinagtaksilan tayo!” 24 Ngunit buong lakas na pinana ni Jehu si Joram. Tinamaan siya sa likod at tumagos ang palaso sa puso. Bumagsak si Joram sa loob ng karwahe. 25 Sinabi ni Jehu sa kanyang katulong na si Bidcar, “Buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot ng Jezreel. Alalahanin mo ang pahayag ni Yahweh laban sa ama niyang si Ahab noong tayo'y kasama pa niya. 26 ‘Nakita(A) mo ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak, gagantihan kita sa lupaing ito.’ Kaya nga, buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot, upang matupad ang sinabi ni Yahweh.”
Pinag-isa kay Cristo
11 Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa sa kanilang katawan. 12 Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos. 13 Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin. 15 Pinawalang-bisa(A) niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga alituntunin nito upang mula sa dalawang lahi ay makalikha siya ng isang bagong bayan na nakipag-isa sa kanya at sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan. 16 Sa(B) pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. 17 Naparito(C) nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil na noo'y malalayo, at sa mga Judio na malalapit. 18 Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu.
19 Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. 20 Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta,[a] na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon. 22 Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
by